2010
Spencer W. Kimball (1895–1985)
Abril 2010


Paggunita sa mga Dakilang Tao

Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985)

Habang lumalaki sa kabukiran ng Arizona, natuto si Spencer W. Kimball na magsumikap sa murang edad. Apo ni Apostol Heber C. Kimball (1801–68) at anak ng isang stake president, si Spencer ay nagkaroon din ng malakas na patotoo at naging tapat sa ebanghelyo.

Noong bata pa siya, si Spencer ang madalas paakyatin sa ibabaw ng bagon ng dayami, at tinatapak--tapakan ang dayami habang kinakargahan ito ng mga kuya niya. Mainit, maalikabok, at makating gawin ito, pero ginawa niya ito—maliban kapag tumunog ang kampana ng simbahan bilang hudyat na simula na ng Primary, na noon ay idinaraos sa karaniwang araw. Hindi siya lumiban sa pagdalo at ayaw niyang lumiban doon. May ibang naisip ang mga kuya niya at sinimulan nilang bilisan ang pagkakarga ng dayami sa bagon. Nang mapansin nilang tambak na ang dayami, nangangalahati na ng daan si Spencer papuntang Primary.

Si Spencer W. Kimball ay naglingkod bilang misyonero, bishop, at stake president bago natawag na apostol noong 1943. Kakaiba ang ugali niya sa pagtatrabaho, sa kabila ng ilang malulubhang karamdamang kinabibilangan ng atake sa puso at kanser sa lalamunan. Hinikayat niya ang mga miyembro ng Simbahan na lalo pang magsumikap, at ang kanyang personal na sawikain ay “Gawin ito.” Dahil sa kanyang maselang kalusugan, inakala ng ilan na ang administrasyon ni Spencer W. Kimball bilang Pangulo ng Simbahan ay magiging maikli. Ngunit pinamunuan niya ang Simbahan nang 12 taon, at sa panahong ito ay dumoble ang bilang ng gumaganang mga templo, naragdagan ng 50 porsiyento ang bilang ng mga misyonero, at ipinagkaloob ang priesthood sa lahat ng karapat-dapat na miyembrong lalaki.

Ang kanyang di-nagmamaliw na katapatan sa ebanghelyo at magandang ugali sa trabaho ang dahilan kaya napunta si Spencer W. Kimball sa mga pamunuan ng Simbahan mula sa kanyang abang pinagmulan sa kabukiran ng Arizona. Ang kanyang administrasyon bilang Pangulo ng Simbahan ay kinakitaan ng malaking pag-unlad sa pagtatayo ng templo at gawaing misyonero. Kaliwa: Kasama ang kanyang asawang si Camilla (1894–1987).