Oras ng Pagbabahagi
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kabuuan ng Ebanghelyo sa Pamamagitan ni Joseph Smith
Ilarawan sa isipan ang isang basong puno ng malinis at dalisay na tubig. Kung matabig natin ang baso, maaaring lumigwak ang kaunting tubig at sa gayo’y hindi na puno ang baso.
Sa simula pa lang ay nasa lupa na ang kabuuan ng ebanghelyo. Sa loob ng maraming taon itinuro ng mga propeta ang ebanghelyo.
Noong nasa lupa si Jesucristo, itinatag Niya ang Kanyang Simbahan. Itinuro Niya ang kabuuan ng ebanghelyo: pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog, kaloob na Espiritu Santo, at pagsunod sa mga kautusan. Ipinakita ni Jesus sa lahat ng tao kung paano tayo dapat mamuhay. Siya ang naging Tagapagligtas nating lahat. Puno ang baso ng ebanghelyo.
Ngunit sa paglipas ng mga taon, nawala ang ilang mga bahagi ng ebanghelyo dahil iyon ay binago o hindi sinunod ng masasamang tao. Ang kabuuan ng ebanghelyo ay wala na sa lupa. Ipinangako ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak na ibibigay Niyang muli sa kanila ang kabuuan ng ebanghelyo. Tinawag Niya si Joseph Smith upang tulungan Siyang ipanumbalik ang kabuuan ng ebanghelyo.
Itinuturo sa atin sa Juan 3:16 na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak at ang ebanghelyo dahil mahal Niya ang Kanyang mga anak. Tumatawag Siya ng mga propeta para ituro sa lahat ang Kanyang ebanghelyo upang malaman natin ang daan pabalik sa Kanya.
Mapalad tayong mapasaatin ang kabuuan ng ebanghelyo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang ating mga baso ng ebanghelyo ay punung-puno, at nangako ang Ama sa Langit na hinding-hindi na muling babawiin ang ebanghelyo sa lupa.
Abril 2010 Journal Tungkol sa mga Banal na Kasulatan
Basahin ang ikaanim na saligan ng pananampalataya sa Mahalagang Perlas.
Isaulo ang saligang ito ng pananampalataya.
Manalangin sa Ama sa Langit na tulungan kayong malaman na ipinanumbalik ni Jesucristo ang kabuuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith.
Pumili ng isa sa mga aktibidad na ito, o lumikha ng sariling inyo:
-
Tulungan ang ibang tao na matutuhan ang saligang ito ng pananampalataya.
-
Basahin o ipabasa sa iba ang Joseph Smith—Kasaysayan sa Mahalagang Perlas.
-
Gawin ang gulong ng kuwento sa pahina 67. Gupitin ang dalawang gulong, at pagdikitin ng fastener ang mga ito. Gamitin ang gulong para ituro sa isang tao kung paano ipinanumbalik ni Jesucristo ang kabuuan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Joseph Smith.
-
Itinuturo ng ating mga misyonero ang mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong mundo. Ipagdasal ninyo sila. Ipagdasal na malaman kung sino ang maaanyayahan ninyong makinig sa mensahe ng mga misyonero.
Paano nakakatulong ang inyong ginawa para maunawaan ninyo ang ikaanim na saligan ng pananampalataya?
Magsulat sa inyong journal o magdrowing ng isang larawan tungkol sa ginawa ninyo.