Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nakapinid na mga Libingan
Ang mga nakasaad sa isang sales pamphlet ay parang hindi tama—halos katawa-tawa—ngunit ipinaalala nito sa akin ang isang pangako na walang hanggan ang katiyakan.
Kinabukasan matapos pumanaw ang Tatay ko, kami ni Nanay at mga kapatid ko ay nagpunta sa punerarya para ayusin ang libing. Kasama sa gagawin namin ang pagpili ng kabaong at lugar na paglilibingan.
Habang pinag-iisipan namin ang mga opsiyon, napansin ko ang isang sales pamphlet na nagsasabi ng tungkol sa isang uri ng puntod. Sabi rito, bukod sa iba pang mga bagay, na kusang pumipinid ang puntod, at garantisadong nakapinid ito sa loob ng 75 taon. Kahit nagdadalamhati sa pangyayari, natawa ako sa garantiyang iyon.
“Sino naman ang titingin kung nakapinid ito sa loob ng 75 taon?” Naisip ko. “At kung may titingin man at hindi na ito nakapinid, sino ang maniningil sa garantiya? Ano nga ba ang tsansa,” pag-iisip ko, “na mananatiling nakapinid ang puntod?”
Sa sandaling iyon ng pag-iisip, natuon ang isipan ko sa isa pang puntod, ang puntod na nakalarawan sa Mateo 27. Ang puntod na ito, na isang libingan noong unang panahon sa isang lugar, ay natatakpan ng malaking bato sa pasukan nito:
“Nang kinabukasan nga, na siyang araw pagkatapos ng paghahanda, ay nangagkatipon kay Pilato ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo,
“Na nagsisipagsabi, Ginoo, naaalaala namin na sinabi ng magdarayang yaon nang nabubuhay pa, Pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon akong muli.
“Ipagutos mo nga na ingatan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka sakaling magsiparoon ang kaniyang mga alagad at siya’y nakawin, at sabihin sa bayan, Siya’y nagbangon sa gitna ng mga patay: at lalong sasama ang huling kamalian.
“Sinabi sa kanila ni Pilato, Mayroon kayong bantay: magsiparoon kayo, inyong ingatan ayon sa inyong makakaya.
“Kaya’t sila’y nagsiparoon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay” (Mateo 27:62–66).
Sa lahat ng mga utos na ibinigay sa kasaysayan ng mga hari at heneral at mga pinuno, ang utos ni Pilato na tiyaking nakapinid ang puntod ay pinakawalang-saysay marahil.
Ano ang tsansa na mananatiling nakapinid ang puntod o libingan? Sa katunayan, imposibleng maisagawa ng mga kawal ang utos dahil imposibleng hindi mabuksan ang libingan o puntod: “At narito, lumindol ng malakas; sapagka’t bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, at naparoon at iginulong ang bato, at nakaupo sa ibabaw nito” (Mateo 28:2).
Dahil nabuksan sa pagkakapinid ang isang libingang iyon, lahat ng mga puntod at libingan na nakapinid ay mabubuksan. Sigurado iyan.
Ang Bato ng Ating Kaligtasan ang ating tagapagligtas mula sa kamatayan at mula sa impiyerno. Siya “ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan” (Juan 11:25). Dahil sa Kanya ang “impiyerno ay kailangang palayain ang bihag nitong mga espiritu, at ang libingan ay kailangang palayain ang bihag nitong mga katawan, at ang mga katawan at espiritu ng tao ay magsasamang muli sa isa’t isa; at ito ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ng Banal ng Israel” (2 Nephi 9:12).