Payo sa mga Dalagita Tungkol sa Pakikipagdeyt
Masaya ang pakikipagdeyt! Ang pakikipagdeyt ay pagkakataon para mapaunlad at mapalawak ninyo ang pakikipagkaibigan sa mga binatilyo. Nagbigay si Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ng simple at makabuluhang kahulugan ng isang kaibigan: “Ang mga kaibigan ay mga taong tumutulong upang madaling maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.”1 Makipagdeyt sa mga binatilyo na humihikayat sa inyong hangarin na maging mas mabuting tao kayo. “Kayo ay magpakahusay” nang sa gayon ay maging mabuting impluwensya kayo sa inyong mga kadeyt.2
Maging ang Uri ng Tao na Gugustuhin Ninyong Makadeyt
Masisimulan ninyo ngayong sikaping taglayin ang mga katangian na magiging dahilan para magustuhan kayo at kawilihan.
-
Ngumiti! Oo, ngumiti at maging masaya. At ang inyong ngiti ay makakahawa at makakatulong sa iba na matuwang makasama kayo.
-
Maging malakas sa espirituwal. Gawin ang mga bagay na maglalapit sa inyo sa Espiritu Santo para makasama ninyo Siya palagi.
-
Maging malusog sa pangangatawan. Pangalagaang mabuti ang inyong katawan, maging aktibo, at kumain ng masusustansyang pagkain. Maging maayos sa katawan.
-
Paghusayin ang inyong mga kinawiwilihan at talento. Hangaring pag-aralan ang lahat ng kaya ninyong pag-aralan. Maaari kayong magbasa ng magagandang aklat, makinig sa magandang musika, alamin ang kasalukuyang mga pangyayari, o pag-aralan ang isa pang wika.
-
Kumilos na tulad ng isang anak na babae ng Diyos. Huwag maging bastos, maingay, agresibo, o mahalay. Maaaring napanood na ninyo ang ganitong uri ng pag-uugali sa mga pelikula, ngunit hindi ito angkop sa isang dalagita na nakauunawa sa kanyang identidad bilang anak ng Diyos.
-
Paghusayin ang inyong kakayahang makisalamuha. Maging mabait sa lahat, at isipin ang mga pangangailangan ng iba. Magsanay sa pakikipag-usap sa tao. Matuto ng kabutihang-asal at wastong pagkilos. Lahat ng ito ay tutulong sa inyo na maging ang uri ng tao na gugustuhing makasama ng iba.
-
Maging interesado sa mga tao. Magpakita ng interes sa iba at sa mga bagay na gusto nilang gawin. Magtanong ng mga bagay na makakatulong upang mapanatag sila at higit ninyo silang makilala.
-
Magtakda ng mga limitasyon. Huwag tulutang pagsamantalahan kayo ng iba. Panatilihin ang kalinisan ng inyong dangal.
-
Ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Huwag mag-atubiling ibahagi ang mga pamantayang ito sa mga kadeyt ninyo. Huwag ibaba ang mga pamantayan ninyo para sa sinuman. Kung inaasahan ng isang tao na gagawin ninyo ito, hindi siya karapat-dapat na kaibiganin o pakisamahan ninyo.
-
Tulungan ang iba na pakabutihin pa ang kanilang sarili. Gawin silang mas mabubuting tao sa pakikipagdeyt nila sa inyo. Kahit kakaunti ang mga oportunidad ninyong makipagdeyt, maaari kayong ngumiti at magkaroon ng mga bagong kaibigan. Piliing magkaroon ng mabuting pananaw. Kahit ang mga kabiguan sa pakikipagdeyt ay makatutulong sa inyo upang umunlad. Mapagyayaman ng bawat taong nakikilala ninyo ang inyong buhay, at mapagpapala ninyo ang iba kapag ibinahagi ninyo sa kanila ang pinakamahusay na magagawa ninyo.
Matalinong Piliin ang mga Idedeyt Ninyo
Ang pakikipagdeyt ay isang oportunidad na makilala ang mga binatilyo bilang paghahanda sa pag-aasawa. Mag-ingat sa pagpili ng inyong kadeyt. Kapag iniisip ninyong sumama sa isang binatilyo, tiyaking mataas ang kanyang mga pamantayan at lagi niya kayong tutulungang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Narito ang ilang bagay na nanaisin ninyong itanong sa inyong sarili:
-
Matatag ba siya at mabuti ang pagkatao?
-
Siya ba ay mapagkakatiwalaan at maaasahan?
-
Siya ba ay tapat?
-
Magalang ba siya at mabait sa iba at sa akin?
-
Hindi ba siya makasarili?
-
Iginagalang ba niya ang aking mga magulang at kanyang mga magulang?
-
Iginagalang ba niya ang kanyang priesthood?
-
Hinihikayat ba niya akong gawin ang pinakamainam kong magagawa?
-
Karapat-dapat ba siyang pumasok sa templo?
Magsaya at maging masayang kadeyt kapag kinikilala ninyo ang iba. Magkasamang planuhin ang gagawing mga aktibidad. Ang ilan sa pinakamasasayang deyt ay maaaring kasingsimple ng pagluluto ng pagkain nang magkasama. O isiping maglingkod. Mas mapagmamasdan at makikilala ninyo ang ibang tao sa paggawa ng mga aktibidad kaysa kung nakaupo lang kayo at nanonood ng sine.
Sinabi ng ating propeta, “Sa pakikipagdeyt, magpakita ng respeto sa inyong kadeyt, at umasang gayundin ang ipakikitang respeto sa inyo ng inyong kadeyt.”3 Alam namin na magiging mabuting impluwensya kayo sa buhay ng lahat ng binatilyong kadeyt ninyo—at ng lahat ng inyong kaibigan na nakakakita sa mabuti ninyong halimbawa.
Sa patuloy ninyong pagpapahusay sa inyong mga kaloob at talento, sa matalinong pagpili ng kakaibiganin ninyo, at pagiging mabuting impluwensya, ang inyong mga taon ng pakikipagdeyt ay magiging maganda, makabuluhan, at masaya. Ito ang panahon upang magtakda ng mataas na pamantayan, asamin ang pinakamahusay at maging tulad ng lahat ng inaasam ng ating Ama sa Langit para sa inyo. Kayo ay anak ng ating Ama sa Langit; mahal Niya kayo, at mahal namin kayo. ◼