2010
Dadalhin Niya sa Kanyang Sarili ang Kanilang mga Kahinaan
Abril 2010


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Dadalhin Niya sa Kanyang Sarili ang Kanilang mga Kahinaan

Ilang taon pagkaraang umuwi kami ng aking asawang si Gisèle mula sa pamumuno sa Fiji Suva Mission, sinabi ng doktor na may kanser sa tiyan si Gisèle. Kalaunan ay kasama na sa pagsubok ang tatlong delikadong operasyon at mga kumplikasyon nang lubusang alisin ang kanyang sikmura. Nakita ko ang matinding hirap ng aking asawa kaya lalo kong naunawaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Naaalala ko na nakadama ako ng lubos panghihina sa dinaranas noon ni Gisèle. Ano ang nagawa niya para danasin ang gayong sakit? Hindi ba siya tapat na naglingkod sa Panginoon? Hindi ba niya ipinamuhay ang Word of Wisdom? Bakit hindi Niya pinigilan ang karamdamang ito? Bakit?

Isang gabi ibinuhos ko sa panalangin ang nilalaman ng puso’t damdamin ko nang ilahad ko sa Panginoon ang lahat ng dalamhati ko. “Hindi ko na po kayang pagmasdan ang labis na paghihirap ng mahal kong asawa!” sabi ko sa Kanya. Pagkatapos ay nagpasiya akong bumaling sa mga banal na kasulatan. Nabasa ko ang nakaaaliw na mga talatang ito tungkol kay Jesucristo sa Alma 7:11–12:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”

Nang sandaling iyon ko lamang naisip ang lahat ng nakapaloob sa kamangha-manghang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Hindi ko pa talaga natanto na dadalhin ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang hirap na dinaranas ni Gisèle—o ang sa akin. Ipinaubaya ko ang sakit na nadarama ko at takot sa Kanya na nagdadala “[ng] mga pasakit at [ng] mga sakit ng kanyang mga tao.” Sa bagong pagkaunawang ito, nadama kong gumaan ang isang mabigat na pasanin!

Ngayon, magaling na si Gisèle, na para bang hindi siya nagkaroon ng kanser. Sa mga regular na pagsusuri sa kanya, sinasabi ng kanyang doktor na siya ay “isang himala.” Labis akong nagpapasalamat sa kanyang pisikal na paggaling, ngunit nagpapasalamat din ako sa paggaling na naranasan ko, isang paggaling ng puso. Ang kapanatagang tanging Tagapagligtas lamang ang makapagbibigay ay nagdulot sa akin ng payapang katiyakan na magiging maayos ang lahat.

Ngayon tuwing nahaharap ako sa hirap, lagi kong ibinabaling ang isipan ko sa makapangyarihang aral na iyon at sa sinabi ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith: “Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (D at T 122:8). Ang pag-alaala sa sakripisyo ni Jesucristo ay laging umaaliw sa akin.

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa kahandaan ng ating Tagapagligtas na danasin ang Kanyang napagtiisang sakit at pagdurusa. Pinatototohanan ko ang Kanyang pagmamahal, awa, at maingat na pangangalaga sa Kanyang mga anak. Siya ang ating Tagapagligtas, at mahal ko Siya.

O Aking Ama, ni Simon Dewey, hindi maaaring kopyahin