Pinagpapala ng Bagong mga Tuntunin ng Relief Society ang mga Miyembro
Ipinabatid ni Julie B. Beck, Relief Society general president, ang bagong mga tuntunin para sa mga miting ng Relief Society anim na buwan na ang nakalilipas, at ang mga bunga nito ay pagpapala sa buhay ng kababaihan sa iba’t ibang dako ng mundo.
Maganda ang pagtanggap sa pangkalahatan sa bagong mga tuntunin, sabi ni Sister Beck, na binibigyang-diin na maipaplano na ngayon ng mga miyembro sa iba’t ibang dako ng daigdig ang mga miting ayon sa kanilang pangangailangan, mas makakaakma sa simbahan na hindi limitado sa isang kultura o lugar.
“Ito ay napakagandang hakbang para sa isang organisasyon na laganap sa mundo,” sabi ni Sister Beck. “Mahal natin ang kababaihan, pinagkakatiwalaan natin sila, at alam natin na kung pahahalagahan nila ito nang may pananampalataya at pagsunod, wala silang magiging problema dito.”
Ang mensahe ni Sister Beck na pinamagatang “Relief Society: Isang Sagradong Gawain” (Liahona, Nob. 2009, 110) ay dapat magsilbing opisyal na tuntunin tungkol sa mga pagmimiting, at kung may tanong ang mga lider ng Relief Society tungkol sa mga tuntunin dapat silang sumangguni sa kanilang mga lider ng priesthood.
Mga Pagbabago sa Pangkalahatan
Pinagtibay noon na ang mga tagapayo ng Relief society ay dapat sumunod sa huwaran ng priesthood at tatawaging una o pangalawang tagapayo. Ang tungkulin na dating kilala sa tawag na home, family, and personal enrichment leader ay dapat tawaging Relief Society meeting coordinator. Ang sister na nasa tungkuling ito ay dapat magpatuloy sa pagsasaayos ng mga miting ng Relief Society na ginaganap sa karaniwang araw ayon sa direksyon ng presidency o panguluhan.
Mga Tuntunin sa Miting ng Relief Society
Sa kanyang mensahe, sinabi ni sister Beck kung paanong ang miting na dating tinatawag na “home, family and personal enrichment” ay tatawagin na lamang ngayong mga miting ng Relief Society.
Inilarawan ni Sister Beck kung paano dapat pangasiwaan ng ward Relief Society president ang lahat ng miting ng Relief Society at sasangguni sa bishop o branch president, na siyang mag-aapruba sa lahat ng nakaplanong miting.
Dapat pangasiwaan ng Relief Society president ang mga miting, ngunit maaari niyang hilingin sa kanyang una o pangalawang tagapayo—o irekomendang tawagin ang isang sister sa ward o branch—na maging coordinator ng mga miting. Dapat may dumalong kahit isang miyembro ng presidency sa lahat ng miting.
Karaniwan ang mga miting ay dapat ganapin nang buwanan, ngunit maaari ding ganapin ito kahit minsan lang tuwing tatlong buwan, at huwag itapat o idaos sa araw ng Linggo o sa Lunes ng gabi. Ang bishop o branch president at ang Relief Society president ang magpapasiya kung gaano kadalas gagawin ang mga miting, at hindi dapat madama ng kababaihan na sapilitan silang dadalo sa lahat ng mga miting na ito.
Sa pagpaplano ng mga miting, dapat isipin ng Relief Society presidency ang mga bagay na tulad ng guguling oras, gastos, kaligtasan, at distansya ng biyahe.
Dapat maisakatuparan ng mga miting ang “mahabagin at praktikal na mga [responsibilidad]” ng Relief Society, at palakasin ang pananampalataya at personal na kabutihan at pangangalaga sa espirituwal at temporal na mga pangangailangan ng bawat isa at mga pamilya.
Sa pagpaplano ng mga miting dapat unahin ng Relief Society presidency ang mga paksang magsasakatuparan sa mga layunin ng Relief Society; ang mga miting ay maaaring magtuon sa isang paksa o hatiin sa mahigit sa isang klase o aktibidad. Ang mga guro ay dapat na mga miyembro ng ward o stake.
“Ang angkop na paggamit ng mga miting sa Relief Society ay magdaragdag sa kakayahan ng Relief Society na [epektibong]makipagtulungan sa mga lider ng priesthood sa bawat ward,” sabi ni Sister Beck. ◼