2010
Isang Dakilang Gawain ng Diyos
Abril 2010


Mensahe ng Unang Panguluhan

Isang Dakilang Gawain ngDiyos

President Dieter F. Uchtdorf

Abril 6, 1830

Isang daan at walumpung taon na ang nakararaan, sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at ilang iba pa ay nagtipon upang itatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa kabuuan ito ay isang simple ngunit espirituwal na miting. Itinala ni Joseph na pagkatapos ng sacrament, “ibinuhos nang husto ang Espiritu Santo sa amin—nagpropesiya ang ilan, habang pinupuri naming lahat ang Panginoon, at labis kaming nagalak.”1

Ang mga kaganapan sa araw na ito ay nangyari nang hindi napapansin ng mundo; hindi ito itinampok o ibinalita sa mga pahayagan. Magkagayunman, kaylaking galak marahil ng kalangitan at niluwalhati ang Diyos—sapagkat sa araw na iyon, naibalik ang Simbahan ni Jesucristo sa lupa!

Solomon Chamberlain

Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, sinunod ng milyun-milyong anak ng Ama sa Langit na puspos ng pananampalataya ang mga dikta ng Espiritu Santo at lumusong sila sa sagradong tubig ng binyag. Isa sa mga taong iyon si Solomon Chamberlain.

Si Solomon ay isang espirituwal na tao at maraming oras siyang nanalangin, na humihiling na mapatawad ang kanyang mga kasalanan at nagsumamo sa Ama sa Langit na akayin siya sa katotohanan. Mga bandang 1816, pinangakuan si Solomon sa isang pangitain na mabubuhay siya para makita ang araw na maoorganisa ang Simbahan ni Cristo matapos itatag na muli sa lupa ang kaayusan ng mga apostol.

Ilang taon ang lumipas naglakbay si Solomon sakay ng barko papuntang Canada nang tumigil ang kanyang barko sa munting bayan ng Palmyra, New York. Doon ay nadama niya ang puwersang pilit na nagpababa sa kanya sa barko. Hindi alam kung bakit siya naroon, sinimulan niyang kausapin ang mga taga-bayan. Hindi nagtagal narinig niya ang usapan tungkol sa isang “gintong Biblia.” Sabi niya ang dalawang salitang iyon ay naghatid ng “lakas na parang kuryente [na] nagmula sa ulo ko pababa sa mga daliri ko sa paa.”

Inakay siya ng kanyang mga pagtatanong sa tahanan ng mga Smith, kung saan niya kinausap ang mga naroon tungkol sa napakagandang balita ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Matapos tumigil doon nang dalawang araw at tumanggap ng patotoo sa katotohanan, nagpatuloy sa paglalakbay si Solomon papuntang Canada, dala ang 64 na bagong limbag at hiwa-hiwalay pang mga pahina ng Aklat ni Mormon. Saanman siya magpunta, tinuruan niya ang mga tao, “kapwa mataas at mababa, mayaman at mahirap, … na maghanda sa dakilang gawain ng Diyos na malapit nang magsimula ngayon.”2

Isang Dakilang Gawain ng Diyos

Mula noong araw na iyon ng Abril 1830, milyun-milyon na ang nakatuklas sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo at lumusong sa mga tubig ng binyag. Pinatototohanan ko na itong “dakilang gawain ng Diyos” ay nasa lupa ngayon. Pinatototohanan ko na pinangangalagaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at pinamamahalaan ito sa pamamagitan ng Kanyang propeta, si Pangulong Thomas S. Monson. Hindi karaniwang pagpapala ang mabuhay sa mga huling araw na ito. Ito ay maluluwalhating panahon, na nakita ng mga sinaunang propeta noon pa man at binantayan ng mga anghel. Inaalala ng Panginoon ang Kanyang Simbahan. Inaalala rin Niya ang mga tao na, gaya ni Solomon Chamberlain, ay sumusunod sa mga dikta ng Espiritu Santo at nakikiisa sa kanilang mga kapatid sa buong mundo sa pagtulong na maipahayag ang dakilang gawaing ito ng Diyos.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 1:78.

  2. “A Short Sketch of the Life of Solomon Chamberlain,” typescript, Church History Library (nasa Internet sa www.boap.org/LDS/Early-Saints/SChamberlain.html); tingnan din sa William G. Hartley, “Every Member Was a Missionary,” Ensign, Set. 1978, 23. Ilang araw matapos itatag ang Simbahan, bininyagan ni Joseph Smith si Solomon Chamberlain sa mga tubig ng Seneca Lake, New York.

Larawang kuha ni Matthew Reier na kinunan sa eksena ng Joseph Smith: Ang Propeta ng Panunumbalik

Larawang kuha ni Matthew Reier; mga paglalarawan ni Maryn Roos

Bahaging Pambata