Tumawag Kayo ng Ambulansya!
Simon Heal, Queensland, Australia
Noong 1991 habang nilalagyan ko ng kisame ang bahay namin, nakaramdam ako ng matinding sakit sa kaliwang mata ko. Ang sakit, na parang tumutusok, ay agad kumalat sa buong ulo ko. Patuloy akong nagtrabaho hanggang sa mapilitan akong pumunta sa kuwarto para magpahinga dahil sa sakit.
Gayunman, pagkahiga ko, may paramdam sa akin ang marahan at banayad na tinig. “Tumayo ka,” sabi ng Espiritu. “Huwag kang matulog.”
Nang pagnilayin ko ang babala at pag-isipan ko kung ano ang dapat kong gawin, ipinasiya kong kunin ang isa sa mga tabletang iniinom ng nanay ko para sa migraine. Nagpunta ako sa silid ng mga magulang ko at nakita ko ang mga tableta, ngunit nang binubuksan ko na ang bote, muli kong narinig ang tinig: “Huwag kang uminom niyan.”
Pagkaraan ng ilang sandali, narinig kong muli ang tinig sa ikatlong pagkakataon: “Tumawag ka na ng ambulansya—ngayon na!”
Hindi pa ako nakatawag sa emergency kahit kailan, ngunit agad akong tumawag. Agad dumating ang ambulansya, at inilagay ako ng dalawang paramedic sa stretcher. Ang huling bagay na naaalala ko ay tinanong nila ang pangalan ko. At nawalan na ako ng malay.
Kalaunan ay nagising ako sa intensive care unit ng ospital. Nanghihina pa ako at manhid pa dahil sa anesthesia, pero naaalala ko na naramdaman ko ang mga kamay sa ulo ko nang basbasan ako ng aking ama at ng bishop ko. Narinig ko ang mga salitang “Babalik ang kalusugan mo, na parang walang nangyari.”
Pagkaraan ng tatlong araw sa intensive care at apat na araw pa sa isang ward ng ospital, nakauwi rin ako sa wakas. Noon ko lang nalaman na nagkaroon ako ng brain hemorrhage. Kalaunan ay sinabi sa akin ng surgeon na nag-opera sa akin na “muntik na akong mamatay” at namatay na sana ako kung ininom ko ang tableta para sa migraine.
Ngayon ay malakas at malusog na ako, salamat at ginabayan ng Panginoon ang isipan ko sa araw na iyon. Nabuklod ako sa templo sa mapagmahal kong asawa, at mayroon kaming limang mababait na anak.
Pinasasalamatan ko ang aking Ama sa Langit at ang aking Tagapagligtas na si Jesucristo sa himala ng buhay. Sinisikap ko araw-araw na pagbutihin ang panahong ibinigay Nila sa akin, at nagpapasalamat akong maalala ang mapangalagang impluwensya ng tinig ng Espiritu.