Kapag Hindi Lumutang ang mga Pato
Inakala lang namin na mabubuhay sa tubig ang mga itik namin. Nagulat kami.
Nagsimula iyon sa sorpresang regalong iniuwi ni Itay para sa kanyang tatlong anak na babae. Pagsilip sa loob ng kahon na may humuhuni, napasigaw kaming mga babae sa tuwa. Mga itik! Hindi kami makapaghintay na ipasok ang kamay namin at sumunggab ng isa. Siniksik namin nang husto si Itay, at muntik na niyang mabitawan ang kahon.
“Dahan-dahan lang, mga bata!” natatawang sabi niya. “Tig-iisa kayo rito!”
Nagulat ako sa liit ng itik nang hawakan ko. Sa magiliw kong paghawak, parang isang-kapat lang ang laki ng mainit na katawan nito, at halos gayon din ito kagaan.
“Wow, napakagaan!” bulalas ko. “Kaya pala nakakalutang ang mga itik!”
Muling natawa si Itay habang naglalakad papunta kay Inay sa kusina. Maraming sorpresa si Itay, lalo na sa mga bagay na nagpapangiti sa kanyang pamilya. Noon ko naalala ang wading pool. Magandang gawing bahay iyon ng mga bagong itik namin.
“Nora, kunin mo nga ang lumang plastic pool sa garahe,” pag-utos ko sa kapatid ko.
Nang malagyan ng malinis at malamig na tubig ang pool gamit ang hose sa aming bakuran, sinimulan naming suriin at pangalanan ang aming mga itik. Ang sa akin ay may maliit na batik na brown sa bilugan niyang tuka at malapad na mga paa.
Bigla kong naalala ang mga kaibigan ko. Matatawa sila sa katuwaan ko sa mga bagong alagang ito. At saka ko naisip na hindi daraan ang mga kaibigan ko sa susunod na ilang araw. Pinayagan sila ng mga magulang nila na magkamping sa kalapit na kabundukan. Magbibisikleta sa dati nang maalikabok na daan, pipili ng pagkakampingan, magtatayo ng tolda. Marami silang gagawing masaya at uuwi sila kinabukasan, na nagtatawanan at nag-uusap tungkol sa kamping nila. Hindi ako pinayagan ng nanay ko. Napakabata ko pa raw!
Nang mapuno na ang wading pool, pumaligid kaming mga bata, na sabik na hinihintay ang sandaling ito. Inilapag namin ang namamayagpag at nagkukuwakang na mga itik sa tubig at ZOOM, hanggang sa ilalim. Lumubog silang tatlo!
Inilubog namin ang aming mga kamay sa pool at sinagip ang kawawang sisinghap-singhap na mga itik. Ano ang nangyari? Wala naman kaming pinagawa sa kanilang anumang mahirap, gaya ng paglangoy. Ang gagawin lang naman nila ay magpalutang. Hindi ba madali lang iyon para sa isang pato?
“Ano’ng nangyari?” pagtataka ng kapatid ko.
“Baka nagulat sila sa atin!”
Sumang-ayon kaming lahat na para silang mga sanggol na nag-aaral maglakad. Kailangan nilang madapa kung minsan. Napagkayarian naming subukan itong muli.
“Isa, dalawa, tatlo, bitaw!”
Plok! Plok! Plok! tuluy-tuloy sila sa ilalim na parang mga tinggang bolitas.
Mapalad ang mga itik, walang sinuman sa amin ang nakaisip na isagawa pa ang ideya namin na kailangan lang silang sanayin. Nang imungkahi ni Nora na gamitin namin ang blow dryer sa mga balahibo nila, nag-unahan kaming lahat na makarating sa bahay. Dahan-dahan, pinahanginan ng dalawang kapatid ko sa kulay rosas kong blow dryer ang kawawang mga itik habang hinahanap ko ang numero ng telepono mula sa pangalang nasa kahon.
“Hello, sir? Kabibili lang po namin—ng tatay po pala namin—ng tatlong itik. Opo, sir. May problema po sa mga pato namin. Alam po ninyo, mas gusto naming lumutang ang mga pato namin.”
Nakakagulat ang sinabi ng lalaking ito. Hindi ko alam na marami na pala akong natutuhan hanggang sa ako mismo ang magpaliwanag nito kina Nora at Suzy: “Alam ninyo, hindi lumulutang sa tubig ang malalambot na balahibo. Sinisipsip nito ang tubig. Maghintay pa tayo ng isa o dalawang linggo para maglangis ang katawan nila at hindi tablan ng tubig ang balahibo nila.”
“Pero hindi po totoo iyan,” pakikipagtalo ni Nora. “Nakakita na po ako ng mga itik na sinusundan ang ina nila sa ilog. Ilang araw pa lang ang edad nila.”
“Ipinaliwanag iyan sa akin ng lalaki. Kapag ipinanganak ang mga itik, ipinapailalim ng ina ang mga itik sa mga pakpak niya para mainitan ang mga ito. Ang langis mula sa mga pakpak ng ina ay napapahid sa kanyang mga inakay na itik. Kung kasama ang ina nila, makakalutang sila. Kung sila lang, kailangan nilang lumalaki-laki nang kaunti bago sila maging ligtas sa tubig.”
Noon naglakbay ang isip ko sa kabundukan sa kung saan, na iniisip ang mga kaibigan ko na nasa kanilang tolda. Siguro gusto lang akong ipailalim ni Inay sa mga pakpak niya nang kaunting panahon pa. Hinaplos ko ng isang daliri ang munting likod ng aking itik.
“Iaalis muna kita sa pool ngayon, munting itik,” pangako ko dito. Sa gayon, matapos makapag-isip, idinagdag ko, “Nangungulila ka ba sa nanay mo?”