Mga Klasikong Ebanghelyo
Ang Katiyakan ng Pagkabuhay na Mag-uli
Minsan sa panahon ng Kapaskuhan maraming taon na ang nakalilipas, binisita namin ang Lupang Pangako at nakita ang mga lugar na maaaring napuntahan ni Jesus. Nag-ukol kami ng mahahalagang oras sa sinasabing Halamanan ng Getsemani at sinikap na wariin ang mga pagdurusang Kanyang naranasan habang hinihintay ang Pagpapako sa Kanya sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli. Malapit kami sa mga lugar kung saan Siya nagdasal, kung saan Siya ibinilanggo, kung saan Siya nilitis at hinatulan.
Sa labas ng pader ng lungsod, inakyat namin ang mabatong burol, na may maliliit na kuweba, kaya’t ang medyo pabilog na dulo nito ay mukhang bungo, at sinabihan kami na ito ang Golgota, ang lugar kung saan Siya ipinako sa krus. Bumaba kami sa pa-zigzag na daan sa gawing likuran ng burol papunta sa matarik na bangin nito at pumasok sa maliit na pintuan papunta sa baku-bakong kuweba na sinasabing pinaghimlayan ng katawan.
Gumugol kami ng ilang oras sa munting halamanan sa labas ng libingang ito at ninamnam ang kuwento ng ebanghelyo tungkol sa Kanyang libing at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, na nangyari sa lugar na ito. Taimtim at mapanalangin naming binasa ang tungkol sa pagdating ng kababaihan sa libingan, ang anghel ng Panginoon na naggulong ng bato, at ang takot ng kalalakihan na dapat sana ay nagbantay sa libingan.
“Siya … ay Nagbangon”
Halos parang nakikinita namin ang dalawang anghel na nakasuot ng maningning na kasuotan na nagsalita kay Maria, na nagsasabing, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay?
“Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.”
Ang Panginoon ay nagpropesiya: “Kinakailangan na ang Anak ng Tao ay ibigay sa mga kamay ng mga taong makasalanan, at ipako sa krus, at magbangong muli sa ikatlong araw” (Lucas 24:5–7).
Naalala namin ang pag-uusap sa pagitan ni Maria, ng mga anghel, at ng Panginoon:
“Babae, bakit ka umiiyak? Sinabi niya sa kanila, Sapagka’t kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko maalaman kung saan nila inilagay siya.”
Siya’y lumingon at “nakitang nakatayo si Jesus, at hindi nalalaman na yaon ay si Jesus.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kanya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro.
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni’t pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios” (Juan 20:13–17). …
Kahalagahan ng Paskua
Kung minsan ang mga pagdiriwang natin sa mga dakilang pangyayari ay tila naaapektuhan ng makamundong pagdiriwang, at hindi natin lubos na nauunawaan ang kahalagahan ng dahilan ng pagdiriwang. Nangyayari ito sa araw ng Paskua, kung saan mas madalas nating ipagdiwang ang pista-opisyal sa halip na ang malalim na kahulugan ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon. Tiyak na malungkot sila na nagwawalang-bahala sa pagkadiyos ni Cristo, sa pagiging anak ng Guro. Nalulungkot tayo sa mga taong ang turing sa malaking himala ng Pagkabuhay na Mag-uli ay “karanasan lamang ng mga disipulo na maaaring bigyang pakahulugan ng bawat tao, sa halip na tunay na pangyayari sa kasaysayan.”
Alam naman natin na lahat ng ito ay totoo. Tinukoy ni Cristo ang Kanyang sarili nang kausapin niya si Nicodemo:
“Ang nalalaman namin ay sinasalita namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo” (Juan 3:11).
At magugunita natin na nagpatotoo si Pedro:
“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus” (Ang Mga Gawa 2:36).
“Datapuwa’t inyong pinakatanggihan ang Banal at ang Matuwid na Ito … ;
“At inyong pinatay ang Lumikha ng buhay: na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay; mga saksi kami ng mga bagay na ito” (Ang Mga Gawa 3:14–15).
Buong tapang na tumayo sina Pedro at Juan sa harap ng lupon at muling sinabing:
“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito [na dating lalaking lumpo] sa inyong harap na walang sakit. …
“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka’t walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas” (Ang Mga Gawa 4:10, 12).
Nang parusahan ng lupon ang dalawang Apostol at utusan silang huwag banggitin o ituro ang gayong mga bagay sa pangalan ni Jesus, sumagot sila at sinabing: “Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan.
“Sapagka’t hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig” (Ang Mga Gawa 4:19–20).
“At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan, ang pagkabuhay na maguli ng Panginoong Jesus: at dakilang biyaya ang sumasa kanilang lahat” (Ang Mga Gawa 4:33).
Patotoo ni Pedro
Alam din nating tunay ang Pagkabuhay na Mag-uli. Sinabi ng buhay na si Pedro sa lupon ng mga tagausig:
“Ibinangon ng Dios ng ating mga magulang si Jesus, na siya ninyong pinatay, na ibinitin sa isang punong kahoy. …
“At kami’y mga saksi ng mga bagay na ito; at gayon din ang Espiritu Santo, na siyang ibinigay ng Dios sa nagsisitalima sa kaniya” (Ang Mga Gawa 5:30, 32).
Hangang-hanga tayo sa dakilang si Pedro, na lubusang tumanggap ng kanyang ganap na katiyakan at buong giliw na isinuot o tinaglay ang bata ng pamumuno at ang balabal ng kapangyarihan at ang tapang ng taong may inspirasyon at katiyakan. Napasakanya ang lakas nang pamunuan niya ang mga Banal at harapin ang mundo pati na ang lahat ng tagausig, mga di naniniwala, at mga suliranin nito. At, habang paulit-ulit niyang sinasabi ang kanyang ganap na kaalaman, pinuri natin ang kanyang katatagan nang makaharap niya ang mga mandurumog at mga may mataas na katungkulan sa ibang simbahan, mga pinuno na maaaring pumatay sa kanya, at habang buong tapang niyang ipinahayag ang nabuhay na mag-uling Panginoon, ang Pangulo ng Kapayapaan, ang Banal at Matuwid, ang Lumikha ng Buhay, ang Prinsipe at Tagapagligtas. Si Pedro ngayon ay talagang sigurado na, matatag, hindi na matitinag. Dapat magkaroon tayo ng lalong kasiguruhan sa kanyang pagtiyak. …
Patotoo ni Pablo
Ang patotoo ni Pablo ang tila pinakatiyak. Narinig niya ang tinig ng nabuhay na muling si Cristo:
“Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig?” At upang matiyak kung sino nga ito, sinabi ni Saulo, “Sino ka baga, Panginoon?” at natanggap ang katiyakan, “Ako’y si Jesus na iyong pinaguusig: [mahirap para sa iyo ang sumipa sa mga tinik]” (Ang Mga Gawa 9:4–5).
At ngayon ang Pablo ding iyon, na nabawi ang kanyang lakas, na binasbasan sa pamamagitan ng priesthood, na muling nakakita, ay nagpunta sa mga sinagoga at nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco, “na pinatutunayan na ito ang Cristo” (Ang Mga Gawa 9:22).
At kalaunan ay nagpunta si Pablo sa mga Apostol sa Jerusalem, at si Barnabas, sa pagsasalita para kay Pablo, ay “isinaysay kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, at kinausap siya, at kung paanong siya’y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus” (Ang Mga Gawa 9:27).
At nagpatuloy si Pablo:
“At nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kaniya, ay kanilang ibinaba siya sa punong kahoy, at inilagay siya sa isang libingan.
“Datapuwa’t siya’y binuhay na maguli ng Dios sa mga patay:
“At siya’y nakitang maraming mga araw ng mga kasama niyang nagsiahon buhat sa Galilea hanggang sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa bayan. …
“Na tinupad din ng Dios sa ating mga anak nang muling buhayin niya si Jesus. …
“At tungkol sa muling binuhay niya, upang ngayon at kailan ma’y huwag nang magbalik sa kabulukan” (Ang Mga Gawa 13:29–31, 33–34). …
Patotoo ni Joseph Smith
Nabigyang-inspirasyon tayo ng patotoo ng makabagong propeta, si Joseph Smith, nang muli niyang tiyakin sa mga tao ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Sinipi ni Elder George A. Smith ang huling mensahe sa publiko ni Joseph Smith noong Hunyo 1844, ilang araw lamang bago ang malupit na pagpaslang sa kanya:
“Handa akong maialay bilang sakripisyo para sa mga taong ito; sapagkat ano ba ang magagawa ng ating mga kaaway? Patayin lamang ang katawan at tapos na ang kanilang kapangyarihan. Manatiling matatag, aking mga kaibigan. Huwag matakot kailanman. Huwag hangaring iligtas ang inyong mga sarili, sapagkat siya na takot mamatay para sa katotohanan, ay mawawalan ng buhay na walang hanggan. Manatiling tapat [hanggang sa wakas]; at tayo ay mabubuhay na mag-uli at magiging tulad ng mga Diyos, at maghahari sa selestiyal na mga kaharian, pamunuan, at walang hanggang mga sakop.”1 …
Tanong at Sagot ni Job
Ang tanong ni Job ay naitanong na ng milyun-milyong katao na tumayo sa tabi ng bukas na kabaong ng isang mahal sa buhay: “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14).
At ang tanong ay nasagot at tinanggap ng marami sa kanila at nakadama ng matindi at matamis na kapayapaan na lumukob sa kanila na tulad ng mga hamog ng langit. At maraming beses na nadama ng mga taong halos nawalan na ng pag-asa sa matinding pagdurusa ang kapayapaang iyon na hindi kayang ipaliwanag.
At kapag ang matinding kapanatagan ng kaluluwa ay nagdulot ng bagong katiyakan sa mga isipang nabagabag at pusong napuno ng kalungkutan, ang mga taong iyon na nakadama ng ganitong kapanatagan ay makapagsasabing tulad ng minamahal na si Job:
“Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:
“At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman:
“Siyang makikita ko ng sarili, at mamamasdan ng aking mga mata” (Job 19:25–27).
Ipinahiwatig ni Job ang kanyang hangarin na mailimbag sa mga aklat ang kanyang patotoo at maiukit sa bato para mabasa ng susunod na mga henerasyon. Ipinagkaloob ang kanyang hangarin, sapagkat nagkaroon ng kapayapaan ang maraming kaluluwa nang mabasa nila ang kanyang malakas na patotoo.
Pangitain ni Juan
At bilang pangwakas, hayaang basahin ko ang pangitain ni Juan na Tagapaghayag:
“At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan [ng Dios]; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa.
“At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila’y hinatulan bawa’t tao ayon sa kani-kaniyang mga gawa” (Apocalipsis 20:12–13).
At tulad ng buhay at luntiang tagsibol na kasunod ng mapanglaw at walang-buhay na taglamig, ipinahahayag ng buong kalikasan ang kabanalan ng nabuhay na mag-uling Panginoon, na Siya ang Manlilikha, na Siya ang Tagapagligtas ng daigdig, na Siya ang mismong Anak ng Diyos.