2010
Pagiging Isang Mabuting Tao Ngayon
Abril 2010


Nagsalita Sila sa Atin

Pagiging Isang Mabuting Tao Ngayon

Mula sa “Be a Quality Person,” Ensign, Peb. 1993, 64–67; inayon sa pamantayan ang mga bantas.

Elder Marvin J. Ashton

Mabuting pamumuhay ang pinakadakilang hangarin ng Diyos para sa atin. Nararapat tayong mamuhay nang maayos anuman ang ating sitwasyon. Hindi na dapat maghintay pa para mamuhay nang mabuti. …

Lahat tayo ay dapat mamuhay nang may wastong mga priyoridad at layunin. Huwag maging malupit sa pagsusuri sa inyong sarili. Sa halip ay suriin ang sarili ninyo kung ipinamumuhay ba ninyo o hindi ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Gusto ko ang pamumuhay na ipinahayag ng kaibigan kong si Carol Clark, … nang sabihin niya na ang personal na hamon ay hindi ang maghintay nang maghintay kundi mamuhay nang masagana, ganap, at masaya. Ang mithiin ay hindi ang maghintay sa tamang tao kundi ang maging tamang tao.

“Ang tunay na saya ng buhay ay nasa pagdaig sa mga balakid habang masaya pa ring umaasa na magiging maayos ang lahat. … Inaamin ko na ang pamumuhay nang hindi natutupad ang aking mga pangarap ay napatunayan nang nagpapalambot, nakapagpapakumbabang impluwensya dahil napakahirap nito. Ngunit may paraan para magawa iyan, at dahil doon, maaari akong umunlad, kahit hanggang ngayon ay bigo pa rin ako sa pag-ibig—isang bagay na mas gusto ko sa buhay kaysa anupaman bukod sa kabutihan mismo. …

“Noong nakaraang tag-init dumaing ako sa isang kaibigang di-miyembro na napapagod ako, hindi ako masaya, at para akong robot. Walang pagkaawang sumagot siya, ‘Ano ba ito sa palagay mo? Dress rehearsal? Buhay mo ito, Carol. Ayusin mo.’ Akala ko tatapikin niya ako at papayuhan. Sa halip, diretsahan niyang ipinamukha sa akin ang katotohanan. Siyempre, tama naman siya. Hindi ko pinahahalagahan ang buhay ko, kaya hindi ko nadama na mahalaga iyon. Umuwi ako, muli kong binasa ang mga talinghaga ng manghahasik at ng mga talento, at binago ko ang aking buhay” (A Singular Life, ed. Carol L. Clark at Blythe Darlyn Thatcher [1987], 35–36).

Mga kapatid, magbagong-buhay kayo kung iyan ang kinakailangan. Huwag nang patagalin pa. Sa halip ay punuin ang buhay ninyo ng paglilingkod, pag-aaral, pagpapaganda ng personalidad, pagmamahal sa lahat, at iba pang mga makabuluhang katangian. Mabuhay nang may layunin sa bawat araw. …

… Iminumungkahi ko na kilalanin ninyo ang inyong Ama sa Langit. Mahalin ninyo Siya. Laging tandaan na kayo ay mahal Niya at papatnubayan at susuportahan kung bibigyan lamang ninyo Siya ng pagkakataon. Isama Siya sa paggawa ninyo ng desisyon. Isama Siya sa inyong mga dalamhati at sama ng loob. Isama Siya kapag sinuri ninyo ang kahalagahan ng inyong sarili. “Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32).

Habang sinisikap ninyong maging mabuting tao, kausapin araw-araw ang inyong Ama sa Langit na lubos na nakakikilala sa inyo higit kanino man. Alam Niya ang inyong mga talento, kalakasan, at kahinaan. Narito kayo sa mundo sa panahong ito para taglayin ang mga katangiang ito at pagbutihin ang mga ito. Ipinapangako ko sa inyo na tutulungan Niya kayo. Alam Niya ang inyong mga pangangailangan.

Paglalarawan ni Craig Dimond