2010
Mga Tanong at mga Sagot
Abril 2010


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano magiging malinis ang isipan ko samantalang ang dami kong nakikitang kahalayan sa paligid ko?”

Parang wala ka nang mapupuntahan ngayon na wala kang makikitang mga taong mahalay ang pananamit, nang harapan man o sa media. Maaaring hindi mo laging makontrol ang iyong kapaligiran, ngunit makokontrol mo ang iyong isipan.

Kapag may makikita kang taong mahalay ang suot, maaari kang magbaling agad ng tingin sa iba o lumayo sa lugar na iyon. Kung pumasok sa isipan mo ang maruming ideya, piliing huwag itong isipin, kundi punuin ang iyong isipan ng mabubuting bagay. “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon … ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina” (D at T 121:45–46). Ang pagkakaroon ng malinis na kaisipan ay makakatulong sa iyo na maging mas masaya at mapasaiyo ang impluwensya ng Espiritu.

Ugaliing laging magkaroon ng malinis na isipan. Makisama sa mga taong disenteng manamit, at iwasan ang mga sitwasyon na makakakita ka ng mahalay na pananamit. Ipagdasal na tulungan ka ng Ama sa Langit. Magsaulo ng mga himno o banal na kasulatan para may maisip kang mabubuting bagay kapag natutukso ka. Regular na basahin ang mga banal na kasulatan, at dumalo sa templo kung maaari. Sa gayon kapag nakakita ka ng taong mahalay ang suot, may maiisip ka pa ring maganda.

Hindi Tayo Makamundo

Dapat nating tandaan na tayo ay nasa mundo ngunit hindi tayo makamundo. Tayo ay mga natatanging anak ng pinakamamahal nating Ama sa Langit. Dahil dito, higit tayong tinutukso ng kaaway, ngunit dapat tayong maging mas malakas kaysa sa tukso. Ang mga taong makamundo ay maaaring manamit nang mahalay, dahil hindi nila alam na ang katawan ay isang sagradong templo. Ngunit alam ito ng mga Banal sa mga Huling Araw. Samakatwid, dapat tayong manatiling banal at dalisay. Kung papasukin ng masasamang bagay ang ating isipan, dapat nating hingin agad ang tulong ng ating Ama sa Langit sa panalangin, sapagkat walang higit na makakatulong sa atin maliban sa Kanya.

Dayana H., edad 19, São Paulo, Brazil

Magpatulong sa mga Kaibigan Mo

Bilang kaisa-isang Banal sa mga Huling Araw sa ikaanim na grado sa paaralan namin, nahaharap ako sa bastos na pananalita, kahalayan, at pamimilit na sumunod sa nakararami. Pero sa pagsisimula ng taon, ipinaliwanag ko sa aking mga kaibigan ang mga pamantayan ko at sinunod ko iyon anuman ang mangyari. Nalaman nila sa paglipas ng mga buwan ang aking mga pinahahalagahan sa Simbahan. Makakatulong sa iyo ang mga kaibigan mo kung ipaliliwanag mo sa kanila ang mga pinahahalagahan at pamantayan mo. Bumuti ang ugali, pananamit, at pananalita ng mga kaibigan ko. Nalaman ko na kung tunay mo silang mga kaibigan, tutulungan ka nilang maging malinis ang isipan at manatili sa tuwid at makitid na landas.

Celia N., edad 12, Virginia, USA

Nakakatulong ang Panalangin

Nalaman ko na kapag nagpursigi ako na manatiling dalisay ang aking isipan, panalangin ang tunay na sagot para manatiling malinis ang isipan at mapasaakin ang impluwensya ng Espiritu saanman ako magpunta. Ang pagdarasal tuwing umaga na tulungan ako ng Ama sa Langit na magkaroon ng malinis na isipan at patnubayan ako sa buong araw at pasasalamat sa Kanya sa gabi ay mas nagpalapit sa akin sa Kanya at natulungan akong lumayo sa kahalayan at masunod ang aking mga pamantayan. Ang panalangin tuwing umaga at gabi ay makakatulong upang mapasaiyo ang Espiritu sa pagharap mo sa makamundong mga kaaway. “Maging matatag at huwag matitinag, laging nananagana sa mabubuting gawa” (Mosias 5:15).

Gunnar R., edad 16, Wisconsin, USA

Tayo ay mga Templo

Kapag mahalay manamit ang mga tao sa paligid mo, huwag silang pintasan, dahil kailangang mabuti ang iyong kaisipan. Magpakita sa kanila ng halimbawa na sinusunod mo ang mga pamantayan ng Simbahan. At tulungan ang mga tao sa pamamagitan ng pagmamahal at pagsasabi sa kanila na mahal sila ng ating Ama sa Langit at nais Niyang maging malinis ang kanilang pagkatao kapwa sa kilos at kaisipan. Ang kadalisayan ay mahalaga sa ating kaligtasan, dahil tayo ay mga templo ng ating Diyos.

Maricris B., edad 19, Quezon, Philippines

Ipamuhay ang mga Turo ng Ebanghelyo

Alam ko na maaari tayong magkaroon ng dalisay na kaisipan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pamumuhay ayon sa mga turo nito. Kapag ipinamumuhay natin ang lahat ng pinahahalagahang itinuturo sa simbahan, binabasa ang Para sa Lakas ng mga Kabataan, at nagpupunta tayo sa templo, maaari tayong magkaroon ng dalisay na kaisipan.

Jossi O., edad 16, Antioquia, Colombia

Ang Isipan ay Parang Entablado

Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay may bahagi tungkol sa kabanalan. Sabi roon, ang ating isipan ay parang entablado. Sa entabladong ito, iisang tao lang ang makakagalaw sa bawat pagkakataon. Kapag nag-isip tayo ng dalisay at banal na bagay, mananatiling nakatuon ang ating isipan sa mga bagay na ito, at ang entablado ng ating isipan ay hindi mapapalitan ng hindi makabuluhang mga bagay. Ang kabanalan ay isang katangian ni Jesucristo na sinabihan tayong dapat nating taglayin. Sa simbahan natutuhan natin na dapat tayong laging mag-isip ng mabubuting bagay, ngunit kapag tinukso tayo ng isang bagay na hindi dalisay, makakanta natin ang paborito nating himno o maiisip ang paborito nating banal na kasulatan. Ang pinakamalaking tulong ay matatagpuan sa 2 Nephi 32:9: “Laging manalangin, at huwag manghina.”

Elder McEachron, edad 21, Brazil João Pessoa Mission

Ituring ang Ibang Tao na mga Anak ng Diyos

Ikaw ang komokontrol sa pagtugon sa nakikita mo. Dahil lamang may isang bagay roon, hindi mo kailangang papasukin ito sa entablado ng iyong isipan. Ikaw ang pumipili ng iisipin mo; piliing panatilihin itong malinis. Iwasang makakita ng kahalayan hangga’t maaari, at laging manamit nang disente. Pagkatapos ay isipin na ang mga nakakasalamuha mo ay mga anak ng Diyos, may banal na potensyal, na personal na minamahal ng ating Ama sa Langit. Kapag itinuturing kong mga anak ng Diyos ang iba, nalulungkot ako sa kahalayang nasa harapan ko.

Amy S., edad 19, Utah, USA