Pinagbigyan Niya ang Aking Kahilingan
Juan Carlos Fallas Agüero, San José, Costa Rica
Noong binyagan ako sa edad na 18, nalaman ko na ang pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay magiging paraan ng pamumuhay. Nadama ko ang kahalagahan at bigat ng pamumuhay sa mga pamantayan ng ebanghelyo, at sa paggawa nito ay napagpala ang aking buhay sa maraming paraan.
Ang isang alituntunin ng ebanghelyo na talagang mahalaga sa akin ay ang paggalang sa araw ng Sabbath. Dahil dito naititigil ko ang aking araw-araw na gawain at naitutuon ang aking isipan sa aking Ama sa Langit.
Ang trabaho ko ay sa negosyo ng turismo sa Costa Rica. Sa industriyang ito, pangkaraniwan na sa mga tao ang magtrabaho sa araw ng Linggo. Nang magsimula ako sa aking trabaho, nagpakilala ako bilang miyembro ng Simbahan. Hiniling ko —at napagbigyan—na hindi ako papasok sa trabaho tuwing Linggo.
Dahil sa kakaiba kong kahilingan, nag-usisa ang mga kasamahan ko sa trabaho at ang amo ko. Marami silang itinanong sa akin tungkol sa aking pinaniniwalaan. Sa paglipas ng panahon nagkaroon ako ng mga pagkakataong ipaliwanag sa kanila ang ilan sa mga bagay na pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maraming pagkakataon na iginalang nila ang mga paliwanag ko tungkol sa mga doktrina ng ebanghelyo.
Isang araw tinipon kaming mga tauhan ng amo ko para sa isang anunsiyo. “Kailangang pumasok kayong lahat sa trabaho sa susunod na dalawang Linggo,” sabi niya. Nalungkot ako nang husto. Alam kong ibig sabihin nito ay kailangan akong magtrabaho sa araw ng Linggo.
Ngunit nagpatuloy ang aking amo: “Kayong lahat, maliban kay Juan Carlos. Alam nating walang makapagpapapasok sa kanya sa trabaho sa araw ng Linggo.”
Nakahinga ako nang maluwag. Pinagbigyan ng aking amo ang kahilingan ko! Dahil sa aking pag-uugali at mga pamantayang ipinakita ko sa trabaho, iginalang niya ako. Bunga nito handa siyang igalang ang mga pinaniniwalaan ko.
Alam ko na kapag inuna natin sa ating buhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo, pagpapalain tayo ng Panginoon.