2022
Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan
Mayo 2022


5:34

Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan

Mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang kapangyarihan at kapayaaan ni Jesucristo sa lahat ng makikinig.

Mahal kong mga kapatid, welcome sa pangkalahatang kumperensya! Matagal ko nang inaabangan ang araw na ito nang may malaking pag-asam. Ipinagdarasal ko kayo araw-araw. Ipinagdasal ko rin na maging oras ng espirituwal na pagpapalakas ang kumperensyang ito para sa bawat isa sa inyo.

Simula noong huling kumperensya, patuloy ang mga paghihirap sa mundo. Naaapektuhan pa rin ng pandaigdigang pandemya ang ating buhay. At ngayo’y nililigalig ang mundo ng isang alitan na naghahasik ng takot sa milyun-milyong inosenteng kalalakihan, kababaihan, at mga bata.

Nakita na ng mga propeta ang ating panahon, kung kailan magkakaroon ng mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan at ang buong mundo ay magkakagulo.1 Bilang mga alagad ni Jesucristo, nakikiusap tayo sa mga pinuno ng mga bansa na humanap ng mga payapang resolusyon sa kanilang mga sigalutan. Nananawagan tayo sa mga tao sa lahat ng dako na ipagdasal ang mga nangangailangan, gawin ang lahat ng kaya nila para tulungan ang mga nababalisa, at hingin ang tulong ng Panginoon na wakasan na ang anumang matitinding alitan.

Mga kapatid, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kailangan ngayon nang higit kailanman. Ang pagtatalo ay lumalabag sa lahat ng kinakatawan at itinuro ng Tagapagligtas. Mahal ko ang Panginoong Jesucristo at pinatototohanan ko na ang Kanyang ebanghelyo ang tanging pangmatagalang solusyon para sa kapayapaan. Ang Kanyang ebanghelyo ay isang ebanghelyo ng kapayapaan.2

Ang Kanyang ebanghelyo ang tanging sagot kapag marami sa mundo ang natutulala sa takot.3 Binibigyang-diin nito ang agarang pangangailangan nating sundin ang tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na “humayo … sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha.”4 Mayroon tayong sagradong responsibilidad na ibahagi ang kapangyarihan at kapayapaan ni Jesucristo sa lahat ng makikinig at hahayaang manaig ang Diyos sa kanilang buhay.

Bawat taong nakipagtipan sa Diyos ay nangakong pangangalagaan ang iba at paglilingkuran ang mga nangangailangan. Maipapakita natin ang pananampalataya sa Diyos at lagi tayong magiging handang sumagot sa mga nagtatanong tungkol sa “pag-asang nasa [atin].”5 Bawat isa sa atin ay may papel na gagampanan sa pagtipon ng Israel.

Ngayon, muli kong pinagtitibay nang husto na hinihiling ng Panginoon sa bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda para sa at maglingkod sa misyon. Para sa mga lalaking Banal sa mga Huling araw, ang paglilingkod sa misyon ay isang responsibilidad ng priesthood. Kayong mga kalalakihan ay inireserba para sa panahong ito na nagaganap ang ipinangakong pagtitipon ng Israel. Kapag naglilingkod kayo sa misyon, may ginagampanan kayong malaking papel sa walang-katulad na panahong ito!

Para sa inyo na bata pa at may kakayahang mga sister, ang misyon ay isa ring maganda, ngunit opsyonal, na oportunidad. Mahal namin ang mga sister missionary at buong-puso namin silang tinatanggap. Ang iniaambag ninyo sa gawaing ito ay kahanga-hanga! Ipagdasal na malaman kung nais ng Panginoon na magmisyon kayo, at sasagot ang Espiritu Santo sa inyong puso’t isipan.

Mahal na mga kaibigang kabataan, bawat isa sa inyo ay mahalaga sa Panginoon. Inireserba na Niya kayo sa panahong ito para tumulong na tipunin ang Israel. Ang desisyon ninyong magmisyon, proselyting man ito o service mission, ay magpapala sa inyo at sa maraming iba pa. Hinihikayat din namin ang mga senior couple na maglingkod kung kaya nila. Hindi matatawaran ang kanilang mga pagsisikap.

Lahat ng missionary ay nagtuturo at nagpapatotoo tungkol sa Tagapagligtas. Kailangan ngayon ang liwanag ni Jesucristo nang higit kailanman dahil sa espirituwal na kadiliman sa mundo. Lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman ang tungkol sa ipinanumbaik na ebanghelyo ni Jesucristo. Bawat tao ay nararapat na malaman kung saan siya makasusumpong ng pag-asa at kapayapaan na “hindi maabot ng pag-iisip.”6

Nawa’y maging oras ng kapayapaan at espirituwal na piging ang kumperensyang ito para sa inyo. Nawa’y makahanap at makatanggap kayo ng personal na paghahayag sa mga sesyong ito, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.