2022
Ang Simbahan ay Nagbibigay ng Tulong at Ginhawa
Mayo 2022


Ang Simbahan ay Nagbibigay ng Tulong at Ginhawa

Sa buong mundo, aktibong nakikibahagi ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagtulong sa mga refugee. Sa Europe, tumutulong silang magbigay ng pagkain, damit, mga gamit ng sanggol, tirahan, at iba pa para matulungan ang nawalan ng tahanan. Kamakailan ay nagbigay ang Simbahan ng US $2 milyon sa United Nations High Commissioner for Refugees at ng US $2 milyon pa sa World Food Programme. Ang mga donasyon ay tutulong sa WFP na magbigay ng pagkain para sa 11,000 katao sa loob ng apat na buwan.

“Mayroon tayong mga miyembro sa lahat ng bansang apektado,” sabi ni Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency at pangulo ng Latter-day Saint Charities. Dahil may nakatabing pondo ang Simbahan, nagawa nitong magdala ng pagkain at tubig nang maaga bago pa man nagkaroon ng krisis sa Ukraine, sabi niya, at binanggit na ang Simbahan ay tapat sa mga pangmatagalang pangangailangan ng mga apektadong bansa.

Sa Paraguay at Peru, tumulong ang pondo ng Simbahan sa pagbibigay ng mga kagamitang medikal para sa mga ospital, at nagpadala ang Simbahan sa Peru ng mga bentilador, ilaw, muwebles, bangko, kasangkapan, at pitong laptop computer sa mga organisasyong naglilingkod sa mga bata at matatanda, sa isang interreligious council, at isang kanlungan ng mga batang babae. Sa Colombia, ginamit ang pondo ng handog-ayuno para magbigay ng 1,200 kahon ng pagkain at suplay sa mga nangangailangan. Sa Panama, nagbigay ang Simbahan ng mga kagamitan para hindi masira ang mga bakuna laban sa COVID-19.

Binisita ng mga tao sa 10 lungsod sa Estados Unidos ang isang Light the World Giving Machine noong Kapaskuhan ng 2021, at namigay ng kabuuang donasyon na US $5.8 milyon. Maaaring bumili sa mga giving machine ang isang tao ng mga item (tulad ng damit, pagkain, malinis na tubig, at mga hayop) na ipamimigay kalaunan sa 44 na kawanggawa sa Estados Unidos gayundin sa limang pandaigdigang ahensya.

Tinulungan din ng Simbahan ang mga apektado ng mga buhawi sa gitnang-kanlurang Estados Unidos, isang bagyo sa Pilipinas, at isang pagputok ng bulkan at tsunami sa Tonga.