2022
Upang Pagalingin ang Mundo
Mayo 2022


13:51

Upang Pagalingin ang Mundo

Ang mga sugat at pagkakaiba-iba ay malulutas at mapapagaling pa kapag iginagalang natin ang Diyos, ang Ama nating lahat, at si Jesucristo, ang Kanyang Anak.

Mg kapatid, sa maluwalhating panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, napakapalad nating makapagtipon at tumanggap ng payo at patnubay mula sa mga lingkod ng Diyos.

Ang sagradong patnubay at mga turo mula sa ating Ama sa Langit ay tumutulong sa atin na maglakbay sa buhay sa mapanganib na mga panahong ito. Tulad ng ipinropesiya, ang “mga sunog, at unos,” “mga digmaan, alingawngaw ng digmaan, at lindol sa iba’t ibang dako,” “at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain,”1 “salot,”2 at “taggutom”3 ay pumipinsala sa mga pamilya, komunidad, at maging sa mga bansa.

May isa pang salot na lumalaganap sa mundo: mga pag-atake sa inyo at sa aking kalayaang pangrelihiyon. Ang tumitinding sentimyentong ito ay naghahangad na alisin ang relihiyon at pananampalataya sa Diyos sa mga pampublikong lugar, paaralan, mga pamantayan ng komunidad, at mga usapang panglipunan. Ang mga salungat sa kalayaang pangrelihiyon ay hangad na higpitan ang mga pagpapahayag ng taos-pusong pananalig. Pinipintasan at kinukutya pa nila ang mga nakagisnang paniniwala sa relihiyon.

Ang gayong pag-uugali ay walang pagpapahalaga sa mga tao, sa mga personal na prinsipyo, katarungan, respeto, espirituwalidad, at kapayapaan ng budhi.

Ano ang kalayaang pangrelihiyon?

Ito ay kalayaang sumamba sa anumang paraan: kalayaang magtipon, kalayaang magsalita, kalayaang kumilos ayon sa personal na mga paniniwala, at kalayaang gawin din iyon ng iba. Ang kalayaang pangrelihiyon ay nagtutulot sa bawat isa sa atin na magpasiya para sa ating sarili kung ano ang ating paniniwalaan, kung paano tayo namumuhay at kumikilos ayon sa ating pananampalataya, at kung ano ang inaasahan ng Diyos sa atin.

Ang mga paghihigpit sa gayong kalayaaan ay hindi na bago. Sa buong kasaysayan, ang mga mananampalataya ay nagdusa nang labis sa mga kamay ng ibang tao. Hindi naiiba rito ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Noong nagsisimula pa lamang tayo, maraming naghahanap sa Diyos ang napalapit sa Simbahang ito dahil sa mga turo nito tungkol sa banal na doktrina, kabilang na ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, plano ng kaligayahan, at sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon.

Ang oposisyon, pag-uusig, at karahasan ay bumagabag sa ating unang propeta sa mga huling araw na si Joseph Smith, at kanyang mga tagasunod.

Sa gitna ng kaguluhan noong 1842, naglathala si Joseph ng 13 pangunahing paniniwala ng lumalaking Simbahan, kabilang ang isang ito: “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila.”4

Ang Kanyang pahayag ay para sa lahat, mapagpalaya, at mapitagan. Iyan ang pinakadiwa ng kalayaang pangrelihiyon.

Sinabi rin ni Propetang Joseph Smith:

“Matapang kong ipinahahayag sa harap ng Langit na handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga … Banal ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili.

“Pagmamahal sa kalayaan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking kaluluwa—kalayaan ng tao at relihiyon sa buong sansinukob.”5

Gayunpaman, ang mga naunang miyembro ng Simbahan ay sinalakay at itinaboy nang libu-libong kilometro, mula New York patungo sa Ohio hanggang sa Missouri, kung saan iniutos ng gobernador na ang mga miyembro ng Simbahan ay “dapat ituring na mga kaaway at dapat lipulin o palayasin mula sa estado.”6 Tumakas sila papuntang Illinois, ngunit hindi tumigil ang pag-uusig. Pinaslang ng mga mandurumog si Propetang Joseph, iniisip na ang pagpatay sa kanya ay hahantong sa pagkawasak ng Simbahan at pagkawatak-watak ng mga nagsisisampalataya. Ngunit nanatiling matatag ang matatapat. Ang humalili kay Joseph na si Brigham Young, ay pinamunuan ang libu-libong tao na napilitang maglakbay nang 1,300 milya (2,100 km) pakanluran sa lugar na ngayon ay tinatawag na estado ng Utah.7 Ang aking sariling mga ninuno ay kabilang sa mga naunang pioneer na iyon.

Mula sa mga panahong iyon ng matinding pang-uusig, patuloy na lumago ang Simbahan ng Panginoon hanggang sa halos 17 milyong miyembro, mahigit kalahati rito ay naninirahan sa labas ng Estados Unidos.8

Noong Abril 2020 ipinagdiwang ng ating Simbahan ang ika-200 taong anibersaryo ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa isang paghahayag na inihanda ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Nagsisimula ito sa, “Taimtim naming ipinapahayag na minamahal ng Diyos ang Kanyang mga anak sa bawat bansa sa mundo.”9

Sinabi pa ng ating minamahal na propetang si Russell M. Nelson na:

“Naniniwala tayo sa kalayaan, kabaitan, at pagiging patas sa lahat ng anak ng Diyos.

“Lahat tayo ay magkakapatid, at bawat isa ay anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Inaanyayahan ng Kanyang Anak, ang Panginoong si Jesucristo, ang lahat na lumapit sa Kanya, ‘maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae’ (2 Nephi 26:33).”10

Pag-isipan natin ang apat na paraan na nakikinabang ang lipunan at mga indibiduwal sa kalayaang pangrelihiyon.

Una. Iginagalang ng kalayaang pangrelihiyon ang una at pangalawang dakilang kautusan, na inilalagay ang Diyos sa sentro ng ating buhay. Mababasa natin sa Mateo:

“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.”11

“At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”12

Ito man ay sa isang kapilya, sinagoga, mosque, o isang dampa, ang mga disipulo ni Cristo, at lahat ng nananalig na nagkakaisa ng pananaw, ay makapagpapamalas ng katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa Kanya at kahandaang maglingkod sa Kanyang mga anak.

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng gayong pagmamahal at paglilingkod. Sa Kanyang ministeryo, kinalinga Niya ang mga dukha,13 pinagaling ang mga maysakit14 at mga bulag.15 Pinakain Niya ang mga nagugutom,16 pinalapit sa Kanya ang maliliit na bata,17 at pinatawad ang lahat ng nagkasala sa Kanya, maging yaong nagpako sa Kanya sa krus.18

Inilalarawan ng mga banal na kasulatan na si Jesus ay “naglibot na gumagawa ng mabuti.”19 Dapat tayo rin.

Ikalawa. Ang kalayaang pangrelihiyon ay naghihikayat ng mga pagpapahayag ng paniniwala, pag-asa, at kapayapaan.

Bilang simbahan, nakikiisa tayo sa iba pang mga relihiyon na nagpoprotekta sa mga tao sa lahat ng relihiyon at paniniwala at sa karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga pananalig. Hindi ibig sabihin nito na tinatanggap natin ang kanilang mga paniniwala, ni tinatanggap nila ang sa atin, ngunit mas marami tayong pagkakatulad sa ibang mananampalataya kaysa sa mga taong nagnanais na pahintuin ang ating relihiyon.

Kamakailan ay kinatawan ko ang Simbahan sa taunang G20 Interfaith Forum sa Italy. Nahikayat ako, at napatatag pa, nang nakipagpulong ako sa mga lider ng pamahalaan at relihiyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Natanto ko na ang mga sugat at pagkakaiba-iba ay malulutas at mapapagaling pa kapag iginagalang natin ang Diyos, ang Ama nating lahat, at si Jesucristo, ang Kanyang Anak. Ang Pinakadakilang Manggagamot ay ang ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesucristo.

May nakalulugod na nangyari sa akin nang tapusin ko ang aking mensahe. Ang mga naunang pitong tagapagsalita ay hindi nagtapos sa anumang tradisyonal na ginagawa ng mga relihiyon o sa pangalan ng Diyos. Habang nagsasalita ako, naisip ko, “Magpapasalamat lang ba ako at uupo, o magtatapos ba ako ‘sa pangalan ni Jesucristo’?” Naalala ko kung sino ako, at alam ko na nais ng Panginoon na sabihin ko ang Kanyang pangalan sa pagtatapos ng aking mensahe. Ginawa ko nga iyon. Sa pagbabalik-tanaw, iyon ay pagkakataon ko na ipahayag ang aking paniniwala; at ako ay may kalayaan sa relihiyon na magpatotoo sa Kanyang banal na pangalan.

Ikatlo. Ang relihiyon ay naghihikayat sa mga tao na tumulong sa iba.

Kapag binigyan ng pagkakataon at kalayaang umunlad ang relihiyon, ang mga nananampalataya ay nagsasagawa ng mga simpleng paglilingkod at kung minsa’y may kabayanihan. Ang sinaunang pariralang Judio na “tikkun olam,” na ibig sabihin ay “ayusin o pagalingin ang mundo,” ay nakikita ngayon sa pagsisikap ng napakaraming tao. Nakikipagtulungan tayo sa Catholic Charities, na kilala bilang Caritas Internationalis, Islamic Relief, at sa ilan pang organisasyon ng mga Judio, Hindu, Buddhist, Sikh, at Kristiyanong tulad ng Salvation Army at National Christian Foundation. Sama-sama tayong naglilingkod sa milyun-milyong nangangailangan, kamakailan lamang sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga refugee ng digmaan ng mga tolda, sleeping bag, at mga suplay ng pagkain,20 pagbibigay ng mga bakuna, kabilang na ang sa polio21 at COVID.22 Ang listahan ng mga ginagawa ay mahaba, ngunit gayon din ang mga pangangailangan.

Walang alinlangan, ang mga taong may pananampalataya na nagtutulungan ay nakapagbibigay ng malalaking tulong. Kasabay nito, ang paglilingkod nang paisa-isa ay kadalasang hindi napapansin ngunit tahimik na nagpapabago ng buhay.

Naiisip ko ang halimbawa ni Lucas nang kalingain ni Jesucristo ang balo ng Nain. Si Jesus, kasama ang isang grupo ng mga tagasunod, ay nakita ang prusisyon para sa paglilibing ng kaisa-isang anak na lalaki ng balo. Sa pagkawala ng anak, nahaharap siya sa emosyonal, espirituwal, at maging pinansiyal na suliranin. Nang makita ni Jesus ang luhaang mukha ng balo, sinabi Niya, “Huwag kang umiyak.”23 Pagkatapos ay hinipo Niya ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil.

“Binata,” iniutos Niya, “sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka.

“[At] Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya’y ibinigay ni [Jesus] sa kanyang ina.”24

Ang pagbuhay sa mga patay ay isang himala, ngunit bawat pagpapakita ng kabaitan at pagmamalasakit sa isang taong nahihirapan ay isang paraan ng tipan kung saan magagawa rin ng bawat isa sa atin na “[maglibot] na gumagawa ng mabuti,” nalalamang “kasama [natin] ang Diyos.”25

At ikaapat. Ang kalayaan sa relihiyon ay nagsisilbing puwersa na nagkakaisa at nagsasama-sama ng mga tao para sa paghubog ng mga pamantayan at moralidad.

Sa Bagong Tipan, mababasa natin ang pagtalikod kay Jesucristo ng maraming tao, na nagrereklamo sa Kanyang doktrina, “Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?”26

Ang pagrereklamong iyan ay naririnig pa rin ngayon mula sa mga naghahangad na itigil ang pagtalakay sa relihiyon at impluwensya nito. Ngunit kung wala ang relihiyon para tumulong sa paghubog ng pagkatao at pagbibigay ng solusyon sa mahihirap na panahon, sino ang gagawa nito? Sino ang magtuturo ng katapatan, pasasalamat, pagpapatawad, at pagtitiyaga? Sino ang magpapakita ng pag-ibig sa kapwa-tao, habag, at kabaitan para sa mga nalimutan at naaapi? Sino ang tatanggap sa mga naiiba subalit karapat-dapat, tulad din ng lahat ng anak ng Diyos? Sino ang magbubukas ng kanilang mga bisig sa mga nangangailangan at hindi maghahangad ng kabayaran? Sino ang magpapahalaga sa kapayapaan at pagsunod sa mga batas nang higit pa sa mga kalakaran ng panahon ngayon? Sino ang tutugon sa pagsamo ng Tagapagligtas na “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo”?27

Tayo ang gagawa! Oo, mga kapatid, tayo ang gagawa.

Inaanyayahan ko kayong ipaglaban ang layunin ng kalayaang pangrelihiyon. Ito ay pagpapamalas ng alituntunin ng kalayaang pumili na ibinigay ng Diyos.

Ang kalayaang pangrelihiyon ay bumabalanse sa mga nagtutunggaliang pilosopiya. Ang kabutihan ng relihiyon, ang nasasaklaw nito, at ang araw-araw na pagpapakita ng pagmamahal na binibigyang-inspirasyon ng relihiyon ay lalawak lamang kung pinoprotektahan natin ang kalayaang magpahayag at kumilos ayon sa mahahalagang paniniwala.

Pinatototohanan ko na si Russell M. Nelson ang buhay na propeta ng Diyos. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang namumuno at gumagabay sa Simbahang ito. Siya ay nagbayad-sala sa ating mga kasalanan, ipinako sa krus, at nabuhay na muli sa ikatlong araw.28 Dahil sa Kanya, maaari tayong mabuhay na muli nang walang hanggan; at yaong mga lubos na nagnanais ay maaaring makasama ang ating Ama sa Langit. Ang katotohanang ito ay ipinapahayag ko sa buong mundo. Nagpapasalamat ako na malaya kong nagagawa ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.