2022
Mapabilang sa Kawan ng Diyos
Mayo 2022


10:20

Mapabilang sa Kawan ng Diyos

Sa kawan ng Diyos, nararanasan natin ang pagbabantay at pangangalaga ng Mabuting Pastol, at mapalad tayong madama ang Kanyang nakatutubos na pag-ibig.

Bilang bata pang mga magulang, natutuhan nina Brother at Sister Samad ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang simpleng tahanan na may dalawang kuwarto sa Semarang, Indonesia.1 Habang nakaupo sa palibot ng maliit na mesa, na may malamlam na ilaw na tila mas marami pang naaakit na lamok kaysa naibibigay na liwanag, tinuruan sila ng dalawang missionary ng mga walang hanggang katotohanan. Sa taimtim na panalangin at patnubay ng Espiritu Santo, naniwala sila sa mga bagay na itinuro sa kanila at pinili nilang magpabinyag at maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang desisyon na iyon, at ang kanilang paraan ng pamumuhay magmula noon, ay nagpala kina Brother at Sister Samad at sa kanilang pamilya sa bawat aspeto ng kanilang buhay.2

Kabilang sila sa mga pinakaunang miyembro ng Simbahan sa Indonesia. Kalaunan, natanggap nila ang mga ordenansa ng templo, at naglingkod si Brother Samad bilang branch president at pagkatapos ay bilang district president. Lumilibot siya sa iba’t ibang lugar ng Central Java upang gampanan ang kanyang mga responsibilidad. Sa nakaraang sampung taon, naglingkod siya bilang unang patriarch ng Surakarta Indonesia Stake.

Si Elder Funk kasama sina Sister at Brother Samad

Bilang isa sa mga missionary sa simple ngunit puno ng pananampalataya na tahanan na iyon 49 taon na ang nakalilipas, nasaksihan ko sa kanila ang itinuro ni Haring Benjamin sa Aklat ni Mormon: “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal.”3 Ang mga pagpapalang dumarating sa buhay ng mga sumusunod sa halimbawa at mga turo ni Jesucristo, na pinipili ang mapabilang sa Kanyang mga disipulo, ay napakarami, nakagagalak, at walang hanggan.4

Ang Kawan ng Diyos

Ang paanyaya ni Alma na makipagtipan sa binyag sa mga taong nagtipon sa mga Tubig ng Mormon ay nagsisimula sa pariralang ito: “Ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos.”5

Flock of sheep in the country side standing next to a rock fence.

Ang kawan, o kural, ng tupa ay isang malaking kulungan, na karaniwang napaliligiran ng mga pader na bato, kung saan napoprotektahan sa gabi ang mga tupa. Isa lamang ang pasukan nito. Sa pagtatapos ng araw, tinatawag ng pastol ang mga tupa. Kilala nila ang tinig niya, at sa pagpasok nila sa kawan ay napoprotektahan sila.

Malamang na alam ng mga tao ni Alma na nakatayo ang mga pastol sa makitid na pasukan ng kawan nang sa gayon, kapag pumasok ang mga tupa, mabibilang sila6 at makikita at magagamot ang kanilang mga sugat at karamdaman at mapangangalagaan ang bawat isa sa kanila. Ang kaligtasan at kapakanan ng mga tupa ay nakasalalay sa kahandaan ng mga ito na mapabilang at manatili sa kawan.

Nararamdaman siguro ng ilan sa atin na sila ay nasa dulo na ng kawan, nag-iisip na marahil ay hindi sila gaanong kailangan o pinahahalagahan o na hindi sila nabibilang sa kawan. At kung minsan, tulad ng mga tupa sa kawan, tayo ay nagkakasakitan sa kawan ng Diyos at kailangang magsisi o magpatawad.

Ngunit ang Mabuting Pastol7—ang ating tunay na pastol—ay palaging mabuti. Sa kawan ng Diyos, nararanasan natin ang Kanyang pagbabantay at pangangalaga at mapalad tayong madama ang Kanyang nakatutubos na pag-ibig. Sabi Niya, “Aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko, ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.”8 Alam at iniisip ng Tagapagligtas ang ating mga kasalanan, pasakit, hirap,9 at lahat ng kawalang-katarungan sa buhay.10 Ang lahat ay maaaring makatanggap ng mga pagpapalang ito, kung sila ay “nagnanais na lumapit”11 at pinipili nilang mapabilang sa kawan. Ang kaloob na kalayaang pumili ay hindi lamang basta karapatan na pumili; ito ay pagkakataon para piliin ang tama. At ang mga pader ng kawan ay hindi naghihigpit kundi nagbibigay ng espirituwal na kaligtasan.

Itinuro ni Jesus na may “isang kawan na may isang pastol.”12 Sabi niya:

“Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. …

“At pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig … ,

“… at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig.”13

Pagkatapos ay ipinahayag ni Jesus, “Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas,”14 malinaw na itinuturong iisa lamang ang daan papasok sa kawan ng Diyos at iisa lamang ang paraan upang maligtas. Ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo.15

Dumarating ang mga Pagpapala sa mga nasa Kawan ng Diyos

Natututuhan natin mula sa salita ng Diyos kung paano mapabilang sa kawan, na siyang doktrinang itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta.16 Kapag sinusunod natin ang doktrina ni Cristo at napapabilang tayo sa kawan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag at kumpirmasyon, at patuloy na katapatan,17 nangako si Alma ng apat na partikular at personal na pagpapala. Kayo ay (1) “ma[tu]tubos ng Diyos,” (2) “ma[pa]pabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli,” (3) “mag[ka]karoon ng buhay na walang hanggan,” at (4) “i[bu]buhos [ng Panginoon] nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo.”18

Matapos ituro ni Alma ang tungkol sa mga pagpapalang ito, nagpalakpakan sa tuwa ang mga tao. Narito ang mga dahilan:

Una: Ang ibig sabihin ng tubusin ay bayaran ang utang o obligasyon o maging malaya mula sa mga bagay na nakababalisa o nakapipinsala.19 Kahit ano ang gawin nating personal na pagpapabuti, hindi tayo magiging malinis mula sa mga kasalanang nagawa natin o gagaling mula sa mga sugat na nagpapahirap sa atin kung wala ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Siya ang ating Manunubos.20

Pangalawa: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang lahat ay mabubuhay na mag-uli.21 Matapos lumisan ang ating mga espiritu sa ating mga mortal na katawan, siguradong aasamin natin ang araw na magkakaroon tayo ng nabuhay na mag-uling katawan at mayayakap nating muli ang ating mga mahal sa buhay. Aasamin natin na mapabilang sa kanila sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.

Pangatlo: Ang ibig sabihin ng buhay na walang hanggan ay mamuhay sa piling ng Diyos at mamuhay na tulad Niya. Ito ang “pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos”22 at maghahatid ng lubos na kagalakan.23 Ito ang pangunahing layunin at dahilan ng ating buhay.

Pang-apat: Ang patnubay ng Espiritu Santo na miyembro ng Panguluhang Diyos ay nagbibigay ng kinakailangang gabay at kapanatagan sa mortal na buhay na ito.24

Isipin ang ilang dahilan ng kalungkutan: ang paghihirap ay nagmumula sa kasalanan,25 ang pighati at kalumbayan ay nagmumula sa pagkamatay ng mahal sa buhay, at ang takot ay nagmumula sa kawalang-katiyakan kung ano ang mangyayari kapag namatay tayo. Ngunit kapag pumasok tayo sa kawan ng Diyos at tinupad natin ang ating mga tipan sa Kanya, mararamdaman natin ang kapayapaang dulot ng kaalaman at pagtitiwala na tutubusin tayo ni Cristo mula sa ating mga kasalanan, na ang paghihiwalay ng ating katawan at espiritu ay mas mabilis na matatapos, at na mamumuhay tayo magpakailanman sa piling ng Diyos sa pinakamaluwalhating paraan.

Magtiwala kay Cristo at Kumilos nang May Pananampalataya

Mga kapatid, ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga halimbawa ng dakilang kapangyarihan ng Tagapagligtas at ng Kanyang mahabaging awa at biyaya. Sa Kanyang ministeryo noon sa lupa, ang mga pagpapala ng Kanyang pagpapagaling ay dumating sa mga nagtiwala sa Kanya at kumilos nang may pananampalataya. Halimbawa, ang lalaking maysakit sa tipunan ng tubig ng Betesda ay nakalakad noong sinunod niya nang may pananampalataya ang utos ng Tagapagligtas na “bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”26 Gumaling ang mga maysakit o nahihirapan sa anumang paraan sa lupain ng Masagana noong sila ay “magkakaayong humayo.”27

Sa parehong paraan, upang matanggap natin ang mga kagila-gilalas na pagpapalang ipinangako sa mga napapabilang sa kawan ng Diyos, iyon lamang ang kinakailangan nating gawin—kailangang piliin nating lumapit. Itinuro ng Nakababatang Alma, “At ngayon, sinasabi ko sa inyo na ang mabuting pastol ay tumatawag sa inyo; at kung kayo ay makikinig sa kanyang tinig kayo ay dadalhin niya sa kanyang kawan.”28

Ilang taon na ang nakalilipas, isang mahal kong kaibigan ang pumanaw dahil sa kanser. Noong unang nagsulat ang kanyang asawa na si Sharon tungkol sa kanyang sakit, sabi nito: “Pinipili Namin ang Pananampalataya. Pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pananampalataya sa plano ng ating Ama sa Langit, at pananampalataya na alam Niya ang ating mga pangangailangan at tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako.”29

Marami na akong nakilalang mga Banal sa mga Huling Araw na katulad ni Sharon na nakararamdam ng kapayapaan ng kalooban na dulot ng katiyakang kabilang sila sa kawan ng Diyos, lalo na kapag dumarating ang mga tukso, oposisyon, at kahirapan.30 Pinili nilang manampalataya kay Jesucristo at sundin ang Kanyang propeta. Itinuro ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, “Lahat ng mabuti sa buhay—lahat ng pagpapala na maaaring matamo na may walang-hanggang kahalagahan—ay nagsisimula sa pananampalataya.”31

Lubusang Mapabilang sa Kawan ng Diyos

Ang lolo ng aking lolo-sa-tuhod na si James Sawyer Holman ay dumating sa Utah noong 1847, ngunit hindi siya kabilang sa mga dumating noong Hulyo na kasama si Brigham Young. Dumating siya ilang buwan bago matapos ang taon na iyon at, ayon sa mga talaan ng pamilya, siya ang inatasang magdala ng mga tupa. Oktubre na noong makarating siya at ang mga tupa sa Lambak ng Salt Lake.32

Sa matalinghagang pananalita, ang ilan sa atin ay nasa kapatagan pa. Hindi lahat ay dumarating kasama ng unang grupo. Mahal kong mga kaibigan, ipagpatuloy lamang ninyo ang paglalakbay—at tulungan ang iba—na lubusang mapabilang sa kawan ng Diyos. Ang mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi nasusukat dahil walang hanggan ang mga ito.

Lubos akong nagpapasalamat na naging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinatototohanan ko ang pag-ibig ng ating Ama sa Langit at ng ating Manunubos na si Jesucristo, at ang kapayapaan na nagmumula lamang sa Kanila—ang kapayapaan ng kalooban at mga pagpapala na matatagpuan sa kawan ng Diyos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tulad ng maraming Indonesian sa kanyang henerasyon, isa lamang ang pangalan ni Brother Samad. Ang Samad ay ginagamit ng kanyang asawa na si Sri Katoningsih at ng kanilang mga anak bilang kanilang apelyido.

  2. Iniulat nina Brother at Sister Samad na hindi bababa sa 44 na kamag-anak nila ang miyembro na rin ngayon ng Simbahan. Marami pang ibang nagtatamasa ng mga pagpapala ng ebanghelyo dahil sa kanilang halimbawa at paglilingkod.

  3. Mosias 2:41.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23.

  5. Mosias 18:8.

  6. Tingnan sa Moroni 6:4.

  7. Tingnan sa Juan 10:14; tingnan din sa Gerrit W. Gong, “Mabuting Pastol, Kordero ng Diyos,” Liahona, Mayo 2019, 97–101.

  8. Isaias 49:16.

  9. Tingnan sa Alma 7:11–13.

  10. Tingnan sa Dale G. Renlund, “Nakagagalit na Kawalang-Katarungan,” Liahona, Mayo 2021, 41–44.

  11. Mosias 18:8.

  12. Juan 10:16.

  13. Juan 10:2–4.

  14. Juan 10:9.

  15. Tingnan sa 2 Nephi 31:21; Helaman 5:9.

  16. Tingnan sa Henry B. Eyring, “The Power of Teaching Doctrine,” Liahona, Hulyo 1999, 85. Kapag naghahangad tayong lumapit kay Cristo, kailangan nating lumapit ayon sa mga salita ni Cristo, “sapagkat may isang Diyos at isang Pastol sa buong mundo” (tingnan sa 1 Nephi 13:40–41).

  17. Ang doktrina ni Cristo, sa simpleng pahayag, ay na ang lahat ng tao sa lahat ng dako ay dapat manampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, magsisi, magpabinyag, tumanggap ng Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas, o, tulad ng itinuro ng Tagapagligtas sa 3 Nephi 11:38, “hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos sa anumang paraan.”

  18. Mosias 18:9, 10.

  19. Tingnan sa Merriam-Webster.com Dictionary, “redeem”; tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109.

  20. Tingnan sa Alma 11:40.

  21. Tingnan sa 2 Nephi 2:8; 9:12.

  22. Doktrina at mga Tipan 14:7.

  23. Tingnan sa 2 Nephi 9:18.

  24. Tingnan sa 1 Nephi 4:6; Moroni 8:26.

  25. Tingnan sa Mosias 3:24–25; Alma 41:10.

  26. Juan 5:8.

  27. 3 Nephi 17:9.

  28. Alma 5:60. Sa Moises 7:53, sinabi rin ng Mesiyas, “Sinuman ang papasok sa pasukan at aakyat sa pamamagitan ko ay hindi kailanman babagsak.”

  29. Sharon Jones, “Diagnosis,” wechoosefaith.blogspot.com, Mar. 18, 2012.

  30. Ang kahulugan ng “magtiis hanggang wakas” sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay: “Manatiling tapat habambuhay sa mga kautusan ng Diyos [at maging tapat sa mga ordenansa ng endowment at pagbubuklod sa templo] kahit na may tukso, oposisyon, at kahirapan” ([2004], 78). Ipinapahiwatig nito na makararanas tayo ng mga tukso, oposisyon, at paghihirap sa buhay.

  31. Russell M. Nelson, “Si Cristo ay Nagbangon; Ang Pananampalataya sa Kanya ay Makapagpapalipat ng mga Bundok,” Liahona, Mayo 2021, 102.

  32. Tingnan sa maiikling talambuhay nina James Sawyer Holman at Naomi Roxina LeBaron Holman na isinulat ng kanilang apo na si Grace H. Sainsbury na hawak ng tagapagsalita (Charles C. Rich diary, Sept. 28, 1847, Church History Library, Salt Lake City; Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, June 21, 1847, 49, Church History Library). Si Holman ay kapitan sa Charles C. Rich company noong 1847.