2022
Isang Malaking Pagbabago ng Puso: “Wala na Akong Iba pang Maibibigay sa Iyo”
Mayo 2022


10:57

Isang Malaking Pagbabago ng Puso:

“Wala na Akong Iba pang Maibibigay sa Iyo”

Ang pagbabagong ito ng puso ay hindi isang minsanang pangyayari; kailangan ang pananampalataya, pagsisisi, at palagiang espirituwal na pagsisikap para mangyari ito.

Pambungad

Noong Biyernes, Oktubre 28, 1588, nang masira ang timon kung kaya’t manu-manong ginamitan na lang ito ng sagwan, sumalpok ang barkong La Girona, na pagmamay-ari ng Great Spanish Armada, sa malalaking bato ng Lacada Point sa Northern Ireland.1

Lumubog ang barko. Ang isa sa mga nakaligtas na pasahero na napadpad sa isang lugar na walang ibang tao at nagsisikap na manatiling buhay ay may suot na gintong singsing na bigay sa kanya ng kanyang asawa ilang buwan na ang nakararaan na may nakaukit na, “Wala na akong iba pang maibibigay sa iyo.”2

“Wala na akong iba pang maibibigay sa iyo”—isang parirala at isang singsing na may disenyong kamay na may hawak na puso, isang pagpapahayag ng pagmamahal ng isang babae sa kanyang asawa.

Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan

Nang mabasa ko ang kuwentong ito, nagkaroon ito ng malalim na impresyon sa akin, at naisip ko ang hiling ng Tagapagligtas: “At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu.”3

Naisip ko rin ang reaksyon ng mga tao sa mga salita ni Haring Benjamin: “Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin … , na gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.”4

Personal na Koneksyon

Ibabahagi ko sa inyo ang isang karanasan ko noong 12 anyos pa lang ako, na may epekto pa rin sa akin hanggang ngayon.

Sabi ng nanay ko, “Eduardo, bilisan mo. Huli na tayo sa mga miting ng Simbahan.”

“Nay, sasamahan ko po si Itay ngayon,” sagot ko.

“Sigurado ka? Kailangan mong dumalo sa priesthood quorum meeting mo,” wika niya.

Sagot ko, “Kawawa si Itay! Maiiwan siyang mag-isa. “Sasamahan ko po siya ngayon.”

Hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw si Itay.

Dumalo sa mga miting ng Linggo ang nanay at mga kapatid ko. Kaya nakipagkita ako kay Itay sa kanyang workshop, kung saan niya gustong magpunta tuwing Linggo, at tulad ng sabi ko kay Inay, ilang minuto ko siyang sinamahan, pagkatapos ay itinanong ko, “‘Tay, ayos lang po ba ang lahat?”

Nagpatuloy siya sa libangan niyang magkumpuni ng mga radyo at orasan, at nginitian lang ako.

Tapos ay sinabi ko sa kanya, “Makikipaglaro lang po ako sa mga kaibigan ko.”

Hindi tumingin si Itay nang sabihan niya akong, “Linggo ngayon. Hindi ba dapat nasa simbahan ka?”

“Opo, pero sinabi ko kay Inay ngayon na hindi ako sasama,” sagot ko. Nagpatuloy si Itay sa kanyang ginagawa, at para sa akin, pahintulot iyon na umalis.

Noong umagang iyon may mahalagang laro ng soccer, at sinabihan na ako ng mga kaibigan ko na hindi puwedeng wala ako roon dahil kailangang manalo kami sa larong iyon.

Kaya lang kailangan kong dumaan sa harap ng simbahan para makarating sa soccer field.

Determinado, mabilis akong tumakbo patungo sa soccer field at tumigil bago ako nakarating sa isang malaking hadlang, ang simbahan. Tumakbo ako papunta sa kabilang bangketa, kung saan maraming malalaking puno, at nagpasiya akong tumakbo sa pagitan ng mga iyon para walang makakita sa akin dahil nagdaratingan na ang mga miyembro sa mga miting.

Tamang-tama lang ang dating ko sa pagsisimula ng laro. Nakapaglaro ako at nakauwi bago nakarating ng bahay ang nanay ko.

Naging maayos ang lahat; nanalo ang team namin, at tuwang-tuwa ako. Pero napansin ng deacons quorum adviser ang mahusay na pagtakbo kong iyon papunta sa field.

Nakita ni Brother Félix Espinoza na mabilis akong tumatakbo sa pagitan ng mga puno, at nagsisikap na walang makakita.

Sa pagsisimula ng linggo, nagpunta si Brother Espinoza sa bahay namin at hiniling niyang makausap ako. Wala siyang sinabi tungkol sa nakita niya noong Linggo, ni hindi niya ako tinanong kung bakit hindi ako dumalo sa miting ko.

Inabutan lang niya ako ng isang manwal at sinabing, “Gusto kong magturo ka sa klase ng priesthood sa Linggo. Namarkahan ko na ang lesson para sa iyo. Hindi ito gayon kahirap. Gusto kong basahin mo ito, at paparito ako sa makalawa para tulungan kang maghanda para sa lesson.” Pagkasabi niyon, iniabot niya sa akin ang manwal at umalis na.

Ayaw kong magturo sa klase, pero hindi ko maatim na humindi sa kanya. May plano na ako sa Linggong iyon na samahang muli ang tatay ko—ibig sabihin, may isa na namang mahalagang laro.

Si Brother Espinoza ay isang taong hinahangaan ng mga kabataan.5 Natagpuan niya ang ipinanumbalik na ebanghelyo at binago ang buhay niya o, sa madaling salita, ang puso niya.

Pagsapit ng Sabado ng hapon, naisip ko, “Siguro bukas pagkagising ko, may sakit ako, at hindi ko kailangang magsimba.” Hindi na ang larong soccer ang ipinag-alala ko; kundi ang klaseng tuturuan ko, lalo na’t ang lesson ay tungkol sa araw ng Sabbath.

Sumapit ang Linggo, at nagising ako na may karagdagang sigla kaysa dati. Wala akong maikatwiran—wala akong takas.

Iyon ang unang pagkakataong magtuturo ako ng lesson, pero nasa tabi ko si Brother Espinoza, at iyon ang araw ng malaking pagbabago ng puso ko.

Mula sa sandaling iyon, pinanatili ko nang banal ang araw ng Sabbath, at sa paglipas ng panahon, sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, ang araw ng Sabbath ay naging kaluguran.6

“Panginoon, ibinibigay ko sa Iyo ang lahat; wala na akong iba pang maibibigay sa Iyo.”

Pagtatamo

Paano natin matatamo ang malaking pagbabagong iyon ng puso? Pinasisimulan iyon at kalauna’y nagaganap

  1. kapag pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan para magtamo ng kaalamang magpapalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo, na lilikha ng hangaring magbago.7

  2. kapag nililinang natin ang hangaring iyon sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.8

  3. kapag kumikilos tayo, ayon sa salitang napag-aralan o natanggap, at nakikipagtipan tayong iaalay ang ating puso sa Kanya, tulad ng ginawa ng mga tao ni Haring Benjamin.9

Pagkilala at Tipan

Paano natin malalaman na nagbabago ang ating puso?10

  1. Kapag gusto nating palugurin ang Diyos sa lahat ng bagay.11

  2. Kapag pinakikitunguhan natin ang iba nang may pagmamahal, paggalang, at konsiderasyon.12

  3. Kapag nakikita natin na ang mga katangian ni Cristo ay nagiging bahagi ng ating pagkatao.13

  4. Kapag nadarama natin ang patnubay ng Banal na Espiritu nang mas madalas.14

  5. Kapag sinusunod natin ang isang kautusang nahihirapan tayong sundin at pagkatapos ay patuloy nating ipinamumuhay iyon.15

Kapag nakikinig tayong mabuti sa payo ng ating mga lider at masayang nagpapasiyang sundin iyon, hindi ba tayo nakararanas ng malaking pagbabago ng puso?

“Panginoon, ibinibigay ko sa Iyo ang lahat; wala na akong iba pang maibibigay sa Iyo.”

Pagpapanatili at mga Pakinabang

Paano natin mapapanatili ang malaking pagbabagong iyon?

  1. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento linggu-linggo at nagpapanibago ng tipan na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, lagi Siyang alalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan.16

  2. Kapag ibinabaling natin ang ating buhay patungo sa templo.17 Ang regular na pagdalo sa templo ay tutulungan tayong magpanatili ng bago at pinanibagong puso habang nakikilahok tayo sa mga ordenansa.

  3. Kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang ating kapwa sa pamamagitan ng mga aktibidad sa ministering at gawaing misyonero.18

At para sa ating malaking kagalakan, ang pagbabagong iyon ng kalooban ay lumalakas at lumalaganap hanggang sa managana iyon sa mabubuting gawa.19

Ang malaking pagbabagong ito ng puso ay magbibigay sa atin ng damdamin ng kalayaan, pagtitiwala, at kapayapaan.20

Ang pagbabagong ito ng puso ay hindi isang minsanang pangyayari; kailangan ang pananampalataya, pagsisisi, at palagiang espirituwal na pagsisikap para mangyari ito. Nagsisimula ito kapag hinangad nating ipasakop ang ating kalooban sa Panginoon, at nangyayari kapag nakikipagtipan tayo sa Kanya at tinutupad ang mga iyon.

Ang indibiduwal na pagkilos na iyon ay may positibong epekto kapwa sa atin at sa mga tao sa ating paligid.

Sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson, “Isipin na lamang ninyo kung gaano kabilis malulutas ang mga hidwaan sa buong mundo—at sa personal nating buhay—kung pipiliin [nating] lahat na sundin si Jesucristo at ipamumuhay ang Kanyang mga turo.”21 Ang pagsunod na ito sa mga turo ng Tagapagligtas ay humahantong sa malaking pagbabago ng puso.

Mahal na mga kapatid, kabataan, at bata, habang nakikilahok tayo sa kumperensya sa katapusan ng linggong ito, hayaang tumimo sa ating puso ang mga salita ng ating mga propeta, na manggagaling sa Panginoon, para makaranas tayo ng malaking pagbabago.

Para sa mga hindi pa kasapi sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, inaanyayahan ko kayong makinig sa mga missionary nang may tapat na hangaring malaman kung ano ang inaasahan sa inyo ng Diyos at maranasan ang pagbabagong iyon ng kalooban.22

Ngayon ang araw para magpasiyang sundin ang Panginoong Jesucristo. “Panginoon, ibinibigay ko sa Iyo, ang aking puso; wala na akong iba pang maibibigay sa Iyo.”

Tulad lang ng pagkabawi sa singsing mula sa nawasak na barkong iyon, kapag ibinibigay natin ang ating puso sa Diyos, nasasagip tayo mula sa nagngangalit na mga dagat ng buhay na ito, at sa paggawa nito ay napipino at napadadalisay tayo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo at nagiging “mga anak ni Cristo,” na espirituwal na “isinilang sa Kanya.”23 Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.