“Elder James W. McConkie III,” Liahona, Mayo 2022.
Elder James W. McConkie III
General Authority Seventy
Nang dumating si Elder James W. McConkie III sa Czechoslovakia noong 1990 bilang binatang missionary, papatapos na sa bansa ang panahon ng komunismo at handa na itong magsimulang siyasating muli ang pagpapahayag at pananampalataya sa relihiyon. “Nasa tamang lugar ako sa tamang panahon kasama ang mga tamang tao,” sabi niya.
Kalaunan ay bumalik siya sa lugar noong may trabaho na siya, nagtatag ng isang nonprofit foundation, at pagkatapos ay naglingkod bilang pangulo ng Czech/Slovak Mission.
Noong siya ay 12 taong gulang, inanyayahan siya ng kanyang mga magulang na pag-aralan ang mga aklat ng mga pinuno ng Simbahan at pagkatapos ay talakayin ang nabasa niya. “Naniwala ang tatay at nanay ko sa kahalagahan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak, tulad ng iminungkahi sa Doktrina at mga Tipan,” sabi ni Elder McConkie. “Ang bahagi 68 ay nag-aanyaya sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang ‘doktrina ng pagsisisi’ at ‘pananampalataya kay Cristo’ (talata 25). Sineryoso iyon ng mga magulang ko.”
Ang pakiwari niya na babaguhin ng kapangyarihan ng ebanghelyo ang mga tao ay pumasok sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Nakita niya ring nangyayari ito sa mga Banal sa Czech Republic at Slovakia.
Si Elder James Wilson McConkie III ay isinilang sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Agosto 27, 1971, sa mga magulang na sina James Wilson McConkie II at Judith Miller McConkie. Pinakasalan niya si Laurel Springer noong Hulyo 1995 sa Salt Lake Temple. Mayroon silang apat na anak.
Si Elder McConkie ay nagtapos sa University of Utah na may bachelor’s degree sa history noong 1995 at nagtapos ng law degree noong 1999 mula sa National Law Center sa George Washington University. Nitong huli ay nagtrabaho siya bilang abugado sa Workman Nydegger at bilang direktor ng Wallace Toronto Foundation, na tinulungan niyang maitatag.
Si Elder McConkie ay naglilingkod bilang stake president nang tinawag siya. Nakapaglingkod na rin siya bilang bishop, high councilor, bishopric counselor, ward mission leader, elders quorum presidency counselor, mission preparation teacher, Gospel Doctrine teacher, at ward Young Men president.