2022
Mga Balita Tungkol sa Templo
Mayo 2022


Mga Balita Tungkol sa Templo

Ibinalita ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga planong magtayo ng 17 karagdagang mga templo, kaya umabot na sa 100 ang bilang ng mga templong ibinalita simula nang siya ay maging Pangulo ng Simbahan.

Ang mga templo ay itatayo sa o malapit sa Wellington, New Zealand; Brazzaville, Republic of the Congo; Barcelona, Spain; Birmingham, United Kingdom; Cusco, Peru; Maceió at Santos, Brazil; San Luis Potosí at Mexico City Benemérito, Mexico; at sa USA, sa Tampa, Florida; Knoxville, Tennessee; Cleveland, Ohio; Wichita, Kansas; Austin, Texas; Missoula, Montana; Montpelier, Idaho; at Modesto, California.

Mga Karagdagang Update

Simula noong huling pangkalahatang kumperensya, nailaan o muling nailaan ang mga templo, naibalita ang mga open house, at naiskedyul ang mga groundbreaking sa buong mundo.

Inilaan ang Winnipeg Manitoba Temple (Canada) at ang Pocatello Idaho Temple (USA), at muling inilaan ang Mesa Arizona Temple (USA). Ang mga petsa ng paglalaan o muling paglalaan at mga open house ay ibinalita para sa mga templo sa Yigo, Guam; Praia Cape Verde; Rio de Janeiro, Brazil; Washington, D.C., USA; at Tokyo, Japan.

Nagkaroon na ng seremonya ng groundbreaking para sa Casper Wyoming Temple (USA), Pago Pago American Samoa Temple, Bacolod Philippines Temple, at Freetown Sierra Leone Temple. Nakaiskedyul ang mga seremonya ng groundbreaking para sa mga templo sa sumusunod na mga lugar sa USA: Grand Junction, Colorado; Lindon, Utah; Farmington, New Mexico; Elko, Nevada; Burley, Idaho; Yorba Linda, California; at Smithfield, Utah.

Ibinalita ang mga lokasyon, at ibinigay ang mga rendisyon ng artist, para sa Cape Town South Africa Temple, Querétaro Mexico Temple, at Ephraim Utah Temple.

Mga Renobasyon

Ang pagtatayo at renobasyon ay nagpapatuloy sa ilang templo sa buong mundo, kabilang na ang renobasyon ng Salt Lake Temple at ang bakuran nito, pati na ang Church Office Building plaza. Gagawin ng proyekto na mas mabuti, mas bago, at mas maganda ang templo at ang mga bakuran sa paligid nito, papalitan nito ang lipas nang mga system, at tutugunan ang mga problema sa kaligtasan at sa lindol.

Pinatitibay ang templo para matagalan ang isang lindol na magnitude 7.2; pinatitibay at pinatatatag ang pundasyon laban sa lindol; pinapalitan ng bago ang mga kuryente at tubo ng tubig; itinatayo ang mga bagong entry area; pinapalitan ang sirang kongkreto sa plaza at muling ginawa ang landscaping para mabawasan ang bigat ng lupa sa mga istruktura sa ilalim ng lupa; at papalitan ang disenyo ng bakuran ng templo at ng plaza ng gusali ng opisina para maging mas bukas at kaaya-aya sa pakiramdam ang kapaligiran. Ang renobasyon, na nagsimula noong 2020, ay nakaiskedyul na makumpleto sa 2025.

Patuloy pa rin ang mga renobasyon sa mga templo sa Hamilton, New Zealand; Hong Kong, China; at Columbus, Ohio, at St. George at Manti, sa Utah, USA. Para sa kalagayan ng pagtatayo ng iba pang mga templo, tingnan ang link sa ibaba.

Pagbabalik sa Normal

Sa isang liham sa mga lider ng Simbahan na may petsang Marso 15, 2022, ibinalita ng Unang Panguluhan na ang mga templo sa buong mundo ay unti-unting babalik sa mas normal na takbo. Kabibilangan ito ng pag-aalis ng mga face mask at paghihigpit sa kapasidad, batay sa mga lokal na sitwasyon. Ang pagpapatupad para sa bawat templo ay pagpapasiyahan ng mga temple president at Area Presidency, ayon sa pakikipagsanggunian sa Temple Department.