Pinalalakas at Pinaglilingkuran ng mga Sister ang Ibang Tao
Sa social media at sa personal, ipinagpatuloy ng Relief Society General Presidency ang kanilang gawain upang patatagin ang mga pamilya at indibiduwal at paglingkuran ang mga anak ng Diyos sa buong mundo.
Noong Marso 2022, nagsalita si Pangulong Jean B. Bingham tungkol sa ika-180 anibersaryo ng pagkakatatag ng Relief Society. Ngayon, sabi niya, may pito’t kalahating milyong kababaihan ang nagbibigay ng kaginhawahan sa nagdurusa, nagliligtas ng mga kaluluwa, at ginagampanan ang katulad na mga layunin nang itatag ang Relief Society noong 1842.
Bumisita sina Pangulong Bingham at Sister Sharon Eubank, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency at pangulo ng Latter-day Saint Charities, sa ilang bansa sa Middle East. Sa Cairo, Egypt, sinabi ni Pangulong Bingham na humanga siya sa “tunay na pagmamahal ng mga Banal para sa isa’t isa.” Bumisita rin sina Pangulong Bingham at Sister Eubank sa isang refugee camp sa Kurdistan, kung saan nagbigay ng mga tirahan ang Simbahan.
Si Sister Reyna I. Aburto, Pangalawang Tagapayo, ay bumisita sa Spain kasama si Sister Michelle D. Craig, Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency. “Ang kapayapaan ng Diyos ay nagtatagal at nakahihigit sa lahat ng kasamaan sa mundo,” sabi ni Sister Aburto sa isang debosyonal para sa mga bata at kabataan.
Sa pamamagitan ng social media, nag-post ng mga mensahe ang Relief Society General Presidency tungkol sa nutrisyon, kapakanan, at kalusugan sa pagkabata, sa pakikipag-ugnayan sa Welfare and Self-Reliance Services ng Simbahan upang maiparating ang mga mensahe sa mga magulang tungkol sa mga pakinabang ng paghuhugas ng kamay, malinis na tubig na iinumin, pagpili ng mga nagpapalusog na pagkain, pagpapasuso, pagpapabakuna, kalinisan, at pagbisita sa mga klinika.
Hinikayat din ng panguluhan ang kababaihan na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa kung ano ang maghihikayat sa kanila na mas lubusang makilahok sa Relief Society at kung paano mas maisasama at masusuportahan ng Relief Society ang lahat.