2022
Magiting na Pagkadisipulo sa mga Huling Araw
Mayo 2022


10:18

Magiting na Pagkadisipulo sa mga Huling Araw

Lakasan natin ang ating loob, huwag humingi ng paumanhin, maging magiting, hindi mahiyain, puno ng pananampalataya, hindi puno ng takot sa pagtataas natin ng ilaw ng Panginoon sa mga huling araw na ito.

Ang kalayaang moral ay mahalagang kaloob ng Diyos sa bawat isa sa Kanyang mga anak.1 Tayo ay “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo.”2 Tayo ay hindi pipiliting gumawa ng mabuti ng Diyos, at tayo ay hindi mapipilit ng diyablo na gumawa ng masama.3 Kahit na maaaring iniisip ng ilan na ang buhay sa mundo ay labanan sa pagitan ng Diyos at ng kaaway, sa isang salita lamang ng Tagapagligtas ay “mapatatahimik at mapalalayas si Satanas. … Ang [ating] lakas ang sinusubok—hindi ang sa Diyos.”4

Ibig sabihin, sa huli ay aanihin natin kung ano ang itinanim ng mga pagpili natin sa buhay.5 Ano naman kaya ang sinasabi ng kabuuan ng ating mga iniisip, ninanais, salita, at gawa tungkol sa ating pagmamahal sa Tagapagligtas, sa Kanyang mga piniling tagapaglingkod, at sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan? Mas mahalaga ba sa atin ang mga tipan natin sa binyag, priesthood, at templo kaysa sa papuri ng mundo o sa bilang ng “mga like” sa social media? Mas matimbang ba ang pagmamahal natin sa Panginoon at sa Kanyang mga kautusan kaysa sa pagmamahal natin sa anumang bagay o sinumang tao sa buhay na ito?

Ang kaaway at ang kanyang mga tagasunod ay palaging naghahangad na sirain ang mga gawain ni Cristo at ng Kanyang mga propeta. Ang mga kautusan ng Tagapagligtas, kung hindi man binabalewalang lahat, ay ipinapalagay na walang kabuluhan ng marami sa mundo ngayon. Ang mga sugo ng Diyos na nagtuturo ng mga katotohanang “hindi madali” ay madalas na tinatanggihan. Maging ang Tagapagligtas ay tinawag na “isang taong matakaw at isang maglalasing,”6 at inakusahan na nanggagambala ng damdamin ng madla at nagdudulot ng kawalan ng pagkakaisa. Ang mahihina at nagsasabwatang mga kaluluwa ay “[nag-usap] kung paano siyang mabibitag sa kanyang pananalita,”7 at ang Kanyang “sekta” ng mga sinaunang Kristiyano sa “lahat ng mga dako ay laban [sa kanila] ang mga salitaan.”8

Hinarap ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga sinaunang tagasunod ang matitinding panloob at panlabas na oposisyon, at nararanasan din natin ito. Ngayon, halos imposible na matapang na ipamuhay ang ating pananampalataya nang hindi nakaaakit paminsan-minsan ng ilang harapan at virtual na pangungutya mula sa mga makamundo. Ang pagsunod sa Tagapagligtas nang may lakas ng loob ay kasiya-siya, ngunit kung minsan ay maaari tayong maging puntirya ng pag-atake ng mga nagsusulong ng “magsikain, magsiinom, at magsipagsaya9 na pilosopiya, kung saan ang pananampalataya kay Cristo, pagsunod, at pagsisisi ay pinalitan ng ilusyon na bibigyang-katwiran ng Diyos ang maliit na kasalanan dahil labis Niya tayong minamahal.

Nagsasalita “sa pamamagitan ng [Kanyang] tinig o sa tinig man ng [Kanyang] mga tagapaglingkod,”10 hindi ba’t sinabi ng Tagapagligtas na ang ating panahon ay “ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa” at na marami ang “tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip”?11 Hindi ba’t ikinalungkot Niya na “walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao”?11 Hindi ba’t nagbabala Siya na “mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila”?13 Hindi ba’t nakinita Niya na “[tatawagin] na mabuti ang masama, at [na] masama [ang] mabuti,”14 at na ang “magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay”?15

Paano naman kaya tayo? Dapat ba tayong magpasindak o matakot? Dapat ba nating isabuhay ang ating relihiyon nang hindi nalalaman nang iba? Hinding-hindi! Taglay ang pananampalataya kay Cristo, hindi tayo dapat matakot sa panghihiya ng mga tao o mangamba sa kanilang mga pangungutya.16 Kasama ang Tagapagligtas na nasa timon at ang mga buhay na propeta na namumuno at gumagabay sa atin, “sino ang [makala]laban sa atin?”17 Lakasan natin ang ating loob, huwag humingi ng paumanhin, maging magiting, hindi mahiyain, puno ng pananampalataya, hindi puno ng takot sa pagtataas natin ng ilaw ng Panginoon sa mga huling araw na ito.18

Nilinaw ng Tagapagligtas na “ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama. … Ngunit sinumang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila ko rin naman sa harapan ng aking Ama.”19

Dahil dito, habang mas gusto ng ilan ang isang Diyos na hindi nagbibigay ng mga kautusan, matapang nating patotohanan, sa mga salita ni Elder D. Todd Christofferson, na “ang isang Diyos na walang hinihingi ay tulad sa isang Diyos na hindi umiiral.”20

Habang mas gusto ng ilan na maging mapili sa mga kautusan na sinusunod nila, tanggapin natin nang may kagalakan ang paanyaya ng Tagapagligtas na “mamuhay sa pamamagitan ng bawat salita na namumutawi sa bibig ng Diyos.”21

Habang marami ang naniniwala na pinalalampas ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan ang paggawa ng “kung anuman ang nais ng [ating] puso,”22 magiting nating ipahayag na mali na “su[m]unod sa marami upang gumawa ng masama,”23 dahil “hindi magagawang tama ng mga kumpol ng tao ang ipinahayag ng Diyos na mali.”24

“O pakatandaan, pakatandaan … kung gaano kahigpit [ngunit nakapagpapalaya] ang mga kautusan ng Diyos.”25 Ang malinaw na pagtuturo sa kanila ay maaaring ituring kung minsan na hindi pagpaparaya. Kaya magalang nating ipamalas na hindi lamang posible kundi kinakailangan na mahalin ang isang anak ng Diyos na may mga paniniwalang naiiba sa atin.

Maaari nating tanggapin at igalang ang iba nang hindi itinataguyod ang mga paniniwala o kilos nila na hindi alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi natin kailangang isakripisyo ang katotohanan para makasundo ang iba at magustuhan ng mga tao.

Hindi magkatugma ang Sion at Babilonia. “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon.”26 Tandaan nating lahat ang tumatagos na tanong ng Tagapagligtas, “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?”27

Ipamalas natin ang ating pagmamahal para sa Panginoon sa pamamagitan ng buong puso at kusang-loob na pagsunod.

Kung pakiramdam ninyo ay naiipit kayo sa gitna ng pagiging isang disipulo at ng mundo, tandaan lamang na ang inyong mapagmahal na Tagapagligtas ay “nagpadala ng paanyaya … , sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa [inyo], at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.”28

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na si Jesucristo “ay gagawa ng ilan sa Kanyang mga pinakadakilang gawain ngayon at hanggang sa Kanyang muling pagparito.”29 Ngunit itinuro rin niya na “ang mga pipili sa pamamaraan ng Panginoon ay malamang na dumanas ng pag-uusig.”30 Ang “ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa [Kanyang p]angalan31 ang maaaring maging kalagayan natin kung minsan habang “mas [inuuna natin] ang Kanyang tinig kaysa sa iba.”32

“Mapalad ang sinumang,” sabi ng Tagapagligtas, “hindi natitisod sa akin.”33 Sa ibang talata natututunan natin na “may dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan, walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal.”34 Wala! Kaya tanungin natin ang ating sarili, “Nagtitiis ba ako nang ilang panahon, pero kapag dumating ang mga pighati at pag-usig dahil sa salita, kalaunan ay mabubuwal ba ako?35 Matibay ba akong nakasalig sa bato ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo?”

Isinusulong ng mga relatibistang pangmoralidad na ang katotohanan ay binubuo lamang ng lipunan, na walang likas na mga pamantayan ng moralidad. Ang sinasabi nila talaga ay walang kasalanan,36 na “ang ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala,”37 isang pilosopiya na ipinagyayabang ng kaaway na katha niya! Kaya mag-ingat tayo sa mga lobo na may damit tupa na palaging nagre-recruit at “gumagamit madalas ng kanilang mga itinatagong palusot para pagtakpan ang kanilang [sariling] maling pag-uugali.”38

Kung gusto talaga nating maging magigiting na mga disipulo ni Cristo, hahanap tayo ng paraan. Kung hindi, nag-aalok ang kaaway ng mga nakakaakit na alternatibo. Ngunit bilang matatapat na disipulo, “hindi tayo dapat humingi ng paumanhin sa ating mga pinaniniwalaan ni umurong sa mga bagay na alam nating totoo.”39

Sa pagtatapos, isang bagay tungkol sa 15 tagapaglingkod ng Diyos na nakaupo sa likuran ko. Habang ang makamundo ay “nagsasabi sa mga tagakita, Huwag kayong makakita ng pangitain; at sa mga propeta, Huwag kayong [magpropesiya] sa amin,”40 ang matatapat ay “puputungan ng mga pagpapala mula sa itaas, oo, at ng mga kautusang hindi kakaunti, at ng mga paghahayag sa kanilang panahon.”41

Hindi nakakagulat na ang mga kalalakihang ito ay madalas na nagiging mga tagatanggap ng hagupit ng kidlat mula sa mga hindi masaya sa salita ng Diyos na inihahayag ng mga propeta. Hindi naiisip ng mga kumakalaban sa mga propeta na “walang propesiya ng kasulatan na [dapat magmula] sa pansariling pagpapakahulugan” o resulta ng kalooban ng tao, “kundi [nagsasalita ngayon ang] mga taong [banal ng Diyos ayon sa pag-udyok] ng Espiritu Santo.”42

Tulad ni Pablo, ang mga taong ito ng Diyos ay “hindi [ikinahihiya] ang pagpapatotoo sa ating Panginoon” at sila ay Kanyang “[mga] bilanggo”43 sa paraan na ang doktrinang itinuturo nila ay hindi sa kanila kundi sa Kanya na tumawag sa kanila. Tulad ni Pedro, “hindi maaaring hindi [nila] sabihin ang [kanilang] nakita at narinig.”44 Pinatototohanan ko na ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay mabubuti at matatapat na taong nagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak na minamahal Niya. Dapat nating tanggapin ang kanilang mga salita na parang mula ang mga ito sa sariling bibig ng Panginoon “nang buong pagtitiis at pananampalataya. Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa [atin] … at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan [natin].”45

“Walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain”;46 matagumpay itong susulong nang kasama man tayo o hindi, kaya “piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran.”47 Huwag magpaloko o magpasindak sa mga pag-iingay ng kaaway na nagmumula sa malaki at maluwag na gusali. Ang mga desperado nilang pag-iingay ay walang laban sa mapayapang impluwensya ng tahimik at maliit na tinig sa mga bagbag na puso at nagsisising espiritu.

Pinatototohanan ko na si Cristo ay buhay, na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at na pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, kaya naman natitiyak na tayo ay hindi “tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral.”48

“Ang tunay na mga disipulo ni Jesucristo,” turo ni Pangulong Nelson, “ay handang lumantad, magsalita, at maiba sa mga tao sa mundo. Sila ay walang takot, tapat, at matapang.”49

Mga kapatid, magandang araw ngayon para maging mabuti! Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.