2022
Hagdan ng Pananampalataya
Mayo 2022


10:21

Hagdan ng Pananampalataya

Hinahadlangan ng kawalan ng paniniwala ang ating kakayahang makakita ng mga himala, samantalang binubuksan naman ng pananampalataya sa Tagapagligtas ang mga kapangyarihan ng langit.

Paano maapektuhan ng mga hamon sa buhay ang ating pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang magiging epekto ng ating pananampalataya sa kagalakan at kapayapaang dinaranas natin sa buhay na ito?

Ang taon ay 1977. Tumunog ang telepono, at nawasak ang aming puso sa mensahe. Lilipat na sina Carolyn at Doug Tebbs sa bago nilang tahanan dahil nagtapos na sila sa graduate school. Nagdatingan ang elders quorum para tumulong magpasok ng mga kagamitan sa van na gagamitin sa paglipat. Sumulyap si Doug sa huling pagkakataon, na tinitiyak na walang nakaharang sa daan bago umatras. Hindi niya nakita na tumakbo ang maliit niyang anak na si Jennie sa likod ng trak sa maling sandali. Sa isang iglap, nawala ang pinakamamahal nilang si Jennie.

Ano ang susunod na mangyayari? Lilikha kaya ng malaking hidwaan sa pagitan nina Carolyn at Doug ang sakit na matindi nilang nadama at ang di-maisip na kawalan, o patatatagin nito kahit paano ang kanilang relasyon at patitibayin ang kanilang pananampalataya sa plano ng Ama sa Langit?

Ang naranasan nilang mga paghihirap ay naging mahaba at masakit, ngunit mula sa kung saan ay dumating ang espirituwal na lakas na huwag mawalan ng pag-asa kundi “maging matatag sa [kanilang] landas.”1 Kahit paano ay naging higit na katulad ni Cristo ang kahanga-hangang mag-asawang ito. Mas tapat. Mas mahabagin. Naniwala sila na, sa Kanyang panahon, ilalaan ng Diyos ang kanilang mga paghihirap para sa kanilang kapakinabangan.2

Bagama’t hindi mawawala at hindi maaaring lubos na mawala ang sakit at kawalan, napanatag sina Carolyn at Doug sa katiyakan na kapag nanatili silang matatag sa landas ng tipan, mapapasakanila ang pinakamamahal nilang si Jennie magpakailanman.3

Ang kanilang halimbawa ay nagpalakas sa aking pananampalataya sa plano ng Panginoon. Hindi natin nakikita ang lahat ng bagay. Nakikita Niya iyon. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith sa Liberty Jail na “lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti. Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?”4

Kapag tinatanggap natin ang kalooban ng Panginoon, tinuturuan Niya tayo kung paano lumakad na kasama Niya.5 Noong binata akong missionary sa Tahiti, hinilingan akong magbasbas sa isang sanggol na maysakit. Ipinatong namin ang aming mga kamay sa kanyang ulunan at binasbasan siya upang gumaling. Nagsimulang bumuti ang kanyang lagay, ngunit muli siyang nagkasakit. Sa ikalawang pagkakataon, binasbasan namin siya ngunit gayon din ang nangyari. Dumating ang ikatlong kahilingan. Isinamo namin sa Panginoon na masunod ang Kanyang kalooban. Di-nagtagal, umuwi ang munting espiritung ito sa kanyang tahanan sa langit.

Ngunit napayapa kami. Ginusto naming mabuhay ang sanggol, ngunit iba ang plano ng Panginoon. Ang pagtanggap sa Kanyang kalooban kaysa sa sarili nating kalooban ang susi sa pagkakaroon ng kagalakan anuman ang ating sitwasyon.

Ang simpleng pananampalataya natin kay Jesucristo habang nagsisimula tayong matuto tungkol sa Kanya ay maaaring manatili sa ating puso habang dumaranas tayo ng mga hamon sa buhay. Ang ating pananampalataya sa Kanya ay magagabayan at gagabayan tayo sa mga kumplikasyon ng buhay. Tunay ngang makasusumpong tayo ng kasimplehan sa kabila ng mga kumplikasyon ng buhay6 habang nananatili tayong “[matatag] kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa.”7

Bahagi ng layunin ng buhay ang tulutan ang potensyal na mga katitisurang ito na maging mga tuntungan habang umaakyat tayo sa tinatawag kong “hagdan ng pananampalataya”—isang hagdan dahil nagpapahiwatig ito na ang pananampalataya ay pabagu-bago. Maaari itong umakyat o bumaba ayon sa ating mga pagpapasiya.

Habang nagsisikap tayong magkaroon ng pananampalataya sa Tagapagligtas, maaaring hindi natin lubos na naiintindihan ang pagmamahal ng Diyos sa atin, at maaaring sinusunod natin ang Kanyang mga utos dahil obligado tayo. Maaari pa ngang maging pangunahing dahilan ang bagabag ng konsiyensya kaysa pagmamahal. Maaaring hindi pa natin nararanasang tunay na makipag-ugnayan sa Kanya.

Habang hinahangad nating palaguin ang ating pananampalataya, maaari tayong malito sa itinuro ni Santiago. Ipinaalala Niya sa atin na “ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog.”8 Maaari tayong matisod kung iniisip natin na lahat ng bagay ay nakadepende sa atin. Ang sobrang pagdepende sa ating sarili ay maaaring makahadlang sa kakayahan nating matamo ang mga kapangyarihan ng langit.

Ngunit habang nagkakaroon tayo ng tunay na pananampalataya kay Jesucristo, nagsisimulang magbago ang ating pag-iisip. Kinikilala natin na ang pagsunod at pagsampalataya sa Tagapagligtas ay pinagigindapat tayong sumaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina.9 Kapag ginawang layunin ang pagsunod, hindi na ito kaiinisan.10 Nauunawaan natin na sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, pinagkakatiwalaan Niya tayo. Ang Kanyang pagtitiwala ay naghahatid ng dagdag na pang-unawa. Ang liwanag na ito ay gumagabay sa ating paglalakbay at hinahayaan tayong makita nang mas malinaw ang landas na dapat nating tahakin.

Ngunit may karagdagan pa. Habang lumalago ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas, nadarama natin ang bahagyang pagbabago na kinapapalooban ng banal na pag-unawa sa ating kaugnayan sa Diyos—isang matibay na determinasyon na isipin kung “Ano ang gusto ng Diyos?” kaysa kung “Ano ang gusto ko?” Tulad ng Tagapagligtas, nais nating kumilos “ hindi … ayon sa ibig ko, kundi … ayon sa ibig mo.”11 Nais nating gawin ang gawain ng Diyos at maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay.12

Walang hanggan ang ating pag-unlad. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na napakarami pang nais ipaalam sa atin ang Ama sa Langit.13 Habang umuunlad tayo, mas nauunawaan natin ang itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith: “Sapagkat kung inyong susundin ang aking mga kautusan ay tatanggapin ninyo ang kanyang kaganapan, at maluluwalhati sa akin; … sinasabi ko sa inyo, kayo ay makatatanggap nang biyaya sa biyaya.”14

Tayo ang magpapasiya kung gaano kataas ang aakyatin natin sa hagdan ng pananampalataya. Itinuro ni Elder Neil L. Andersen na “ang pananampalataya ay hindi matatamo kung wala munang pagpiling gagawin.”15 Mapipili nating gumawa ng mga pagpiling kailangan para lumago ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas.

Isipin ang epekto ng mga pagpiling ginawa nang bumaba ng hagdan ng pananampalataya sina Laman at Lemuel samantalang umakyat naman si Nephi. May mas lilinaw pa ba kaysa sa pagkakaiba ng tugon ni Nephi na “hahayo ako at gagawin [ko]”16 sa tugon nina Laman at Lemuel, na gayong kakakita pa lang sa isang anghel ay nagsabing “Paano mangyayaring ibibigay [siya] ng Panginoon?”17

Hinahadlangan ng kawalan ng paniniwala ang ating kakayahang makakita ng mga himala, samantalang binubuksan naman ng pananampalataya sa Tagapagligtas ang mga kapangyarihan ng langit.

Kahit kapag mahina ang ating pananampalataya, laging unat ang kamay ng Panginoon.18 Ilang taon na ang nakararaan, natanggap ko ang tungkuling i-reorganize ang isang stake sa Nigeria. Sa huling sandali, nagkaroon ng pagbabago sa petsa. May isang lalaki sa stake na nagpasiyang lumipat ng bayan sa unang petsa ng kumperensya. Gusto niyang iwasan na matawag na stake president.

Habang nasa malayo siya, nagkaroon siya ng matinding aksidente, ngunit hindi siya nasaktan. Naging dahilan ito para isipin niya kung bakit hindi siya namatay. Muli niyang pinag-isipan ang desisyong ginawa niya. Nagsisi siya at mapagkumbabang dumalo sa bagong petsa ng kumperensya. At tama, siya ang tinawag na bagong stake president.

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell: “Tanging sa pag-aayon lamang ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos matatagpuan ang ganap na kaligayahan. Anumang mas mababa rito ay nagreresulta sa mas mababang bahagi.”19

Matapos gawin ang “lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya,” oras na para “[tumayong] hindi natitinag … na[ng] makita ang pagliligtas ng Diyos.”20 Nakita ko ito habang naglilingkod ako bilang ministering brother sa pamilya McCormick. Kasal na nang 21 taon, tapat na naglingkod si Mary Kay sa kanyang mga calling. Hindi miyembro ng Simbahan si Ken at hindi siya interesadong sumapi, ngunit dahil mahal ang kanyang asawa, pinili niyang samahan itong magsimba.

Isang araw ng Linggo nadama kong ibahagi ang patotoo ko kay Ken. Tinanong ko siya kung maaari kong gawin iyon. Simple at malinaw ang tugon niya: “Huwag na, salamat.”

Naguluhan ako. Nadama ko ang pahiwatig at sinikap kong sundin iyon. Nakatutuksong ipasiya na nagawa ko na ang aking bahagi. Ngunit matapos manalangin at magnilay, nakita ko na kahit tama ang mga intensyon ko, umasa akong masyado sa sarili ko at di-gaano sa Panginoon.

Kalauna’y bumalik ako ngunit iba na ang pag-iisip ko. Pupunta ako bilang isang kasangkapan lamang sa mga kamay ng Panginoon, na walang ibang hangarin kundi sundin ang Espiritu. Kasama ang aking tapat na companion na si Gerald Cardon, pumasok kami sa tahanan ng mga McCormick.

Hindi nagtagal, nadama ko ang pahiwatig na ipakanta kay Gerald ang “Buhay ang Aking Manunubos.”21 May pagdududa ang tingin niya sa akin, ngunit dahil may pananalig siya sa aking pananampalataya, kinanta niya iyon. Napuno ng sigla ang silid. Dumating ang pahiwatig na ipabahagi kay Mary Kay at sa anak nilang si Kristin ang kanilang patotoo. Nang gawin nila iyon, lalong lumakas ang Espiritu. Sa katunayan, matapos magpatotoo si Kristin, tumulo ang luha sa mga pisngi ni Ken.22

Ang Diyos ang gumawa ng paraan. Hindi lang naantig ang mga puso kundi nagbago magpakailanman. Pinalis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang dalawampu’t isang taon ng kawalan ng paniniwala. Makalipas ang isang linggo, nabinyagan si Ken. Makalipas ang isang taon, nabuklod sina Ken at Mary Kay sa bahay ng Panginoon para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan.

Magkakasama naming naranasan ang kahulugan ng palitan ng kalooban ng Panginoon ang ating kalooban, at lumago ang aming pananampalataya sa Kanya.

Mangyaring pag-isipan ang ilang bagay na itinanong ng mga banal na propeta ng Diyos habang sinisikap ninyong umakyat sa inyong hagdan ng pananampalataya:

Nawala na ba ang aking kapalaluan?23

Binibigyan ko ba ng puwang sa puso ko ang salita ng Diyos?24

Tinutulutan ko bang mailaan ang aking mga paghihirap para sa aking kapakinabangan?25

Handa ba akong ipasakop ang aking kalooban sa kalooban ng Ama?26

Kung nadama ko nang kantahin ang awit ng mapagtubos na pagmamahal, nadarama ko ba iyon ngayon?”27

Hinahayaan ko bang manaig ang Diyos sa buhay ko?28

Kung makita ninyo na salungat sa inyong pananampalataya sa Tagapagligtas ang landas ninyo ngayon, hanapin ang inyong daan pabalik sa Kanya. Nakasalalay roon ang kadakilaan ninyo at ng inyong mga inapo.

Nawa’y itanim natin nang malalim ang mga binhi ng pananampalataya sa ating puso. Nawa’y mapangalagaan natin ang mga binhing ito habang ibinibigkis natin ang ating sarili sa Tagapagligtas sa paggalang sa mga tipang nagawa natin sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.