2022
Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya
Mayo 2022


13:3

Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya

Habang tayo’y nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya, nakikilahok tayo sa dakila at maluwalhating gawaing naghahanda sa mundo para sa pagbalik ng Mesiyas nito.

Isipin natin sandali na nakatayo tayo sa isang bundok sa Galilea, at sumasaksi sa kadakilaan at kaluwalhatian ng pagbisita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. Kahanga-hangang isipin na personal nating maririnig ang mga salitang ito na ibinahagi Niya sa kanila, ang Kanyang taimtim na utos na “kaya’t sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”1 Tiyak na ang mga salitang ito ay magbibigay-kapangyarihan, magbibigay-inspirasyon, at aantig sa bawat isa sa atin, tulad ng nagawa ng mga ito sa Kanyang mga Apostol. Tunay ngang inilaan nila ang nalalabing panahon ng kanilang buhay sa paggawa niyon.

Ang nakatutuwa, hindi lamang ang mga Apostol ang nagsapuso sa mga salita ni Jesus. Nakilahok ang mga miyembro ng Simbahan noon, mula sa pinakabago hanggang sa pinakamatagal na, sa dakilang atas ng Tagapagligtas, sa pagbabahagi ng mabuting balita ng ebanghelyo sa mga nakilala at kakilala nila. Ang determinasyong ibahagi ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo ay nakatulong sa Kanyang bagong-tatag na Simbahan na lumago nang husto.2

Tayo rin, bilang mga disipulo ni Cristo, ay inaanyayahang sundin ang Kanyang atas ngayon, na para bang naroon tayo sa bundok na iyon sa Galilea nang una Niyang ipahayag iyon. Nagsimulang muli ang atas na ito noong 1830, nang italaga ni Joseph Smith ang kapatid niyang si Samuel bilang unang missionary ng Simbahan ni Jesucristo.3 Mula noon, mahigit 1.5 milyong missionary na ang naglakbay sa buong mundo para magturo sa lahat ng bansa at magbinyag sa lahat ng tumatanggap sa masayang balita ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ito ang ating doktrina. Ang ating masidhing hangarin.

Mula sa ating mga bata hanggang sa pinakamatanda sa atin, nananabik tayo sa panahon na maririnig natin ang panawagan ng Tagapagligtas at maibabahagi ang ebanghelyo sa mga bansa ng mundo. Natitiyak ko na nadama rin ninyong mga kabataang lalaki at babae ang gayong nagbibigay-kapangyarihang hamon mula sa ating propeta kahapon nang anyayahan niya kayong maghandang maglingkod bilang full-time missionary tulad ng ginawa ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol.

Gaya ng mga atletang naghihintay ng hudyat na magsimula, naghihintay tayo nang may pag-asam sa opisyal na paanyaya, na may lagda ng propeta, na naghuhudyat na simula na ng laro! Ang hangaring ito ay marangal at nagbibigay-inspirasyon; gayunman, isipin natin ang tanong na ito: bakit hindi tayo magsimulang lahat ngayon?

Maaaring maitanong ninyo, “Paano ako magiging missionary nang walang name badge?” O sinasabi natin sa ating sarili na, “Ang mga full-time missionary ang itinatalaga para gawin ang gawaing ito. Gusto kong tumulong pero saka na lang siguro kapag medyo kalmado na ang buhay.”

Mga kapatid, mas simple pa ito kaysa roon! Mabuti na lang, maisasakatuparan ang dakilang atas ng Tagapagligtas sa simple at madaling maunawaang mga alituntunin na itinuro sa bawat isa sa atin noong bata pa tayo: magmahal, magbahagi, at mag-anyaya.

Magmahal

Ang unang bagay na magagawa natin ay magmahal na tulad ni Cristo.

Nalulungkot tayo sa pagdurusa ng mga tao at mga tensyon na nakikita natin sa buong mundo sa napakagulong mga panahong ito. Gayunman, maaari din tayong mabigyang-inspirasyon ng pagbubuhos ng habag at pagiging makatao na naipamalas ng mga tao sa lahat ng dako sa kanilang mga pagsisikap na tumulong sa mga taong binabalewala ng iba—sa mga napaalis sa kanilang tahanan, nahiwalay sa kanilang pamilya, o nagdaranas ng iba pang mga uri ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa.

Kamakailan, iniulat sa balita na nag-iwan ang isang grupo ng mga ina sa Poland, na nag-aalala sa tumatakas na mga desperadong pamilya, ng mga stroller na kumpleto sa gamit at maayos na nakalinya sa platform ng isang istasyon ng tren, handa at naghihintay para sa mga ina at batang refugee na mangangailangan sa mga ito sa hangganang iyon sa pagbaba nila ng tren. Tiyak na nakangiti ang ating Ama sa Langit sa hindi makasariling mga pagkakawanggawa na tulad nito, dahil kapag pinapasan natin ang mga pasanin ng isa’t isa, “[na]tutupad [natin] ang kautusan ni Cristo.”4

Tuwing nagpapakita tayo ng pagmamahal na tulad ni Cristo sa ating kapwa, ipinapangaral natin ang ebanghelyo—kahit hindi tayo nagsasalita.

Pagmamahal sa iba ang malinaw na pagpapahayag ng ikawalang dakilang utos na ibigin ang ating kapwa;5 ipinapakita nito ang nagpapadalisay na proseso ng Banal na Espiritu na pumupukaw sa ating sariling kaluluwa. Sa pagpapamalas ng pagmamahal ni Cristo sa iba, mahihikayat natin ang mga nakakakita sa ating mabubuting gawa na “luwalhatiin [ang ating] Ama na nasa langit.”6

Ginagawa natin ito nang walang inaasahang kapalit.

Ang inaasam natin, siyempre, ay tatanggapin nila ang ating pagmamahal, bagama’t hindi natin kontrolado kung paano sila tumutugon.

Ang tiyak na kontrolado natin ay ang ating ginagawa at ating pagkatao.

Sa pamamagitan ng pagmamahal na tulad ni Cristo sa iba, ipinapangaral natin ang maluwalhati at nagpapabago-ng-buhay na mga epekto ng ebanghelyo ni Cristo, at makabuluhan tayong lumalahok sa pagtupad sa Kanyang dakilang atas.

Magbahagi

Ang pangalawang bagay na magagawa natin ay magbahagi.

Sa unang mga buwan ng pandemyang COVID-19, nadama ni Brother Wisan na taga-Thailand ang pahiwatig na ibahagi ang kanyang mga damdamin at impresyon tungkol sa kanyang natututuhan sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa kanyang social media account. Sa isa sa kanyang partikular na personal na post, ibinahagi niya ang kuwento tungkol sa dalawang missionary sa Aklat ni Mormon, sina Amulek at Alma.

Bagama’t ang kanyang kapatid na si Winai ay matatag na sa paniniwala sa relihiyon nito, naantig ito ng kanyang post at tumugon dito at hindi inaasahang nagtanong, “Makukuha ko ba ang aklat na iyan sa wikang Thai?”

Matalinong isinaayos ni Wisan na magpadala ng kopya ng Aklat ni Mormon sa dalawang sister missionary, na nagsimulang magturo sa kanyang kapatid.

Sumali si Wisan sa mga virtual lesson, kung saan ibinahagi niya ang kanyang mga damdamin tungkol sa Aklat ni Mormon. Natutong magdasal at mag-aral si Winai nang may diwang hanapin ang katotohanan, at tanggapin at yakapin ito. Sa loob ng ilang buwan, nabinyagan si Winai!

Sinabi ni Wisan kalaunan, “Responsibilidad natin na maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, at kailangan nating maging handa palagi para magawa Niya ang Kanyang gawain sa Kanyang paraan sa pamamagitan natin.” Naganap ang himala sa kanilang pamilya dahil lamang sa ibinahagi ni Wisan ang ebanghelyo sa normal at natural na paraan.

Lahat tayo’y nagbabahagi ng kung anu-ano sa iba. Madalas nating ginagawa iyon. Ibinabahagi natin ang mga pelikula at pagkaing gusto natin, mga nakakatawang bagay na nakikita natin, mga lugar na binibisita natin, sining na nagugustuhan natin, mga siping nagbibigay-inspirasyon sa atin.

Paano natin simpleng maidaragdag sa listahan ng mga bagay na ibinabahagi na natin kung ano ang gustung-gusto natin tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?

Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “Kung may nagtatanong tungkol sa katapusan ng inyong linggo, huwag mag-atubiling banggitin ang naranasan ninyo sa simbahan. Banggitin ang maliliit na batang tumayo sa harapan ng kongregasyon at buong siglang umawit kung paano nila sinisikap na maging tulad ni Jesus. Banggitin ang tungkol sa grupo ng kabataan na gumugol ng oras sa pagtulong sa matatanda sa mga bahay-kalinga upang bumuo ng personal na mga kasaysayan.”7

Ang pagbabahagi ay hindi “pagbebenta” ng ebanghelyo. Hindi ninyo kailangang magsulat ng isang sermon o itama ang mga maling pagkaunawa ng isang tao.

Pagdating sa gawaing misyonero, hindi kailangan ng Diyos na maging sheriff Niya kayo; gayunma’y hinihiling Niya na maging tagapagbahagi Niya kayo.

Sa pagbabahagi ng ating mga positibong karanasan sa ebanghelyo sa iba, nakikilahok tayo sa pagtupad sa dakilang atas ng Tagapagligtas.

Mag-anyaya

Ang pangatlong bagay na magagawa ninyo ay mag-anyaya.

Si Sister Mayra ay isang bagong binyag na taga-Ecuador. Agad na tumindi ang kanyang kagalakan sa ebanghelyo kasunod ng kanyang binyag nang mag-anyaya siya ng mga kaibigan at mahal sa buhay na nakapaligid sa kanya sa pamamagitan ng mga social media account. Maraming kapamilya at kaibigang nakakita sa kanyang mga post ang nagpadala ng mga tanong. Nakipag-ugnayan sa kanila si Mayra, na madalas na inaanyayahan sila sa bahay niya para magkakasama nilang makausap ang mga missionary.

Nabinyagan ang mga magulang ni Mayra, kanyang mga kapatid, kanyang tita, dalawang pinsan, at ilan sa kanyang mga kaibigan dahil buong tapang niya silang inanyayahang “pumarito at tingnan,” “pumarito at maglingkod,” at “pumarito at makabilang.” Sa pamamagitan ng kanyang normal at natural na mga paanyaya, mahigit 20 tao ang tumanggap sa kanyang paanyaya na mabinyagan bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Nangyari ito dahil inanyayahan lang ni Sister Mayra ang iba na maranasan ang kagalakang nadama niya bilang miyembro ng Simbahan.

Si Sister Mayra at ang mga inanyayahan niyang makaranas ng kagalakan ng ebanghelyo

Daan-daang paanyaya ang maipararating natin sa iba. Maaari nating anyayahan ang iba na “pumarito at tingnan” ang isang sacrament service, isang aktibidad ng ward, isang online video na nagpapaliwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang “pumarito at tingnan” ay maaaring maging isang paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon o bisitahin ang isang bagong templo sa open house nito bago ito ilaan. Kung minsa’y inaanyayahan natin ang ating sarili—isang paanyaya sa ating sarili, na nagbibigay sa atin ng kamalayan at pananaw sa mga oportunidad na nakapaligid sa atin na magagawa natin.

Sa panahon nating digital, kadalasa’y nagbabahagi ng mga mensahe ang mga miyembro sa pamamagitan ng social media. Daan-daan, kung hindi man libu-libo, ang nakapagpapasiglang mga bagay na karapat-dapat na ibahagi. Ang mga ito ay nag-aanyayang “pumarito at tingnan,” “pumarito at maglingkod,” at “pumarito at makabilang.”

Habang inaanyayahan natin ang iba na matuto pa tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, nakikilahok tayo sa panawagan ng Tagapagligtas na maging abala sa gawain ng Kanyang atas.

Konklusyon

Mahal kong mga kapatid, napag-usapan natin ngayon ang tatlong simpleng bagay—madadaling bagay—na magagawa ng sinuman. Mga bagay na magagawa ninyo! Marahil ay ginagawa na ninyo ang mga iyon—kahit hindi ninyo lubos natatanto iyon!

Inaanyayahan ko kayong mag-isip ng mga paraan na maaari kayong magmahal, magbahagi, at mag-anyaya. Habang ginagawa ninyo iyon, makadarama kayo ng malaking kagalakan, batid na sinusunod ninyo ang mga salita ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas.

Ang hinihimok kong gawin ninyo ay hindi isang bagong programa. Narinig na ninyo dati ang mga alituntuning ito. Hindi ito ang “susunod na malaking bagay” na ipinagagawa sa inyo ng Simbahan. Ang tatlong bagay na ito ay karugtong lamang ng kung sino na tayo bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Walang name badge o liham na kailangan.

Walang pormal na calling na kailangan.

Kapag ang tatlong bagay na ito ay naging natural na bahagi ng ating pagkatao at pamumuhay, ang mga ito ay magiging awtomatiko at hindi sapilitang pagpapahayag ng tunay na pagmamahal.

Tulad ng mga disipulong iyon ni Cristo na sama-samang nagtipon para matuto mula sa Kanya sa Galilea 2,000 taon na ang nakalilipas, maaari din tayong sumunod sa utos ng Tagapagligtas at humayo sa buong mundo na ipinapangaral ang ebanghelyo.

Habang tayo’y nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya, nakikilahok tayo sa dakila at maluwalhating gawaing naghahanda sa lupa para sa pagbalik ng Mesiyas nito.

Nawa’y dinggin natin ang panawagan ng Tagapagligtas at magsikap tayong maging abala sa Kanyang dakilang atas ang dalangin ko sa pangalan ni Cristo Jesus, amen.

Mga Tala

  1. Mateo 28:19.

  2. Ano ang sanhi ng paglago ng Simbahan noon? Ipinahiwatig ng isang mananalaysay: “Ang unang bagay na maaaring nagdulot ng seryosong pagtatanong tungkol sa likas na katangian ng pagiging Kristiyano ay ang personal na pakikipag-ugnayan sa ibang mga mananampalataya. … Ang mabuhay at makitrabaho kasama ng mga tagasunod Jesus, masaksihan ang kanilang pag-uugali nang malapitan, at marinig silang mag-usap-usap tungkol sa ebanghelyo sa kanilang ordinaryong pang-araw-araw na mga aktibidad ay naging ebidensya ng mga buhay na nagbago. Sa puntong ito, ang kapangyarihang mang-akit ng pananampalatayang Kristiyano ay malamang na di-gaanong madalas maging laman ng mga pagpapahayag sa publiko ng pinakabantog na mga kinatawan nito na tulad ng tahimik na patotoo ng mga ordinaryong sumasamba kay Jesus na sumasaksi sa kredibilidad ng katapatan nila sa kanilang integridad, katatagan, at pagiging bukas sa iba” (Ivor J. Davidson, The Birth of the Church: From Jesus to Constantine, AD 30–312 [2005], 108–9).

  3. Tingnan sa Lucy Mack Smith, History, 1845, pahina 169, josephsmithpapers.org.

  4. Galacia 6:2.

  5. Tingnan sa Mateo 22:39.

  6. Mateo 5:16.

  7. Dieter F. Uchtdorf, “Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 17.