2022
Ang Inyong Banal na Katangian at Walang Hanggang Tadhana
Mayo 2022


14:9

Ang Inyong Banal na Katangian at Walang Hanggang Tadhana

Inaanyayahan ko kayong isentro ang inyong buhay kay Jesucristo at tandaan ang pundasyon ng mga katotohanan sa tema ng Young Women.

Mahal na mga kapatid na babae, salamat sa inyong pagdalo. Karangalan kong makibahagi sa sesyong ito ng pangkalahatang kumperensya para sa kababaihan. Paminsan-minsa’y nagkakaroon din ako ng pribilehiyong dumalo sa mga klase ng Young Women. Ngunit lilinawin ko lang—hindi ako bata, at hindi ako babae! Gayunman, nalaman ko na hindi ko gaanong nadarama na hindi ako kabilang kung kaya kong bigkasin ang tema ng Young Women na kasabay ang mga kabataang babae. Ang malalim na doktrinang itinuturo sa tema ng Young Women1 ay mahalaga para sa mga kabataang babae, ngunit angkop ito sa lahat, pati na sa aming hindi mga kabataang babae.

Ang tema ng Young Women ay nagsisimula sa, “Ako ay minamahal na anak na babae ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang hanggang tadhana.”2 Ang pahayag na ito ay naglalaman ng apat na mahahalagang katotohanan. Una, kayo ay minamahal na anak na babae. Wala kayong anumang ginagawa—o hindi ginagawa—na makakapagpabago niyan. Mahal kayo ng Diyos dahil kayo ay Kanyang espiritung anak. Kung minsan maaaring hindi natin madama ang Kanyang pagmamahal, ngunit lagi iyong nariyan. Ang pagmamahal ng Diyos ay sakdal.3 Ang ating pagdama sa pagmamahal na iyan ay hindi sakdal.

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng Espiritu sa pagpaparating ng pagmamahal ng Diyos sa atin.4 Subalit ang impluwensya ng Espiritu Santo ay maaaring maitago “ng matitinding damdamin tulad ng galit, poot, … [o] takot, … para itong pagtikim sa masarap na lasa ng ubas habang kumakain ng siling jalapeño. … Mas matapang ang lasa ng isa [kaysa sa isa].”5 Gayundin, ang mga pag-uugaling naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, pati na ang kasalanan,6 ay nagpapahirap sa atin na madama ang pagmamahal ng Diyos sa atin.

Gayundin, maaaring hindi natin gaanong madama ang pagmamahal ng Diyos dahil sa mga hamon at karamdamang pisikal o mental, bukod pa sa ibang mga bagay. Sa lahat ng sitwasyong ito, ang payo ng mapagkakatiwalaang mga lider o propesyonal ay kadalasang maaaring makatulong. Maaari din nating sikaping pag-ibayuhin ang ating kakayahang madama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatanong sa ating sarili, “Hindi ba nagbabago ang pagmamahal ko sa Diyos, o mahal ko ba Siya kapag maganda ang araw ko pero hindi gaano kapag masama ang araw ko?”

Ang pangalawang katotohanan ay na mayroon tayong mga magulang sa langit, isang ama at isang ina.7 Ang doktrina tungkol sa isang Ina sa Langit ay nagmumula sa paghahayag at isa itong katangi-tanging paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ang kahalagahan ng katotohanang ito: “Nagsisimula ang ating teolohiya sa mga magulang sa langit. Ang pinakamimithi natin ay maging katulad nila.”8

Kakaunti lang ang naihayag tungkol sa Ina sa Langit, ngunit ang alam natin ay nakabuod sa isang paksa ng ebanghelyo na matatagpuan sa ating Gospel Library application.9 Kapag nabasa ninyo kung ano ang naroon, malalaman ninyo ang lahat ng alam ko tungkol sa paksang iyon. Sana’y mas marami pa akong alam. Maaaring may mga tanong pa rin kayo at gusto ninyong mahanap ang iba pang mga sagot. Ang paghahangad na mas makaunawa ay mahalagang bahagi ng ating espirituwal na pag-unlad, ngunit maging maingat sana kayo. Hindi mapapalitan ng katwiran ang paghahayag.

Ang haka-haka ay hindi hahantong sa mas maraming espirituwal na kaalaman, sa halip maaari tayong malinlang nito o malihis ang ating tuon sa naihayag na.10 Halimbawa, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo, “Kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan.”11 Sinusundan natin ang huwarang ito at itinutuon ang ating pagsamba sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo at hindi tayo nagdarasal sa Ina sa Langit.12

Mula nang magtalaga ang Diyos ng mga propeta, naging awtorisado na silang magsalita para sa Kanya. Ngunit hindi sila nagpapahayag ng mga doktrinang ginawa ayon “sa sarili [nilang] kagustuhan”13 o itinuturo yaong hindi pa naipahahayag. Isipin ang mga salita ng propeta sa Lumang Tipan na si Balaam, na sinuhulan upang sumpain ang mga Israelita para makinabang ang Moab. Sinabi ni Balaam, “Kahit ibigay sa akin [ng hari ng Moab] ang kanyang bahay na puno ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng Panginoon kong Diyos na ako’y gumawa ng kulang o higit.”14 Gayon din ang pagpigil sa mga propeta sa mga huling araw. Ang paghingi ng paghahayag mula sa Diyos ay kapwa kayabangan at walang kahihinatnan. Sa halip, maghintay tayo sa Panginoon at sa Kanyang takdang panahon na maihayag ang Kanyang mga katotohanan sa pamamagitan ng itinakda Niyang kaparaanan.15

Ang pangatlong katotohanan sa pambungad na talata ng tema ng Young Women ay na tayo ay may “banal na katangian.” Ito ay mahalagang bahagi ng ating pagkatao. Ito ay “genetic” sa espirituwal na aspeto na minana natin sa ating mga magulang sa langit,16 at hindi na kailangang pagsikapan pa nating matamo. Ito ang pinakamahalaga nating identidad, paano pa man natin piliing tukuyin ang ating sarili. Ang pag-unawa sa malalim na katotohanang ito ay mahalaga para sa lahat ng tao ngunit lalo na para sa mga indibiduwal na kabilang sa mga grupong nabalewala, naapi, o nasakop sa kasaysayan. Tandaan na ang inyong pinakamahalagang identidad ay nauugnay sa inyong banal na katangian bilang anak ng Diyos.

Ang pang-apat na katotohanan ay na tayo ay may “walang hanggang tadhana.” Ang gayong tadhana ay hindi ipipilit sa atin. Pagkatapos ng kamatayan, tatanggapin natin kung ano ang marapat para sa atin at “[ta]tamasahin [lamang] yaong [ating] handang tanggapin.”17 Ang pagtanto sa ating walang-hanggang tadhana ay nakasalalay sa ating mga pagpili. Nangangailangan ito ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan. Ang landas na ito ng tipan ang daan para makalapit tayo kay Cristo at nakabatay sa buong katotohanan at sa walang-hanggan at di-nagbabagong batas. Hindi tayo maaaring lumikha ng sarili nating landas at umasa pa sa ipinangako ng Diyos na mga hantungan. Ang umasa sa Kanyang mga pagpapala nang hindi sumusunod sa mga walang-hanggang batas kung saan nakasalalay ang mga ito18 ay maling kaisipan, tulad ng pag-iisip na maaari nating hawakan ang mainit na kalan at “magpasiya” na hindi tayo mapapaso.

Maaaring alam ninyo na dati-rati’y nanggagamot ako ng mga pasyenteng may malubhang sakit sa puso. Mas bumuti ang lagay nila nang sundin nila ang mga itinakda at may-katibayan nang mga plano sa panggagamot. Kahit alam nila ito, sinubukang makiusap ng ilang pasyente na gamitan sila ng ibang plano sa panggagamot. Sabi nila, “Ayaw kong uminom ng napakaraming gamot,” o “Ayaw kong magdaan sa napakaraming pagsusuri.” Mangyari pa, malayang gumawa ng sarili nilang mga pasiya ang mga pasyente, ngunit kung lumihis sila sa pinakamabibisang plano sa panggagamot, hindi naging maganda ang kanilang mga resulta. Hindi maaaring pumili ng di-gaanong mabisang panggagamot ang mga pasyenteng may malubhang sakit sa puso at pagkatapos ay sisihin ang kanilang cardiologist sa di-magagandang kahahantungan nito.

Totoo rin iyan sa ating lahat. Ang landas na iminungkahi ng Ama sa Langit ay humahantong sa pinakamagagandang walang-hanggang hantungan. Malaya tayong pumili, ngunit hindi natin mapipili ang mga kahihinatnan ng hindi pagsunod sa inihayag na landas.19 Sinabi na ng Panginoon, “Yaong lumalabag sa batas, at hindi sumusunod sa batas, sa halip ay naghahangad na maging isang batas sa sarili nito, … ay hindi mapababanal ng batas, ni ng awa, katarungan, o paghuhukom.”20 Hindi tayo maaaring lumihis sa landas ng Ama sa Langit at pagkatapos ay sisihin Siya sa di-magagandang kahahantungan nito.

Mababasa sa pangalawang talata sa tema ng Young Women: “Bilang disipulo ni Jesucristo, sinisikap ko na maging katulad Niya. Ako ay humihingi ng personal na paghahayag at kumikilos ayon dito at naglilingkod sa iba sa Kanyang banal na pangalan.” Magkakaroon tayo ng patotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagkilos nang may pananampalataya.21 Maaari nating matamo ang espirituwal na kaloob na “malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na Siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan.” O maaari nating matanggap ang kaloob na maniwala sa mga salita ng mga taong nakakaalam nito,22 hanggang sa malaman natin ito para sa ating sarili. Masusunod natin ang mga turo ng Tagapagligtas at matutulungan ang iba na lumapit sa Kanya. Sa ganitong paraan, nakikiisa tayo sa Kanyang gawain.23

Nakasaad pa sa tema ng Young Women, “Ako ay tatayong saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar.” Lahat ng miyembro ng Simbahan ay kailangan bilang mga saksi ng Diyos,24 bagama’t inaatasan ang mga Apostol at ang Pitumpu bilang mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo.25 Isipin na kunwari’y may larong soccer kung saan ang goalie lamang ang nakadepensa sa goal. Kung wala ang tulong ng iba pang mga manlalaro ng team, hindi sapat na madedepensahan ng goalie ang goal, at laging matatalo ang team. Gayundin, lahat tayo ay kailangan sa team ng Panginoon.26

Ang huling talata ng tema ng Young Women ay nagsisimula sa, “Habang sinisikap ko na maging karapat-dapat para sa kadakilaan, aking pinahahalagahan ang kaloob na pagsisisi at sinisikap na magpakabuti sa bawat araw.” Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, maaari tayong magsisi, matuto mula sa ating mga pagkakamali, at hindi maparusahan dahil sa mga ito. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Itinuturing ng maraming tao na parusa ang pagsisisi. … Ngunit ang pakiramdan na pinaparusahan tayo ay galing kay Satanas. Tinatangka niyang hadlangan tayo na umasa kay Jesucristo, na nakatayong nakaunat ang mga kamay, umaasa at handa tayong pagalingin, patawarin, linisin, palakasin, dalisayin, at pabanalin.”27

Kapag taos-puso tayong nagsisisi, walang maiiwang espirituwal na pilat, anuman ang nagawa natin, gaano man ito kabigat, o ilang beses man natin itong inulit.28 Sa tuwing nagsisisi tayo at humihingi ng kapatawaran nang may tunay na layunin, mapapatawad tayo.29 Kamangha-manghang kaloob ito mula sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo!30 Matitiyak sa atin ng Espiritu Santo na napatawad na tayo. Kapag nadarama natin ang kagalakan at kapayapaan,31 ang pagkakasala ay napapawi,32 at hindi na tayo pinahihirapan pa ng ating kasalanan.33

Gayunman, kahit pagkatapos magsisi nang taos-puso, maaari tayong matisod. Ang pagkatisod ay hindi nangangahulugan na hindi sapat ang ating pagsisisi kundi maaaring nagpapakita lamang ito ng kahinaan ng tao. Nakapapanatag na malaman na “iba ang tingin ng Panginoon sa mga kahinaan [kumpara sa] paghihimagsik.” Hindi natin dapat pagdudahan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan tayo sa ating mga kahinaan, dahil “kapag nagsalita ang Panginoon tungkol sa mga kahinaan, lagi itong may kahalong awa.”34

Nagtatapos ang tema ng Young Women sa, “Nang may pananampalataya, patatatagin ko ang aking tahanan at pamilya, gagawa ng mga sagradong tipan at tutuparin ang mga ito, at tatanggap ng mga ordenansa at pagpapala ng banal na templo.” Ang pagpapatatag sa tahanan at pamilya ay maaaring mangahulugan ng pagbuo ng unang kawing sa tanikala ng katapatan, pagpapatuloy ng pamana ng pananampalataya, o pagpapanumbalik nito.35 Ano’t anuman, ang lakas ay nagmumula sa pananampalataya kay Jesucristo at sa paggawa ng mga sagradong tipan.

Sa templo, nalalaman natin kung sino tayo at kung saan tayo nanggaling. Sabi ng Romanong pilosopong si Cicero, “Ang maging mangmang tungkol sa nangyari bago ka isinilang ay pananatiling isang bata magpakailanman.”36 Mangyari pa, ang tinutukoy niya rito ay ang sekular na kasaysayan, ngunit mapapalawak pa ang kanyang matalinong obserbasyon. Namumuhay tayo na parang mga bata magpakailanman kung mangmang tayo tungkol sa walang-hanggang pananaw na natatamo sa mga templo. Doon ay lumalago tayo sa Panginoon, “[tumatanggap] ng kaganapan ng Espiritu Santo,”37 at nagiging mas lubos na tapat bilang mga disipulo ng Tagapagligtas.38 Habang tinutupad natin ang ating mga tipan, tumatanggap tayo ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay.39

Inaanyayahan ko kayong isentro ang inyong buhay kay Jesucristo at tandaan ang pundasyon ng mga katotohanan sa tema ng Young Women. Kung handa kayo, gagabayan kayo ng Espiritu Santo. Nais ng ating Ama sa Langit na maging tagapagmana Niya kayo at matanggap ninyo ang lahat ng mayroon Siya.40 Wala na Siyang ibang maibibigay sa inyo. Wala na Siyang ibang maipapangako sa inyo. Mahal Niya kayo nang higit sa nalalaman ninyo at nais Niyang lumigaya kayo sa buhay na ito at sa buhay na darating. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.