2022
Ang mga Tipan sa Diyos ay Nagpapalakas, Nagpoprotekta, at Naghahanda sa Atin para sa Walang-Hanggang Kaluwalhatian
Mayo 2022


11:59

Ang mga Tipan sa Diyos ay Nagpapalakas, Nagpoprotekta, at Naghahanda sa Atin para sa Walang-Hanggang Kaluwalhatian

Kapag pinipili nating gumawa at tumupad ng mga tipan, mabibiyayaan tayo ng higit pang kaligayahan sa buhay na ito at ng maluwalhating buhay na walang hanggan sa hinaharap.

Mga kapatid, kaysayang magtipun-tipon sa isang pandaigdigang kapatiran ng kababaihan! Bilang kababaihan na gumagawa at tumutupad ng tipan sa Diyos, kabahagi tayo ng mga espirituwal na bigkis na tumutulong na matugunan natin ang mga hamon ng ating panahon at maihanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. At ang pagtupad sa mga tipang iyon ay nagbibigay sa atin ng kakayahang impluwensyahan ang iba na lumapit sa Tagapagligtas.

Nakipagtipan ang mga nabinyagan sa di-malilimutang araw na iyon na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Jesucristo, lagi Siyang alalahanin, sundin ang Kanyang mga kautusan, at paglingkuran Siya hanggang wakas. Kapag ginagawa natin ang mga bagay na ito, nangangako ang Ama sa Langit na patatawarin ang ating mga kasalanan at ipagkakaloob na mapasaatin ang Espiritu Santo. Pinasisimulan ng mga pagpapalang ito ang pagtahak natin sa landas na magtutulot sa atin, kung magpapatuloy tayo sa paglakad at magtitiis hanggang wakas, na mabuhay sa piling Niya at ng Kanyang Anak sa kahariang selestiyal. Bawat taong nabinyagan ay napangakuan ng mga pribilehiyong ito kung tutuparin niya ang tipang kanyang ginawa sa espesyal na araw na iyon.

Ang mga gumagawa ng karagdagang mga tipan sa templo ay tumatanggap ng mga dakilang pangako ayon sa kanilang personal na katapatan. Taos-puso tayong nangangakong susundin ang mga utos ng Diyos, ipamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo, magiging dalisay ang moralidad, at ilalaan ang ating oras at mga talento sa Panginoon. Bilang ganti, nangangako ang Diyos ng mga pagpapala sa buhay na ito at ng pagkakataong makabalik sa Kanya.1 Sa prosesong iyan, tayo ay binibigyan, o pinagkakalooban, ng kakayahang makahiwatig sa pagitan ng tama at mali, ng mabuti at masama, sa gitna ng nakalilito at negatibong mga tinig na nanggagaling sa iba’t ibang panig. Lubhang makapangyarihan ang kaloob na ito!

Bilang paghahanda sa unang pagpunta ko sa templo, tinulungan ako ng aking ina at ng bihasang kababaihan sa Relief Society na piliin ang mga bagay na kakailanganin ko, pati na ang magandang ceremonial clothing. Ngunit naganap ang pinakamahalagang paghahanda bago ko pa nalaman kung ano ang isusuot ko. Matapos akong interbyuhin para malaman kung karapat-dapat ako, ipinaliwanag ng aming bishop ang mga tipang gagawin ko. Ang kanyang malinaw na paliwanag ay nagbigay sa akin ng pagkakataong pag-isipan at maghandang gawin ang mga tipang iyon.

Nang dumating ang araw na iyon, nakibahagi ako nang may pasasalamat at kapayapaan. Kahit hindi ko naunawaan ang buong kahalagahan ng mga tipang ginawa ko, alam ko na nakabigkis ako sa Diyos sa pamamagitan ng mga tipang iyon at pinangakuan ng mga pagpapalang halos hindi ko maintindihan kung sakaling tutuparin ko ang mga iyon. Simula noong unang karanasang iyon, patuloy ko nang natitiyak na sa pagtupad sa mga tipang ginagawa natin sa Diyos ay nakakahugot tayo ng lakas sa kapangyarihan ng Tagapagligtas, na nagpapalakas sa atin sa mga pagsubok na di-maiiwasan. Nagpoprotekta ito laban sa impluwensya ng kaaway, at naghahanda sa atin para sa walang-hanggang kaluwalhatian.

Ang mga karanasan sa buhay ay maaaring nakakatawa o lubhang nakalulungkot, nakakatakot o napakaganda. Bawat karanasan ay higit na nagpapaunawa sa atin sa pagmamahal ng ating Ama para sa lahat at sa kakayahan nating magbago sa pamamagitan ng kaloob na biyaya ng Tagapagligtas. Sa pagtupad sa ating mga tipan, nalilinis tayo ng kapangyarihan ng Tagapagligtas habang natututo tayo sa pamamagitan ng mga karanasan—maliit na pagkakamali man ito o malaking kabiguan. Nariyan ang ating Manunubos para saluhin tayo kapag tayo’y nahuhulog kung babaling tayo sa Kanya.

Rappelling pababa ng isang talampas

Naranasan na ba ninyong tumayo sa gilid ng isang mataas na talampas na nakabingit ang mga daliri ninyo sa paa at nakatalikod kayo sa bangin sa ibaba? Sa rappeling, kahit nakatali kayo nang husto sa matitibay na lubid at kagamitan na maaari kayong magbaba sa inyo nang ligtas, talagang nakakakaba pa ring tumayo sa bingit nito. Ang pag-atras mula sa gilid ng talampas at pag-indayog sa hangin ay nangangailangan ng tiwala sa isang angklang nakakabit sa isang bagay na hindi natitinag. Kailangang may tiwala kayo sa taong may hawak sa lubid habang pababa kayo. At bagama’t ang kagamitan ay nagbibigay sa inyo ng kaunting kakayahang kontrolin ang inyong pagbaba, kailangang may tiwala kayo na hindi kayo hahayaang mahulog ng katuwang ninyo.

Mga angkla sa rappelling
Kabataang babae na nagra-rappelling sa isang talampas

Malinaw ko pang naaalala ang rappeling namin ng isang grupo ng mga kabataang babae. Ako ang una sa grupo na bababa. Nang umatras ako mula sa gilid ng talampas, nagsimula akong mahulog nang walang kontrol. Mabuti na lang at nahaltak ang lubid at napigilan ang mabilis kong pagbagsak. Habang nakabitin ako sa kalagitnaan pababa ng matutulis na bato, taimtim kong ipinagdasal ang sinuman o anumang pumipigil sa pagbagsak ko sa batuhan.

Kalaunan, nalaman ko na ang angkla ay hindi matibay na nakabaon, at nang umatras ako mula sa bingit, nahaltak patalikod ang taong kumokontrol sa lubid patungo sa bingit ng talampas. Gayunpaman, naikalang niya ang kanyang mga paa sa ilang malalaking bato. Napatatag sa posisyong iyon, nagawa niya akong ibaba, nang dahan-dahan, gamit ang lubid. Bagama’t hindi ko siya nakikita, alam kong ginagawa niya ang lahat upang iligtas ako. May isa pang kaibigan sa ibaba ng talampas, na handang saluhin ako kung sakaling mapatid ang lubid. Nang maaabot na niya ako, hinawakan niya ang harness ko at ibinaba ako sa lupa.

Kasama si Jesucristo bilang ating angkla at perpektong katuwang, nakatitiyak tayo sa Kanyang mapagmahal na lakas sa oras ng pagsubok at tungo sa kaligtasan kalaunan sa pamamagitan Niya. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Ang pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, ang … angkla na kailangan natin sa ating buhay na hahawak nang mahigpit sa atin sa mga panahon ng kaguluhan at kasamaan sa lipunan. … Ang ating pananampalataya … ay kailangang nakasentro kay Jesucristo, sa kanyang buhay at sa kanyang pagbabayad-sala, at sa pagpapanumbalik ng kanyang ebanghelyo.”2

Ang espirituwal na kagamitan na pumipigil sa atin para hindi mahulog sa batuhan ng paghihirap ay ang ating patotoo kay Jesucristo at ang mga tipang ginagawa natin. Maaasahan natin na gagabayan at dadalhin tayo ng mga suportang ito tungo sa kaligtasan. Bilang ating handang katuwang, hindi pahihintulutan ng Tagapagligtas na bumagsak tayo nang hindi Niya tayo nasasalo. Maging sa mga sandali ng ating paghihirap at kalungkutan, nariyan Siya para magpasigla at magpalakas ng loob. Tinutulungan tayo ng Kanyang kapangyarihan na gumaling mula sa madalas na nakapipinsalang epekto ng mga pagpili ng iba. Gayunman, kailangang isuot ng bawat isa sa atin ang harness at tiyakin na nakatali ito nang mahigpit. Kailangan nating piliing umangkla sa Tagapagligtas, na mabigkis sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga tipan.3

Paano natin mapatitibay ang angklang iyan? Nagdarasal tayo nang may mapagpakumbabang puso, pinag-aaralan at pinagninilayan natin ang mga banal na kasulatan, tumatanggap tayo ng sakramento nang may pagsisisi at pagpipitagan, nagsisikap tayong sundin ang mga kautusan, at sundin ang payo ng propeta. At habang tinutupad natin ang ating pang-araw-araw na mga gawain sa “mas dakila at mas banal”4 na mga paraan, lalo tayong nakakaugnay sa Tagapagligtas at, kasabay nito, natutulungan natin ang iba na lumapit sa Kanya.

Ano ba ang “mas dakila at mas banal” na paraan? Sinisikap nating ipamuhay ang ebanghelyo sa lahat ng pakikipag-ugnayan natin. Pinangangalagaan natin ang mga nangangailangan sa pamamagitan ng tapat na ministering, na nagpapakita ng pagmamahal sa simpleng paglilingkod. Ibinabahagi natin ang mabuting balita ng ebanghelyo sa mga taong nangangailangan ng kapayapaan at lakas at “hindi alam kung saan ito matatagpuan.”5 Nagsisikap tayong mapagkaisa ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan sa magkabilang panig ng tabing. At para sa mga gumawa ng mga tipan sa bahay ng Panginoon, tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson “Lahat ng adult na patron sa templo ay magsusuot ng banal na garment ng priesthood, [na] … [nagpapaalala] sa atin na … tahakin ang landas ng tipan bawat araw sa mas dakila at mas banal na paraan.”6 Hindi lamang paminsan-minsan ang paggawa nito kundi mahalaga ito sa ating pang-araw-araw na kaligayahan—at walang-hanggang kagalakan.

Wala nang mas mahalaga pa sa ating walang-hanggang pag-unlad kundi ang tuparin ang ating mga tipan sa Diyos. Kapag ang ating mga tipan sa templo ay tinutupad, makakaasa tayo sa masayang pagkikita-kita nating muli ng ating mga mahal sa buhay sa kabilang panig ng tabing. Ang pumanaw na anak o magulang o asawang iyon ay umaasa nang buong puso na magiging tapat kayo sa mga tipan na nagbibigkis sa inyo. Kung babalewalain natin o hindi natin seseryosohin ang ating mga tipan sa Diyos, inilalagay natin sa panganib ang walang hanggang bigkis natin sa kanila. Ngayon ang panahon upang magsisi, makipagkasundo, at magsikap na muli.

Hungkag ang kaligayahan kung ipagpapalit natin ang mga pagpapala ng walang-hanggang kagalakan sa panandaliang kaginhawahan. Anuman ang ating edad, iyan ang buong katotohanan: ang susi sa walang-hanggang kaligayahan ay ang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at tuparin ang ating mga tipan. Pinagtibay na ng ating propetang si Pangulong Nelson na “ang ating kaligtasan sa huli at tanging nagtatagal na kaligayahan ay nasa paghawak sa gabay na bakal ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, pati na sa mga tipan at ordenansa nito. Kapag ginawa natin ito, maaari tayong manatiling espirituwal na matatag matapos magdanas ng matitinding pagsubok dahil may access tayo sa kapangyarihan ng Diyos.”7

Marami sa atin ang nakakaranas ng matitinding pagsubok. Kapag hinahampas tayo ng mga alon ng paghihirap at kung minsa’y hindi makakita dahil sa pag-agos ng luhang hatid ng mga iyon, maaaring hindi natin alam kung saang direksyon tayo sasagwan para makarating sa pampang. Maaari pa ngang hindi natin isipin na may lakas tayo para makarating sa pampang. Ang tandaan kung sino kayo—minamahal na anak ng Diyos—bakit kayo narito sa mundo, at ang inyong mithiin na makapiling ang Diyos at ang inyong mga mahal sa buhay ay maaaring magpalinaw sa inyong pananaw at ituro kayo sa tamang direksiyon. Sa gitna ng unos, may maningning na ilaw na magtuturo ng daan. “Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman,” pahayag ni Jesus.8 Makatitiyak tayong ligtas tayo kapag umaasa tayo sa Kanyang liwanag at nananatiling tapat sa ating mga tipan.

Isang pribilehiyo ang makilala ang kababaihan sa lahat ng edad na namumuhay sa magkakaibang sitwasyon na tumutupad sa kanilang mga tipan. Bawat araw, umaasa sila sa Panginoon at sa Kanyang propeta para sa patnubay, sa halip na sa popular na media. Sa kabila ng kani-kanilang mga hamon at nakapipinsalang mga pilosopiya ng mundo na nagtatangkang pigilan sila sa pagtupad ng kanilang mga tipan, determinado silang manatili sa landas ng tipan. Umaasa sila sa pangako ng “lahat ng mayroon ang … Ama.”9 At anuman ang inyong edad, bawat isa sa inyong kababaihan na nakipagtipan sa Diyos ay may kakayahang itaas ang ilawan ng Panginoon at akayin ang iba patungo sa Kanya.10 Sa pagtupad ninyo ng mga tipan, bibiyayaan Niya kayo ng kapangyarihan ng Kanyang priesthood at ng kakayahang magkaroon ng malaking impluwensya sa lahat ng nakakasalamuha ninyo. Tulad ng ipinahayag ni Pangulong Nelson, kayo ang kababaihang tutupad sa mga propesiyang naihayag noon!11

Mahal na mga kapatid, higit sa lahat, manatili sa landas ng tipan patungo kay Jesucristo! Mapalad tayong maisilang sa lupa sa panahon na may mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan sa templo ay para sa lahat ng karapat-dapat na miyembro ng Simbahan. Mga young adult, hindi ninyo kailangang maghintay na makapag-asawa o makapagmisyon para gawin ang mga sagradong tipang iyon. Maaari kayong maghanda habang dalaga pa kayo na tanggapin ang proteksyon at lakas na ibinibigay ng mga tipan sa templo pagsapit ninyo sa edad na 18 kapag handa na kayo at may hangaring igalang ang mga tipang iyon sa templo.12 Kayo na nakatanggap na ng mga pagpapala ng templo, huwag magpatangay sa mga paninira o paggambalang naglalayo sa inyo sa mga walang-hanggang katotohanan. Mag-aral at magtanong sa mga mapagkakatiwalaan para mas maunawaan ninyo ang sagradong kahalagahan ng mga tipang ginawa ninyo. Magpunta sa templo nang madalas hangga’t kaya ninyo at makinig sa Espiritu. Madarama ninyo ang magiliw na katiyakan na kayo ay nasa landas ng Panginoon. Magkakaroon kayo ng lakas-ng-loob na magpatuloy at magsama ng iba.

Pinatototohanan ko na kapag pinili nating makipagtipan sa Ama sa Langit at ginamit natin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas para tuparin ang mga ito, bibiyayaan tayo ng kaligayahan sa buhay na ito na higit pa sa naiisip natin ngayon at ng maluwalhating buhay na walang hanggan sa hinaharap.13 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.