2022
Matatag sa mga Unos
Mayo 2022


15:44

Matatag sa mga Unos

Kapag dumarating ang mga unos sa buhay, maaari kayong maging matatag dahil nakatayo kayo sa bato ng inyong pananampalataya kay Jesucristo.

Mahal kong mga kapatid, mapalad tayo ngayon na marinig ang mga inspiradong lingkod ng Diyos na nagbigay ng payo at lakas ng loob. Alam ng bawat isa sa atin, saanman tayo naroon, na nabubuhay tayo sa mga panahong tumitindi ang panganib. Dalangin ko na matulungan ko kayong manatiling matatag sa mga unos na kinakaharap natin, nang may payapang puso.1

Dapat tayong magsimula sa pag-alaala na bawat isa sa atin ay minamahal na anak ng Diyos at na Siya ay may mga inspiradong lingkod. Nakinita na ng mga lingkod na iyon ng Diyos ang mga panahong ito na nabubuhay tayo. Isinulat ni Apostol Pablo kay Timoteo, “Unawain mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong [mapanganib].”2

Alam ng sinumang may mga mata para makita ang mga tanda ng panahon at mga tainga para marinig ang mga salita ng mga propeta na iyon ay totoo. Ang pinakamalaking panganib ay dumarating sa atin mula sa mga puwersa ng kasamaan. Ang mga puwersang iyon ay nadaragdagan. Kaya nga magiging mas mahirap, hindi mas madali, na igalang ang mga tipan na kailangan nating gawin at tuparin upang maipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Para sa atin na nag-aalala para sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay, may pag-asa sa pangako ng Diyos tungkol sa isang ligtas na lugar laban sa mga unos na parating.

Narito ang paglalarawan sa lugar na iyon. Paulit-ulit na itong inilarawan ng mga buhay na propeta. Halimbawa, ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon, sinabi ng isang inspirado at mapagmahal na ama sa kanyang mga anak na lalaki kung paano palakasin ang kanilang sarili para maging matatag sa mga unos na parating sa kanila: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, … na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”3

Ang kalungkutan at walang-katapusang kapighatiang binanggit niya ay ang kakila-kilabot na mga epekto ng mga kasalanan kung sakaling hindi natin lubos na pagsisisihan ang mga ito. Ang tumitinding mga unos ay ang mga tukso at dumaraming mga pag-atake ni Satanas. Mas mahalaga ngayon kaysa noon na maunawaan kung paano sasandig sa tunay na saligang iyon. Para sa akin, wala nang mas mainam na paghanapan kaysa sa huling sermon ni Haring Benjamin, na nakatala rin sa Aklat ni Mormon.

Ang mga propesiya ni Haring Benjamin ay angkop sa atin sa ating panahon. Batid niya mula sa sarili niyang karanasan ang mga karahasan ng digmaan. Naipagtanggol niya ang kanyang mga tao sa labanan, na umaasa sa kapangyarihan ng Diyos. Nakita niya nang malinaw ang matitinding kapangyarihan ni Lucifer na tuksuhin, subuking daigin, at pahinain ang loob ng mga anak ng Diyos.

Inanyayahan niya ang kanyang mga tao at tayo na sumandig sa tanging tiyak na bato ng kaligtasan, ang Tagapagligtas. Nilinaw niya na malaya tayong pumili sa pagitan ng tama at mali at na hindi natin maiiwasan ang mga bunga ng ating mga pagpili. Nagsalita siya nang tuwiran at tahasan dahil alam niya kung anong kalungkutan ang darating sa mga tao na maaaring hindi makinig at pumansin sa kanyang mga babala.

Ganito ang paglalarawan niya sa mga bungang kasunod ng ating pagpili na sundin ang paramdam ng Espiritu o sundin ang masasamang mensaheng nagmumula kay Satanas, na ang layunin ay tuksuhin at wasakin tayo:

“Sapagkat masdan, may isang kapighatiang igagawad sa kanya na pumiling sumunod sa [masamang] espiritung yaon; sapagkat kung pinili niyang sumunod sa kanya, at mananatili at mamamatay sa kanyang mga kasalanan, siya rin ay umiinom ng kapahamakan sa kanyang sariling kaluluwa; sapagkat siya ay tatanggap bilang kanyang kabayaran ng isang walang hanggang kaparusahan, sapagkat lumabag sa batas ng Diyos, na salungat sa kanyang sariling kaalaman. …

“Samakatwid kung ang taong yaon ay hindi magsisisi, at mananatili at mamamatay na isang kaaway ng Diyos, ang hinihingi ng banal na katarungan ang gigising sa kanyang walang kamatayang kaluluwa sa isang buhay na damdamin ng kanyang sariling kasalanan, na siyang magiging dahilan upang siya ay manliit sa harapan ng Panginoon, at pupuno sa kanyang dibdib ng kasalanan, at kirot, at pagdurusa na katulad ng isang di maapulang apoy, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan.”

Sinabi pa ni Haring Benjamin, “O, lahat kayong matatandang lalaki, at gayundin kayong mga kabataang lalaki, at kayong maliliit na bata na nakauunawa ng aking mga salita, sapagkat maliwanag akong nangusap sa inyo upang kayo’y makaunawa, ako ay dumadalangin na kayo ay magising sa isang pag-alaala sa kakila-kilabot na kalagayan ng mga yaong nangahulog sa paglabag.”4

Para sa akin, binubuo sa aking isipan ng kapangyarihan ng babalang iyan na magsisi ang isang larawan ng tiyak na panahon na haharap tayo sa Tagapagligtas pagkatapos ng buhay na ito. Buong puso nating ninanais na huwag manliit kundi tumingin sa Kanya, makita Siyang ngumiti, at marinig na sabihin Niyang, “Magaling! Mabuti at tapat na [lingkod]: … Pumasok ka.”5

Nilinaw ni Haring Benjamin kung paano tayo magtatamo ng pag-asang marinig ang mga salitang iyon kung makita natin ang paraan sa buhay na ito para mabago ang ating likas na pagkatao sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Iyon lamang ang paraan para makasandig tayo sa tunay na saligan at manatiling matatag sa parating na mga unos ng mga tukso at pagsubok. Inilarawan ni Haring Benjamin ang pagbabagong iyon sa ating likas na pagkatao sa isang magandang metapora na laging umaantig sa puso ko. Ginamit ito ng mga propeta sa loob ng libu-libong taon at ng Panginoon mismo. Ito iyon: kailangan tayong maging tulad sa isang bata—isang batang munti.

Para sa ilan, hindi iyon magiging madaling tanggapin. Karamihan sa atin ay gustong maging malakas. Maaaring isipin natin na ang pagiging tulad sa isang bata ay pagiging mahina. Inaasam ng halos lahat ng magulang ang araw na hindi na gaanong isip-bata ang kanilang mga anak. Ngunit nilinaw si Haring Benjamin, na nakaunawa rin tulad ng sinumang mortal kung ano ang kahulugan ng maging isang lalaking malakas at matapang, na ang maging tulad sa isang bata ay hindi ang maging isip-bata. Iyon ay ang maging tulad ng Tagapagligtas, na ipinagdasal sa Kanyang Ama na bigyan Siya ng lakas na gawin ang kalooban ng Kanyang Ama at magbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng anak ng Kanyang Ama at pagkatapos ay ginawa Niya iyon. Kailangang mabago ang ating likas na pagkatao para maging tulad sa isang bata upang magtamo tayo ng lakas na kailangan natin para maging matatag at payapa sa mga panahon ng panganib.

Narito ang nakaaantig na paglalarawan ni Haring Benjamin kung paano nangyayari ang pagbabagong iyon: “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”6

Natatanggap natin ang pagbabagong iyan kapag gumagawa at nagpapanibago tayo ng mga tipan sa Diyos. Iyan ay naghahatid ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Cristo na nagpapabago sa ating puso. Madarama natin ito tuwing tumatanggap tayo ng sakramento, nagsasagawa ng ordenansa sa templo para sa isang yumaong ninuno, nagpapatotoo bilang saksi ng Tagapagligtas, o nangangalaga sa isang taong nangangailangan bilang disipulo ni Cristo.

Sa mga karanasang iyon, tayo ay nagiging tulad ng isang bata sa paglipas ng panahon sa kakayahan nating magmahal at sumunod. Natututo tayong sumandig sa tunay na saligan. Ang pananampalataya natin kay Jesucristo ay naghihikayat sa atin na magsisi at sumunod sa Kanyang mga utos. Sumusunod tayo, at tumatanggap tayo ng lakas na labanan ang tukso, at natatamo natin ang ipinangakong patnubay ng Espiritu Santo.

Nagbabago ang ating likas na pagkatao at nagiging tulad sa isang batang munti, masunurin sa Diyos at mas mapagmahal. Ang pagbabagong iyan ang magpapagindapat sa atin na matamasa ang mga kaloob na dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang pagkakaroon ng patnubay ng Espiritu ay papanatagin, gagabayan, at palalakasin tayo.

Nalaman ko ang ilan sa ibig sabihin ni Haring Benjamin nang sabihin niya na maaari tayong maging tulad sa isang batang munti sa harap ng Diyos. Natutuhan ko mula sa maraming karanasan na pinakamadalas na nangungusap ang Espiritu Santo sa isang banayad na tinig, pinakamadaling marinig kapag ang puso ng isang tao ay maamo at mapagkumbaba, tulad sa isang bata. Sa katunayan, ang dalanging gumagana ay “Ang nais Mo lamang ang ninanais ko. Sabihin Mo lamang sa akin kung ano iyon. Gagawin ko iyon.”

Kapag dumarating ang mga unos sa buhay, maaari kayong maging matatag dahil nakatayo kayo sa bato ng inyong pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalatayang iyan ay aakay sa inyo na magsisi araw-araw at patuloy na tuparin ang mga tipan. Pagkatapos ay lagi ninyo Siyang maaalaala. At sa paghagupit ng mga unos ng pagkamuhi at kasamaan, madarama ninyo na matatag at may pag-asa kayo.

Higit pa riyan, makikita ninyo ang inyong sarili na tumutulong upang maiahon ang iba sa bato ng kaligtasan na kasama ninyo. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay laging humahantong sa higit na pag-asa at pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang tunay na pag-ibig ni Cristo.

Ibinabahagi ko sa inyo ang aking tapat na patotoo na inaanyayahan kayo ng Panginoong Jesucristo na “Lumapit kayo sa akin.”7 Inaanyayahan Niya kayo, dahil sa pagmamahal Niya sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay, na lumapit sa Kanya para sa kapayapan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. Alam na alam Niya ang mga unos na haharapin ninyo sa inyong pagsubok bilang bahagi ng plano ng kaligayahan.

Nakikiusap ako sa inyo na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas. Tulad ng isang maamo at mapagmahal na bata, tanggapin ang Kanyang tulong. Gawin at tuparin ang mga tipang Kanyang inaalok sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Palalakasin kayo ng mga ito. Alam ng Tagapagligtas ang mga unos at ang ligtas na daan pauwi sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Alam Niya ang daan. Siya ang Daan. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.