2022
Pasiglahin ang Iyong Puso at Magalak
Mayo 2022


11:27

Pasiglahin ang Iyong Puso at Magalak

Isinilang tayo sa panahong ito para sa isang banal na layunin, ang pagtitipon ng Israel.

Sa pakikipag-usap kay Thomas B. Marsh, na bagong miyembro, sinabi ng Panginoon nang may panghihikayat, “Pasiglahin ang iyong puso at magalak, sapagkat ang oras ng iyong misyon ay dumating na” (Doktrina at mga Tipan 31:3).

Naniniwala ako na maaaring magsilbing inspirasyon ang paanyayang ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Dahil hindi nga ba’t natanggap natin sa ating Ama sa Langit ang misyon na pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing.

“Ang pagtitipon na ito ” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson ay, “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito.”1

Totoong napakaraming makabuluhang adhikain sa mundo. Imposibleng isa-isahing banggitin ang lahat ng ito. Ngunit hindi ba ninyo gugustuhing makibahagi sa isang dakilang adhikain na abot-kamay lamang ninyo at kung saan malaki ang nagagawang kaibhan ng inyong kontribusyon? Ang pagtitipong ito ay gumagawa ng walang-hanggang kaibhan sa lahat. Ang mga tao sa lahat ng edad ay maaaring makibahagi sa adhikaing ito anuman ang kanilang sitwasyon at saanman sila naninirahan. Wala nang iba pang adhikaing tulad nito sa mundo na mas makakabahagi ang lahat.

Sinabi ni Pangulong Nelson sa mga kabataan, “Inireserba ng Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na anak—masasabi kong, ang [Kanyang] pinakamahusay na pangkat—para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na mga espiritu—ang pinakamahuhusay na manlalaro, [ang mga bayaning iyon]—ay kayo!”2

Oo, inihanda kayo bago ang buhay na ito at isinilang ngayon upang makibahagi sa dakilang gawain ng pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing sa mga huling araw na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:53–56).

Bakit napakahalaga ng adhikaing ito? Sapagka’t “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). At dahil “sinuman ang maniniwala [kay Cristo], at mabinyagan, siya rin ay maliligtas; at … magmamana ng kaharian ng Diyos” (3 Nephi 11:33). Bukod pa rito, “lahat ng mayroon ang … Ama ay ibibigay sa” mga tumatanggap ng Kanyang mga ordenansa at tumutupad sa Kanyang mga tipan (Doktrina at mga Tipan 84:38). Maliban pa riyan, “kakaunti ang mga manggagawa” (Lucas 10:2).

Tanging sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw natin matatagpuan ang kapangyarihan, awtoridad, at paraan para maibigay ang gayong pagpapala sa iba, buhay man o patay.

Sinabi ni Pangulong Nelson: “Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”3

Bagaman maraming paraan na makatutulong sa pagtitipon, gusto kong pagtuunan ang isang ito: paglilingkod bilang full-time missionary. Para sa marami sa inyo, ibig sabihin nito ay pagiging teaching missionary. Para sa marami pang iba, ibig sabihin nito ay pagiging service missionary. Ngunit tinatangka ng mundo na gambalain ang isipan ng mga kabataan para hindi nila pagtuunan ang pinakasagradong responsibilidad na ito dahil sa takot at kawalan ng katatagan.

Ang iba pang mga paggambalang ito ay maaaring may kinalaman sa pandemya, pag-alis sa magandang trabaho, paghinto sa pag-aaral, o pagkagusto sa isang tao. Bawat isa ay magkakaroon ng kani-kanyang mga hamon. Ang gayong mga paggambala ay maaaring dumating sa eksaktong panahon na magsisimula na ang paglingkod sa Panginoon, at ang mga pagpili na tila malinaw na gagawin kalaunan ay hindi palaging madali sa sandaling iyon.

Alam ko mula sa sarili kong karanasan ang naguguluhang isipan ng isang kabataan. Noong naghahanda akong magmisyon, may ilang impluwensyang hindi inaasahan ang nagtangkang panghinain ang loob ko. Isa rito ang aking dentista. Nang malaman niya na ang pagpapadentista ko ay bilang paghahanda sa misyon, sinubukan niyang pigilan akong maglingkod. Ni bahagya ay hindi ko nahiwatigan noon na kontra sa Simbahan ang aking dentista.

Kumplikado rin kung hihinto ako sa pag-aaral. Nang humingi ako ng dalawang taong pagliban sa aking programa sa unibersidad, sinabihan ako na hindi posible iyon. Mawawalan ako ng slot sa unibersidad kung hindi ako makakabalik pagkaraan ng isang taon. Sa Brazil, seryosong bagay ito dahil ang tanging pamantayan para matanggap sa isang programa sa unibersidad ay ang makapasa sa napakahirap at matinding pagsusulit.

Pagkatapos ng paulit-ulit na pakiusap, ipinaalam sa akin na matapos ang isang taong pagliban, maaari akong mag-aplay na mabigyan ng eksepsyon batay sa espesyal na kadahilanan. Maaari itong maaprubahan o hindi. Natakot ako sa ideya na kukunin kong muli ang napakahirap na pagsusulit na iyon para matanggap matapos ang dalawang taong paghinto sa pag-aaral.

Nagkagusto rin ako sa isang dalaga. Ilan sa mga kaibigan ko ang may gusto rin sa kanya. Naisip ko, “Kung magmimisyon ako, mamimiligro ako.”

Ngunit ang Panginoong Jesucristo ang aking dakilang inspirasyon na huwag matakot sa hinaharap habang sinisikap kong paglingkuran Siya nang buong puso ko.

Siya rin ay may misyong dapat isakatuparan noon. Sa Kanyang sariling mga salita, ipinaliwanag Niya, “Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). At madali ba ang Kanyang misyon? Siyempre hindi. Ang Kanyang pagdurusa, na mahalagang bahagi ng Kanyang misyon, ay nagdulot sa Kanya, “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi [Niya] lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom [Niya] at tinapos ang [Kanyang] paghahanda para sa mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 19:18–19).

Ang paglilingkod sa full-time mission ay maaaring tila mahirap sa atin. Marahil kakailanganin nito na isantabi muna natin ang mahahalagang bagay. Tiyak na alam iyan ng Panginoon, at Siya ay lalagi sa ating tabi.

Sa katunayan, sa kanilang mensahe sa mga missionary sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ipinangako ng Unang Panguluhan, “Gagantimpalaan ka ng Panginoon at bibigyan ng sagana sa mapagpakumbaba at mapanalangin mong paglilingkod sa Kanya.”4 Totoo na lahat ng anak ng Diyos ay pinagpapala, sa iba’t ibang paraan, ngunit may pagkakaiba ang mapagpala at ang mapagpala nang sagana sa paglilingkod sa Kanya.

Naaalala ba ninyo ang mga binanggit ko na inakala ko na mga hamon bago ako nagmisyon? Ang aking dentista? Nakahanap ako ng iba. Ang aking unibersidad? Ginawan nila ako ng eksepsyon. Naaalala ninyo ang dalagang iyon? Pinakasalan niya ang isa sa aking mababait na kaibigan.

Ngunit talagang pinagpala ako ng Diyos nang sagana. At natutuhan ko na ang mga pagpapala ng Panginoon ay dumarating sa mga paraang iba sa ating inaasahan. Dahil tunay ngang ang Kanyang mga pag-iisip ay hindi natin mga pag-iisip (tingnan sa Isaias 55:8–9).

Kabilang sa maraming saganang pagpapalang ibinigay Niya sa akin sa paglilingkod sa Kanya bilang full-time missionary ay ang mas malaking pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala at mas matibay na kaalaman at patotoo sa Kanyang mga turo, upang hindi ako madaling matangay ng “bawat hangin ng aral” (Efeso 4:14). Nawala ang takot ko sa pagtuturo. Naragdagan ang kakayahan kong harapin ang mga hamon nang may magandang pananaw. Sa pag-obserba sa mga indibiduwal at pamilyang nakilala o tinuruan ko bilang missionary, nalaman ko na ang mga turo ng Diyos ay totoo nang sabihin Niya na ang kasalanan ay hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan at ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay tumutulong sa atin na umunlad kapwa sa temporal at sa espirituwal (tingnan sa Mosias 2:41; Alma 41:10). At natutuhan ko mismo sa aking sarili na ang Diyos ay isang Diyos ng mga himala (tingnan sa Mormon 9).

Lahat ng bagay na ito ay nakatulong sa paghahanda ko sa buhay kalaunan, kabilang na ang posibleng pag-aasawa at pagiging magulang, paglilingkod sa Simbahan, at pagtatrabaho at pamumuhay sa komunidad.

Pagkatapos ng aking misyon, pinagpala ako ng karagdagang katatagan ng loob na ipakita ang aking sarili bilang matapat na disipulo ni Jesucristo at ng Kanyang Simbahan sa lahat ng sitwasyon at sa lahat ng tao, pati na sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa isang magandang babae na siyang aking magiging mabait, matalino, masayahin, at mahal na kabiyak hanggang sa kawalang hanggan, ang liwanag ng aking buhay.

Oo, lubos akong pinagpala ng Diyos, nang higit pa sa inakala ko, tulad ng gagawin Niya sa lahat ng “mapagpakumbaba at mapanalanging naglilingkod sa Kanya.” Walang-hanggan ang pasasalamat ko sa Diyos sa Kanyang kabutihan.

Ganap na hinubog ng misyon ang aking buhay. Nalaman ko na sulit ang pagsisikap na magtiwala sa Diyos, magtiwala sa Kanyang karunungan at awa at sa Kanyang mga pangako. Siya ang ating Ama, at walang anumang pag-aalinlangan na nais Niya ang pinakamabuti para sa atin.

Mahal kong mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo, aking ipinaaabot ang paanyaya na ibinigay sa inyo ng ating propeta, si Pangulong Nelson, na “makibahagi sa batalyon o hukbo ng kabataan ng Panginoon upang tumulong sa pagtipon ng Israel.” Sinabi ni Pangulong Nelson:

Wala nang ibang mas mahalaga ang bunga. Wala talaga.

“Ang pagtitipon na ito ay dapat maging napakahalaga sa inyo. Ito ang misyon ninyo dito sa lupa.”5

Isinilang tayo sa panahong ito para sa isang banal na layunin, ang pagtitipon ng Israel. Kapag naglilingkod tayo bilang mga full-time missionary, may mga pagkakataong mahihirapan tayo, ngunit ang Panginoon mismo ang ating dakilang huwaran at gabay sa gayong mga sitwasyon. Nauunawaan Niya kung gaano kahirap ang misyon. Sa tulong Niya, magagawa natin ang mahihirap na bagay. Siya ay lalagi sa ating tabi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:88), at pagpapalain Niya tayo nang lubos kapag mapagkumbaba tayong naglilingkod sa Kanya.

Sa lahat ng kadahilanang ito, hindi ko ikinagulat na sinabi ng Panginoon kay Thomas B. Marsh at sa ating lahat, “Pasiglahin ang iyong puso at magalak, sapagkat ang oras ng iyong misyon ay dumating na.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel.”

  3. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel.”

  4. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 55.

  5. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel.”