Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Buong Mundo
Ipinagpapatuloy ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang paglilingkod bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, pinatototohanan sa buong mundo ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at ang mga pagpapala ng pagsunod sa Tagapagligtas. Narito ang ilan sa mga bagay na nagawa nila simula noong huling pangkalahatang kumperensya.
Mga Miyembro ng Unang Panguluhan
Para sa buod ng paglilingkod ni Pangulong Russell M. Nelson simula noong huling pangkalahatang kumperensya, tingnan sa pahina 135.
Sa pagsasalita sa isang unibersidad sa Rome, Italy, sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang kalayaang pangrelihiyon ay nagdudulot ng maraming pakinabang sa lipunan, at hinikayat niya ang mga tao na “humanap ng mga paraan para matuto sa isa’t isa at pagtibayin ang mga karaniwang kabatirang nagbibigkis sa atin.”
Mga Miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol
Naglingkod si Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo, at sina Elder Jeffrey R. Holland at Elder Quentin L. Cook sa buong Great Britain, at nakipagpulong sa mga missionary at miyembro ng Simbahan. Silang tatlo ay nagmisyon sa United Kingdom noong bata-bata pa sila, at magkompanyon noon sina Elder Holland at Elder Cook.
Nagsalita si Elder David A. Bednar sa isang debosyonal sa Jordan. Sa United Arab Emirates, kinausap niya ang mga lider ng Abu Dhabi Stake at binisita ang expo area kung saan matatagpuan ang isang templo balang-araw. Sa Bahrain, nakipagpulong siya sa mga miyembro ng Manama Ward at nagdaos siya ng debosyonal para sa mga kabataan.
Si Elder D. Todd Christofferson ang naging unang Apostol na bumisita sa Republic of the Gambia. Kinausap niya ang presidente, unang-ginang, at bise-presidente ng republika at tinalakay ang pagtutulunga ng Simbahan at ng foundation ng unang-ginang para tulungan ang mga nangangailangan. Binisita rin ni Elder Christofferson ang Ivory Coast, Nigeria, at Ghana.
Sa mga pulong at training sa Colombia at Ecuador, inalala ni Elder Neil L. Andersen ang maraming miyembro ng Simbahan na namatay dahil sa COVID. Nakipagpulong siya sa mga missionary, 36 na mission president at kanilang mga asawa, at sa mga stake leader, na kadalasang nagsasalita ng Espanyol. Sa isang debosyonal sa Colombia, nagsalita siya tungkol sa pagpapatatag ng pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya.
Sa Panama, si Elder Gary E. Stevenson ang naging unang Apostol na bumisita sa isla ng Carti Tupile sa San Blas Archipelago, na nasa katutubong distrito ng Guna Yala na mga dalawa’t kalahating oras mula sa Panama City.
Kinausap ni Elder Gerrit W. Gong ang mga kabataan sa Pilipinas tungkol sa paggawa ng matatalinong desisyon at tungkol sa pagtataglay sa kanilang sarili ng pangalan ni Jesucristo. Kinausap niya ang mga missionary at, sa isang event broadcast sa buong Pilipinas, nagsalita siya sa mga young single adult.
Sa kanyang katutubong bansang Brazil, pinayuhan ni Elder Ulisses Soares ang mga young adult na isentro ang kanilang buhay sa Tagapagligtas. Sinabi niya sa mga missionary na manampalataya kay Jesucristo at manatiling namumuhay ayon sa katotohanan. Makalipas ang ilang buwan, bumalik si Elder Soares sa Brazil para magsalita sa isang symposium tungkol sa kalayaang pangrelihiyon. Kinausap din niya ang bise-presidente ng Dominican Republic at ang Cuban ambassador sa bansang iyon. Ang Simbahan ay may isang district at apat na branch sa Cuba.
Sa mga virtual meeting, nagsalita si Elder Dieter F. Uchtdorf sa mga kabataan, missionary, at lider ng Simbahan sa Asia; si Elder Quentin L. Cook sa mga young adult sa Europe, Europe East, Africa, at sa mga lugar sa Middle East; si Elder D. Todd Christofferson sa mga young adult na nagsasalita ng Portuguese; si Elder Neil L. Andersen sa mga young adult na nakatira sa Latin America at Spain; si Elder Ronald A. Rasband sa mga young adult na nagsasalita ng Ingles; at si Elder Dale G. Renlund sa mga young adult na nagsasalita ng French.