2022
Buong Puso Natin
Mayo 2022


14:16

Buong Puso Natin

Kung nais nating iangat tayo ng Tagapagligtas sa langit, hindi dapat kaswal o paminsan-minsan ang ating katapatan sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo.

Isang Handog sa Kanya

Ilang araw na lamang bago Niya ialay ang Kanyang buhay para sa atin, si Jesucristo ay nasa templo sa Jerusalem, minamasdan ang mga taong naghuhulog ng donasyon sa kabang-yaman ng templo. “Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga,” nang lumapit ang isang dukhang babaing balo, “at siya’y naghulog ng dalawang kusing.” Napakaliit na halaga iyon, na halos hindi makabuluhang itala.

Isang balo na naghuhulog ng dalawang kusing

Subalit ang tila walang halagang donasyong ito ay napansin ng Tagapagligtas. Katunayan, lubos Siyang naantig kaya “pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman:

“Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan.”1

Sa simpleng pagmamasid na iyon, itinuro sa atin ng Tagapagligtas kung paano sinusukat ang mga handog sa Kanyang kaharian—at talaga namang naiiba ito sa karaniwang paraan ng pagsukat natin sa mga bagay-bagay. Para sa Panginoon, ang halaga ng donasyon ay hindi nasusukat sa epekto nito sa kabang-yaman kundi sa epekto nito sa puso ng nagbigay.

Sa pagpuri sa tapat na balong ito, binigyan tayo ng Tagapagligtas ng pamantayan para masukat ang ating pagkadisipulo sa lahat ng maraming aspeto nito. Itinuro ni Jesus na maaaring malaki o maliit ang ating handog, ngunit gaano man ito kalaki o kaliit, ito ay dapat ialay nang buong puso natin.

Ang alituntuning ito ay inulit sa paanyaya ng propetang si Amaleki ng Aklat ni Mormon: “Lumapit kayo kay Cristo, na siyang Banal ng Israel, at makibahagi sa kanyang kaligtasan, at sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos. Oo, lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya.”2

Ngunit paano ito nagiging posible? Marami sa atin ang nakadarama na tila hindi natin kayang ialay ang ating buong kaluluwa sa Kanya. Marami na tayong pinagtutuunan ng pansin. Paano natin mababalanse ang maraming gawain sa buhay at ang ating hangaring ialay ang ating buong kaluluwa sa Panginoon?

Marahil ang hamon sa atin ay isipin na ang kahulugan ng pagbalanse ay pantay na paghahati ng ating oras sa ating mga gawain. Sa ganitong paraan, ang pangako natin kay Jesucristo ay magiging isa sa maraming bagay na kailangan nating ilagay sa ating abalang iskedyul. Ngunit marahil may isa pang paraan para magawa ito.

Pagbalanse: Parang Pagbibisikleta

Kami ng asawa kong si Harriet ay mahilig magbisikleta nang magkasama. Magandang paraan ito para makapag-ehersisyo habang ginugugol namin ang aming oras sa isa’t isa. Habang nagbibisikleta kami, at hindi ako gaanong hinihingal, nasisiyahan kami sa magandang tanawin sa paligid namin at masayang nagkukuwentuhan. Bihira naming pagtuunan ng pansin ang pagbalanse sa bisikleta namin. Matagal na kaming nagbibisikleta kaya hindi na namin naiisip iyon—naging karaniwan at natural na ito sa amin.

Ngunit tuwing minamasdan ko ang isang taong nag-aaral magbisikleta sa unang pagkakataon, napapaalalahanan ako na hindi madaling ibalanse ang sarili mo sa dalawang makitid na gulong na iyon. Ito ay nangangailangan ng mahabang panahon. Kinakailangang magpraktis. Kinakailangang magtiyaga. Bumabagsak tayo kung minsan habang natututo tayong magbisikleta.

Higit sa lahat, ang mga natutong magbisikleta ay natutuhan ang mahahalagang tip na ito:

Huwag tumingin sa inyong mga paa.

Tumingin sa unahan.

Ituon ang inyong mga mata sa dinaraanan ninyo. Magtuon sa destinasyon ninyo. At patuloy na pumadyak. Ang pagpapanatili ng balanse ay nagagawa sa patuloy na pag-usad.

Maiaangkop ang katulad na mga alituntunin kapag hinangad nating balansehin ang ating buhay bilang mga disipulo ni Jesucristo. Ang paraan ng paghahati ng oras at lakas sa maraming mahahalagang gawain ay magkakaiba sa bawat tao at sa iba’t ibang panahon sa buhay ng tao. Ngunit ang ating pangkalahatan at kabuuang layunin ay tahakin ang Daan ng ating Panginoon na si Jesucristo, at bumalik sa piling ng ating pinakamamahal na Ama sa Langit. Ang layuning ito ay dapat manatiling palagian at hindi nagbabago, sinuman tayo at anuman ang nangyayari sa ating buhay.3

Pag-angat: Parang Pagpapalipad ng Eroplano

Ngayon, para sa mga taong mahilig magbisikleta, ang pagkukumpara ng pagiging disipulo sa pagbibisikleta ay makatutulong na analohiya. Para sa mga taong hindi mahilig magbisikleta, huwag kayong mag-alala. May isa pa akong analohiya na sigurado ako na makakaugnay rito ang bawat lalaki, babae, at bata.

Ang pagiging disipulo, tulad ng maraming bagay sa buhay, ay maikukumpara din sa pagpapalipad ng eroplano.

Naisip na ba ninyo kung gaano kamangha-mangha na ang isang malaking pampasaherong eroplano ay talagang makaaangat mula sa lupa at makalilipad? Ano ang nagpapanatili sa mga eroplanong ito para makalipad nang maayos sa himpapawid, makatawid sa mga karagatan at mga kontinente?

Sa simpleng paliwanag, makalilipad lamang ang eroplano kapag kumikilos ang hangin sa ibabaw ng mga pakpak nito. Ang pagkilos na iyan ay lumilikha ng kaibhan sa pressure ng hangin na nagpapaangat sa eroplano. At paano kayo makakakuha ng sapat na hangin na kikilos sa ibabaw ng mga pakpak na lilikha ng pag-angat? Ang sagot ay puwersang pasulong.

Hindi maiaangat sa himpapawid ang eroplano kung nakatigil lang ito sa runway. Kahit mahangin, hindi magagawa ang sapat na pag-angat kung hindi patatakbuhin ang eroplano, nang may malakas na puwersang pasulong para mahigitan ang puwersang pumipigil sa paggalaw nito.

Tulad ng patuloy na pagpadyak na nagpapanatili ng balanse at maayos na pagbibisikleta, ang patuloy na paglipad ay tumutulong sa eroplano na malabanan ang paghatak ng gravity at drag.

Ano ang kahulugan nito sa atin bilang mga disipulo ni Jesucristo? Nangangahulugan ito na kung nais nating balanse ang buhay, at kung nais nating iangat tayo ng Tagapagligtas sa langit, hindi dapat kaswal o paminsan-minsan ang ating katapatan sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo. Tulad ng balo sa Jerusalem, kailangan nating ialay sa Kanya ang ating buong kaluluwa. Maaaring maliit ang handog natin, ngunit dapat mula ito sa ating puso at kaluluwa.

Ang pagiging disipulo ni Jesucristo ay hindi lamang isa sa maraming bagay na ginagawa natin. Ang Tagapagligtas ang lakas na naghihikayat sa atin sa lahat ng ginagawa natin. Hindi Siya isang pahingahan sa ating paglalakbay. Hindi Siya isang magandang tanawin o lugar na pinupuntahan paminsan-minsan. Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan [ni Jesucristo].”4 Iyan ang Daan at ang ating huling destinasyon.

Ang pagbalanse at pag-angat ay nangyayari kapag “[nagpa]patuloy [tayo] sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao.”5

Sakripisyo at Paglalaan

At paano naman ang maraming gawain at responsibilidad na pinagkakaabalahan natin sa buhay? Pag-uukol ng oras sa mga mahal sa buhay, pag-aaral o paghahanda para sa trabaho, pagtatrabaho para kumita, pangangalaga sa pamilya, paglilingkod sa komunidad—paano natin mababalanse ang lahat ng ito? Tinitiyak sa atin ng Tagapagligtas:

“Batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.

“Ngunit hanapin muna ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.”6

Ngunit hindi nangangahulugang madali ito.7 Nangangailangan ito ng sakripisyo at paglalaan.

Kinakailangang talikuran ang ilang bagay at pagtuunan ang iba pang mga bagay.

Ang sakripisyo at paglalaan ay dalawang batas ng langit na nakipagtipan tayong susundin sa banal na templo. Ang dalawang batas na ito ay may pagkakatulad ngunit hindi magkapareho. Ang ibig sabihin ng magsakripisyo ay isuko ang isang bagay kapalit ng isang bagay na mas mahalaga. Noong unang panahon, iniaalay ng mga tao ng Diyos ang mga panganay ng kanilang mga kawan bilang pagsamba sa paparating na Mesiyas. Sa buong kasaysayan, isinakripisyo ng matatapat na Banal ang mga personal na hangarin, komportableng pamumuhay, at maging ang kanilang buhay para sa Tagapagligtas.

Lahat tayo ay may mga bagay na nasa atin, malaki at maliit, na kailangang isakripisyo upang mas lubos na masunod si Jesucristo.8 Makikita sa ating mga sakripisyo kung ano ang tunay nating pinahahalagahan. Ang mga sakripisyo ay sagrado at kinikilala ng Panginoon.9

Ang paglalaan ay naiiba sa sakripisyo kahit paano sa isang mahalagang paraan. Kapag inilalaan natin ang isang bagay, hindi natin ito iniiwan para matupok sa ibabaw ng dambana. Sa halip, ginagamit natin ito sa paglilingkod sa Panginoon. Inilalaan natin ito sa Kanya at sa Kanyang banal na mga layunin.10 Tinanggap natin ang mga talentong bigay ng Panginoon sa atin at sinisikap na mapaunlad ang mga ito, nang maraming beses, upang lalong makatulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon.11

Kakaunti sa atin ang hihilingang isakripisyo ang ating buhay para sa Tagapagligtas. Ngunit lahat tayo ay inaanyayahang ilaan ang ating buhay sa Kanya.

Iisang Gawain, Iisang Kagalakan, Iisang Layunin

Kapag hinahangad nating dalisayin ang ating buhay at isinasaalang-alang si Cristo sa bawat pag-iisip,12 lahat ng iba pang bagay ay mapag-uugnay. Ang buhay ay hindi na parang mahabang listahan ng magkakahiwalay na gawain na hindi maayos na nababalanse.

Sa paglipas ng panahon, magiging iisang gawain na ang lahat ng ito.

Iisang kagalakan.

Iisang banal na layunin.

Ito ay gawain ng pagmamahal at paglilingkod sa Diyos. Ito ay pagmamahal at paglilingkod sa mga anak ng Diyos.13

Kapag sinusuri natin ang ating buhay at nakikitang napakarami pa nating dapat gagawin, tayo ay napanghihinaan-ng-loob. Kapag tinitingnan natin ang isang bagay—ang pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak, sa maraming iba’t ibang paraan—magagawa natin ang mga bagay na iyon nang may kagalakan.

Sa ganitong paraan natin maiaalay ang ating buong kaluluwa—sa pagsasakripisyo ng anumang bagay na humahadlang sa atin at paglalaan ng iba pa sa Panginoon at sa Kanyang mga layunin.

Panghihikayat at Patotoo

Minamahal kong mga kapatid at mga kaibigan, may mga sandaling maiisip ninyo na sana ay mas marami pa kayong nagawa. Batid ng inyong Ama sa Langit ang nasa puso ninyo. Batid Niya na hindi ninyo magagawa ang lahat ng nais gawin ng inyong puso. Ngunit maaari ninyong mahalin at paglingkuran ang Diyos. Magagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para sundin ang Kanyang mga kautusan. Maaari ninyong mahalin at paglingkuran ang Kanyang mga anak. At ang mga pagsisikap ninyo ay dinadalisay ang inyong puso at inihahanda kayo para sa maluwalhating hinaharap.

Ito ang tila naunawaan ng balo sa may kabang-yaman sa templo. Tiyak na alam niya na hindi mababago ng kanyang handog ang kapalaran ng Israel, ngunit mababago at mapagpapala siya nito—dahil, bagama’t maliit ang kanyang handog, ito ang lahat ng mayroon siya.

Kaya, minamahal kong mga kaibigan at kapwa mga disipulo ni Jesucristo, huwag tayong “mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat [tayo] ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain.” At mula sa maliliit na bagay nagmumula “ang yaong dakila.”14

Pinatototohanan ko na ito ay totoo, tulad ng pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Panginoon, ating Manunubos, at ang ating nag-iisa at tanging Daan pabalik sa ating pinakamamahal na Ama sa Langit. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Marcos 12:41–44.

  2. Omni 1:26.

  3. Ang ating mga anak at kabataan ay inaanyayahan na lumaki nang balanse sa lahat ng aspeto habang sinusunod nila si Jesucristo, na mula sa Kanyang pagkabata ay “lumago … sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52).

  4. Juan 14:6.

  5. 2 Nephi 31:20.

  6. 3 Nephi 13:32–33; tingnan din sa Mateo 6:32–33. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 ay nagbigay ng karagdagang kaalaman: “Huwag hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito sa halip inyo munang hangaring itatag ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang kanyang katwiran.”

  7. Isang halimbawa ang mula sa ating propeta, si Pangulong Russell M. Nelson. Noong siya ay nasa rurok ng tagumpay sa kanyang propesyon bilang heart surgeon, siya ay tinawag bilang stake president. Ipinaabot sa kanya nina Elder Spencer W. Kimball at Elder LeGrand Richards ang calling na ito. Batid na mabigat ang kanyang trabaho, sinabi nila sa kanya, “Kung pakiramdam mo’y napakarami mo nang ginagawa at hindi mo dapat tanggapin ang tungkulin, desisyon mo iyan.” Sumagot siya na ang kanyang desisyon kung maglilingkod o hindi kapag tinawag siya ay nagawa na noon pa man, nang makipagtipan silang mag-asawa sa Panginoon sa templo. “Noon pa man ay nangako na kami,” sabi niya, “na ‘hanapin muna … ang kaharian [ng Diyos] at ang kanyang katuwiran’ [Mateo 6:33], nagtitiwala na lahat ng bagay ay idaragdag sa amin, tulad ng ipinangako ng Panginoon” (Russell Marion Nelson, From Heart to Heart: An Autobiography [1979], 114).

  8. Kamakailan ay nagsalita si Pangulong Nelson tungkol sa “pangangailangan ng bawat isa sa atin na tanggalin, sa tulong ng Panginoon, ang mga dating basura sa ating buhay. … Inaanyayahan ko kayong ipagdasal,” sabi niya, “na matukoy ang mga basurang dapat ninyong tanggalin sa inyong buhay upang higit kayong maging karapat-dapat” (“Mensahe ng Pagbati,” Liahona, Mayo 2021, 7).

  9. Nakasaad sa mga banal na kasulatan na, sa Diyos, ang ating mga hain ay mas banal kaysa sa ating mga yaman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 117:13). Maaaring isang dahilan ito kung bakit mas pinahalagahan ng Panginoon ang mga kusing ng balo kaysa sa donasyon ng mayayaman. Ang una ay isang sakripisyo, na may nakadadalisay na epekto sa nagbigay. Ang huli, bagama’t maaaring maraming paggagamitan, ay hindi isang sakripisyo, at hindi nito nabago ang nagbigay.

  10. Kakaunti sa atin ang hihilingang isakripisyo ang ating buhay para sa Tagapagligtas. Ngunit lahat tayo ay inaanyayahang ilaan ang ating buhay sa Kanya.

  11. Tingnan sa Mateo 25:14–30.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:36.

  13. Sa ganitong paraan, nakikita natin sa ating buhay ang katuparan ng propesiya ni Apostol Pablo: “[Sa] kaganapan ng panahon, [titipunin ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa” (Efeso 1:10).

  14. Doktrina at mga Tipan 64:33.