“Kristin M. Yee,” Liahona, Mayo 2022.
Kristin M. Yee
Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency
Sa isang mundong lalong nakikitaan ng pagkakawatak-watak at paghihiwalay, nakakita si Sister Kristin M. Yee ng mga lunas sa mga sakit ng lipunan sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng Relief Society.
“Pinag-iisa tayo ng Relief Society sa ilalim Niya,” sabi niya. “Saanman ako maglakbay sa mundo, hinahanap ko ang Relief Society sisters ko, at agad kong nadarama na may nagmamahal at nakakakilala sa akin. May pagkakapantay-pantay kay Cristo at sa ating mga patotoo tungkol sa Kanya.”
Nalalaman nang may katiyakan ni Sister Yee, na matagal nang naglilingkod sa Primary general advisory council, na hindi siya magtatrabahong mag-isa sa kanyang bagong calling bilang Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency.
“Ang Panginoon ang namamahala, at nagtitiwala ako sa Kanya,” sabi niya. “Malaki rin ang paniniwala ko na kailangan natin ang lahat sa Kanyang gawain. Lahat tayo ay may tungkuling gagampanan, at maaari tayong maging bahagi ng gawaing ito nang magkakasama. Labis akong nagpapasalamat sa pagkakataong maglingkod.”
Si Kristin Mae Yee ay isinilang noong Mayo 5, 1981, sa Sacramento, California, USA, sa mga magulang na sina Ryan R. Yee at Jaydean Fox McKay. Kalaunan ay lumipat siya sa Idaho, USA, at pagkatapos ay sa Utah.
Natuklasan niya noong bata pa siya na mahilig at may talento siya sa sining, na gumabay sa kanyang pag-aaral at propesyon. Mayroon siyang undergraduate degrees sa fine arts mula Brigham Young University–Idaho at sa Brigham Young University. Noong 2019 nakamit niya ang master of public administration mula sa BYU.
Ang mga kasanayan sa sining at pagpokus ni Sister Yee ay nagdala sa kanya sa isang posisyon bilang artist at producer sa Disney Interactive Studios, kung saan nagtrabaho siya sa loob ng 13 taon. Siya ngayon ang namamahala sa animation team ng Simbahan. Kabilang sa kanyang mga painting na may tema ng ebanghelyo ang mga larawan ng ministeryo ng Tagapagligtas sa mortalidad.
Si Sister Yee ay nakapaglingkod na sa maraming calling sa Simbahan, kabilang na ang pagiging stake Relief Society president, ward Relief Society presidency counselor at teacher, ward Young Women president, Gospel Doctrine teacher, ward missionary, at temple ordinance worker.