2022
Pagtuturo ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan sa Mga Bata at Kabataan
Mayo 2022


10:11

Pagtuturo ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan sa Mga Bata at Kabataan

Sundin natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-asa sa ating sariling kakayahan sa buong buhay natin at pagtuturo nito sa mga bata at kabataan natin.

Magsasalita ako tungkol sa pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance at kung paano ito maituturo sa mga bata at kabataan. Maaaring iniisip ng iba na ang pag-asa sa sariling kakayahan ay isang bagay na para lamang sa mga nakatatanda. Natutuhan ko na pinakamahusay na matatahak ng mga adult ang landas tungo sa pag-asa sa sariling kakayahan kapag naturuan sila ng ebanghelyo ni Jesucristo at isinabuhay ang doktrina at mga alituntunin nito mula sa kanilang pagkabata at bilang mga kabataan sa tahanan.

Ang pinakamagandang paglalarawan ay isang halimbawa na hango sa tunay na buhay. Si Wilfried Vanie, ang kanyang pitong kapatid, at ang kanyang ina ay umanib sa Simbahan sa Abidjan, Ivory Coast, noong siya ay anim na taong gulang. Nabinyagan siya sa edad na walo. Ang kanyang ama na siyang pangunahing bumubuhay sa kanilang pamilya ay namatay noong labing-isang taong gulang si Wilfried.

Bagama’t nalungkot sa sitwasyon ng kanyang pamilya, nagpasiya si Wilfried na magpatuloy sa pag-aaral sa panghihikayat ng kanyang ina at sa tulong ng Simbahan. Siya ay nakapagtapos ng high school at nakapaglingkod ng full-time mission sa Ghana Cape Coast Mission, kung saan siya natuto ng Ingles. Pagkatapos ng kanyang misyon, siya ay nag-aral sa unibersidad at nakatanggap ng diploma sa accounting at finance. Bagama’t mahirap makakuha ng trabaho sa larangang ito, nakahanap siya ng trabaho sa industriya ng turismo.

Nagsimula siya bilang waiter sa isang five-star hotel, ngunit ang pagnanais niyang umunlad ay nagtulak sa kanya na mas matuto pa hanggang sa maging bilingual receptionist siya roon. Noong may nagbukas na bagong hotel, nakuha siya bilang night auditor. Kalaunan, nag-enrol siya sa BYU–Pathway Worldwide at kasalukuyang nag-aaral ng kurso upang makatanggap ng sertipikasyon sa hospitality and tourism management. Nais niyang maging manager ng isang kilalang hotel balang araw. Natutustusan ni Wilfried ang pangangailangan ng kanyang walang-hanggang kabiyak at dalawang anak, at natutulungan din niya ang kanyang ina at mga kapatid. Kasalukuyan siyang naglilingkod sa Simbahan bilang isang miyembro ng stake high council.

Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay “ang abilidad, tapat na pangako, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay para sa sarili at sa pamilya.”1 Ang pagsisikap na umasa sa ating sariling kakayahan ay bahagi ng ating gawain sa landas ng tipan na aakay sa atin pabalik sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Palalakasin nito ang pananampalataya natin kay Jesucristo at masayang ibubuklod tayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan. Ang pag-asa sa sariling kakayahan ay doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo, hindi isang programa. Ito ay proseso na nagpapatuloy buong buhay natin, hindi isang pangyayari lamang.

Nakaaasa tayo sa ating sariling kakayahan sa buong buhay natin sa pamamagitan ng pagpapalago ng espirituwal na lakas, pisikal at emosyonal na kalusugan, pagtatamo ng edukasyon at trabaho, at pagiging handa sa temporal na bagay.2 Natatapos ba ang gawaing ito sa ating buhay? Hindi, ito ay panghabambuhay na proseso ng pagkatuto, pag-unlad, at paggawa. Hindi ito natatapos; ito ay proseso na nagpapatuloy at ginagawa araw-araw.

Paano natin maituturo ang doktrina at mga alituntunin ng pag-asa sa sariling kakayahan sa ating mga bata at kabataan? Isang mahalagang paraan ang regular na pagsasabuhay ng mga alituntunin ng programa na Mga Bata at Kabataan. Ang mga magulang at mga bata ay natututo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, nakikilahok sa paglilingkod at mga aktibidad, at gumagawa nang magkakasama sa apat na aspekto ng personal na pag-unlad na natatangi para sa bawat bata. Hindi na ito kagaya ng ipinatutupad noon na programa para sa lahat.

Sinasabi sa Gabay na Aklat para sa mga Bata, “Noong kaedad ka ni Jesus, natuto Siya at umunlad. Natututo at umuunlad ka rin. Sinasabi sa mga banal na kasulatan: ‘Lumaki si Jesus sa karunungan at pangangatawan, at sa pagbibigay-lugod sa Dios at sa tao’ (Lucas 2:52).”3 Pinatutungkulan ng banal na kasulatang ito ang paglago at pagkatuto sa espirituwal na aspekto, pagbibigay-lugod sa Diyos; sa pakikipagkapwa, pagbibigay-lugod sa tao; sa pisikal na aspekto, pangangatawan; at sa intelektuwal na aspekto, karunungan. Ang mga aspektong ito ng pag-unlad ay angkop sa ating lahat, anuman ang ating edad. Kailan natin ituturo ang mga ito? Sa Deuteronomio 6:6–7 mababasa natin:

“Ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso;

“At iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.”

Itinuturo natin ang mga bagay na ito sa mga bata sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa, paggawa at paglilingkod kasama nila, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsunod sa mga turo ni Jesucristo ayon sa itinuro ng mga propeta.

Nabanggit ko na sa programang Mga Bata at Kabataan, pumipili ang mga bata ng magkakaibang mithiin sa bawat isa sa apat na aspekto ng pag-unlad. Mahalagang gumawa sila ng kanilang sariling mithiin sa bawat aspekto. Maaaring magturo, magpayo, at sumuporta ang mga magulang at lider.

Halimbawa, ang apo naming si Miranda ay talagang nahihikayat na espirituwal na umunlad sa pamamagitan ng paglahok sa araw-araw na early-morning seminary class. Naging interesado siya rito matapos makarinig ng mga positibong komento mula sa iba pang estudyate ng seminary sa kanyang ward. Hindi na siya kailangang gisingin ng kanyang ina para sa klase. Mag-isa siyang bumabangon at kumokonekta sa pamamagitan ng videoconference sa itinakdang oras na 6:20 ng umaga dahil nagkaroon na siya ng magagandang gawi na tumutulong sa kanyang gawin ito. Sinabi sa akin kamakailan ng aking sariling magulang na mas nagkukuwento na ngayon si Miranda kapag bumibisita siya sa kanila, dahil lumakas na ang kanyang kumpiyansa sa sarili. Ang mga ito ay mga aral sa buhay at pag-unlad na may mga kapansin-pansing resulta.

Ang mga magulang, lolo’t lola, lider, at kaibigan ay tumutulong sa paglago at pag-unlad ng mga bata. Ang mga lubos na aktibong ministering brother at sister, kasama ng mga lider sa priesthood at organisasyon ng ward, ay nagbibigay ng suporta. Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sinasabing: “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at ang may tungkuling maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak. Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan. … Ang mga kamag-anak ay dapat magbigay ng tulong kung kinakailangan.”4 Ang huling linyang iyon ay patungkol sa mga lolo’t lola, at iba pa.

Habang naglilingkod kami sa West Africa, ang asawa kong si Nuria ay talagang naging napakahusay sa pagmiminister at pananatiling konektado sa aming pamilya at mga apo na nasa ibayong dagat. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng teknolohiya. Binabasahan niya ng mga aklat ang mas maliliit na apo. Tinuturuan niya ang mas nakatatandang apong babae ng mga paksa gaya ng kuwento ng aming pamilya, agham, kasaysayan ng Puerto Rico, Saligan ng Pananampalataya, at ebanghelyo ni Jesucristo. Sa panahon ngayon, hindi na nalilimitahan ng distansya ang pakikipag-ugnayan, pagiging kabahagi, pagmiminister at pagtuturo sa umuusbong na generasyon ng ating mga pamilya. Sumasama rin ako kay Nuria kapag kaya ko upang turuan ang mga itinatangi naming apo, mahalin sila, at ibigay ang gusto nila at patawanin sila.

Makikita ninyo ang inspiradong pagkakatulad sa pagitan ng programang Mga Bata at Kabataan at ng pagbuo ng kapasidad na umasa sa sariling kakayahan. Ang apat na aspekto ng pag-unlad sa dalawang ito ay parehong-pareho. Ang espirituwal na lakas sa pag-asa sa sariling kakayahan ay nauugnay sa espirituwal sa Mga Bata at Kabataan. Ang pisikal at emosyonal na kalusugan sa pag-asa sa sariling kakayahan ay konektado sa pisikal at pakikipagkapwa sa Mga Bata at Kabataan. Ang edukasyon, trabaho, at temporal na kahandaan sa pag-asa sa sariling kakayahan ay may kinalaman sa intelektuwal sa programang Mga Bata at Kabataan.

Bilang pagtatapos, sundin natin ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-asa sa ating sariling kakayahan sa buong buhay natin, at pagtuturo nito sa mga bata at kabataan. Pinakamahusay na magagawa natin ito sa pamamagitan ng

  1. pagiging mabuting halimbawa ng paglilingkod sa iba,

  2. pagsasabuhay at pagtuturo ng doktrina at mga alituntunin ng pag-asa sa sariling kakayahan, at

  3. pagsunod sa kautusan na umasa sa sariling kakayahan bilang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sinasabi sa Doktrina at mga Tipan 104:15–16 na:

“Layunin ko ito na maglaan para sa aking mga banal, sapagkat lahat ng bagay ay akin.

“Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan; at masdan ito ang aking pamamaraan na ako, ang Panginoon, ay nag-utos na maglaan para sa aking mga banal, upang ang mga maralita ay dakilain, sa gayon yaong mayayaman ay ibababa.”

Ito ang Simbahan ni Jesucristo. Pinagpapala ng Kanyang ebanghelyo ang mga pamilya sa mundong ito at sa kawalang-hanggan. Ginagabayan tayo nito sa ating buhay habang nagsisikap tayong maging mga walang-hanggang pamilya. Alam ko na ito ay totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.