2022
Camille N. Johnson
Mayo 2022


“Camille N. Johnson,” Liahona, Mayo 2022.

Camille N. Johnson

Relief Society General President

Si Camille N. Johnson ay “laging komportable” sa Relief Society.

“Natagpuan ko ang kapatiran ng kababaihang naiiba sa akin,” sabi niya tungkol sa kanyang mga karanasan sa Relief Society, kabilang na ang mahigit 30 taon sa mga family ward sa Estados Unidos at Peru. “Gustung-gusto ko ang sigla at karunungan ng kababaihan sa Relief Society.”

Nakakita siya ng mga tagapagturo at kaibigan sa Relief Society, kabilang na ang ilang mas matanda at mas bata kaysa sa kanya.

“Tayong lahat ay magkakapatid na may magkakatulad na pinagdaraanan sa hangarin nating makabalik sa ating tahanan sa langit ngunit may iba’t ibang karanasan na maaari nating gamitin para tulungan ang isa’t isa,” sabi ni Sister Johnson.

Si Sister Johnson ay naglilingkod na bilang Primary General President mula noong nakaraang taon. Sisimulan niya ang kanyang paglilingkod bilang Relief Society General President sa Agosto 1.

Ang isa sa mga paborito niyang tungkulin ay ang magturo sa Relief Society.

“Gustung-gusto ko ang pagkakataong kausapin ang kababaihan at maturuan ng Espiritu at ng bawat isa sa sagradong oras na iyon sa Relief Society. Doon tayo nangungusap tungkol kay Cristo at nagagalak kay Cristo at tinatalakay natin ang pinakamahahalagang bagay sa buhay natin.”

Si Camille Neddo ay isinilang noong Setyembre 1963 sa mga magulang na sina Hal at Dorothy Neddo sa Pocatello, Idaho, USA. Nagpakasal siya kay Douglas R. Johnson noong Hulyo 31, 1987, sa Salt Lake Temple. Mayroon silang tatlong anak na lalaki at limang apo.

Nagtapos siya sa University of Utah ng English noong 1985 at mula sa University of Utah S. J. Quinney College of Law noong 1989. Nagtrabaho siya nang mahigit 30 taon bilang abugada at naging pangulo ng Snow Christensen & Martineau law firm.

Dating ward Young Women president, si Sister Johnson ay nakapaglingkod din bilang miyembro ng mga presidency ng ward Relief Society at Primary at bilang guro sa Gospel Doctrine at Relief Society. Naglingkod din sila ng kanyang asawa mula 2016 hanggang 2019 nang mangulo ito sa Peru Arequipa Mission.