2022
Subalit Hindi Namin Sila Pinansin
Mayo 2022


12:59

Subalit Hindi Namin Sila Pinansin

(1 Nephi 8:33)

Itinuturo at tinutulungan tayo ng mga tipan at ordenansa na laging tandaan ang koneksyon natin sa Panginoong Jesucristo habang sumusulong tayo sa landas ng tipan.

Ang asawa kong si Susan, ang tatlong anak naming lalaki at kanilang mga asawa, lahat ng apo namin, at si Elder Quentin L. Cook, na katabi ko sa upuan sa Korum ng Labindalawa sa loob halos ng 15 taon, ay agad magpapatunay sa katotohanan na hindi ako magaling kumanta. Ngunit sa kabila ng kawalan ko ng talento sa pagkanta, gustung-gusto kong kantahin ang mga himno ng Pagpapanumbalik. Ang pinagsamang mga inspiradong titik at mariringal na himig ay tumutulong sa akin na matutuhan ang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo at pinasisigla ang aking kaluluwa.

Ang isang himnong nagpala sa buhay ko sa pambihirang mga paraan ay ang “Magpatuloy Tayo.” Kamakailan ay sinimulan kong pagnilayan at pag-aralan ang isang partikular na parirala sa koro ng himnong iyon. “’Di [natin papansinin ang] wika ng masama, at ang Diyos ang tanging susundin.”1

Hindi natin papansinin.

Kapag kinakanta ko ang “Magpatuloy Tayo,” madalas kong maisip ang mga tao sa pangitain ni Lehi na patuloy na bumabagtas sa landas patungo sa punungkahoy ng buhay na hindi lamang “mahigpit na nakakapit”2 kundi “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa makarating sila at napatiluhod at makakain ng bunga ng punungkahoy.”3 Inilarawan ni Lehi ang maraming tao sa malaki at maluwang na gusali na nakaturo “ang mapanlibak nilang daliri sa [kanya] at sa mga yaong kumakain … ng bunga.”4 Ang kanyang tugon sa mga pangungutya at pang-iinsulto ay kahanga-hanga at di-malilimutan: “Subalit hindi namin sila pinansin.”5

Dalangin ko na pagpalain at bigyan ng kaliwanagan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang sama-sama nating pinag-iisipan kung paano tayo mapapatatag na “hindi pansinin” ang masasamang impluwensya at mapangutyang mga tinig ng mundong ginagalawan natin ngayon.

Hindi Pansinin

Ang salitang pansinin ay nagpapahiwatig ng pagpuna o pakikinig sa isang tao o bagay. Sa gayon, ang mga titik ng himnong “Magpatuloy Tayo” ay pinapayuhan tayong magpasiya na huwag pakinggan ang “wika ng masama.” At si Lehi at ang mga taong kasama niya na nagsisikain ng bunga ng punungkahoy ay nagbibigay ng malakas na halimbawa ng hindi pakikinig sa pangungutya at panlilibak na napakadalas manggaling sa malaki at maluwang na gusali.

Ang doktrina ni Cristo na isinulat “ng Espiritu ng Diyos na buhay … sa mga tapyas ng [ating puso]”6 ay nagpapaibayo sa ating kakayahang “hindi pansinin” ang maraming gambala, panunuya, at libangan sa ating nahulog na mundo. Halimbawa, ang pananampalatayang nakatuon sa Panginoong Jesucristo ay pinatitibay ang ating espirituwal na lakas. Ang pananampalataya sa Manunubos ay isang alituntunin ng pagkilos at kapangyarihan. Kapag kumikilos tayo alinsunod sa mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo, binibiyayaan tayo ng espirituwal na kakayahang magpatuloy sa kabila ng mga hamon ng mortalidad habang nakatuon sa mga kagalakang ibinibigay sa atin ng Tagapagligtas. Tunay ngang “kung gawi’y matwid h’wag mahihintakutan, sapagkat ang Panginoon nati’y nariyan.”7

Isang Personal na Koneksyon sa Pamamagitan ng mga Tipan

Ang pagpasok sa mga sagradong tipan at marapat na pagtanggap ng mga ordenansa ng priesthood ay nag-uugnay at nagbibigkis sa atin sa Panginoong Jesucristo at sa Ama sa Langit.8 Nangangahulugan lamang ito na nagtitiwala tayo sa Tagapagligtas bilang ating Tagapagtanggol9 at Tagapamagitan10 at umaasa sa Kanyang mga kabutihan, awa, at biyaya11 sa paglalakbay sa buhay na ito. Kapag matatag tayo sa paglapit kay Cristo at nakaugnay tayo sa Kanya, natatanggap natin ang nagpapalinis, nagpapagaling, at nagpapalakas na mga pagpapala ng Kanyang walang-katapusan at walang-hanggang Pagbabayad-sala.12

Ang pagsasabuhay at pagmamahal sa mga pangako sa tipan ay lumilikha ng koneksyon sa Panginoon na lubhang personal at espirituwal na makapangyarihan. Kapag tumutupad tayo sa mga kundisyon ng mga sagradong tipan at ordenansa, dahan-dahan at paunti-unti tayong napapalapit sa Kanya13 at mararanasan natin sa ating buhay ang epekto ng Kanyang kabanalan at ng katotohanang Siya’y buhay. Sa gayo’y nagiging higit pa si Jesus sa pangunahing tauhan sa mga kuwento sa banal na kasulatan; naiimpluwensyahan ng Kanyang halimbawa at mga turo ang bawat naisin, isipin, at kilos natin.

Tahasan kong sinasabi na wala akong kakayahang ilarawan nang sapat ang ganap na katangian at kapangyarihan ng koneksyon ng ating tipan sa nabuhay na mag-uli at buhay na Anak ng Diyos. Ngunit sumasaksi ako na ang mga koneksyon natin sa Kanya at sa Ama sa Langit ay totoo at ang mga ito ang tunay na pinagmumulan ng katiyakan, kapayapaan, kagalakan, at espirituwal na lakas na nagbibigay sa atin ng kakayahang “su[mu]long, ang kalaba’y harapin.”14 Bilang mga disipulo ni Jesucristo na gumagawa at tumutupad ng mga tipan, maaari tayong mapagpala na maging “[ma]giting, [sapagkat] Diyos ay kaisa natin”15 at hindi pansinin ang masasamang impluwensya at panunuya ng tao.

Kapag kausap ko ang mga miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo, madalas kong itanong ito sa kanila: ano ang tumutulong sa inyo na “hindi pansinin” ang mga impluwensya, pangungutya, at panlilibak ng mundo? Kapupulutan ng aral ang kanilang mga sagot.

Kadalasa’y binibigyang-diin ng magigiting na miyembro ang kahalagahan ng pag-anyaya sa kapangyarihan ng Espiritu Santo sa kanilang buhay sa pamamagitan ng makabuluhang pag-aaral ng banal na kasulatan, taimtim na panalangin, at wastong paghahanda sa pakikibahagi sa ordenansa ng sakramento. Malimit ding banggitin ang espirituwal na suporta ng matatapat na kapamilya at pinagkakatiwalaang mga kaibigan, ang mahahalagang aral na natutuhan mula sa ministering at paglilingkod sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, at ang kakayahang mahiwatigan ang lubos na kahungkagan ng anumang bagay na nasa o nagmumula sa malaki at maluwang na gusali.

Napuna ko sa mga sagot ng mga miyembrong ito ang isang partikular na huwaran na talagang makabuluhan. Unang-una sa lahat, may matatag na patotoo ang mga disipulong ito tungkol sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at sa papel ni Jesucristo bilang Manunubos at Tagapagligtas natin. At pangalawa, ang espirituwal na kaalaman at paniniwala nila ay indibiduwal, personal, at tiyak; hindi panglahatan at hindi mahirap intindihin. Pinakikinggan kong sinasabi ng matatapat na taong ito na nagbibigay-lakas ang mga tipan para madaig ang oposisyon at sinusuportahan sila ng kanilang koneksyon sa buhay na Panginoon kapwa sa hirap at sa ginhawa. Para sa mga taong ito, si Jesucristo ay isang tunay na personal na Tagapagligtas.

Isang compass

Ang mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo sa ating buhay ay parang isang compass. Ang compass ay isang instrumentong ginagamit sa pagtukoy ng mga pangunahing direksyong hilaga, timog, silangan, at kanluran para sa nabigasyon at lokasyon. Sa gayon ding paraan, itinuturo at tinutulungan tayo ng ating mga tipan at ordenansa na laging tandaan ang ating koneksyon sa Panginoong Jesucristo habang sumusulong tayo sa landas ng tipan.

Ang Christus

Ang pangunahing direksyon para sa ating lahat sa mortalidad ay ang lumapit at maging ganap kay Cristo.16 Tinutulungan tayo ng mga banal na tipan at ordenansa na makatuon sa Tagapagligtas at magsikap, sa tulong ng Kanyang biyaya,17 na maging higit na katulad Niya. Tiyak na tiyak, “ikaw at ako’y mayroong kaagapay, kasama’ng Diyos sa tagumpay.”18

Paghawak nang Mahigpit sa Gabay na Bakal

Ang koneksyon ng ating tipan sa Diyos at kay Jesucristo ang nagsisilbing daluyan upang magkaroon tayo ng kakayahan at lakas na “hindi pansinin [ang mundo].” At tumitibay ang bigkis na ito habang patuloy tayong humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal. Ngunit tulad ng itinanong ng mga kapatid ni Nephi, “Ano ang kahulugan ng gabay na bakal na nakita ng ating ama … ?

“At sinabi [ni Nephi] sa kanila na ito ang salita ng Diyos; at sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol.”19

Mangyaring tandaan na ang kakayahang labanan ang mga tukso at nag-aapoy na sibat ng kaaway ay ipinangako sa mga taong “hahawak nang mahigpit” at hindi lamang basta “kakapit” sa salita ng Diyos.

Ang nakakaaliw, inilarawan ni Apostol Juan si Jesucristo bilang ang Salita.20

“Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. …

“Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa. …

“At naging tao ang Salita at tumahang kasama namin, (at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama,) puspos ng biyaya at katotohanan.”21

Samakatwid, ang isa sa mga pangalan ni Jesucristo ay “Ang Salita.”22

Dagdag pa rito, nakasaad sa ikawalong saligan ng pananampalataya na, “Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto; naniniwala rin kami na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos.”23

Sa gayon, ang mga turo din ng Tagapagligtas, tulad ng nakatala sa mga banal na kasulatan, ay “ang salita.”

Iminumungkahi ko na kinakailangan sa paghawak nang mahigpit sa salita ng Diyos na (1) tandaan, igalang, at palakasin ang personal na koneksyon natin sa Tagapagligtas at sa Kanyang Ama sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at (2) mapanalangin, masigasig, at patuloy na gamitin ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga buhay na propeta at apostol bilang mga tunay na pinagmumulan ng inihayag na katotohanan. Habang tayo ay nakabigkis at “nakahawak nang mahigpit” sa Panginoon at nababago sa pagsasabuhay ng Kanyang doktrina,24 nangangako ako na indibiduwal at kolektibo tayong mapagpapalang “[tumayo] sa mga banal na lugar, at hindi matitinag.”25 Kung mananatili tayo kay Cristo, Siya ay mananatili at makakasama natin sa paglakad.26 Tiyak na “sa pagsubok, Banal N’ya’y aaliwin, totoo’y pagpapalain.”27

Patotoo

Magpatuloy. Humawak nang mahigpit. Huwag pansinin ang mundo.

Pinatototohanan ko na ang pagiging tapat sa mga tipan at ordenansa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Tagapagligtas ay nagbibigay-kakayahan sa atin na magpatuloy sa gawain ng Panginoon, humawak nang mahigpit sa Kanya bilang Salita ng Diyos, at hindi pansinin ang mga tukso ng kaaway. Sa pakikipaglaban para sa tama, nawa’y gamitin ng bawat isa sa atin ang isang sandata, maging “ang sandata [ng] katotohanan,”28 sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.