“Amy A. Wright,” Liahona, Mayo 2022.
Amy A. Wright
Unang Tagapayo sa Primary General Presidency
Naalala ni Sister Amy A. Wright ang isang gabi ilang taon na ang nakararaan noong ginagamot siya para sa stage 4 ovarian cancer. Sa labis na sakit ay namanhid na ang pakiramdam niya. Sa kabila ng kanyang patotoo at pananampalataya sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa plano ng kaligtasan, kinailangan niya ng tulong noon.
Noong bata pa siya, naituro na ng kanyang ina at mga lider sa Primary kay Sister Wright na kapag natatakot, nalulungkot, o nangangailangan ng Espiritu, dapat siyang kumanta ng isang awitin sa Primary.
“Pero pambata iyon,” naisip niya ngayon. “Angkop ba talaga iyon sa akin?”
Pagkatapos ay dumating ang sagot—at ang awitin.
“Anak din ako ng Diyos,” naalala ni Sister Wright. “Kaya, sa isip ko, nagsimula akong kumanta ng, ‘Ama sa Langit, kayo ba’y nar’yan?’1
“Hanggang doon lang ang nakanta ko. Ang buong katawan ko ay nabalot ng pagmamahal ng Diyos. Nahahawakan iyon, na kakatwa dahil wala akong ibang maramdaman. Alam kong naroon Siya, na alam Niya ang mismong pinagdaraanan ko, at na Siya ay isang mapagmahal na Diyos.”
Si Amy Eileen Anderson ay isinilang noong Enero 6, 1972, sa Salt Lake City, Utah, USA, sa mga magulang na sina Joy Bailey at Robert Anderson. Nagpakasal siya kay James McConkie Wright noong Hunyo 24, 1994, sa Salt Lake Temple. Mayroon silang tatlong anak na lalaki.
Nagtapos siya ng bachelor of science degree sa human development and family studies mula sa University of Utah noong 1998. Nagtrabaho siya sa student media department sa College of Communication ng Marquette University habang nag-aaral ang kanyang asawa sa dental school.
Si Sister Wright ay naglingkod bilang Pangalawang Tagapayo sa Primary General Presidency noong nakaraang taon at sa Young Women general advisory council sa loob ng tatlong taon bago iyon. Kabilang sa kanyang mga nakaraang tungkulin ang stake at ward Primary president, ward Relief Society at Primary presidency counselor, Relief Society teacher, Gospel Doctrine teacher, at Cub Scout leader.