2022
Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum
Mayo 2022


17:18

Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum

Nais kong magmungkahi ng limang partikular na hakbang para tulungan tayong mapanatili ang positibong espirituwal na momentum.

Ginigiliw kong mga kapatid, mahal ko kayo. Itinatangi ko ang pagkakataong ito na makapagsalita sa inyo ngayon. Dalangin ko araw-araw na maprotektahan kayo laban sa mababangis na pagsalakay ng kalaban at magkaroon ng lakas na sumulong anuman ang inyong kinakaharap na mga hamon sa buhay.

Ang ilang pagsubok ay malalim at mabigat at hindi nakikita ng ibang tao. Ang iba naman ay batid ng lahat. Ang armadong labanan sa silangang bahagi ng Europa ay isa sa mga ito. Maraming beses ko nang napuntahan ang Ukraine at Russia. Mahal ko ang mga lupaing iyon, ang mga mamamayan at kanilang mga wika. Tumatangis at ipinagdarasal ko ang lahat ng apektado ng pagtutunggaling ito. Bilang isang simbahan, ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para matulungan ang mga nagdurusa at lumalaban para mabuhay. Inaanyayahan namin ang lahat na patuloy na mag-ayuno at magdasal para sa lahat ng taong nasasaktan sa kalamidad na ito. Anumang digmaan ay kahindik-hindik na paglabag sa lahat ng pinaninindigan at itinuturo ng Panginoong Jesucristo.

Walang sinuman sa atin ang kayang kontrolin ang mga bansa o ang kilos ng iba o kahit pa ang sarili nating kapamilya. Pero makokontrol natin ang ating sarili. Ang panawagan ko ngayon, mga minamahal na kapatid, ay wakasan ang mga tunggaliang namamayani sa inyong puso, sa inyong tahanan, at sa inyong buhay. Ibaon ang anuman at lahat ng hangaring saktan ang iba—dulot man ito ng init ng ulo, matalim na dila, o sama ng loob sa taong nananakit sa iyo. Inutusan tayo ng Tagapagligtas na ibaling ang isa pa nating pisngi,1 na mahalin ang ating mga kaaway, at ipagdasal ang may masamang hangarin na nanggagamit sa atin.2

Maaaring napakasakit na kalimutan ang galit na tila talagang makatwiran. Parang imposibleng patawarin ang mga taong nakasasakit sa mga inosente ang mga mapanirang gawain. Gayunman, hinikayat tayo ng Tagapagligtas na “patawarin ang lahat ng tao.”3

Tayo ay mga tagasunod ng Prinsipe ng Kapayapaan. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang kapayapaan na Siya lang ang makapagbibigay. Paano natin maaasahang magkaroon ng kapayapaan sa mundo kung hindi naman naghahangad ang bawat isa sa atin ng kapayapaan at pagkakaisa? Mga kapatid, alam kong hindi madali ang iminumungkahi ko. Ngunit ang mga alagad ni Jesucristo ay dapat maging huwaran ng pagsunod na tutularan ng buong mundo. Nakikiusap ako na gawin ninyo ang lahat para wakasan ang mga personal na tunggalian na nagngangalit sa inyong puso at sa inyong buhay.

Hayaang bigyang-diin ko ang panawagang ito sa pagtalakay ng konsepto na naalala ko kailan lang habang nanonood ng laro ng basketball.

Sa larong iyon, sa unang bahagi ay naghahabulan ang iskor. At, sa huling limang segundo ng unang bahagi, isang guard sa isang team ang nakagawa ng magandang three-point shot. Nang isang segundo na lang, naagaw ng kanyang teammate ang inbound pass at nakapag-shoot ulit pagtunog ng buzzer! Kaya ang team na iyon ay pumasok sa locker room na may dagdag na apat na puntos at bugso ng momentum. Naipagpatuloy nila ang momentum na ito sa ikalawang bahagi ng laro at nanalo sila.

Ang momentum ay isang makapangyarihang konsepto. Naranasan na nating lahat ito kahit paano—halimbawa, sa sasakyan na bumibilis ang takbo o sa di-pagkakasundo na biglang nauuwi sa pagtatalo.

Kaya ang tanong ko, ano ang nagpapasimula sa espirituwal na momentum? Nakakita na tayo ng mga halimbawa ng kapwa positibo at negatibong momentum. May kilala tayong mga alagad ni Jesucristo na nagbagong-loob at lumago ang pananampalataya. Ngunit may alam din tayong mga dating mananampalataya na naligaw ng landas. Ang momentum ay maaaring magbago ng direksyon.

Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang positibong espirituwal na momentum, para malabanan ang bilis ng pagtindi ng kasamaan at kadiliman ngayon. Ang positibong espirituwal na momentum ang tutulong atin na patuloy na sumulong sa kabila ng pangamba at kawalang-katiyakan na likha ng mga pandemya, tsunami, pagputok ng bulkan, at armadong kalupitan. Ang espirituwal na momentum ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang walang-tigil at masasamang pagsalakay ng kaaway at labanan ang kanyang mga pagsisikap na sirain ang ating espirituwal na pundasyon.

Maraming gawain ang maaaring magpasimula ng positibong espirituwal na momentum. Ang pagsunod, pagmamahal, pagpapakumbaba, paglilingkod, at pasasalamat4 ay ilan lamang sa mga ito.

Ngayon, gusto kong magmungkahi ng limang partikular na paraan para mapanatili natin ang positibong espirituwal na momentum.

Una: Tahakin ang landas ng tipan at manatili roon.

Kamakailan lamang, malinaw na napanaginipan ko na may nakasalamuha akong grupo ng mga tao. Marami silang itinanong sa akin na ang kalimitan ay tungkol sa landas ng tipan at bakit napakahalaga nito.

Sa panaginip ko, ipinaliwanag ko na tinatahak natin ang landas ng tipan sa pamamagitan ng pagpapabinyag at paggawa ng unang pakikipagtipan sa Diyos.5 Sa tuwing nakikibahagi tayo sa sakramento, nangangako tayong muli na tataglayin natin ang pangalan ng Tagapagligtas, aalalahanin Siya, at susundin ang Kanyang mga kautusan.6 Bilang ganti, tinitiyak sa atin ng Diyos na maaaring palaging mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.

Kalaunan, gumagawa pa tayo ng mga tipan sa templo, kung saan natatanggap natin ang mas dakilang mga pangako. Sa mga ordenansa at tipan ay natatanggap natin ang kapangyarihan ng Diyos. Ang landas ng tipan ang tanging landas tungo sa kadakilaan at buhay na walang-hanggan.

Sa panaginip ko, nagtanong ang isang babae kung paano makababalik sa landas ng tipan ang isang taong sumira sa kanyang mga tipan. Ang sagot ko sa tanong niya ang patutunguhan ng ikalawang mungkahi ko:

Tuklasin ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi.

Gaano kahalaga ang pagsisisi? Itinuro ni Alma na “wala [tayong] dapat ipangaral maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoon.”7 Ang pagsisisi ay kailangan ng bawat taong may pananagutan na naghahangad ng walang-hanggang kaluwalhatian.8 Walang mga eksepsiyon. Sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, kinastigo ng Panginoon ang mga naunang lider ng Simbahan sa hindi pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak.9 Pagsisisi ang susi sa pag-unlad. Ang dalisay na pananampalataya ang nagtutulak sa atin na sumulong sa landas ng tipan.

Sana huwag matakot sa o ipagpaliban ang pagsisisi. Natutuwa si Satanas sa inyong kasawian. Putulin ito agad. Alisin ang kanyang impluwensya sa inyong buhay! Simulan ngayon na maranasan ang galak ng paghuhubad sa likas na tao.10 Mahal tayo ng Tagapagligtas sa tuwina ngunit lalo na kapag nagsisisi tayo. Ipinangako Niya na bagaman “ang mga bundok ay maglalaho, at ang mga burol ay maaalis … ang aking kabaitan ay hindi maglalaho sa iyo.”11

Kung sa tingin ninyo ay nalayo kayo sa landas ng tipan nang napakatagal at walang paraan para makabalik, iyan ay hindi totoo.12 Kontakin lamang ang inyong bishop o branch president. Siya ang kinatawan ng Panginoon at tutulungan niya kayong maranasan ang galak at ginhawang dulot ng pagsisisi.

Ngayon, isang babala: Ang pagbalik sa landas ng tipan ay hindi nangangahulugan na magiging madali ang buhay. Ang landas na ito ay mahirap at parang matarik na pag-akyat kung minsan.13 Ang pag-akyat na ito, gayunman, ay idinisenyo upang subukin at turuan tayo, para pinuhin ang ating pagkatao, at tulungan tayong maging mga banal. Ito ang tanging landas patungo sa kadakilaan. Inilarawan ng isang propeta14 ang “pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat masdan, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, sila ay tatanggapin sa langit upang doon sila ay manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”15

Ang paglakad sa landas ng tipan, na sinasamahan ng araw-araw na pagsisisi, ang nagpapaningas sa positibong espirituwal na momentum.

Ang pangatlong mungkahi ko: Alamin ang tungkol sa Diyos at kung paano Siya kumikilos.

Isa sa mga pinakamatinding hamon sa atin ngayon ay ang pagkilala sa pagitan ng mga katotohanan ng Diyos at ng mga panggagaya ni Satanas. Kaya tayo binalaan ng Panginoon na “manalangin tuwina, … nang [ating] mapagtagumpayan si Satanas, at … matakasan ang mga kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain.”16

Nagbigay ng halimbawa si Moises kung paano makakikilala sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Nang dumating si Satanas para tuksuhin siya, natuklasan ni Moises ang panlilinlang dahil katatapos lang ng harapan niyang pakikipag-usap sa Diyos. Kaagad nakilala ni Moises si Satanas at inutusan siyang umalis.17 Nang magpilit si Satanas, nalaman ni Moises kung paano manawagan sa Diyos para sa dagdag na tulong. Si Moises ay nakatanggap ng lakas mula sa langit at muling pinagalitan ang diyablo, nagsasabing, “Lumayo ka sa akin, Satanas, sapagkat itong nag-iisang Diyos lamang ang aking sasambahin.”18

Dapat nating tularan ang halimbawang iyon. Alisin ang impluwensya ni Satanas sa inyong buhay! Huwag sana ninyong sundan siya pababa sa kanyang “look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian.”19

Sa nakagugulat na bilis, ang patotoo na hindi napangangalagaan sa araw-araw “ng mabuting salita ng Diyos”20 ay maaaring gumuho. Kaya nga, ang panlunas sa mga pakana ni Satanas ay malinaw: kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan ng pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo. Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.

Pang-apat na mungkahi: Hangarin at asahang mangyayari ang mga himala.

Tiniyak sa atin ni Moroni na “ang Diyos ay hindi tumitigil na maging Diyos ng mga himala.”21 Bawat aklat ng banal na kasulatan ay nagpapakita kung gaano kahanda ang Panginoon na mamagitan sa buhay ng mga naniniwala sa Kanya.22 Hinawi Niya ang Dagat na Pula para kay Moises, tinulungan si Nephi na mabawi ang mga laminang tanso, at ipinanumbalik ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Bawat isa sa mga himalang ito ay nangailangan ng panahon at maaaring hindi mismo ang orihinal na hiniling ng mga taong iyon mula sa Panginoon.

Sa gayunding paraan, pagpapalain kayo ng Panginoon ng mga himala kung maniniwala kayo sa Kanya, “nang walang pag-aalinlangan.”23 Gawin ang espirituwal na gawain sa paghahanap ng mga himala. Hilingin sa Diyos sa panalangin na tulungan kayong magpakita ng ganoong uri ng pananampalataya. Ipinapangako ko na mararanasan ninyo na si Jesucristo ay “nagbibigay ng lakas sa mahina; at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ng kalakasan.”24 May ilang bagay na magpapabilis sa inyong espirituwal na momentum nang higit sa pagkatanto na tinutulungan kayo ng Panginoon na ilipat ang bundok ng inyong buhay.

Panlimang mungkahi: Wakasan ang tunggalian sa inyong personal na buhay.

Inuulit ko ang panawagan na wakasan ang mga tunggalian sa inyong buhay. Magpakita ng pagpapakumbaba, lakas ng loob, at kalakasan na kailangan para magpatawad at humingi ng kapatawaran. Nangako ang Tagapagligtas na “kung pinatatawad [natin] ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman [tayo] ng [ating] Ama na nasa langit.”25

Dalawang linggo mula ngayon ay ipagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay. Mula ngayon, inaanyayahan ko kayong hangaring wakasan ang personal na tunggalian na nagpapabigat sa inyo. Mayroon bang mas mainam na pagpapakita ng pasasalamat para sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Kung sa ngayon ay parang imposible ang pagpapatawad, humingi ng kapangyarihan na tulungan kayo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo. Sa paggawa nito, nangangako ako ng personal na kapayapaan at ng biglang paglakas ng espirituwal na momentum.

Noong nagbayad-sala ang Tagapagligtas para sa buong sangkatauhan, binuksan Niya ang daan upang ang Kanyang mga tagasunod ay magkatanggap ng Kanyang nagpapagaling, nagpapalakas, at mapantubos na kapangyarihan. Ang mga espirituwal na pribilehiyong ito ay makakamit ng lahat ng nagnanais na pakinggan Siya at sundin Siya.

Minamahal kong mga kapatid, buong puso akong sumasamo, hinihikayat ko kayong pumasok sa landas ng tipan at manatili roon. Damhin ang galak ng araw-araw na pagsisisi. Alamin ang tungkol sa Diyos at kung paano Siya kumikilos. Hangarin at asahan ang mga himala. Sikaping wakasan ang tunggalian sa inyong buhay.

Sa paggawa ninyo ng mga bagay na ito, ipinapangako ko na makakaya ninyong sumulong tungo sa landas ng tipan nang may dagdag na momentum, anuman ang mga humahadlang sa inyo. At ipinapangako ko sa inyo ang dagdag na lakas para malabanan ang tukso, mas payapang isipan at pagkawala ng takot, at higit na pagkakaisa sa inyong pamilya.

Ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Siya ay buhay! Mahal Niya tayo at tutulungan tayo. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ng ating Manunubos na si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa 3 Nephi 12:39.

  2. Tingnan sa 3 Nephi 12:44.

  3. Doktrina at mga Tipan 64:10; tingnan din sa talata 9.

  4. Gaya ng sabi ni Apostol Pablo, “Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo” (1 Tesalonica 5:18). Isa sa mga pinakatiyak na panlunas sa pagkasiphayo, panghihina ng loob, at espirituwal na pagkahilo ay ang pasasalamat. Ano ang ilang mga bagay na maaari nating ipagpasalamat sa Diyos? Pasalamatan Siya sa kariktan ng mundo, sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, at sa hindi mabilang na pamamaraan ng pagkakaloob Niya at ng Kanyang Anak ng Kanilang kapangyarihan sa atin dito sa mundo. Pasalamatan Siya para sa mga banal na kasulatan, para sa mga anghel na tumutugon sa ating mga pagsamo ng tulong sa Diyos, sa paghahayag, at sa walang-hanggang mga pamilya. At higit sa lahat, magpasalamat sa Diyos sa kaloob na Kanyang Anak at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na ginagawang posible na maisagawa natin ang mga misyon na dahilan ng pagparito natin sa lupa.

  5. Para maunawaan ang landas ng tipan, mahalagang maunawaan na ang tipan ay tapat na pangako sa pagitan ng Diyos at ng isa sa Kanyang mga anak. Sa tipan, Diyos ang nagtatakda ng gagawin, at sumasang-ayon tayo sa mga iyon. Bilang kapalit, nangangako ang Diyos sa atin. Maraming mga tipan ang may kasamang panlabas na tanda—o mga sagradong ordenansa—kung saan nakikibahagi tayo at may mga saksi dito. Halimbawa, ang binyag ay isang tanda sa Panginoon na ang taong binibinyagan ay gumagawa ng tipan na susundin ang mga kautusan ng Diyos.

  6. Tingnan sa Moroni 4:3; 5:2; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.

  7. Mosias 18:20.

  8. Tingnan sa Moises 6:50, 57.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:40–48.

  10. Tingnan sa Mosias 3:19.

  11. Isaias 54:10; idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa 3 Nephi 22:10. Ang kabaitan ay isinalin mula sa salitang Hebreo na hesed, isang makapangyarihang salita na may malalim na kahulugan na sumasaklaw sa kabaitan, awa, tipan ng pag-ibig, at marami pang iba.

  12. Posibleng gumawa ng pagsasauli para sa ilang kasalanan ngunit hindi sa iba. Kung aabusuhin o sasaktan ng isang tao ang kanyang kapwa, o kung uutangin ng isang tao ang buhay ng isa pa, hindi maisasauli ito nang buo. Limitado ang magagawa ng nagkasala sa gayong mga sitwasyon, at napakalaki ng kabayarang sisingilin sa atin. Dahil sa kahandaan ng Panginoong patawarin ang balanse ng isang pagkakautang, maaari tayong lumapit sa Kanya gaano man tayo nalayo sa Kanya. Kapag taos-puso tayong nagsisisi, patatawarin Niya tayo. Anumang balanse na kailangan nating pagbayaran dahil sa laki ng ating kasalanan at kakulangan ng ating kakayahang maisauli nang buo ang nawala o nasira, mababayaran ito sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na siyang makapagbibigay ng kaloob na awa. Ang kahandaan Niyang patawarin ang balanse na dapat nating bayaran ay kaloob na walang-kapantay ang halaga.

  13. Tingnan sa 2 Nephi 31:18–20.

  14. Ang propetang Nephita na si Haring Benjamin.

  15. Mosias 2:41.

  16. Doktrina at mga Tipan 10:5; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  17. Tingnan sa Moises 1:16; tingnan din sa mga talata 1–20.

  18. Moises 1:20.

  19. Helaman 5:12.

  20. Moroni 6:4.

  21. Mormon 9:15; tingnan din sa talata 19.

  22. Sinabi ni Apostol Juan na itinala niya ang mga himalang ginawa ng Tagapagligtas “upang [tayo ay] sumampalataya na si Jesus ang Cristo” (Juan 20:31).

  23. Mormon 9:21.

  24. Isaias 40:29.

  25. Mateo 6:14.