2022
Ang Landas ng Tipan: Ang Daan Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan
Mayo 2022


11:22

Ang Landas ng Tipan: Ang Daan Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan

Ang landas tungo sa pagiging perpekto ay ang landas ng tipan, at si Jesucristo ang sentro ng lahat ng mga ordenansa at tipan.

Isang makapangyarihang hari ang nagnais na pamunuan ng kanyang anak ang isa sa kanyang mga kaharian. Kinailangang matuto at lumago ang prinsipe sa karunungan upang makapamuno sa trono. Isang araw, nakipagkita ang hari sa prinsipe at ibinahagi ang kanyang plano. Nagkasundo sila na ang prinsipe ay pupunta sa ibang nayon para madagdagan ang kanyang mga karanasan. Haharap siya sa mga hamon at masisiyahan rin sa maraming magagandang karanasan doon. Ipinadala siya ng hari sa nayon, kung saan inaasahan na patutunayan ng prinsipe ang kanyang katapatan sa hari at ipakikita na marapat siya sa mga pribilehiyo at responsibilidad na ibibigay ng hari sa kanya. Binigyan ng kalayaan ang prinsipe na piliing tanggapin ang mga pribilehiyo at responsibilidad na ito o hindi, depende sa kanyang kagustuhan at katapatan. Sigurado akong gusto ninyong malaman kung ano ang nangyari sa prinsipe. Nakabalik ba siya upang manahin ang kaharian?

Mga kapatid, ang bawat isa sa atin ay isang prinsipe o prinsesa. Ipinadala tayo ng mapagmahal na Ama sa Langit sa mortalidad upang matanggap ang biyaya ng katawan na magiging imortal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Inaasahan na maghahanda tayong magbalik sa presensya ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatunay na “gagawin [natin] ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon [nating] Diyos” (Abraham 3:25).

Upang matulungan tayo, pumarito ang Tagapagligtas para tubusin tayo at ipakita ang landas pabalik sa Diyos. Inaanyayahan ang mga anak ng Diyos na lumapit sa Tagapagligtas at maging ganap sa Kanya. Sa mga banal na kasulatan, makikita natin ang paanyaya sa atin na lumapit sa Panginoon nang mahigit 90 beses, at mahigit sa kalahati ng mga iyon ay personal na imbitasyon mula sa Panginoon mismo. Ang pagtanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas ay nangangahulugan na gagawin natin ang Kanyang mga ordenansa at tutuparin ang ating mga tipan sa Kanya. Si Jesucristo “ang daan, ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6), at inaanyayahan Niya tayong “lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).

Ang ating pagkatuto at pag-aaral ng ebanghelyo ay nagpapalalim ng ating pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tumutulong sa atin na maging lalong katulad Nila. Bagama’t hindi pa naihahayag ang lahat ng bagay tungkol sa “mismong oras at paraan ng paggagawad ng mga pagpapala ng kadakilaan,” tiniyak na ito sa atin (M. Russell Ballard, “Umasa kay Cristo,” Liahona, Mayo 2021, 55).

Si Alma na mataas na saserdote, sa pagtuturo sa lupain ng Zarahemla, ay ibinahagi ang isang napakagandang paanyaya mula kay Jesucristo:

“Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.

“Oo, kanyang sinabi: Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay” (Alma 5:33–34).

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas mismo na lumapit sa Kanya at pasanin ang Kanyang pamatok upang makatagpo tayo ng kapahingahan sa magulong mundong ito (tingnan sa Mateo 11:28–29). Lumalapit tayo kay Cristo sa pamamagitan ng “pananampalataya sa Kanya, pagsisisi araw-araw, pakikipagtipan sa Diyos sa pagtanggap natin ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, at pagtitiis hanggang wakas sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipang iyon” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 1.2.1, SimbahanniJesucristo.org). Ang landas tungo sa pagiging perpekto ay ang landas ng tipan, at si Jesucristo ang sentro ng lahat ng mga ordenansa at tipan.

Itinuro ni Haring Benjamin na dahil sa mga tipan na ginawa natin, nagiging mga anak na lalaki at anak na babae tayo ni Cristo, na espirituwal tayong ipinanganak, at sa ilalim ng ulo Niya, tayo ay ginagawang malaya, sapagkat “walang ibang pangalang ibinigay kung saan ang kaligtasan ay darating” (tingnan sa Mosias 5:7–8). Maliligtas tayo kapag nagtiis tayo hanggang sa wakas sa pamamagitan ng “pagsunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay” (2 Nephi 31:16). Nagpayo si Nephi na hindi pa tapos ang lahat sa pagpasok sa makipot at makitid na daan; dapat tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (tingnan sa 2 Nephi 31:19–20).

Tinutulungan tayo ng doktrina ni Cristo na makita ang at manatili sa landas ng tipan, at ang ebanghelyo ay isinaayos sa paraan na ang ipinangakong mga pagpapala ng Panginoon ay matatanggap sa pamamagitan ng sagradong mga ordenansa at tipan. Pinaalalahanan tayo ng propeta ng Diyos na si Pangulong Russell M. Nelson sa kanyang telecast noong Enero 16, 2018 na “manatili sa landas ng tipan. Ang inyong pangako na sundin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikipagtipan sa Kanya at pagsunod sa mga tipan na iyon ang magbubukas ng pinto para sa bawat espirituwal na pagpapala at pribilehiyo para sa kalalakihan, kababaihan, at mga bata saanman. … Ang katapusan kung saan ang bawat isa sa atin ay pilit na pinagsisikapang mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan” (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7).

Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang relasyon, o ipagkakait ang Kanyang ipinangakong mga biyaya ng buhay na walang-hanggan, sa sinumang tapat na tumutupad ng kanyang mga tipan. At kapag naging tapat tayo sa mga sagradong tipan, mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas. Itinuro sa atin ni Elder Bednar kahapon na parang kompas ang mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo sa buhay natin, at binibigyan tayo nito ng direksiyon upang makalapit kay Cristo at maging mas katulad Niya.

Ang mga tipan ang nagtuturo ng landas pabalik sa Diyos. Ang mga ordenansa ng binyag at pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo, ordinasyon sa priesthood, at sakramento, ay dinadala tayo sa templo ng Panginoon upang makibahagi sa Kanyang mga ordenansa ng kadakilaan.

Gusto kong magbanggit ng dalawang bagay na binigyang-diin ng ating Tagapagligtas upang tulungan tayong maging matapat sa mga tipan:

  1. Ang Espiritu Santo ay maaari tayong turuan, paalalahanan sa mga turo ng Tagapagligtas, at samahan tayo sa kawalang-hanggan (tingnan sa Juan 14:16, 26). Maaari Siyang maging lagi nating kasama upang gabayan tayo sa landas ng tipan. Itinuro sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy na] impluwensya ng Espiritu Santo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96).

  2. Sinimulan ng Tagapagligtas ang ordenansa ng sakramento upang lagi natin Siyang maalaala at makasama natin ang Kanyang Espiritu. Binubuksan ng binyag ang pintuan ng buhay na walang-hanggan, at tinutulungan tayo ng sakramento na patuloy na lumakad nang may katatagan sa landas ng tipan. Kapag nakibahagi tayo sa sakramento, nagiging patotoo ito sa Ama na lagi nating inaalaala ang Kanyang Anak. At kapag lagi natin Siyang inaalaala at sinusunod ang Kanyang mga kautusan, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin. Dagdag pa sa pangakong ito, pinaninibago ng Panginoon ang pangakong patatawarin ang ating mga kasalanan kapag mapagpakumbaba tayong nagsisisi.

Sa pagiging tapat sa ating mga tipan, dapat ay lagi tayong magsikap na mapasaatin ang Espiritu upang maihanda tayo na makibahagi sa sakramento nang karapat-dapat, at gayundin, regular tayong nakikibahagi sa sakramento upang laging mapasaatin ang Espiritu.

Noong limang taong gulang ang anak naming babae, mayroon siyang kotse-kotsehan na de-baterya at gustung-gusto niyang imaneho ito sa loob ng bahay. Isang gabi, lumapit siya sa akin at sabi niya, “Itay, hindi na po gumagana ang sasakyan ko. Maaari po ba tayong kumuha ng gas mula sa sasakyan ninyo at ilagay iyon sa sasakyan ko upang gumana itong muli? Baka kailangan po nito ng gas gaya ng sasakyan ninyo para gumana ito.”

Napansin ko kalaunan na ubos na ang baterya nito, kaya sinabi ko na magagamit niya itong muli pagkalipas ng mga isang oras. Nang may sobrang pananabik, sinabi niya, “Ayos! Dadalhin natin ito sa gas station.” Kinonekta ko lamang ang baterya sa isang saksakan ng kuryente para mag-charge ito, at pagkatapos ng isang oras, muli na niyang nagamit ang sasakyan, na pinagana ng battery na may charge na. Nalaman niya pagkatapos nito na dapat ay lagi niyang i-charge ang baterya sa pamamagitan ng pagkabit nito sa isang saksakan ng kuryente.

Tulad ng anak namin na natuto tungkol sa ugnayan sa pagitan ng baterya at paggana ng kanyang laruang sasakyan, natututuhan din natin ang tungkol kay Jesucristo, sa sakramento, at Espiritu. Kailangan natin ang Espiritu upang tulungan tayong mamuhay sa mortalidad habang tapat nating tinutupad ang mga tipan, at kailangan natin ang sakramento upang mabigyang-lakas ang ating espirituwal na katauhan. Ang pagpapanibago ng ating tipan sa binyag at pakikibahagi sa sakramento ay nagreresulta sa pagiging tapat sa iba pang mga tipan. Ang isang magandang katapusan ay sigurado na kung mapanalangin nating pinag-aaralan ang at nagiging tapat tayo sa paanyaya ng Tagapagligtas at tinatanggap natin ang Kanyang ipinangakong mga biyaya. Sinabi Niya, “At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa panalanginan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw” (Doktrina at mga Tipan 59:9).

Nagpapatotoo ako na ang mga tumutupad sa tipan ay pinapangakuan ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating” (Doktrina at mga Tipan 59:23). Pinatototohanan ko na kapag regular ninyong tinatanggap ang simbolo ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng sakramento, mapapasainyo ang Kanyang Espiritu upang gabayan kayo sa landas ng tipan at tulungan kayong maging matapat sa inyong mga tipan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.