2022
Naglilingkod si Pangulong Nelson
Mayo 2022


Naglilingkod si Pangulong Nelson

Gamit ang mga devotional broadcast at social media post, patuloy na inaanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang lahat ng tao na lumapit kay Cristo at matuto mula sa Kanya.

Sa isang devotional broadcast, hinikayat ni Pangulong Nelson ang mga miyembro ng Simbahan sa Oklahoma at Kansas, USA, na magtuon sa “isa sa mga pinakadakilang kaloob na ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit para maisentro ang ating buhay sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak,” sabi niya. “Ang tinutukoy ko ay ang Aklat ni Mormon. Ito ay isang handog sa atin mula sa Diyos. Ito ang saligang bato ng ating relihiyon dahil narito ang pinakamahalagang bahagi, ang sentro ng Kanyang doktrina.”

Sa pagsasalita sa mga miyembro sa California, USA, sa isa pang brodkast, nagbigay ng tatlong paanyaya si Pangulong Nelson: (1) hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng panalangin, pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, at pag-aaral ng mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag; (2) dagdagan ang espirituwal na lakas at paghiwatig sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan sa Diyos at pagtupad sa mga ito; at (3) aktibong makibahagi sa pagtulong na tipunin ang Israel.

At sa isang brodkast sa 48 bansa, ipinaalala ni Pangulong Nelson sa mga Banal sa Europe: “Marami sa inyong mga kaibigan ang naghahangad na maunawaan kung bakit sila narito sa lupa. Gusto nilang malaman kung may anumang kahulugan at layunin ang buhay. Gusto nilang gumawa ng kaibhan sa mundo. Iniisip nila kung sino ang mapagkakatiwalaan nila. Natatanto ba ninyo na nasa inyo ang mga sagot na hinahanap ng mga kaibigang iyon?”

Sa social media, inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na huwag lamang magpasalamat kundi ipakita ito. Inanyayahan Niya tayong bigyan ng puwang sa ating puso ang mga taong “nahihirapang makita ang liwanag ng Tagapagligtas at madama ang Kanyang pagmamahal.” Hinikayat niya tayo na “magtulungan sa pangunguna sa pagtalikod sa mga pag-uugali at pagkilos dahil sa maling palagay.” At pinatotohanan niya na “may isang mapagkukunan na mababalingan nating lahat upang mapag-ibayo ang pagmamahal na nadarama natin para sa iba o kaya’y paghilumin ang ating puso kapag nasasaktan tayo—ang Tagapagligtas na si Jesucristo.”