2022
Elder Denelson Silva
Mayo 2022


“Elder Denelson Silva,” Liahona, Mayo 2022.

Elder Denelson Silva

General Authority Seventy

Ang 4,000 milya (6,400 km) na biyahe pabalik mula Luanda, Angola patungong São Paulo, Brazil, ang nagbigay ng panahon kay Elder Denelson Silva at sa kanyang asawang si Regina na makipagtunggali sa isang pahiwatig. Matapos maglingkod bilang mission president, nadama ni Elder Silva na hindi sila dapat bumili ng kanyang asawa ng bahay.

Naibenta na nila ang bahay nila bago umalis para sa kanilang misyon. Nagplano silang bumili ng bagong bahay pagbalik nila ngunit nadama nilang maghintay. “Ang mga bahay sa Brazil ay hindi isang asset na ibinebenta mo at nabebenta kaagad,” sabi ni Elder Silva. “Maaaring tumagal iyon nang ilang araw o buwan o taon.”

Sinabi ni Sister Silva na nagtuon sila sa katotohanan na nagabayan sila ng Ama sa Langit bago sila nagmisyon at na gagabayan Niya silang muli. “Magkasama kaming nagpasiya na maghintay sandali,” sabi ni sister. Sa halip ay pinili nilang umupa ng bahay.

Tulad ng pagbebenta ng bahay sa Brazil, hindi dumating ang sagot sa loob ng ilang araw o buwan o kahit isang taon. Dumating ang sagot makalipas ang mahigit dalawang taon nang tumanggap si Elder Silva ng tawag na maglingkod bilang General Authority Seventy.

“Kailangan naming isipin na kung hihilingin Niyang gawin namin ang isang bagay, ang sagot namin ay palaging oo,” sabi ni Elder Silva. “Kung ang sagot ay hindi palaging ‘oo,’ nag-iiwan ito ng puwang para sa ‘hindi’ o ‘siguro.’” Gayunman, para sa Tagapagligtas, paliwanag niya, “walang puwang para sa ‘hindi’ o ‘siguro’ sa Getsemani.”

Si Denelson Urbano da Silva ay isinilang noong Hulyo 4, 1965, sa Recife, Brazil, sa mga magulang na sina Domingos Urbano da Silva at Maria José de Almeida Silva. Lumaki siya sa Recife at nabuklod kay Regina Maria de Carvalho Silva sa São Paulo Brazil Temple noong Mayo 1987. Ang mag-asawa ay may dalawang anak.

Mayroon siyang bachelor’s degree sa business administration (data processing). Nagtrabaho siya sa travel industry sa loob ng 30 taon.

Mula 2016 hanggang 2019, naglingkod si Elder Silva bilang mission president kasama ang kanyang asawa sa Angola Luanda Mission. Naglingkod din siya bilang Area Seventy, stake president, bishop, high councilor, at full-time missionary sa Brazil Curitiba Mission.