Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“1: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“1. Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

1. Ano ang Katatagan ng Damdamin?

Basahin:

Upang maging katulad ng Tagapagligtas, lahat ay kailangang harapin ang mga hamon at paghihirap sa buhay na ito. Ang matagumpay na pagharap sa mga hamon ng buhay ay nangangailangan ng pananampalataya kay Jesucristo at katatagan ng damdamin. Ang katatagan ng damdamin ay:

  • Ang kakayahang makayanan ang mga hirap na nadarama nang may tapang at pananampalataya na nakasentro kay Jesucristo.

  • Pagtulong sa sarili at sa iba sa abot ng inyong makakaya.

  • Paghingi ng karagdagang tulong kapag kinakailangan.

Layunin ng kursong ito na palakasin kayo sa espirituwal at turuan kayo ng ilang mahalagang kasanayan sa pagharap sa mga hamon at kabiguan sa buhay. Matututo rin kayo mula sa mga karanasan at tulong ng iba pang mga miyembro ng grupo.

Isipin:

Tanungin ang iyong sarili, bakit gusto mong maging mas matatag ang iyong damdamin? Isulat ang sagot mo sa ibaba.

2. Pagtanggap sa mga Pagsubok bilang Bahagi ng Plano ng Diyos para sa Atin

Basahin:

Bilang Ama ng ating mga espiritu, ang Diyos ay perpekto, nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan, at nalalaman ang lahat ng bagay. Mahal Niya ang bawat isa sa atin, at ang pag-unlad natin ay Kanyang gawain at kaluwalhatian. Ang Kanyang plano para sa atin ay umunlad at magbago hanggang sa maging katulad Niya tayo. Tinutulutan Niya tayong makaranas ng pagsubok, at kung tutugon tayo nang may pananampalataya, palalakasin tayo ng Panginoon at tutulungan Niya tayong umunlad upang maging higit na katulad Niya. Ang pagiging matatag sa damdamin ay tumutulong sa atin na maging matiyaga at umunlad mula sa mga pagsubok na ito.

“Walang sakit at pagsubok na nararanasan natin ang nasasayang. Tumutulong ito na matuto tayo, mapaunlad ang mga katangiang gaya ng pagtitiis, pananampalataya, katatagan, at pagpapakumbaba. Lahat ng ating pagdurusa at pagtitiis, lalo na’t tinitiis ito nang may pagtitiyaga, ay humuhubog sa ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapabuti sa ating kaluluwa, at ginagawa tayong mas mabait at matulungin … at sa pamamagitan ng kalungkutan at pagdurusa, pagpapakasakit at hirap, natututo tayo na siyang layunin ng ating pagparito sa mundo” (Elder Orson F. Whitney, sinipi sa Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle [1972], 98).

Panoorin:

He Is Building a Palace,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [1:19].

1:26

Talakayin:

Paano nakatulong ang mahihirap na karanasan sa pag-unlad ninyo sa inyong buhay?

3. Paggamit ng Kalayaan na Kumilos nang Responsable

Basahin:

Kahit may masasamang bagay na nangyayari sa ating paligid, pinipili pa rin natin kung paano tayo tutugon. Ang pagiging responsable sa paraan ng pagtugon natin, kahit nahaharap tayo sa mga hamon, ay nagdudulot ng kapayapaan at kapangyarihan.

“Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, nabiyayaan tayo ng kaloob na kalayaang pumili, ang kakayahang malayang kumilos at magpasiya. Dahil pinagkalooban ng kalayaan, tayo ay mga kinatawan, at tayo ang kikilos at hindi tayo ang pakikilusin. Ang paniniwalang kaya ng isang tao o bagay na pasamain ang ating kalooban, pagalitin, saktan, o palungkutin, ay nakababawas sa ating kalayaang pumili at ginagawa tayong mga bagay na kayang pakilusin. Gayunman, bilang mga kinatawan, tayo ay may kapangyarihang kumilos at magpasiya kung paano tayo tutugon” (David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Liahona, Nob. 2006, 90).

Ang mga pagsubok o di-inaasahang pagbabago ay tila hindi patas. Maaari tayong matuksong tumugon sa mga paraang hindi kasiya-siya at hindi katulad ng pagtugon ni Cristo:

  • Sisihin ang iba

  • Magdahilan

  • Maghimagsik

  • Magreklamo

  • Maghanap ng mali

  • Mag-alinlangan

  • Sumuko

  • Magpaliban

  • Magalit

  • Maawa sa sarili

  • Panaigin ang takot

  • Pangatwiranan ang sarili

Kabilang sa katatagan ng damdamin ang pag-amin sa sarili na nagagawa rin natin ang mga ito at pagkatutong gamitin ang ating kalayaan na pumili ng mas angkop na tugon.

Talakayin:

Kailan ninyo ginamit ang inyong kalayaan na kumilos nang responsable? Paano ito nakatulong sa inyo?

Panoorin:

Mountains to Climb,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [5:05].

5:12

Talakayin:

Sa kabila ng mga pagsubok sa kanila, ano ang ginawa ng mga indibiduwal sa video para matulungan sila ng Panginoon?

Basahin:

“Ang pananampalataya kay Jesucristo ay pagtitiwala na dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ay itutuwid Niya ang lahat ng kawalang-katarungan, ipanunumbalik ang lahat ng nawala, at aayusin ang lahat ng nasira, pati na ang puso. Gagawin Niyang tama ang lahat ng bagay, pati ang kaliit-liitang bagay” (Lynn G. Robbins, “Be 100 Percent Responsible” [Brigham Young University devotional, Ago. 22, 2017], speeches.byu.edu).

Talakayin:

Paano tayo tinutulungan ng pananampalataya kay Jesucristo na matiis nang mabuti ang mga pagsubok?

4. Ang mga Pagpapala ng Pagbabago

Basahin:

“Minsan o sa ibang pagkakataon ay narinig na nating lahat ang pamilyar na kasabihang ito: ‘Walang palagian kundi nagbabago.’ Sa buong buhay natin, dapat nating harapin ang pagbabago. Ang ilang pagbabago ay maganda; ang iba ay hindi. May mga pagbabago sa ating buhay na biglaan, tulad ng di-inaasahang pagpanaw ng isang mahal sa buhay, di inaasahang pagkakasakit, pagkawala ng ating mahahalagang ari-arian. Ngunit karamihan ng pagbabago ay nangyayari nang unti-unti at dahan-dahan” (Thomas S. Monson, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Liahona, Nob. 2008, 84).

Tinitiyak sa atin ng Panginoon na kung magpapakumbaba tayo sa Kanyang harapan, matutulungan Niya tayong magbago para mas maging mabuti tayo. “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

5. Pagpapahayag ng Pasasalamat Araw-araw

Basahin:

Sa mga miting ng grupong ito, isa sa mga ipinangako ninyong gawin bawat linggo ay ang pagsulat ng kahit isang bagay na ipinagpapasalamat ninyo sa bawat araw. Ang pagpapasalamat ay hindi nangangahulugan na ikinakaila o binabalewala ninyo ang nadaramang sakit o kalungkutan. Ibig sabihin nito ay kinikilala ninyo ang mga pagpapalang ibinigay sa inyo ng Ama sa Langit. Halimbawa, maaaring ito ay pasasalamat para sa isang taong mabait sa inyo o nang pahalagahan ninyo ang isang bagay na inyong nakita, naamoy, narinig, nahawakan, o natikman.

Panoorin:

Grateful in Any Circumstance,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [1:06].

1:13

Talakayin:

Kailan nakatulong ang pasasalamat sa inyo o sa iba na makadama ng kaligayahan?