Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“5: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“5: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

Basahin:

Ang depresyon ay nakakaapekto sa buhay nating lahat sa iba’t ibang paraan. Ang talakayan ngayon ay maaaring mahirap para sa inyo o sa iba na pag-isipan at talakayin. Hinihikayat namin ang lahat na maging mahabagin kapag nirerebyu ang kabanatang ito. Kung nahihirapan kayo, huwag mag-atubiling hilingin na itigil muna ang talakayan.

1. Ang Pagkakaiba ng Kalungkutan at Depresyon

Basahin:

Ang kalungkutan at depresyon ay inilalarawan bilang damdaming malumbay, hindi masaya, at nagdadalamhati, at normal na bahagi ang mga ito ng ating karanasan dito sa lupa. Ang kalungkutan at depresyon ay maaaring dumating sa pamamagitan ng mga paghihirap na dulot ng hindi pagtanggap, mga ugnayan sa ibang mga tao, kabiguan, at iba pang mga pasakit. Ang mga ito ay mahirap, subalit mahalagang elemento sa ating pag-unlad. Itinuro ni Elder Bruce C. Hafen na tinulutan ng Ama sa Langit na magkaroon tayo ng masasakit na karanasan sa ating buhay upang sa huli ay lubos tayong makadama ng kagalakan (tingnan sa “A Willingness to Learn from Pain,” Ensign, Okt. 1983, 64, 66).

Ang major depressive disorder, o matinding depresyon, ay naiiba. Ito ay isang kalagayan ng damdamin o kalagayang nakakaapekto sa ating pag-iisip, damdamin, pananaw, at pag-uugali. Tinalakay ni Elder Jeffrey R. Holland ang pagkakaiba ng normal na kalungkutan at depresyon at ng major depressive disorder: “Nang banggitin ko ito, hindi ko tinutukoy ang di-magagandang araw, tax deadline, o iba pang nakapanghihina ng loob na mga sandali na nararanasan nating lahat. Lahat ay nakararanas ng pag-aalala o panghihina ng loob paminsan-minsan. … Mas mahirap pa ang sinasabi ko, tungkol sa napakatitinding karamdamang lubhang nakakapigil sa kakayahan ng isang tao na lubusang kumilos” (“Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 40).

Ang major depressive disorder ay maaaring mangyari nang walang malinaw na paliwanag sa sanhi nito, o maaaring bunga ito ng hindi mabubuting reaksyon sa masasakit na pangyayari. Kapag dumaranas tayo ng matinding depresyon, madalas nagiging manhid tayo o hindi tayo makaramdam. Maaaring makadama tayo ng kahihiyan, sisihin ang sarili, o kamuhian ang sarili, lahat ng ito ay posibleng makahadlang sa mga ginagawa natin sa araw-araw. Ang matinding depresyon ay nakahahadlang din sa kakayahan nating harapin nang positibo ang mga hamong dumarating sa atin.

Dagdag pa rito, sa nabasa natin sa ating huling miting, ang kalungkutan at depresyon ay makakaapekto sa kakayahan natin na madama o maunawaan ang mga pahiwatig ng Espiritu. (Tingnan sa Reyna I. Aburto, “Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!Liahona, Nob. 2019, 57–60).

Talakayin:

Paano nagkakaiba ang kalungkutan at depresyon?

Panoorin:

Like a Broken Vessel, Part 1,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [1:38].

1:57

2. Mga Kadahilanan na Maaaring Humantong sa Paghihirap ng Damdamin

Basahin:

Ang malaman kung bakit nadarama natin ang mga ito ay makatutulong sa atin na maging mas mahabagin sa ating sarili at sa iba. Ang mga damdaming tulad ng kalungkutan o depresyon ay maaaring sanhi ng ilang kadahilanan, kabilang ang marami sa mga kadahilanan sa ibaba:

Mga Kadahilanan na Maaaring Humantong sa Paghihirap ng Damdamin

Biyolohikal—Mga kadahilanang pisikal sa ating katawan

  • Genetika [Genetics]

  • Malubhang sakit/pinsala

  • Pagdidiyeta at kawalan ng pisikal na aktibidad

  • Paggamit ng ilegal na droga o maling paggamit ng gamot

  • Panahon o Klima

  • Mga pagbabago sa kemikal o hormonal

Sikolohikal [Psychological]—Mga madamdaming pangyayari

  • Matitinding pangyayari at pagbabago sa buhay

  • Kamatayan o kawalan

  • Pang-aabuso

Sikolohikal [Psychological]—Pakikipag-ugnayan sa iba, pagkakaroon ng matitinding damdamin

  • Pagtatalo

  • Kalungkutan at pag-iisa

  • Mga impluwensya sa lipunan

  • Pagtataksil o nasirang tiwala

Espirituwal—Mahihirap na pangyayari na sumusubok sa ating pananampalataya

  • Mga bunga ng mga pagpili

  • Pamumuhay sa magulong mundo

Talakayin:

Paano nakatutulong na alam natin ang sanhi ng paghihirap ng damdamin para maging mas mahabagin tayo sa ating sarili at sa iba?

3. Mga Sintomas ng Major Depressive Disorder

Basahin:

Ang sumusunod na mga sintomas ay maaaring mga palatandaan ng major depressive disorder, o clinical depression. Mararanasan paminsan-minsan ng karamihan sa mga tao ang mga sintomas na ito sa buong buhay nila, ngunit kung marami na kayong nararanasang sintomas sa loob ng mahabang panahon, maaaring ibig sabihin nito ay dumaranas kayo ng mas malalim na problema. Kung matagal na ninyong nararanasan ang tatlo o mahigit pa sa mga sintomas na ito, nalilimitahan ang kakayahan ninyong kumilos, o nahihirapan kayong daigin ito sa kabila ng pagsisikap ninyo at ng inyong pamilya, dapat kayong humingi ng tulong sa propesyonal.

Mga Sintomas ng Depresyon

  • Palaging malungkot, matamlay, nakadarama ng kawalang-pag-asa, o kawalang-halaga

  • May kaunting sigla at motibasyon

  • Pagbabago sa appetite at nababawasan o nadadagdagan ang timbang

  • Hindi makatulog nang mahimbing o sobrang matulog

  • Nawalan ng interes sa mga aktibidad na dating kasiya-siya

  • Nahihirapang magpokus, makaalala, o gumawa ng mga desisyon

  • Nag-iisip tungkol sa kamatayan at pagpapakamatay*

Talakayin:

Paano makatutulong na alam natin ang mga sintomas ng depresyon habang sinisikap nating maging mas matatag ang ating damdamin? Paano ito makatutulong sa atin para suportahan ang iba?

Basahin:

*Kung iniisip ninyo o ng iba ang kamatayan o pagpapakamatay, kaagad na humingi ng tulong sa propesyonal sa pamamagitan ng pagpunta sa pinakamalapit na emergency room ng ospital at kontakin ang pamilya, kaibigan, o ang bishop o iba pang lider ng Simbahan. Hindi dapat balewalain ang pag-iisip na magpakamatay.

Tingnan sa suicide.ChurchofJesusChrist.org o mentalhealth.ChurchofJesusChrist.org para sa mga help line at resources.

Sinuman sa North America ay maaaring tumawag sa National Suicide Prevention Line sa 1-800-273-8255.

4. Mga Paraan para Makahingi ng Tulong

Basahin:

Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto: “Tulad ng alinmang bahagi ng katawan, ang utak ay maaaring dumanas ng sakit, trauma, at mga chemical imbalance. Kapag nahihirapan ang ating isipan, angkop lamang na humingi ng tulong sa Diyos, sa mga nasa paligid natin, at sa mga medical at mental health professional. …

“Normal lang ang malungkot o mag-alala paminsan-minsan. Ang kalungkutan at pagkabalisa ay likas na mga damdamin ng tao. Gayunman, kung palagi tayong malungkot at kung humahadlang ang ating kalungkutan o pasakit sa kakayahan nating madama ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak at ang impluwensya ng Espiritu Santo, maaaring dumaranas tayo ng depresyon, pagkabalisa, o iba pang kalagayan sa emosyon” (“Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!Liahona, Nob. 2019, 57).

5. Dalamhati

Basahin:

Halos lahat ng tao ay makakaranas ng pagdadalamhati sa ilang pagkakataon sa buhay nila, ito man ay dahil sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay o iba pang kawalan o malaking pagbabago sa buhay tulad ng pagkawala ng trabaho o pagkasira ng relasyon. Dahil sa ebanghelyo, sa mga tipan, at kaalaman natin na makikita nating muli ang ating mga mahal sa buhay, maaaring madama natin na hindi tayo dapat magdalamhati. Gayunpaman, hindi iyan totoo. Maging ang Tagapagligtas ay nanangis nang mamatay si Lazaro, dahil mahal Niya ito (tingnan sa Juan 11:35–36). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang pagdadalamhati ay isa sa mga pinakamalalalim na pagpapahayag ng dalisay na pag-ibig. Ito ay likas na tugon na lubos na naaayon sa banal na utos: ‘Kayo ay mamuhay nang magkakasama sa pag-ibig, kaya nga tatangisan ninyo ang pagkawala ng mga yaong namatay’ [Doktrina at mga Tipan 42:45]” (“Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 20).

Lahat ay magkakaiba sa paraan ng pagdadalamhati at sa magkakaibang panahon. Habang nagdadalamhati, karamihan sa mga tao ay nakakaranas ng mga damdamin na nakalista sa ibaba, bagama’t walang partikular na pagkakasunud-sunod o panahon kung kailan mararanasan ang mga ito.

  • Pagkakaila: Hindi tayo makapaniwala na nangyayari ito. Maaaring makadama tayo ng matinding pagkabigla o magkunwari o kalimutan pansamantala na nangyayari ito.

  • Galit: Maaari tayong makadama ng galit sa ating sarili, sa ating mga mahal sa buhay, at maging sa Diyos. Ang galit ay pagpapahayag ng pagpapahalagang ibinigay natin sa nawala sa atin.

  • Pakikipagtawaran: Maaari nating isipin na nasa masamang panaginip tayo at nakikipagtawaran sa Diyos na baguhin ang mga bagay-bagay. Maaari nating itanong ang “paano kung,” tulad ng “Paano kung pumunta ako sa templo linggu-linggo?” para makuha ang gustong mangyari.

  • Kalungkutan: Nakadarama tayo ng matinding kalungkutan sa kawalan natin. Ang kalungkutang ito ay maaaring matindi at nagpapahina, ngunit hindi masasabing clinical depression ito. Ito ay normal na bahagi ng pagdadalamhati.

  • Pagtanggap: Ito ay pagtanggap na nangyari na ang pagkawala ng anumang mahalaga sa atin. Hindi ibig sabihin nito na masaya tayo sa nangyaring ito o hindi pinahahalagahan ang alaala ng anumang nawala sa atin. Tinatanggap lang natin ang katotohanan ng pagkawala para makapagsimula tayong muli.

Talakayin:

Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa mga karaniwang damdamin na bahagi ng pagdadalamhati?

Basahin:

Lahat ay magkakaiba sa pagdadalamhati. Maaaring ang ilan ay nahihirapang matulog o kumain. Maaaring gusto ng iba na may makausap na mga tao, samantalang gusto naman ng iba na mapag-isa. Ang ilan ay maaaring makadama ng matitinding damdamin, at ang iba ay hindi. Maaaring ang ilan ay tapos nang magdalamhati sa maikling panahon, at maaaring ang iba ay mas matagalan pa. Walang tamang paraan para magdalamhati.

Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaaring makatulong sa inyo na mas maunawaan at makayanan ang pagdadalamhati o makatulong kayo sa iba pa na nagdadalamhati:

  • Hayaan ang iyong sarili na maramdaman, umiyak, at maranasan ang anumang maaari o maaaring hindi mo maramdaman bilang bahagi ng proseso.

  • Pangalagaan ang iyong sarili. Kumain ng masustansya, matulog nang sapat, at sikaping mag-ehersisyo.

  • Tukuyin ang nadarama mo, at kilalanin na normal at mabuti ang mga ito.

  • Magtakda ng makatotohanang mga inaasahan kung gaano karaming oras ang kailangan mo, at paisa-isang gawin ang mga ito.

  • Kilalanin na ang nadaramang kaligayahan, kagalakan, at kapayapaan ay hindi kawalang-pagpapahalaga sa nawala sa iyo.

  • Ipahayag ang iyong mga iniisip at nadarama sa pamamagitan ng pagsusulat ng tungkol sa kawalan mo gayon din ang inaasam mo sa hinaharap.

  • Kung tumindi ang mga damdaming ito, humingi ng tulong sa isang propesyonal.

Basahin:

Hindi ninyong kailangang magdalamhati nang mag-isa at maaari kayong humingi ng tulong sa iba sa oras ng inyong pangangailangan. Makahahanap kayo ng suporta mula sa pamilya, mga kaibigan, lider ng Simbahan, at, higit sa lahat, sa Tagapagligtas.

Itinuro ni Sister Sharon Eubank kung paano tayo matutulungan ng Tagapagligtas: “Kapag nangyari sa atin ang mga trahedya, kapag hindi na tayo makahinga sa sobrang pasakit sa buhay, kapag binugbog tayo gaya ng lalaki sa daan patungo sa Jerico at iniwang halos patay na, ay darating si Jesus at magbubuhos ng langis sa ating mga sugat, maingat tayong itatayo, dadalhin tayo sa isang bahay-tuluyan, at aalagaan tayo [tingnan sa Lucas 10:30–35]. Sa mga nalulungkot sa atin, ang sabi Niya, ‘Pagagaanin ko … ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, … upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap’ [Mosias 24:14]. Pinagagaling ni Cristo ang mga sugat” (“Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman,” Liahona, Mayo 2019, 74).

Kapag dumaranas tayo ng pagdadalamhati, maaaring madama natin na hindi natin ito makakaya, at maaaring makadama tayo ng hangaring ilayo ang ating sarili sa ibang tao. Gayunman, tandaan na makahahanap tayo ng suporta sa pamamagitan ng iba.

Panoorin:

Christ’s Atoning Love Heals Grieving Hearts,” makukuha sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [3:22].

3:31

Talakayin:

Ano ang matututuhan natin mula sa kuwento sa video tungkol sa pagtugon sa pagdadalamhati?

6. Mga Paraan para Makatulong

Basahin:

Maaaring may kilala kayo na nawalan ng mahal sa buhay, dumaranas ng paghihirap, o nasuri na may depresyon o iba pang sakit. Maaaring mahirap malaman kung ano ang sasabihin o gagawin kapag nariyan sila. Maaaring mahiya kayo o hindi komportableng magpakita ng damdamin o lumapit sa isang taong nagpapakita ng kanyang nadarama. Sa kaliwang column sa ibaba ay makikita ang ilang halimbawa ng hindi gaanong nakatutulong na mga parirala na maaaring narinig ninyong sinabi ng mga taong nagnanais na tulungan ang isang taong nagdadalamhati. Makikita sa kanang column ang nakatutulong na mga parirala na maaari ninyong gamitin.

Hindi Gaanong Nakatutulong

Mas Nakatutulong

Hindi Gaanong Nakatutulong

  • “Alam ko kung ano ang nadarama mo.”

    • Kahit magkapareho ang naranasan natin, laging mas makabubuting magtanong at makinig sa nadarama ng tao.

  • “Manampalataya ka lamang; magiging maayos ang lahat.”

    • Siyempre dapat tayong manampalataya, ngunit hindi nababago niyan kung masakit o hindi ang nangyari. Mahalagang naroon ka kasama ng tao.

  • “Kahit paano ikaw ay …”

    • Kapag sinisimulan natin ang mga pangungusap sa “kahit paano ikaw ay,” minamaliit natin ang pinagdaraanan ng taong iyon.

  • “May plano ang Diyos.”

    • Parang sinasabi natin na sinusubukan nating lutasin kaagad ang problema sa halip na talagang makinig at magmalasakit.

  • “Nasa mas magandang lugar na sila.”

    • Ang pagsasabi nito ay hindi nakakabawas sa pangungulila ng taong iyon sa kanyang mahal sa buhay.

Mas Nakatutulong

  • “Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko ngayon, pero natutuwa ako na nagkuwento ka sa akin.”

  • “Sabihin mo sa akin kung ano ang nadarama mo ngayon.”

  • “Nagmamalasakit ako sa iyo.”

  • “Narito ako para sa iyo.”

  • “OK lang na ganyan ang pakiramdam mo.”

Basahin:

Bawat tao ay natatangi at magkakaiba ng pangangailangan. Kahit nasabi ninyo ang lahat ng tamang bagay, maaaring malungkot pa rin ang taong iyon. Ang masaktan at mag-alala ay likas na bahagi ng pagiging malungkot o malumbay. Ang pinakamahalagang gagawin ninyo ay pumaroon kayo, makinig, at magpakita ng pagmamahal at kabutihan.

Tip:

Rebyuhin ang bahaging “Resources” sa katapusan ng kabanatang ito para sa listahan ng resources para sa pagharap sa iba’t ibang hamon sa buhay.

Talakayin:

Paano ninyo matutulungan ang isang taong nahihirapan ang damdamin?