Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“7: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“7: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

1. Mga Lebel ng Adiksiyon

Basahin:

Ang kalayaang pumili ay banal na kaloob mula sa Ama sa Langit. Hangad ng kaaway na guluhin tayo at limitahan ang ating kakayahang gumawa ng mabubuting pagpili. Ang isang paraan para magawa niya ito ay sa pamamagitan ng adiksiyon. Ang isang tao ay maaaring malulong sa maraming iba’t ibang uri ng gawi o sangkap. Kabilang dito ang, ngunit hindi limitado sa, alak, droga, pornograpiya, sex, tabako, pagkain, teknolohiya, at sugal.

Panoorin:

What Is Addiction?” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [1:31].

1:43

Talakayin:

Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang salitang adiksiyon?

2. Ang Adiksiyon ay Kapwa Espirituwal at Pisikal na Problema

Basahin:

Ang nakalululong at hindi mapigilang mga gawi o pag-uugali ay hindi lamang espirituwal na problema kundi pisikal din. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard: “Sinasabi sa atin ng mga mananaliksik na may mekanismo sa ating utak na tinatawag na sentro ng kasiyahan [tingnan sa National Institute on Drug Abuse, Drugs, Brains, and Behavior—The Science of Addiction (2010), 18, drugabuse.gov/scienceofaddiction/sciofaddiction.pdf]. Kapag napukaw ito ng droga o masasamang pag-uugali, dinaraig nito ang bahagi ng utak na namamahala sa ating determinasyon, paghatol, pag-iisip, at moralidad. Ito ang nagtutulak sa isang taong nalulong na talikuran ang alam niyang tama” (“O Yaong Tusong Plano Niyang Masama,” Liahona, Nob. 2010, 108). Bagama’t ginagawa natin ang lahat ng kailangan upang espirituwal na gumaling mula sa adiksiyon, ang paggaling ay maaaring kailangan pa rin ng ating katawan, lalo na ng ating utak. Habang sinisikap nating daigin ang pagkalulong natin, maaaring magbago at mapagaling ang ating utak.

Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nagbigay ng halimbawa nito sa pamamagitan ng paglalarawan ng mga hamon para sa mga bagong binyag, ngunit ang payong ito ay angkop sa sinumang may adiksiyon: “Maaaring kasama sa pagsisisi ang emosyonal at pisikal na proseso. … Kaya nga maaaring tumagal ang pagsisisi at pagpapagaling. … Hindi sapat ang binyag at kumpirmasyon para maiwaksi ang mga pagnanasang ito ng damdamin at katawan na kaugnay ng pag-uugaling ito. Kahit nagtatagumpay ang mga tao sa simula, kailangan pa rin ng karagdagang pagpapagaling sa damdamin para ganap na magsisi at gumaling” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 214).

Panoorin:

Why Is It So Hard to Quit?” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [2:01].

2:13

Talakayin:

Bakit mahalagang maunawaan na ang adiksiyon ay pisikal at emosyonal na problema?

3. Gawin ang Iyong Bahagi

Basahin:

Bagama’t maaaring mahirap ang proseso ng paggaling, ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng pag-asa na “lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Nasa ibaba ang ilang pangkalahatang alituntunin na makatutulong sa iyo, sa tulong ng Panginoon, na gumaling mula sa nakalululong na pag-uugali o gawi.

  • Manalangin para sa tulong. Maaari kang palaging humingi ng tulong sa Diyos. Siya ay nariyan at sasagutin ang iyong panalangin.

  • Magkaroon ng pag-asa. Dapat mong malaman na mapagagaling ka ng Tagapagligtas kapag ginawa mo ang iyong bahagi.

  • Maging matapat. Ang adiksiyon ay tumitindi kapag inililihim ito, ngunit humihina ito kapag ipinagtatapat.

  • Makipag-ugnayan sa iba. Ang pakikipag-ugnayan ay maaaring pumuno sa mga pangangailangan na madalas na binabale-wala dahil sa adiksiyon.

  • Gumawa ng plano. Mapanalanging isipin ang mga pagbabagong kailangan mong gawin, iwasan ang mahihirap na sitwasyon, at matuto mula sa iyong mga pagkakamali. Isipin si Moroni at ang maraming ipinagawa niya sa mga tao para maging proteksyon nila laban sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 49).

  • Maging responsable. Humingi ng tulong sa isang taong pinagkakatiwalaan mo, gumawa ng follow-up plan kasama ang taong ito, at regular na rebyuhin ang iyong progreso.

  • Humingi ng suporta. Hindi mo kailangang gawin ito nang mag-isa. Kausapin ang iyong pamilya, bishop, mga lider, o mga kaibigan.

  • Tandaan na ikaw ay anak ng Diyos. Huwag bansagan ang iyong sarili dahil sa iyong adiksiyon. Mahabag sa iyong sarili at sa iba.

  • Huwag sumuko. Kahit magkamali kang muli, walang pagsisikap na nasayang. Kailangan ang mahabang panahon para gumaling. Maging matiyaga sa iyong sarili.

Tingnan sa kabanata 2, “Mabubuting Paraan ng Pag-iisip,” para sa karagdagang mga ideya.

Basahin:

Maaaring mangailangan ang ilang indibiduwal ng mas mahahalagang hakbang para gumaling. Kabilang dito ang paghingi ng tulong sa isang doktor, pagdalo sa miting na 12-hakbang sa paggaling mula sa adiksiyon, pakikipagtulungan sa isang therapist o treatment program, o isang kumbinasyon ng mga paraan.

Panoorin:

What Is Addiction Recovery?” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [2:08].

2:21

Tip:

Para sa karagdagang impormasyon, rebyuhin ang karagdagang resources ng Simbahan, tulad ng mga sumusunod.

4. Pagsuporta sa mga Nahihirapan Dahil sa Adiksiyon

Basahin:

Ang mga taong nahihirapan dahil sa nakalululong na pag-uugali o gawi ay nangangailangan ng suporta at tulong mula sa mga tao sa paligid nila. Kung may taong lumapit sa inyo para humingi ng tulong, pasalamatan siya sa pagkakaroon niya ng lakas ng loob na maging tapat sa inyo at makinig na mabuti sa sinasabi niya. Manalangin na tulungan kayong makontrol ang inyong damdamin, tulad ng galit, pighati, o paghihinanakit. Sabihin sa tao na mahal ninyo siya at gusto ninyong tumulong. Hikayatin ang indibiduwal na makipagtulungan sa mga lider ng Simbahan at sa iba pa na maaaring makatulong.

Kung nakatitiyak kayo na nangangailangan ng tulong ang isang mahal ninyo sa buhay ngunit hindi pa nagtatapat sa inyo, sabihin sa taong iyon ang inyong alalahanin. Ipahayag ang inyong pagmamahal, ibahagi ang inyong mga alalahanin, at sabihin ang inyong hangaring tumulong. Kahit hindi tinanggap ng tao ang inyong alok na tulong, patuloy na ipakita ang inyong pagmamahal at huwag sumuko.

Habang pinagsisikapan ng inyong mahal sa buhay na gumaling, maaari siyang panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa. Mabibigyan ninyo siya ng lakas ng loob at suporta sa pamamagitan ng pagkilala sa pag-unlad ng inyong mahal sa buhay at pagpapatotoo na may pag-asa pa rin at mahal siya ng Panginoon.

Basahin:

Masusuportahan ninyo ang inyong mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kanyang mga pagsisikap na lumapit kay Cristo at mapagaling. Sa ilang pagkakataon, ang tulong ninyo ay maaaring maging lubos na kapaki-pakinabang at nakapagliligtas din ng buhay. Gayunman, kailangang maging maingat kayo na hindi ninyo susuportahan ang inyong mahal sa buhay sa pagpili ng mali o paggawa ng kasalanan. Kung nakagawian na ninyo na palaging sinasagip ang inyong mahal sa buhay sa mga maling ginagawa niya, maaaring mahadlangan ninyo ang kanyang paggaling at ang paghingi niya ng tulong sa Panginoon. Magkakaiba ng sitwasyon ang lahat at maaaring mangailangan ng magkakaibang tugon. Manalangin na gabayan kayo ng Espiritu, at isiping humingi ng tulong sa iba na may kaalaman o kasanayan.

Ang paraan at mga patakaran ay makatutulong sa proseso ng paggaling ng isang tao na may adiksiyon. Ang taong sangkot—isang magulang o asawa, halimbawa—ay maaaring magtakda ng mga limitasyon at malinaw na ipaliwanag ito, gumawa ng mga patakaran, at panagutin ang inyong mahal sa buhay sa kanyang mga pagpili, dahil sa pagdanas ng mga bunga ng kanyang ginawa, madaragdagan ang kanyang hangaring gumaling. Ang mga aksiyong ito ay hindi ginagawa para kontrolin ang inyong mahal sa buhay o kaibigan kundi para mabawasan ang negatibong epekto ng kanyang mga pagpili sa inyong buhay at sa iba pa niyang mga mahal sa buhay.

5. Asawa, mga Kapamilya, at mga Kaibigan

Basahin:

Maaaring nakapanlulumo kapag nalaman ng isang tao na ang kanyang mahal sa buhay ay may problema sa adiksiyon. Maaaring sisihin, nang hindi naman nararapat, ng taong ito ang kanyang sarili, magalit, o mag-alala na wala nang pag-asa. Kailangan ng asawa, kapamilya, o kaibigan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas gayundin ang kanyang mahal sa buhay na nabitag sa adiksiyon o nakapipinsalang pag-uugali o gawi.

Nasa ibaba ang ilang mungkahi para sa asawa, mga kapamilya, at mga kaibigan ng isang taong may problema sa adiksiyon:

  1. Hindi lang ito problema ng inyong mahal sa buhay. Hindi makatwiran, pero nakakaapekto rin ito sa inyo. Ipaubaya sa Panginoon ang inyong mga pasanin at humingi ng paggaling para sa inyong sarili.

  2. Manalangin na tulungan at gabayan kayo. Hanapin ang Panginoon. Makihalubilo sa mga taong nagmamahal sa inyo.

  3. Hindi kayo ang sanhi ng adiksiyon, hindi ninyo ito makokontrol, at hindi ninyo ito maaayos. Problema ito ng inyong mahal sa buhay.

  4. Humingi ng suporta. Makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan ninyo at sa mga taong hindi kayo huhusgahan. Hindi ninyo kinakailangang magdusa nang tahimik.

Tip:

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling o dumalo sa isang support group (AddictionRecovery.ChurchofJesusChrist.org/spouses-and-families).

Facilitator

Pumili ng isa sa mga video sa ibaba para mapanood bilang isang grupo.

Panoorin:

What I Know Now: Spouses,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [3:52].

3:60

O

What I Know Now: Parents,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [3:55].

4:2

Isipin:

Ano ang natutuhan ninyo mula sa video na makatutulong sa inyo?

6. Pag-iwas sa Adiksiyon

Basahin:

Karamihan sa adiksiyon ay maiiwasan kung mas nauunawaan ninyo ang inyong sarili at ang mga bagay na maaaring mag-udyok sa inyo sa mga nakalululong na pag-uugali. Para sa maraming tao, ang adiksiyon ay kadalasang nagsisimula sa mga huling taon ng pagiging tinedyer. Ang mga alituntunin sa sumusunod na chart ay makatutulong para maiwasan ang adiksiyon.

Alituntunin

Deskripsyon

Alituntunin

1. Edukasyon

Deskripsyon

Turuan ang iyong sarili tungkol sa mga bagay na nakalululong at ano ang ginagawa ng adiksiyon sa isang tao. Ang kaalaman kung paano makakaapekto ang adiksiyon sa iyong katawan, isipan, at espiritu ay maaaring makatulong para iwasan ito.

Alituntunin

2. Pagtitimpi

Deskripsyon

Itinuro ng mga propeta sa lahat ng panahon ang kahalagahan ng pagtitimpi. Ang pagtatakda ng mga limitasyon sa iyong pag-uugali at pagpapasiya kung ano ang gagawin mo at hindi mo gagawin ay poprotekta sa iyo para hindi ka mahulog sa adiksiyon.

Alituntunin

3. Ugnayan

Deskripsyon

Ang pagkakaroon ng matibay na ugnayan sa Tagapagligtas at sa ibang tao ay maaaring maging pangunahing dahilan para makaiwas sa nakalululong na pag-uugali. Matutulungan ka ng mabubuting tao sa iyong buhay na madama ang pagmamahal ng Diyos at maging mas matatag.

Alituntunin

4. Katapatan

Deskripsyon

Ang pagiging matapat sa isang tao tungkol sa iyong mga ginagawa ay makatutulong sa iyo na iwasan ang mga pag-uugali na madalas na nauugnay sa adiksiyon, kabilang ang pagsisinungaling, panlilinlang, at pagbibigay-katwiran. Ang katapatan ay humahadlang sa pagkakaroon ng adiksiyon.

Alituntunin

5. Pagsubaybay

Deskripsyon

Para sa mga magulang, ang pag-alam kung sino ang mga kaibigan ng inyong mga anak, kung anong mga aktibidad ang sinasalihan nila, at ang pagtatakda ng malilinaw na patakaran ay maaaring magprotekta laban sa adiksiyon. Magkaroon ng regular na pakikipag-usap sa inyong mga anak tungkol sa mga paksang ito.

Panoorin:

Adolescent Addiction,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [2:18].

2:30

Isipin:

Isipin ang iyong sarili o isang taong pinagmamalasakitan mo. Alin sa mga alituntunin sa video at sa chart ang gusto mong isama sa ugnayang ito? Maaari mong ibahagi ang iyong plano sa action partner mo.