Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“3: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“3: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

1. Ang Ating Katawan ay Kaloob mula sa Diyos

Basahin:

Pinagkalooban kayo ng katawan ng inyong mapagmahal na Ama sa Langit upang panahanan ng inyong espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15; Abraham 5:7). Ang malusog na katawan ay mahalaga sa pagiging matatag ng damdamin. Habang lalo ninyong pinangangalagaan ang kalusugan ng inyong katawan, bumubuti rin ang kalusugan ng inyong damdamin. Kabilang sa ilang paraan na mas mapangangalagaan ninyo ang katawang ibinigay sa inyo ng Ama sa Langit ay ang regular na pag-eehersisyo, maraming pahinga, kalinisan sa katawan, at masustansyang pagkain.

2. Regular na Pag-eehersisyo

Basahin:

Ang regular na pag-eehersisyo ay makatutulong nang malaki sa katatagan ng inyong damdamin. Pinasisigla ng pisikal na aktibidad ang inyong utak at naglalabas ito ng mga kemikal na tumutulong sa inyong mga damdamin at kakayahang malinaw na maunawaan ang mga sitwasyon. Ang pag-uukol ng oras na maging aktibo ay maaaring magpadama sa inyo ng higit na saya, kapanatagan, at di-gaanong pagkabalisa. Ang pisikal na aktibidad ay maaari ding maging isang oportunidad na magamit ang inyong katawan at makipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan sa isang masayang pagtitipon.

Basahin:

Kung matagal ka nang hindi nag-eehersisyo; may matagal nang problema sa kalusugan tulad ng sakit sa puso, diabetes, o arthritis; o may iba pang mga problema, magpatingin muna sa doktor bago simulan ang isang bagong plano sa pag-eehersisyo.

3. Matulog at Magpahinga

Basahin:

Ang pangangailangang matulog at magpahinga ay kadalasang nalilimutan. Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland, “Pagod ang karaniwang kalaban nating lahat—kaya maghinay-hinay, magpahinga, magpalakas, at kumain. Binalaan tayo ng mga doktor na kung hindi tayo magpapahinga, tiyak na magkakasakit tayo” (“Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41). Ang maayos na pagtulog ay makatutulong sa pangangalaga sa kalusugan ng inyong pag-iisip, at katawan, sa kondisyon ng inyong buhay, at kaligtasan. Kapag pagod kayo, maaaring mahirapan kayong gumawa ng mga desisyon, lutasin ang mga problema, kontrolin ang inyong damdamin at pag-uugali, at hindi makayanan ang pagbabago.

Basahin:

Ang pahinga ay higit pa sa pagtulog nang sapat. Itinuro ng Aklat ni Mormon, “Hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27). Siguro ay nahihirapan kayo na makaagapay sa mabilis na pagbabago ng mundong ito. Maaaring nasa yugto kayo ng buhay na tila napakahirap, tulad ng pagpapalaki sa maliliit na anak o pag-aalaga sa isang mahal sa buhay na may sakit. Maaaring makaapekto rin sa inyo ang mga hamon sa damdamin kaya nakadarama kayo ng pagod at pagnanais na matulog nang mas mahaba kaysa sa kinakailangan. Ang pananatili sa higaan nang masyadong mahaba ay maaaring makapinsala sa kalusugan ng inyong pag-iisip at damdamin. Mahal kayo ng Panginoon at alam Niya ang inyong mga kakaibang kalagayan. Maaari Niyang ituro sa inyo ang mga ideya at resources na makatutulong sa inyong sitwasyon.

Talakayin:

Paano nakakaapekto ang pagod sa ating espirituwal, pisikal, sosyal, at emosyonal na kapakanan?

Basahin:

Kung madalas kang matulog nang napakahaba o napakaiksi, isaalang-alang ang pagkonsulta sa doktor.

4. Kalinisan sa Katawan

Basahin:

Nagpapakita tayo ng paggalang sa ating katawan kapag pinangangalagaan natin ito nang mabuti at pinag-uusapan nang positibo ang tungkol dito. Kapag inuna natin ang maliliit na bagay tulad ng paghuhugas ng ating mga kamay, regular na pagligo, pagsisipilyo ng ating mga ngipin, at pananatiling malinis ng ating mga damit, mas bubuti ang ating kalusugan at magiging mas maganda ang pakiramdam natin sa ating sarili.

Talakayin:

Anong mga pagbabago ang napansin ninyo sa inyong sarili kapag malinis kayo sa inyong katawan?

5. Masustansyang Pagkain

Basahin:

Itinuro ng Tagapagligtas kay Propetang Joseph Smith ang tungkol sa malusog na pamumuhay noong 1833 sa isang paghahayag na nakilala bilang Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89). Ang paghahayag na ito ay nagbigay ng tagubilin hinggil sa dapat nating kainin at inumin at kung ano ang dapat nating iwasan. Ang Panginoon ay nangako ng mabuting kalusugan, lakas, proteksyon, kaalaman, at karunungan sa mga sumusunod sa Word of Wisdom.

Sa isa sa kanyang mga huling mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nawa’y pangalagaan natin ang ating katawan at isipan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning itinakda sa Word of Wisdom, isang planong inilaan ng Diyos. Buong puso’t kaluluwa kong pinapatotohanan ang maluwalhating mga pagpapalang naghihintay sa atin kapag ginawa natin ito” (“Mga Alituntunin at Pangako,” Liahona, Nob. 2016, 79).

Talakayin:

Ano ang ilang paraan na mas mapangangalagaan natin ang katawang ibinigay sa atin ng Ama sa Langit?

Basahin:

Siguraduhing uminom ng maraming malinis na tubig sa buong maghapon. Kumain ng sapat na dami ng tamang pagkain para mapalusog ang inyong katawan upang magkaroon kayo ng lakas na kailangan ninyo para magawa ang mga gawain ninyo sa araw-araw. Sa pangkalahatan, isiping kumain ng mas maraming gulay, prutas, butil, beans, at mani. Isipin ding magbawas ng asukal, asin, matamis na inumin, at saturated fat.

Maaari ding makipag-usap sa isang taong kilala ninyo tungkol sa inyong mga gawi sa pagkain. Talakayin ang ilang paraan na mas mapapalusog ninyo ang inyong katawan. Sa pagsisikap ninyong maging mas malusog, maaaring hindi ninyo makita kaagad ang mga resulta. Ngunit malalaman ninyo na ginagawa ninyo ang lahat para mapangalagaan ang katawang ibinigay sa inyo ng Diyos.

Basahin:

Ang isang sintomas ng hindi wastong pagkain ay ang pagtutuon sa pagkain at ehersisyo hanggang sa puntong hindi ka na makapagtuon sa iba pang mga aspekto ng iyong buhay.

Kung nakikita mo na nalilimitahan ng iyong mga gawi sa pagkain ang iyong mga aktibidad o nakapipinsala sa iyong kalusugan, magpakonsulta sa doktor.

6. Pag-unawa sa Ating mga Damdamin

Basahin:

Nararanasan ng inyong katawan ang matitinding damdamin. Ang pagkakaroon ng matatag na damdamin ay nangangailangan ng pagkilala, pagtanggap, at pagtugon sa inyong nadarama sa mabuting paraan. Ang mga damdamin ay normal na bahagi ng ating mortal na karanasan. Kung minsan maaaring matindi ang inyong mga damdamin, at maaaring mahirap kontrolin ito. Kapag hinayaan ninyong makaapekto ang inyong mga damdamin sa mga ikinikilos ninyo, bumibigay kayo sa inyong mga damdamin sa halip na gamitin ang inyong kalayaan na kontrolin ang inyong mga damdamin.

Talakayin:

Paano nakatutulong sa atin ang pagsisikap na kontrolin ang ating damdamin upang maging higit na katulad ni Cristo?

Basahin:

Ang unang hakbang sa pagkontrol ng mga damdamin ay ang malaman ang mga ito. Ang isang kasangkapang makatutulong ay ang emotions journal, kung saan pag-iisipan ninyo ang mga damdaming nadama ninyo. Sa emotions journal, itatala ninyo ang nadama ninyo, ang sitwasyon ninyo, at ang mga ginawa ninyo dahil sa nadama ninyo. Isipin ang mga damdamin at sitwasyong ito at pagkatapos ay isulat ang mga naisip ninyo. Sa pagsubaybay ninyo sa inyong mga damdamin, alamin ang pinagmulan at bakit nangyayari ito. Magsulat sa inyong emotions journal araw-araw. Tingnan ang halimbawa sa ibaba.

Damdamin

Sitwasyon

Mga Ginawa Dahil sa Damdamin

Isipin

Damdamin

Halimbawa

Ngayon ay nagalit ako at nasaktan.

Sitwasyon

Nakipagtalo ako sa tatay ko.

Mga Ginawa Dahil sa Damdamin

Talagang nagalit ako at sinigawan ko siya at pinagbuntunan ko ng galit ang mga kaibigan ko. Nalungkot ako dahil dito.

Isipin

Dapat kinausap ko ang tatay ko tungkol sa nadarama ko sa halip na magalit sa kanya.

Damdamin

Halimbawa

Nadama ko ang kagalakan at kapayapaan ngayon.

Sitwasyon

Nakarinig ako ng isang taimtim na panalangin na nakaantig sa akin.

Mga Ginawa Dahil sa Damdamin

Pinasalamatan ko ang Ama sa Langit para sa Kanyang pagmamahal, at naisip ko kung paano ako nagdarasal.

Isipin

Gusto kong madamang muli ang ganito sa pamamagitan ng pagsisikap na mas makaugnay sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.

Basahin:

Itinuro ni Elder Richard G. Scott, “Ang pagpapatangay sa damdamin tulad ng galit o pait o pagtatanggol sa sarili ay nagtataboy sa Espiritu Santo” (“Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay,” Liahona, Mayo 2012, 45). Mangyari pa, lahat tayo ay nakakaramdam ng galit at sakit kung minsan. Kung minsan, binibigyang-katwiran pa natin ang mga damdaming ito. Gayunman, mahalaga para sa atin na kontrolin ang mga damdaming ito kung nais nating mas makaugnayan ang Panginoon at madama ang Espiritu.

Nagmungkahi rin si Elder Scott ng paraan na matutulungan tayo ng damdamin na madama ang Espiritu at maging mas matatag: “Ang mabuting pagpapatawa ay nakatutulong sa paghahayag. … Ang pagpapatawa ay isang paraan ng pagtakas sa mga problema sa buhay” (“Paano Makatatanggap ng Paghahayag,” 46).

Talakayin:

Paano makatutulong sa inyo ang matutuhang kontrolin ang inyong damdamin para mas madali ninyong madama ang Espiritu?

7. Pangangalaga sa Sarili

Basahin:

Kapag nahaharap kayo sa mga hamon, kailangan ninyong gawin ang lahat ng makakaya ninyo para mapangalagaan ang inyong sarili. Ang ibig sabihin ng gawin ang lahat ng makakaya ninyo ay gamitin ang resources na mayroon kayo sa inyong buhay para masuportahan kayo sa anumang mga hamon na kinakaharap ninyo. Nakalista sa ibaba ang mga ideya para mapangalagaan ang sarili.

  • Umidlip

  • Bumisita sa isang kaibigan

  • Maghinay-hinay

  • Maligo

  • Mag-ehersisyo

  • Magbasa ng aklat

  • Makinig sa musika

  • Lumikha ng isang bagay

  • Manalangin

  • Maglakad-lakad

  • Magsulat ng mga bagay na pinasasalamatan mo

  • Kumain ng masarap na pagkain

  • Sumayaw

  • Umawit

  • Gumamit ng mga paraan sa pagre-relax (tingnan ang aktibidad sa item 3 sa bahaging “Matuto” ng kabanata 4 at ang bahaging “Resources” ng kabanata 4)