Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“9: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“9: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

1. Paglilingkod na Tulad sa Tagapagligtas

Basahin:

Iniutos sa atin ng Panginoon na maglingkod sa mga taong nakapaligid sa atin. May matututuhan tayo sa kuwento nina Alma at Amulek. Natanto ni Alma na labis na nababagabag ang damdamin ni Amulek, at isinama niya ito “sa kanyang sariling tahanan, at tinulungan siya sa kanyang mga paghihirap, at pinalakas siya sa Panginoon” (Alma 15:18).

Isipin:

Paano ka tinulungan ng mga tao na “[mapa]lakas … sa Panginoon”?

Talakayin:

Ano ang mga paraan na mapapalakas natin ang iba sa Panginoon?

2. Mga Maling Paniniwala tungkol sa Pagtulong sa Iba

Basahin:

May ilang karaniwang maling paniniwala na pinaniniwalaan ninyo tungkol sa pagtulong sa iba. Habang binabasa ninyo ang mga maling paniniwalang ito, suriin kung nadama mo o hindi ang mga paraang ito.

Maling Paniniwala #1:

Ako ay 100% Responsable sa Pagbibigay sa Iba ng Tulong na Kailangan Nila.

Ang Katotohanan:

Ang Tagapagligtas ang tanging tunay na manggagamot ng mga kaluluwa, ngunit maaari kayong maging bahagi ng isang nagpapagaling na komunidad upang pagpalain ang iba. Magiging bahagi kayo ng nagpapagaling na komunidad na ito kapag ibinigay ninyo ang inyong natatanging mga kalakasan at pananaw at ibinibigay ang lahat ng inyong makakaya.

Maling Paniniwala #2:

Dapat Maging Eksperto Ako sa Paglutas ng mga Problema ng Iba.

Ang Katotohanan:

Kahit ang mga propesyonal na counselor ay naniniwala na ang tungkulin lamang nila ay tulungan ang isang tao na gumawa ng sarili niyang mga pagbabago sa halip na magbigay ng manwal ng mga tagubilin. Ang tungkulin ninyo ay mahalin at paglingkuran ang mga tao, at ang Tagapagligtas ang magpapagaling.

Maling Paniniwala #3:

May Mabilis na mga Solusyon sa mga Problema sa Buhay.

Ang Katotohanan:

Ang ating kultura ay nagbibigay ng agarang kasiyahan, at nangangako ng mabilis na mga solusyon sa halos lahat ng bagay. Ngunit bihirang magkaroon ng mabilis na mga solusyon sa mga problema sa buhay. Ang pagsisikap na magbago ay isang proseso at halos palaging nangangailangan ng mas mahabang panahon kaysa inaakala ninyo. Ang tunay na pagbabago ay isang proseso ng pagdalisay na kailangan ninyo o ng mga mahal ninyo sa buhay na pagdaanan.

Maling Paniniwala #4:

Hindi Ko Alam ang Tamang Sasabihin, Kaya Mas Mabuting Wala Akong Sabihin.

Ang Katotohanan:

Ang magandang balita ay hindi kailangang marami kayong sabihin palagi. Ang pinakamagandang maibibigay ninyo sa iba ay magpakita ng interes sa kanila, magtanong, makinig nang may pagmamahal, at tulungan silang madama na hindi sila huhusghan kapag nagbahagi sila sa inyo.

Maling Paniniwala #5:

Kung Tutulong Ako, Lagi Silang Aasa sa Akin.

Ang Katotohanan:

Habang naglilingkod kayo, maaari kayong magtakda ng mabubuting hangganan upang matiyak na mapangangalagaan ninyo ang inyong sarili at ang inyong pamilya. Magagabayan kayo ng Panginoon upang makapaglingkod kayo sa mga paraang nagpapalakas sa pagiging self-reliant ng ibang tao. Huwag maliitin kailanman ang bisa ng maliliit at simpleng pagpapakita ng pagmamahal sa buhay ng mga tao, at huwag matakot na mag-ukol ng oras at pagmamahal sa isang tao.

Talakayin:

Talakayin sa kapartner ang isa sa mga maling paniniwalang ito na maaaring nahihirapan kayong iwaksi at kung paano ninyo ito madaraig.

3. Angkop na Tumugon sa Iba

Basahin:

Pinakamabuti man ang inyong intensyon, madaling sabihin ang mga bagay na hindi lubos na nakatutulong habang sinusubukang tulungan ang isang taong may problema. Ngunit hindi ito dapat maging dahilan para matakot kayo na tumulong. Nais ng Diyos na mahalin at tulungan ninyo ang Kanyang mga anak. Maging sensitibo sa damdamin ng mga taong sinisikap ninyong tulungan, at huwag magsalita o gumawa ng anumang bagay na nagmamaliit sa pasakit o hirap na nararanasan nila.

Talakayin:

Ano ang iba pang mga pahayag na narinig ninyo na nakatutulong o hindi nakatutulong?

4. Alamin ang Nadarama ng Iba

Basahin:

Itinuro ni Sister Reyna I. Aburto, “Kahit hindi natin alam kung paano makikisimpatiya sa pinagdaraanan ng iba, ang malaman na talagang nahihirapan sila ay maaaring isang mahalagang hakbang sa pag-unawa at paggaling” (“Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!Liahona, Nob. 2019, 58). Ang ibig sabihin ng alamin ang nadarama ng mga tao ay tanggapin muna ang kanilang nadarama at pagkatapos ay unawain ang mga ito.

Nasa ibaba ang ilang hakbang para matulungan kayong alamin ang nadarama ng isang tao na nahaharap sa isang hamon:

  1. Makinig. Magpokus at makinig nang mabuti sa sinasabi sa iyo ng tao. Huwag mangatwiran kung nakaambag ka sa problema ng taong iyon.

  2. Sikaping umunawa. Maaaring kailangan mong magtanong nang may pagkahabag upang mas maunawaan ang nadarama ng taong ito. Gawin ang lahat ng makakaya mo para maunawaan kung ano ang dahilan kung bakit niya nararanasan ito.

  3. Tanggapin ang nadarama ng tao. Huwag subukang baguhin ang tao o sabihing mali siya sa nadarama niyang ito. Kapag ginawa mo ito, maging maingat na hindi mo siya mahikayat sa pag-iisip nang masama o nakapipinsala.

  4. Magpakita ng pagkahabag. Ipahayag na nagmamalasakit ka sa nadarama ng taong iyon. Kahit hindi ka makaugnay sa sitwasyon o sa sanhi kung bakit niya nadarama iyon, malalaman mo ang nadarama ng tao sa pagsasabi ng mga bagay na tulad ng “Pakiramdam mo ay hindi ka iginalang [o nababalisa, walang pag-asa, walang halaga, galit, at iba pa]. Masakit nga iyan.”

  5. Magpakita ng pagmamahal. Sabihin sa taong ito na nagmamalasakit ka sa kanya at tiwala ka sa kakayahan niyang lutasin o makayanan ang problema.

Basahin:

Narito ang isang halimbawa kung paano ninyo malalaman ang mahirap na pinagdaraanan ng isang tao:

Si Jill ay isang solong ina na ang anak ay namatay kamakailan dahil sa labis na paggamit ng droga. Mag-isa siyang namumuhay at walang kapamilya na nakatira malapit sa kanya. Dumating si Maria para kausapin siya at kumustahin siya. Gusto ni Maria na sumabad habang nagsasalita si Jill, pero hindi niya ito ginawa. Nakinig lang siya. Nang madama niyang tamang pagkakataon na, nagtanong siya nang ganito, “Ano ang nararamdaman mo ngayon?” at “Ano ang pinakamahirap para sa iyo?” Sa halip na sabihing, “Kasama na siya ng Diyos ngayon,” naunawaan niya na nangungulila si Jill sa kanyang anak. Nagpasiya si Maria na magpahayag ng pagdamay sa pagsasabing, “Nakikita kong nangungulila ka sa kanya nang husto, at karamay mo ako sa kalungkutan mo.” Pagkatapos ay nagpakita siya ng pagmamahal sa pagtabi sa kanya at pag-iyak kasama niya.

Tip:

Kabilang sa website ng Simbahan tungkol sa ministering at paglilingkod ang iba pang mga ideya na makatutulong sa inyo na maunawaan kung paano magpakita ng pagkahabag. Tingnan sa ministering.ChurchofJesusChrist.org.

5. Paggalang sa Kalayaang Pumili ng Iba

Basahin:

Binigyan ng Ama sa Langit ang lahat ng tao ng kaloob na kalayaang pumili, at ang mga indibiduwal ay responsable sa sarili nilang mga pagpili anuman ang tulong na ibinibigay ninyo. Sa pagtulong ninyo sa iba, tandaan na hindi kayo responsable sa paglutas ng kanilang mga problema o pagkontrol sa mga pagpiling ginagawa nila. Mahalagang magtakda ng sarili ninyong mabubuting hangganan habang tinutulungan ang iba.

Nais ng Tagapagligtas na igalang ninyo ang kalayaang pumili ng inyong mga mahal sa buhay, ngunit hindi ito nangangahulugan na wala na kayong gagawin. Hangarin ang Espiritu upang matulungan kayo na maunawaan kung paano ninyo paglilingkuran ang iba sa mga paraang may paggalang sa kanilang kalayaang pumili at hindi nagpapadama sa iba na hindi sila pinakikinggan.

Ang sumusunod ay mga ideya para sa mga bagay na maaari ninyong gawin bukod pa sa pag-alam sa tunay na nadarama at pakikinig:

  • Mag-ayuno at manalangin para sa kanila.

  • Ilaan ang inyong oras sa templo para sa kanila.

  • Humingi ng propesyonal na tulong at payo.

  • Magsaliksik tungkol sa kalusugang pang-emosyonal.

  • Magpadala ng maiikling sulat na naghihikayat, o magbahagi ng nakakatawang mga mensahe para mapangiti sila.

  • Humingi ng mga basbas at payo mula sa mga lider ng priesthood.

  • Sumali sa isang support group para sa pamilya at mga kaibigan.

  • Maging handang tumulong sa kanila habang pinananatili ang mabubuting hangganan.

  • Paglingkuran sila sa mga paraang hiniling o sinang-ayunan nila—mga paraan na hindi nanghihimasok sa kanilang kalayaang pumili o nagpapadama na hindi sila pinakikinggan.

Talakayin:

Magbahagi ng nakasisiglang karanasan habang napapalakas kayo o binibigyang-lakas ang iba.

6. Pagtitiis nang may Pagtitiyaga sa Iba

Basahin:

Ang pangangalaga sa mga mahal sa buhay ay maaaring mahirap at nakakapagod. Habang hinahangad ninyong pangalagaan ang mga nangangailangan, sikaping maging maunawain at huwag manghusga. Maaari kayong tumanggap ng payo mula sa mga banal na kasulatan at “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig,” na pag-ibig sa kapwa-tao, o pag-ibig ni Cristo (Moroni 7:48).

Kung mayroon kayong mahal sa buhay na may problema sa kalusugang pang-emosyonal, maaaring madalas ay masyado kayong nakatuon sa pangangalaga sa taong iyon na nalilimutan ninyong pangalagaan ang inyong sarili. May tulong at suportang nakalaan para sa inyo. Ang mga support group ay makatutulong sa mga miyembro ng pamilya na malaman ang tungkol sa mga problema sa kalusugan, mga paraan para makatulong, at mga estratehiya para makayanan ang mga sintomas. Humingi ng tulong sa mga pinagkakatiwalaang kaibigan at propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan para sa inyong sarili at sa inyong mahal sa buhay. Ang suporta ng pamilya at mga kaibigan ay maaaring magkaroon ng magandang epekto sa paggamot sa mabibigat na isyu sa sosyal at emosyonal na kalusugan.

Ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland: “Para sa mga tagapag-alaga, sa inyong tapat na pagsisikap na tumulong sa kalusugan ng iba, huwag pabayaan ang sarili ninyong kalusugan. Maging matalino sa lahat ng ito. Huwag tumakbo nang mas mabilis kaysa kaya ng inyong lakas [Mosias 4:27]. Anuman ang kaya o hindi ninyo kayang ibigay, makapag-aalay kayo ng mga panalangin at makapagbibigay ng ‘pag-ibig na hindi pakunwari’ [Doktrina at mga Tipan 121:41]” (“Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41).

Talakayin:

Ano ang nakatulong sa inyo para mabalanse ninyo ang pangangalaga sa iba at sa inyong sarili?