“4: Ang Aking Saligan: Gamitin nang Matalino ang Oras,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020) “4: Ang Aking Saligan: Gamitin nang Matalino ang Oras,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin Ang Aking Saligan: Gamitin nang Matalino ang Oras—Maximum na Oras: 20 Minuto Isipin: Bakit isa sa pinakamagandang mga kaloob ng Diyos ang panahon o oras? Panoorin: “The Gift of Time,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [2:27]. (Walang video? Basahin ang teksto para sa “The Gift of Time [Ang Kaloob na Panahon].”) 2:34 Ang Kaloob na Panahon Kung hindi ninyo mapapanood ang video, pumili ng mga gaganap na tauhan at basahin ang script na ito. Kofi: Hello, Sister Benkosi. Kumusta? Sister Benkosi: Okey ka ba, Kofi? Kofi: Naku, Sister Benkosi. Marami po akong ginagawa. Kailangan kong magtrabaho at magsilbi at tumulong sa aking pamilya … at may football pa ako. Kulang talaga ang oras ko! Sister B.: Kofi, nasa iyo ang lahat ng oras. Kofi: Ano po? Sister B.: Iho, binigyan tayo ng Diyos ng magandang kaloob—ang ating panahon. Gugulin natin ito sa mga bagay na pinakamahalaga. Kofi: Pero paano po, Sister Benkosi? Lagi kayong maraming nagagawa. Matagumpay po kayo sa inyong pamilya at negosyo. Naglingkod kayo at natulungan ang marami, gaya ko. Di ko alam kung paano n’yo ito ginagawa. Sister B.: Gusto mo bang malaman? Kung mauupo ka at makikinig, sasabihin ko sa iyo ang sikreto ko. Madaling-araw ako gumigising. Nagbibihis ako at naghihilamos. Nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos inililista ko ang gagawin ko sa araw na iyon. Iniisip ko kung sino ang puwede kong paglingkuran. Nagdarasal ako para malaman ang kalooban ng Diyos. At nakikinig ako. Kung minsan naiisip ko ang mga pangalan o mukha ng mga tao. Idinaragdag ko sila sa listahan ko. Kofi: Kaya ba lagi ninyong nalalaman kung sino ang paglilingkuran ninyo? Sister B.: Oo, Kofi. At nagdarasal ako na bigyan ako ng lakas at karunungan. Dalangin ko na “[ilaan ng Diyos] ang [aking] pagganap.” Sinabi iyan sa 2 Nephi 32. Nagpapasalamat ako sa Kanya. Nangangako na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya. Nagpapatulong ako sa Kanya sa mga bagay na hindi ko kayang gawin. Pagkatapos tinitingnan ko ang listahan ko. Nilalagyan ko ng 1 ang pinakamahalaga, at ng 2 ang kasunod. Kofi: Paano ninyo nalalaman kung ano ang uunahin? Sister B.: Nakikinig ako kapag nagdarasal ako! Pagkatapos ay kumikilos ako. Tinitingnan ko ang number 1 at sinisikap kong unahin ito, at isinusunod ko ang number 2. Kung minsa’y may nagbabago. Sinasabi sa akin ng Espiritu Santo na iba ang gawin ko. Maganda iyon. Nagpapakasipag ako, pero panatag ako. Alam kong tutulungan ako ng Diyos. Kaya, sa tulong ng listahan ko at ng Espiritu, [nagagawa] ko ang mahalaga, Kofi. Kofi: Parang simple lang gawin pero mahirap din. Sister B.: Tama ka! Bago ako matulog, nagdarasal ako. Nagrereport ako sa Ama sa Langit. Sinasabi ko sa Kanya ang nangyari sa maghapon. Nagtatanong ako. Itinatanong ko kung ano ang puwede ko pang pagbutihin. Nakikinig ako. Madalas kong madama ang Kanyang pagmamahal. Alam ko na pinag-iibayo Niya ang sinisikap kong gawin. Sa gayo’y napapanatag ako, Kofi, at [natu]tulog [ako]. Kofi: Ayos ‘yan, Mamma Benkosi. Gusto ko ang kapanatagang iyan. Gusto kong gamitin ang aking oras. Gusto kong gumawa at maglingkod nang mas mabuti. Talakayin: Ano ang natutuhan mo mula kay Sister Benkosi sa video? Basahin: Ang sumusunod na scripture passage at mga pahayag ng mga lider ng Simbahan: “Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:32). “Oras lang ang puhunan dito sa lupa. … Kung gagamitin sa tamang paraan, daragdag ito sa iyong kaginhawahan, kaluwagan, at kasiyahan. Isaalang-alang natin ito, at huwag nang umupo nang nakahalukipkip ang mga kamay, na nagsasayang ng oras” (Brigham Young, sa Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 214). “Madali tayong matangay ng mga nakaugaliang gawain at mga karaniwang bagay sa buhay na ito. Ang pagtulog, pagkain, pananamit, pagtatrabaho, paglalaro, pag-eehersisyo, at iba pang nakagawiang aktibidad ay kailangan at mahalaga. Ngunit sa huli, ang kahihinatnan natin ay bunga ng ating kaalaman at kahandaang matuto mula sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo; ito ay hindi lamang ang kabuuan ng ating mga pang-araw-araw na hangarin sa buong buhay natin” (David A. Bednar, “Napakadakila at Mahahalagang Pangako,” Liahona, Nob. 2017, 93). Mangakong Gawin: Gagawin ko ang mga hakbang na ito araw-araw para magamit ko ang oras ko nang mas matalino, at magrereport ako tuwing gabi sa Ama sa Langit sa aking mga panalangin.