Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“10: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“10: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

1. Alamin ang Ating Pag-unlad

Basahin:

Sa lakas ng Panginoon at sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, tayo ay mapagpapala na magawa, matiis, at makayanan ang mga bagay-bagay. Sa mga nakaraang linggo, nakahugot tayo ng lakas sa Panginoon at natuto tayo ng maraming kasanayan upang mapag-ibayo pa ang katatagan ng ating damdamin.

Talakayin:

Kasama ang grupo, ibahagi ang ilan sa mga ideyang isinulat ninyo sa aktibidad sa itaas. Ano ang naisagawa ninyo nang maayos?

Anong mga hamon ang naranasan ninyo sa inyong mga pagsisikap na magbago, at paano kayo umunlad sa mga hamong iyon?

2. Matuto sa Ating mga Kabiguan

Basahin:

Ang kabiguan ay normal na bahagi ng buhay at inaasahang bahagi ng anumang pagsisikap na magbago. Maaaring makapagturo sa inyo ang mga kabiguan ninyo ng mga paraan para maipagpatuloy ang inyong pag-unlad. Kapag nabigo kayo, makatutulong na magtuon sa pag-unlad at hindi sa pagiging perpekto. Itinuro ni Elder Kim B. Clark: “Walang perpekto sa atin. Kung minsan ay walang pagbabago sa atin. Tayo ay nagagambala o humihina ang loob. Nadarapa tayo. Subalit kung nagtutuon tayo kay Jesucristo nang may nagsisising puso, itataas Niya tayo, iaangat Niya tayo, lilinisin ang kasalanan natin, patatawarin tayo, at paghihilumin ang ating puso. Siya ay matiyaga at mabait; ang Kanyang mapagtubos na pagmamahal ay hindi nagwawakas at hindi nabibigo” (“Magtuon kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 56).

Itinuturo sa mga banal na kasulatan, “Marami ang kapighatian ng matuwid; ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon” (Mga Awit 34:19).

Sa pagbaling sa Tagapagligtas kapag nabibigo kayo, maaari kayong magkaroon ng pananaw na umunlad sa halip na maging perpekto. Ang isang paraan para makayanan ang kabiguan ay ikumpara ito sa paglalakbay. Halimbawa, kunwari ay naglalakbay kayo papunta sa kalapit na bayan. Sa inyong paglalakbay, na-flat ang inyong gulong. Sinimulan ba ninyo ang paglalakbay sa pag-aayos ng gulong? Hindi. Naghanap kayo ng paraan para maayos ito kung saan kayo naroon at ipinagpatuloy ang inyong paglalakbay. Gayundin, kapag nakakaranas kayo ng pagkabigo, maaaring maramdaman ninyong nawala lahat ang inyong pagsisikap at kailangan ninyong magsimulang muli, ngunit hindi iyan totoo. Maaari kayong humanap ng mga paraan para maayos ang problema kung nasaan kayo at sumulong. Bukod pa rito, maipapakita ng pagkabigo ang mga aspektong maaaring kinakailangan ninyong pagbutihin pa.

Talakayin:

Ano ang natutuhan ninyo sa sarili ninyong kabiguan?

3. Pagtitiis nang Mabuti sa Ating mga Pagsubok

Basahin:

Sa buhay na ito dapat tayong matutong mamuhay nang may mga pagsubok at paghihirap. Maaaring matinding hangarin natin na mawala sa atin ang mga problema sa kalusugan ng damdamin at magsikap na maging perpekto, ngunit pagsikapan man natin ito nang mabuti, nananatili pa rin ang mga sintomas ng mga problema sa kalusugan ng damdamin. Ngunit hindi natin kailangang sumuko. Dapat tayong matutong mamuhay na kasama ang mga hamong ito habang sumusulong tayo nang may pananampalataya. Ang paggawa nito ay tutulong sa atin na makadama ng kapayapaan at maging mas matatag.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf: “May mahalagang konsepto rito: ang pagtitiyaga ay hindi pagsuko nang walang ginagawa, ni pagkabigong kumilos dahil sa takot. Ang pagtitiyaga ay [patuloy na] paghihintay at pagtitiis. Ito ay pananatili sa isang bagay at paggawa ng lahat ng kaya natin—pagsisikap, pag-asam, at pagsampalataya; pagtitiis ng hirap nang may tapang, kahit maantala ang mga hangarin ng ating puso. Ang pagtitiyaga ay hindi lamang pagtitiis; iyon ay pagtitiis nang husto!” (“Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 57).

Panoorin:

Come What May, and Love It,” makukuha sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [3:31].

3:34

Talakayin:

Anong payo mula sa video na ito ang maipamumuhay ninyo?

4. Pagtatakda ng Personal na mga Mithiin na Magbago

Basahin:

Sa buong kursong ito natuto kayo ng mga kasanayan na tutulong sa inyo na gumawa ng mga pagbabago sa inyong buhay. Kayo ay nagtakda ng mga mithiin, isinagawa ang mga ito, at nagreport ng tungkol dito para gamitin ang mga kasanayang ito. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Magtakda ng mga mithiin na matutupad ninyo sa maikling panahon. Magtakda ng mga mithiin na talagang balanse—hindi napakarami ni napakakaunti, at hindi napakataas ni napakababa. Isulat ang mga mithiin na kaya ninyong abutin, at sikaping gawin ang mga ito batay sa kahalagahan ng mga ito. Manalangin sa Diyos na patnubayan ang pagtatakda ninyo ng mithiin” (“Keeping Life’s Demands in Balance,” Ensign, Mayo 1987, 14).

Madalas sabihin ni Pangulong Heber J. Grant, “Ang pinagsusumikapan nating gawin ay nagiging mas madali nating gawin; hindi dahil sa nagbago ang likas na katangian niyon, kundi nag-ibayo ang ating kakayahang gawin iyon” (hindi kilala ang awtor at source).

Basahin:

“Ang pinagsisikapan natin sa buhay na ito ay hindi ang maging mas mahusay sa iba kundi ang pagsikapang paghusayin ang ating sarili. Ang maging mas mahusay sa nagawa na natin noon, ang maging mas mabuti sa araw-araw, ang mas makayanan ang mga pagsubok nang higit pa sa inaakala natin, ang magbigay nang hindi pa natin naibibigay kailanman noon, ang gawin ang ating gawain nang may mas ibayong lakas at pagtiyak na ginawa natin ang lahat ng makakaya natin sa lahat ng ating ginagawa—ito ang tunay na layunin” (Thomas S. Monson, “The Lighthouse of the Lord: A Message to the Youth of the Church,” Ensign, Peb. 2001, 5).

Talakayin:

Paano naging bahagi ng plano ng Diyos para sa atin ang pagtatakda ng mithiin?

5. Paghingi ng Tulong sa pamamagitan ng Tagapagligtas

Basahin:

Itinuro ni Brother Tad R. Callister ang sumusunod tungkol sa Panginoon:

“Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay nagbibigay sa atin ng buhay na kahalili ng kamatayan, ‘putong na bulaklak na kahalili ng mga abo,’ kagalingan na kahalili ng pasakit, at pagiging perpekto na kahalili ng kahinaan. Ito ang lunas ng langit para sa mga hadlang at paghihirap sa mundong ito.

“Sa huling linggo ng Tagapagligtas sa mortalidad, sinabi Niya, ‘Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan’ [Juan 16:33]. Dahil ginawa ng Tagapagligtas ang Kanyang Pagbabayad-sala, walang panlabas na lakas o pangyayari o tao—walang kasalanan o kamatayan o diborsiyo—na makapipigil sa atin para makamit ang kadakilaan, kung susundin natin ang mga utos ng Diyos. Taglay ang kaalamang iyon, makasusulong tayo nang may nagagalak na puso at lubos na katiyakan na kasama natin ang Diyos sa banal na pagsisikap na ito” (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 87).

Nais ng Panginoon na panatagin at suportahan tayo. Ipinangako Niya, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (Doktrina at mga Tipan 112:10). Ang sumusunod ay ilang paraan para makahingi kayo ng tulong mula sa Diyos:

  • Patawarin ang inyong sarili at ang iba.

  • Manalangin nang may pananampalataya, pagpapakumbaba, at pasasalamat.

  • Magpakabusog sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta.

  • Pumunta sa templo.

  • Alalahanin ang araw ng Sabbath, at panatilihing banal ito.

  • Tumanggap ng sakramento, at laging alalahanin ang Tagapagligtas.

  • Unawain na ang pagkakaroon ng tanong at ang pagtatanong ay mahalagang bahagi ng pagtanggap ng paghahayag.

  • Alalahanin na nais ng Tagapagligtas na tulungan kayo sa inyong mga mithiin.

Talakayin:

Paano kayo napalakas ng Panginoon sa kursong ito?

6. Paghingi ng Tulong sa Iba

Basahin:

Hindi nais ng Diyos na danasin natin ang ating mga pagsubok nang mag-isa. Madalas na tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng ibang tao. Ang Diyos ay naglagay at maglalagay ng mga tao sa ating buhay upang tulungan at suportahan tayo sa oras ng ating mga pagsubok. Kabilang sa mga mahihingan natin ng tulong ang:

  • Pamilya at mga pinagkakatiwalaang kaibigan.

  • Mga lider ng Simbahan at mga ministering sister o brother.

  • Resources sa komunidad.

  • Tulong mula sa mga propesyonal.

Talakayin:

Paano kayo tinulungan ng iba sa panahon ng kursong ito?

Paghingi ng Tulong mula sa mga Propesyonal

Basahin:

Mahirap malaman kung dapat humingi o hindi ng tulong mula sa mga propesyonal. Ang mga sumusunod na sitwasyon ay mga palatandaan na maaaring magpahiwatig na kailangan ang tulong mula sa mga propesyonal.

  • Nakadarama ka ng patuloy na matinding galit, kalungkutan, takot, sakit ng damdamin, o kawalan ng pag-asa. Anuman ang gawin mo, nananatili ang mga damdaming ito at kadalasang nagpapahina ng pag-iisip at katawan.

  • Kahit pabalik-balik kung minsan ang mga nadaramang ito, patuloy pa rin ang problema sa loob ng maraming buwan.

  • Nakadarama ka ng panghihina, at nagbabago ang iyong gana sa pagkain at oras ng pagtulog.

  • Hindi mo makontrol ang pag-aalala at pagkabalisa.

  • Pinag-iisipan mong saktan ang iyong sarili o ang iba.

  • Ang kakayahan mong kumilos sa araw-araw ay naaapektuhan at nililimitahan ang iyong mga nagagawa.

Kung nararanasan mo ang ilan sa mga palatandaang ito at nag-aalala tungkol sa iyong kalusugan, kausapin ang isang propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan o isang taong pinagkakatiwalaan mo.

Paalala: Ang karagdagang impormasyon tungkol sa pagpili ng tamang propesyonal sa pangangalaga sa kalusugan para sa iyo ay matatagpuan sa bahaging “Resources” sa katapusan ng kabanatang ito.

7. Katapusan

Basahin:

Binabati kita sa pagkumpleto ng kursong ito! Marami sa mga bagay na napag-usapan natin ay hindi maisasakatuparan sa loob ng 10 linggo. Gayunman, maaaring nagkaroon ka ng ilang gawi na makatutulong sa iyo na lalo pang tumatag ang iyong damdamin. Rebyuhin nang madalas ang mga kabanata sa workbook na ito para maalala at maisagawa ang mga alituntunin at kasanayang ito.

Talakayin:

Bilang grupo, boluntaryong ibahagi ang mga karanasan ninyo mula sa kursong ito. Maaari ninyong ibahagi ang pinakanakatutulong na mga kasanayan na natutuhan ninyo, mga espirituwal na karanasan na mayroon kayo, mga paraan na nagbago kayo, o kung paano kayo pinagpala ng Panginoon sa kursong ito.

Basahin:

Matapos makumpleto ang kursong ito, pinipili ng ilang grupo na ipagpatuloy ang pagtitipon nang paminsan-minsan. Ang ilan ay nakahahanap ng kahalagahan sa patuloy na pag-aaral nang magkakasama, pagsuporta sa isa’t isa, at pagsisikap na madaig ang mga hamon. Ang iba naman ay gumamit ng mga text message o social media para regular na magbigay ng panghihikayat at magbahagi ng nakasisiglang mga artikulo, video, at iba pang nilalaman.

Talakayin:

Bilang grupo, talakayin kung gusto pa rin ninyo na kontakin ang isa’t isa. Kung oo, paano ninyo ito gagawin?