“10: Resources,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)
“10: Resources,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin
Resources
Paghahanap ng Tamang Tulong mula sa mga Propesyonal
Kapag ipinasiya mong humingi ng tulong mula sa isang propesyonal, dapat mong malaman na consumer ka na ng isang serbisyo at may karapatan kang magtanong. Isiping maghanap ng isang propesyonal na nakatutugon sa mga sumusunod na katangian:
-
Nauunawaan at iginagalang ang iyong mga pinahahalagahan. Kapag pinili mong humingi ng tulong, kailangan mong tumulong na matukoy ang gusto mong mga resulta. Humanap ng isang propesyonal na gumagalang sa pagpapasiya ng kliyente, o sa pinili mo na gusto mong makuha mula sa therapy, pagpapagamot, o iba pang uri ng tulong.
-
Maipapaliwanag ang kanyang propesyon at karanasan at kung paano ito nauugnay sa iyong mga pangangailangan. Kabilang sa ilang kwalipikadong propesyonal ang lisensyadong mga marriage and family therapist, lisensyadong clinical social worker, psychiatrist, psychologist, propesyonal na mental health counselor, at iba pa.
-
May mga sesyon na tama para sa iyo. Isaalang-alang ang haba, gastos, at dalas ng bawat sesyon at iba pang mga bagay habang nagpapasiya ka kung ano ang angkop sa iyong mga pangangailangan.
-
Handang makipagsanggunian sa iyong lider ng Simbahan tungkol sa iyong progreso, kung nais mo. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga mungkahi kung paano sila magtutulungan ng iyong lider para matulungan ka.
Mga Mithiin, Benepisyo, at Panganib
Mas malamang na matamo mo ang mga minimithi mo kapag nauunawaan mo ang uri at limitasyon ng pagpapayo. Layunin ng pagpapayo na tulungan kang matutuhan kung paano unawain at impluwensyahan ang iyong pag-iisip, damdamin, at pag-uugali. Maraming tao ang napapabuti o nalulutas ang kanilang mga alalahanin sa proseso ng pagpapayo. Sa huli, ang pagkakaroon ng ugnayan na may pagtitiwala ay magiging mahalaga sa progreso ng therapy. Bigyang-pansin ang una mong emosyonal na tugon kapag nakikipag-usap ka sa propesyonal. Magtiwala sa iyong sarili at sa iyong kakayahang magpasiya kapag naghahanap ka ng isang taong makatutugon sa iyong mga pangangailangan at personalidad. Kung hindi ka komportable, patuloy na maghanap. Bagama’t hindi magagarantiyahan ang mga resulta ng pagpapayo, ang pagsunod mo sa proseso ay makaiimpluwensya nang malaki sa kung gaano ito kapaki-pakinabang para sa iyo.