Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Ang Aking Saligan: Ang Ating Katawan ay Kaloob mula sa Diyos


“3: Ang Aking Saligan: Ang Ating Katawan ay Kaloob mula sa Diyos,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“3: Ang Aking Saligan: Ang Ating Katawan ay Kaloob mula sa Diyos,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Ang Aking Saligan: Ang Ating Katawan ay Kaloob mula sa Diyos—Maximum na Oras: 20 Minuto

Isipin:

Anong mga pagpapala ang natanggap mo sa pagkakaroon ng katawan?

Panoorin:

God’s Greatest Creation [Ang Pinakadakilang Nilikha ng Diyos],” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [2:51]. (Walang video? Basahin ang teksto para sa “God’s Greatest Creation [Ang Pinakadakilang Nilikha ng Diyos].”)

2:46

Ang Pinakadakilang Nilikha ng Diyos

Kung hindi ninyo mapapanood ang video, basahin ang script na ito.

Pangulong Russell M. Nelson:

dalawang batang babae na nakahiga at nakatingin sa kalangitan

Sinumang nag-aaral ng komposisyon ng katawan ng tao ay tiyak na “nakikita ang Diyos na gumagalaw sa kanyang kamahalan at kapangyarihan” [Doktrina at mga Tipan 88:47].

Bawat mata ay kayang magtuon sa tinitingnan nito. Kinokontrol ng mga nerve at kalamnan ang dalawang mata para makalikha ng isang three-dimensional image. Bawat tainga ay nakakonekta sa kasangkapan na dinisenyo para marinig natin ang mga tunog sa ating paligid.

Ang inyong puso ay isang pambihirang pambomba. Ito ay may apat na maseselang balbula na bukas-sara nang mahigit 100,000 beses kada araw. Isipin ninyo ang mga panlaban ng katawan. Nakadarama ito ng sakit. Lumilikha ito ng mga pangontra. Pinaninibago ng katawan ang mga hindi na magagamit sa selula nito at kinokontrol ang lebel ng mahahalagang bahagi nito.

Ang maraming magagandang katangian ng inyong katawan ay nagpapatunay sa inyong “kabanalang mula sa Dios” [2 Pedro 1:4]. Inilarawan ito ni Apostol Pablo bilang “templo ng Diyos” [1 Corinto 3:16]. Paano mangyayari ito? Dahil ang inyong katawan ay templo para sa inyong espiritu. At ang paraan ng paggamit ninyo ng inyong katawan ay makakaapekto sa inyong espiritu. Ang Diyos ang Ama ng ating espiritu. Tayo ay bahagi ng Kanyang banal na layunin. At nang likhain Niya ang ating katawan, nilikha tayo sa larawan ng Diyos.

Ang pagpapaunlad ng espiritu ay may walang-hanggang ibubunga. Kapag tunay na nauunawaan natin ang ating banal na katangian, gugustuhin nating supilin o kontrolin ang ating mga hangarin. Itutuon natin ang ating mga mata sa mga tanawin, ang ating mga tainga sa mga tunog, at ang ating mga isip sa mga kaisipan na makabubuti sa ating pisikal na katawan bilang templo ng ating Ama sa Langit. Para sa mga pisikal na kaloob na ito, salamat sa Diyos!

Talakayin:

Paano tayo inihahanda ng pagkakaroon ng pisikal na katawan na maging katulad ng ating Ama sa Langit?

Basahin:

Ang mga sumusunod na pahayag ng mga lider ng Simbahan:

“Dahil napakahalaga ng pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa ating espirituwal na pag-unlad, hangad ni Lucifer na hadlangan ang ating pag-unlad sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gamitin sa mali ang ating katawan” (David A. Bednar, “Maging Alisto at Patuloy na Manalangin,” Liahona, Nob. 2019, 34).

“Ang iyong tiyak na kaligtasan sa buhay na ito ay matatagpuan sa hindi pagpapatangay sa unang pang-uudyok na pumunta sa hindi mo dapat puntahan at gawin ang hindi mo dapat gawin. … [Bilang tao, lahat tayo ay may mga pisikal na appetite o mga gana na kailangan para mabuhay.] Ang mga appetite na ito ay talagang kailangan upang maipagpatuloy ang buhay. Kaya ano ang ginagawa ng kaaway? … Inaatake niya tayo sa pamamagitan ng ating mga appetite. Tinutukso niya tayo na kainin ang mga bagay na hindi natin dapat kainin, inumin ang mga bagay na hindi natin dapat inumin, at magmahal nang hindi natin dapat mahalin!” (Russell M. Nelson, sa “Advice from the Prophet of the Church to Millennials Living in a Hectic World,” Peb. 18, 2018, newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

Talakayin:

Paano nakakaapekto sa katatagan ng ating damdamin ang pagpapabaya sa ating katawan?

Basahin:

Ang mga scripture passage:

“Ang kaluluwa ay magbabalik sa katawan, at ang katawan sa kaluluwa; oo, at bawat biyas at kasu-kasuan ay magbabalik sa kanyang katawan; oo, maging isang buhok sa ulo ay hindi mawawala; kundi lahat ng bagay ay magbabalik sa kanilang wasto at ganap na anyo” (Alma 40:23).

“At [si Jesus] ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao. … At dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Talakayin:

Paano tayo mapalalakas ni Jesucristo para matiis nang mabuti o madaig ang anumang pisikal na limitasyon na mayroon tayo?

Mangakong Gawin:

Pipili ako ng isang paraan para mapangalagaan ko nang mas mabuti ang aking katawan tulad sa isang templo.