Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Matuto


“8: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin (2020)

“8: Matuto,” Paghugot ng Lakas sa Panginoon: Katatagan ng Damdamin

Matuto—Maximum na Oras: 60 Minuto

1. Mahalaga ang mga Ugnayan

Basahin:

Kapag nagkakaroon tayo ng magiliw na ugnayan sa iba, lumalakas ang ating pisikal, emosyonal, at espirituwal na kalusugan. Nais ng Ama sa Langit na mahalin natin Siya at ang mga tao sa paligid natin. Mahal tayo ng ating pamilya at mga kaibigan at makapagbibigay sila ng suporta, lakas ng loob, at tapat na pagpuna na kailangan natin upang matagumpay na makayanan ang mga hamon ng buhay. Hangad ng kaaway na ilayo tayo sa iba at hangad niyang madama natin na napagkaitan tayo ng mga pagpapalang nagmumula sa mga ugnayang iyon.

“Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ‘ang pakikipagkaibigan ay isa sa mga dakila at mahahalagang alituntunin ng “Mormonismo’” [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 543]. Ang kaisipang iyan ay dapat magbigay-inspirasyon at makahikayat sa ating lahat dahil nadarama ko na ang pagkakaibigan ay isang pangunahing pangangailangan ng ating mundo. Sa palagay ko lahat tayo ay may matinding hangarin na magkaroon ng mga kaibigan, matinding pananabik para sa kasiyahan at seguridad na maibibigay ng malalapit at walang-hanggang mga ugnayan” (Marlin K. Jensen, “Friendship: A Gospel Principle,” Ensign, Mayo 1999, 64).

Talakayin:

Anong mga kapakinabangan ang nakikita ninyo mula sa malapit at magigiliw na ugnayan?

2. Pagbuo ng mga Ugnayan

Basahin:

Kapag bumubuo ng mga ugnayan, tayo dapat ang kusang lumapit sa iba at maging mapagpasensya sa mga pagkakaiba. Maaari tayong bumuo ng mga ugnayan sa pamamagitan ng “maliliit at mga karaniwang” paraan (Alma 37:6). Ang pag-uukol ng panahon para bumuo ng mabubuting ugnayan ay mas mahalaga kaysa sa dami nito. Matutuklasan natin na mas nagagalak tayo sa buhay kapag napapalapit tayo sa iilang tao na pinagkakatiwalaan natin sa halip na magkaroon ng maraming mababaw na ugnayan. Walang mali sa pagkakaroon ng maraming kaibigan, ngunit hindi natin dapat isipin na nagdudulot ng kaligayahan ang pagkakaroon ng mas maraming kaibigan.

Basahin ang listahan sa ibaba ng mga karagdagang paraan para magkaroon at makabuo ng ugnayan sa iba.

Maging tunay na interesado sa ibang tao. Alamin kung ano ang gusto o interes ng ibang tao. Hindi kailangang pareho kayo ng mga interes, ngunit maaari mong matutuhang pahalagahan ang mga bagay na interesado sila.

Ngumiti. Ang kaligayahan ay hindi nakadepende sa nangyayari sa paligid mo kundi sa pagharap mo sa iyong sitwasyon. Ang pagngiti ay simple at madaling gawin at maaaring maging magandang paraan para gumanda ang pakiramdam ng iba.

Tandaan ang mga pangalan ng mga tao. Ang pangalan ng isang tao ang pinakamahalagang tunog sa kanya, natatanto man ito o hindi ng tao. Ang alamin ang pangalan ng isang tao ay makatutulong sa taong iyon na madama na siya ay pinahahalagahan at mahalaga.

Maging mabuting tagapakinig. Hikayatin ang iba na magsalita tungkol sa kanilang sarili. Nadarama ng mga tao na pinahahalagahan sila kapag may nakikinig sa kanila. Ang pinakamadaling paraan para naisin ng isang tao na makipag-usap sa iyo ay maging mahusay kang tagapakinig. Upang maging mahusay na tagapakinig, kailangang taos-puso kang nakikinig sa kanila.

Sikaping taos-pusong ipadama sa iba na mahalaga sila. Ang gintong aral ay huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo. Gustong maramdaman ng mga tao na mahalaga sila—tulad ng mahalaga sa iba ang sinasabi o ginagawa nila. Magagawa mo ang lahat ng makakaya mo para matulungan ang mga tao na madamang mahalaga sila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ideyang nakalista rito.

Basahin:

“Binubuo natin ang pakikipag-ugnayang ito [sa mga tao] sa isang tao sa isang pagkakataon—sa pamamagitan ng pagiging sensitibo sa pangangailangan ng iba, paglilingkod sa kanila, at pagbibigay ng ating oras at talento. Lubos akong humanga sa isang sister na may edad na at may sakit ngunit nagpasiya na bagama’t wala siyang sapat na maitutulong ay maaari naman siyang makinig. Kaya bawat linggo humahanap siya ng mga taong nababagabag o pinanghihinaan ng loob, nag-uukol ng oras na pakinggan sila. Naging pagpapala siya sa buhay ng maraming tao” (Dieter F. Uchtdorf, “Sa mga Bagay na Pinakamahalaga,” Liahona, Nob. 2010, 22).

Isipin:

Isipin ang isang tao na maaari mong kaibiganin at magkaroon ng matibay na ugnayan. Isipin ang naunang mga ideya sa bahaging ito at ang payo ni Pangulong Uchtdorf, at isulat ang mga paraan na maipamumuhay mo ang natutuhan mo para mabuo ang ugnayang ito.

3. Maging Maunawain at Huwag Mapanghusga

Basahin:

Lahat ay humahatol sa mga sitwasyon at tao, kabilang ang mga ginawa ng mga miyembro ng pamilya. Ipinaliwanag ni Pangulong Uchtdorf, “Kapag tayo ay nasasaktan, nagagalit, o naiinggit, madaling manghusga ng ibang tao, at kadalasan ay iniisip natin na may masama silang motibo para mapangatwiranan natin ang ating sariling pagkamuhi” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 70). At nakasaad sa Aklat ni Mormon, “Dahil sa inyong nalalaman ang liwanag kung paano kayo ay makahahatol, kung aling liwanag ay liwanag ni Cristo, tiyakin ninyo na hindi kayo humahatol nang mali; sapagkat sa gayon ding kahatulan kung paano kayo naghahatol, kayo ay gayon din hahatulan” (Moroni 7:18).

Talakayin:

Paano nakaiimpluwensya sa ating kaligayahan ang pagiging maunawain at hindi gaanong mapanghusga?

Basahin:

Kunwari ay may nakita kang isang magulang na may apat na maliliit na anak. Maiingay ang mga bata at naiinis ka na at ang mga taong nasa paligid nila. Tila hindi ito alintana ng magulang at parang tuliro, at hindi napapansin na nakagagambala na ang mga anak sa mga tao sa paligid nila. Pagkalipas ng ilang oras, pinagalitan ng magulang ang mga anak, at sinabihan sila na tumahimik.

Talakayin:

Bilang grupo, talakayin kung anong panghuhusga ang maaaring itugon dito. Mag-isip ng paliwanag na nagpapakita ng pagkahabag kung bakit ganito ang ikinikilos ng magulang. Ano ang maaari mong gawin para maging mas maunawain at hindi gaanong mapanghusga?

4. Makipag-usap gamit ang “Ako.”

Basahin:

Ang hindi pagkakasundo at hindi pagkakaunawaan ay likas na bahagi ng ugnayan. Maaaring mangyari ito dahil sa mga pagkakaiba sa mga pinahahalagahan, opinyon, pananaw, motibasyon, hangarin, at ideya. Ang matutuhang pag-usapan ang mga pagkakaibang ito sa mabuting paraan ay magpapatatag sa inyong ugnayan sa iba at makatutulong sa inyo na makadama ng pagmamalasakit at pagtitiyaga. Ang mapayapang paraan sa paglutas ng pagtatalo ay maaaring mangyari kapag nadarama ng mga indibiduwal na hindi sila hinuhusgahan at sila ay pinahahalagahan. Bagama’t normal na magkaroon ng mga pagkakaiba, hindi kailangang humantong ang mga ito sa pagtatalo. Ang pagtatalo habang nag-uusap ang nagdudulot ng problema.

Kapag may mga personal na pagkakaiba, maaaring mahirapan kayong iparating nang malinaw ang inyong panig nang hindi tumitindi ang pagtatalo. Ang paggamit ng “ako” sa pakikipag-usap ay makatutulong sa inyo na maipahayag ang inyong mga alalahanin, damdamin, at pangangailangan sa paraang mas madaling pakinggan at maunawaan ng nakikinig. Ang paggamit ng “Ako” sa mensahe ay nakatuon sa sarili mong damdamin at karanasan sa halip na sa iyong pananaw tungkol sa nagawa o hindi ginawa ng ibang tao.

Ang unang bahagi ng “ako” sa mensahe ay naglalarawan at nagpapahayag ng sarili mong damdamin, na mahalaga sa pagtugon sa mga pagtatalo o hindi pagkakasundo. Nakatutulong ito para mabawasan ang pagiging depensibo at nagiging mas madaling pakinggan ang isa’t isa. Basahin ang mga halimbawa sa ibaba kung paano gawing “ikaw/ka/mo” sa “ako/ko.”

Mga Halimbawa ng paggamit ng “Ikaw/ka/mo” na Mensahe

Mga Halimbawa ng paggamit ng “Ako/ko” na Mensahe

Mga Halimbawa ng paggamit ng “Ikaw/ka/mo” na Mensahe

“Hindi ka nakikinig kahit kanino, at hindi mo talaga ako pinakikinggan ngayon.”

Mga Halimbawa ng paggamit ng “Ako/ko” na Mensahe

“Nalulungkot ako kapag tila hindi ako nauunawaan. Kapag pinakikinggan mo ako, nadarama ko na nagmamalasakit ka.”

Mga Halimbawa ng paggamit ng “Ikaw/ka/mo” na Mensahe

“Wala kang malasakit at pakialam kung hindi ka makarating sa hapunan at hindi ka man lang tumawag.”

Mga Halimbawa ng paggamit ng “Ako/ko” na Mensahe

“Pakiramdam ko ay nakaligtaan mo na ako nang hindi ka dumating sa hapunan nang hindi tumatawag. Nag-aalala rin ako na baka may nangyari sa iyo.”

Talakayin:

Ano ang mga pagkakaiba ng “ikaw/ka/mo” at “ako/ko” na mensahe?

Basahin:

Kapag nag-ukol kayo ng oras na ipaalam ang nadarama ninyo sa isang tao, maaaring maisip ninyo na responsibilidad ng taong iyon na gawin ang nais ninyo. Ngunit kahit nasabi na ninyo ang nasa damdamin ninyo, responsibilidad pa rin ninyo ang inyong nadarama at hangarin. Kapag ang inyong “ako/ko” na mensahe ay hindi nagbunga ng ninanais na resulta, maaari kayong kumilos nang may buong pagmamahal upang matamo ang resultang gusto ninyo sa halip na magalit.

5. Magkaroon ng Pag-ibig sa Kapwa-tao

Basahin:

“Anumang mga problema ang kinakaharap ng inyong pamilya, anuman ang kailangan ninyong gawin para malutas ito, ang simula at wakas ng solusyon ay pag-ibig sa kapwa-tao, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Kung wala ang pag-ibig na ito, kahit na ang tila mga perpektong pamilya ay mahihirapan. Kung mayroon nito, kahit ang mga pamilyang may malalaking hamon ay magtatagumpay” (Dieter F. Uchtdorf, “Bilang Papuri sa mga Taong Nagliligtas,” Liahona, Mayo 2016, 80).

Panoorin:

Enduring Love,” mapapanood sa https://churchofjesuschrist.org/study/video/self-reliance-videos [4:16].

4:12

Isipin:

Sino ang kilala mo na maaaring matulungan ng iyong pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao? Bakit?

Basahin:

Pinayuhan tayo ng Panginoon tungkol sa pagbuo ng mga ugnayan sa pamamagitan ng inspiradong dokumentong “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Itinuro dito na ang mga matagumpay na ugnayan ay “itinatatag at pinananatili sa mga alituntunin ng pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org).