Mga Calling sa Mission
Kabanata 3: Lesson 4—Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo Habambuhay


“Kabanata 3: Lesson 4—Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo Habambuhay,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023)

“Kabanata 3: Lesson 4,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo

Kabanata 3: Lesson 4

Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo Habambuhay

The Lost Lamb [Ang Nawawalang Tupa], ni Del Parson

Pagtuturo ng Lesson na Ito

Ang binyag ay isang masayang ordenansang naghahatid ng pag-asa. Kapag tayo ay nabinyagan, ipinapakita natin ang ating hangaring sundin ang Diyos at pumasok sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Nangangako rin tayo na tayo ay magiging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay.

Ang lesson na ito ay isinaayos ayon sa mga tipan na ginagawa natin sa binyag. Kabilang dito ang sumusunod na mga pangunahing bahagi, na mayroong mga subsection:

Tulungan ang mga tao na maunawaan na ang mga alituntunin at kautusan na itinuturo ninyo ay bahagi ng tipan na gagawin nila sa binyag. Ipakita sa kanila kung paano sila tutulungan ng bawat bahagi ng lesson na ito na “lumapit kay Cristo … at makibahagi sa kanyang kaligtasan” (Omni 1:26; tingnan din sa 1 Nephi 15:14).

Ituro ang lesson na ito sa loob ng ilang pagbisita. Dapat bihirang lumampas sa 30 minuto ang mga pagtuturo. Karaniwang mas mabuting magkaroon ng maikli at madalas na mga pagbisita kung saan tinatalakay ang maliliit na bahagi ng lesson.

Planuhin kung ano ang inyong ituturo, kailan ito ituturo, at kung gaano katagal ito ituturo. Isaalang-alang ang mga pangangailangan ng mga taong tinuturuan ninyo, at hangarin ang patnubay ng Espiritu. Malaya kayong magturo ayon sa kung ano ang pinakamainam na makatutulong sa mga tao para sa binyag at kumpirmasyon.

Ang ilang bahagi sa lesson na ito ay may partikular na mga paanyaya. Maghangad ng inspirasyon sa pagpapasiya kung paano at kailan ibibigay ang mga paanyaya. Isaalang-alang ang antas ng pang-unawa ng bawat tao. Tulungan sila na ipamuhay ang ebanghelyo sa paisa-isang hakbang.

babaeng tumatanggap ng sakramento

Ang Ating Tipan na Maging Handang Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo

Kapag tayo ay bininyagan, nakikipagtipan tayo na susundin natin si Jesucristo “nang may buong layunin ng puso.” Ipinapangako rin natin na “handa [tayong] taglayin sa [ating] sarili ang pangalan ni Cristo” (2 Nephi 31:13; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:37).

Ang ibig sabihin ng taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo ay aalalahanin natin Siya at sisikapin nating mamuhay bilang Kanyang disipulo habambuhay. Ipinapakita natin sa iba ang Kanyang liwanag sa pamamagitan ng ating pagkilos. Ibinibilang natin ang ating sarili kay Cristo at inuuna natin Siya sa ating buhay.

Ipinapaliwanag ng susunod na mga bahagi ang dalawang paraan na inaalala at sinusunod natin si Jesucristo.

Manalangin nang Madalas

Ang panalangin ay isang simpleng pakikipag-uusap sa Ama sa Langit na nagmumula sa puso. Kapag tayo ay nananalangin, bukas at tapat tayong nakikipag-usap sa Kanya. Ipinapahayag natin ang ating pagmamahal sa Kanya at nagpapasalamat tayo para sa ating mga pagpapala. Humihingi tayo ng tulong, proteksyon, at patnubay. Kapag tapos na tayong manalangin, dapat mag-ukol tayo ng oras upang huminto at makinig sandali.

Itinuro ni Jesus, “kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan” (3 Nephi 18:19, idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Moises 5:8). Habang tayo ay nananalangin sa pangalan ni Jesucristo, inaalala natin Siya at ang Ama sa Langit.

Ipinakita ni Jesus kung paano tayo dapat manalangin. Marami tayong matututuhan tungkol sa panalangin sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga panalangin ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Mateo 6:9–13; Juan 17).

Maaaring kabilang sa ating mga panalangin ang sumusunod na mga bahagi:

  • Magsimula sa pagtawag sa Ama sa Langit.

  • Ipahayag ang mga nilalaman ng inyong puso, tulad ng pasasalamat para sa mga pagpapalang natanggap natin.

  • Magtanong, humingi ng patnubay, at humiling ng mga pagpapala.

  • Magtapos sa pagsasabi ng, “Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Hinihikayat tayo ng mga banal na kasulatan na manalangin sa umaga at sa gabi. Gayunman, maaari tayong manalangin anumang oras at sa anumang lugar. Ang ating mga personal na panalangin at panalangin ng pamilya ay maaaring maging makabuluhan kapag tayo ay lumuhod habang nananalangin. Dapat palagi tayong may panalangin sa ating puso. (Tingnan sa Alma 34:27; 37:36–37; 3 Nephi 17:13; 19:16.)

Ang ating mga panalangin ay dapat na pinag-isipan at mula sa puso. Kapag tayo ay nananalangin, dapat iwasan natin ang pagsasabi ng pare-parehong mga bagay sa magkakatulad na paraan.

Tayo ay nananalangin nang may pananampalataya, katapatan, at tunay na layunin na kumilos ayon sa mga sagot na matatanggap natin. Kapag ginawa natin ito, tayo ay papatnubayan ng Diyos at tutulungan tayong gumawa ng mabubuting desisyon. Mapapalapit tayo sa Kanya. Bibigyan Niya tayo ng pang-unawa at katotohanan. Pagpapalain Niya tayo ng kapanatagan, kapayapaan, at lakas.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Pag-aralan ang mga Banal na Kasulatan

Itinuro ni Nephi, “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat [ang mga ito ay] magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3; tingnan din sa 31:20).

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isang mahalagang paraan para maalala at masunod natin si Jesucristo. Sa mga banal na kasulatan ay matututuhan natin ang tungkol sa Kanyang buhay, ministeryo, at mga turo. Matututuhan din natin ang Kanyang mga pangako. Habang binabasa natin ang mga banal na kasulatan, madarama natin ang Kanyang pagmamahal. Magagalak ang ating kaluluwa, lalakas ang ating pananampalataya sa Kanya, at maliliwanagan ang ating isipan. Titibay ang ating patotoo sa Kanyang banal na misyon.

Inaalala at sinusunod natin si Jesucristo kapag namumuhay tayo ayon sa Kanyang mga salita. Dapat nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, lalo na ang Aklat ni Mormon.

Ang mga banal na kasulatan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Banal na Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. Ang mga ito ay tinatawag na “mga pamantayang banal na kasulatan.”

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

nagtuturo si Jesucristo sa mga tao

Ang Ating Tipan na Sundin ang mga Kautusan ng Diyos

Tandaan: Maraming paraan para maituro ang mga kautusan sa bahaging ito. Halimbawa, maaaring ninyong ituro ang mga ito sa ilang pagbisita. O maaari ninyong ituro ang ilan sa mga ito bilang bahagi ng naunang tatlong lesson. Kapag nagtuturo ng mga kautusan, tiyakin na iugnay ang mga ito sa tipan sa binyag at sa plano ng kaligtasan.

Kapag tayo ay nabinyagan, nakikipagtipan tayo sa Diyos na “susundin [natin] ang kanyang mga kautusan” (Mosias 18:10; Alma 7:15).

Binigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan dahil mahal Niya tayo. Nais Niya ang pinakamainam para sa atin, ngayon at sa kawalang-hanggan. Bilang ating Ama sa Langit, alam Niya kung ano ang kailangan natin sa espirituwal at sa pisikal. Alam din Niya kung ano ang makapagbibigay sa atin ng pinakamalaking kaligayahan. Ang bawat kautusan ay kaloob mula sa Diyos, na ibinigay para gabayan ang ating mga desisyon, protektahan tayo, at tulungan tayong umunlad.

Ang isang dahilan na pumarito tayo sa lupa ay upang tayo ay matuto at umunlad sa pamamagitan ng matalinong paggamit natin ng ating kalayaang pumili (tingnan sa Abraham 3:25). Ang pagpili na sundin ang mga kautusan ng Diyos—at magsisi kapag tayo ay nagkulang—ay tutulong sa atin na tahakin itong mortal na paglalakbay na madalas ay puno ng hamon.

Ang mga kautusan ng Diyos ay pinagmumulan ng lakas at mga pagpapala (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:8–9). Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan, matututuhan natin na ang mga ito ay hindi pabigat na mga tuntunin na humahadlang sa ating kalayaan. Ang tunay na kalayaan ay nagmumula sa pagsunod sa mga kautusan. Ang pagsunod ay pinagmumulan ng lakas na nagbibigay sa atin ng liwanag at kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Naghahatid rin ito sa atin ng higit na kaligayahan at tumutulong sa atin na maabot ang ating banal na potensiyal bilang mga anak ng Diyos.

Nangako ang Diyos na pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang Kanyang mga kautusan. Ang ilang mga pagpapala ay nagmumula sa partikular na mga kautusan. Ang Kanyang pinakadakilang mga pagpapala ay ang kapayapaan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. (Tingnan sa Mosias 2:41; Alma 7:16; Doktrina at mga Tipan 14:7; 59:23; 93:28; 130:20–21.)

Ang mga pagpapala ng Diyos ay kapwa espirituwal at temporal. Kung minsan, kailangan nating hintayin ang mga ito, nagtitiwala na darating ang mga ito ayon sa Kanyang kalooban at panahon (tingnan sa Mosias 7:33; Doktrina at mga Tipan 88:68). Para mabatid ang ilang mga pagpapala, kailangan nating maging mapagmatiyag sa espirituwal. Totoo ito lalo na sa mga pagpapalang dumarating sa tila simple at karaniwang mga paraan.

Ang ilang mga pagpapala ay matutukoy lamang natin kapag tayo ay nagbalik-tanaw sa nakaraan. Ang ilan ay maaaring matanggap natin pagkatapos ng buhay na ito. Ano man ang pagpapalang ibigay ng Diyos o kailan man ito ibigay, mapapanatag tayo na darating ang mga ito kapag nagsikap tayong ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10).

Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak sa perpektong paraan. Siya ay mapagpasensya sa ating mga kahinaan, at Siya ay mapagpatawad kapag tayo ay nagsisi.

Ang Dalawang Dakilang Utos

Nang tinanong si Jesus, “Alin ba ang dakilang utos sa kautusan?” Sumagot Siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.”

Sinabi ni Jesus na ang pangalawa ay katulad ng una: “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:36–39). “Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito” (Marcos 12:31).

Bilang mga espiritung anak ng Diyos, mayroon tayong malawak na kakayahang magmahal. Ito ay bahagi ng ating espirituwal na pamana. Ang pagsasabuhay ng dalawang dakilang utos—ang ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa—ay pangunahing katangian ng mga disipulo ni Jesucristo.

Pagmamahal sa Diyos

Maraming paraan para maipakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos. Maipapakita natin ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Juan 14:15, 21). Uunahin natin Siya sa ating buhay, inaayon ang ating kagustuhan sa Kanyang kalooban. Maise-sentro natin ang ating mga hangarin, isipan, at puso sa Kanya (tingnan sa Alma 37:36). Mamumuhay tayo nang may pasasalamat sa mga pagpapalang ibinigay Niya sa atin—at magiging bukas-palad tayo sa pagbabahagi ng mga pagpapalang ito (tingnan sa Mosias 2:21–24; 4:16–21). Sa pamamagitan ng panalangin at paglilingkod sa iba, maaari nating maipakita at mapalalim ang ating pagmamahal sa Kanya.

Tulad ng ibang mga kautusan, ang kautusang mahalin ang Diyos ay para sa ating ikabubuti. Ang ating minamahal ay siya ring ating hinahangad. Ang hinahangad natin ay siya ring ating iniisip at ginagawa. Ang ating iniisip at ginagawa ang nagpapasiya kung sino tayo—at kung ano ang ating kahihinatnan.

Pagmamahal sa Ibang Tao

Ang ating pagmamahal sa ibang tao ay nakaugnay sa ating pagmamahal sa Diyos. Nagturo ang Tagapagligtas sa atin ng maraming paraan para mahalin ang ibang tao (tingnan halimbawa sa Lucas 10:25–37 at Mateo 25:31–46). Maaari natin silang kilalanin at malugod na tanggapin sa ating puso at sa ating buhay. Maipakikita natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng paglilingkod sa ibang tao—kahit sa maliliit na paraan. Maipakikita rin natin ang ating pagmamahal sa pamamagitan ng paggamit ng ating mga kaloob mula sa Diyos para pagpalain ang ibang tao.

Kabilang din sa pagmamahal sa iba ang pagiging mapagpasensya, mabait, at tapat. Kabilang dito ang pagiging handang magpatawad. Bahagi rin nito ang pakikitungo sa lahat ng tao nang may paggalang.

Kapag minahal natin ang isang tao, tayo at ang taong ito ay parehong pagpapalain. Magiging mas malapit tayo sa isa’t isa, magiging mas makabuluhan ang ating mga buhay, at magkakaroon tayo ng higit na kagalakan.

Mga Pagpapala

Ang dalawang dakilang utos—ang ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa—ang pundasyon ng lahat ng kautusan ng Diyos (tingnan sa Mateo 22:40). Kapag inuna nating mahalin ang Diyos, at minahal din natin ang ibang tao, ang lahat ng bagay sa ating buhay ay mapupunta sa kanilang tamang lugar. Ang pagmamahal na ito ay magpapabago sa ating pananaw, sa paggamit natin ng ating oras, sa mga hangaring inaasam natin, at sa pagkakasunud-sunod ng ating mga prayoridad.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Sundin ang Propeta

Ang Diyos ay tumatawag ng mga propeta upang maging kinatawan Niya dito sa lupa. Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, inihahayag Niya ang katotohanan at nagbibigay Siya ng patnubay at mga babala.

Tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging unang propeta sa mga huling araw (tingnan sa lesson 1). Ang mga propetang sumunod kay Joseph Smith ay tinawag din ng Diyos para pamunuan ang Kanyang Simbahan, kabilang na ang propetang namumuno dito ngayon. Dapat magkaroon tayo ng pananalig sa banal na tungkulin ng buhay na propeta at dapat sundin natin ang kanyang mga turo.

Ang mga turo ng mga buhay na propeta at apostol ay nagbibigay sa atin ng matibay na pundasyon na ating masasandalan sa mundong ito na pabagu-bago ang pinahahalagahan. Kapag sinunod natin ang mga propeta ng Diyos, hindi tayo matitinag ng mga kalituhan at kaguluhan sa mundo. Magkakaroon tayo ng higit na kaligayahan sa buhay na ito at makatatanggap tayo ng patnubay sa bahaging ito ng ating walang-hanggang paglalakbay.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Sundin ang Sampung Utos

Inihayag ng Diyos ang Sampung Utos sa isang sinaunang propetang nagngangalang Moises para magabayan ang kanyang mga tao. Angkop pa rin sa ating panahon ngayon ang mga kautusang ito. Itinuturo ng mga ito sa atin na dapat nating sambahin at igalang ang Diyos. Itinuturo din ng mga ito sa atin kung paano natin dapat pakitunguhan ang isa’t isa.

  • “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko” (Exodo 20:3). Kabilang sa ibang “mga diyos” ang maraming bagay tulad ng mga ari-arian, kapangyarihan, o katanyagan.

  • “Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan” (Exodo 20:4).

  • “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan” (Exodo 20:7).

  • “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal” (Exodo 20:8).

  • “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12).

  • “Huwag kang papatay” (Exodo 20:13).

  • “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14).

  • “Huwag kang magnanakaw” (Exodo 20:15).

  • “Huwag kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa” (Exodo 20:16).

  • “Huwag mong iimbutin ang [pag-aari] ng iyong kapuwa” (Exodo 20:17).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

isang lalaki na karga ang isang babae

Sundin ang Batas ng Kalinisang-Puri

Ang batas ng kalinisang-puri ay mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa ating kaligtasan at kadakilaan. Ang seksuwal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawang lalaki at babae ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at para sa pagpapahayag ng pagmamahal ng mag-asawa sa isa’t isa. Ang intimasiya at kapangyarihang lumikha ng buhay ng tao ay nilayong maging maganda at sagrado.

Ang batas ng kalinisang-puri ng Diyos ay ang hindi pagkakaroon ng seksuwal na relasyon sa labas ng legal na kasal ng isang lalaki at isang babae. Kabilang din sa batas na ito ang lubos na katapatan sa asawa pagkatapos maikasal.

Para matulungan tayong masunod ang batas ng kalinisang-puri, hinikayat tayo ng mga propeta na maging malinis sa ating isipan at pananalita. Dapat nating iwasan ang anumang uri ng pornograpiya. Kaugnay ng batas ng kalinisang-puri, dapat din tayong maging disente sa ating ugali at pananamit.

Dapat sinusunod ng mga taong bibinyagan ang batas ng kalinisang-puri.

Pagsisisi at Kapatawaran

Sa mata ng Diyos, ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay napakabigat (tingnan sa Exodo 20:14; Efeso 5:3). Nilalapastangan nito ang sagradong kapangyarihang ibinigay Niya para sa paglikha ng buhay. Ngunit patuloy pa rin Niya tayong mamahalin kahit na nalabag natin ang batas na ito. Inaanyayahan Niya tayong magsisi at maging malinis sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo. Ang kapighatiang dulot ng kasalanan ay maaaring mapalitan ng matamis na kapayapaan na dulot ng pagpapatawad ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42–43).

Mga Pagpapala

Ibinigay ng Diyos ang batas ng kalinisang-puri para pagpalain tayo at ang Kanyang mga espiritung anak na ipapadala Niya rito sa lupa. Ang pagsunod sa batas na ito ay mahalaga sa pansariling kapayapaan at sa pagmamahalan, pagtitiwala, at pagkakaisa sa ating pamilya.

Kapag sinunod natin ang batas ng kalinisang-puri, tayo ay mapoprotektahan mula sa mga espirituwal na panganib na nagmumula sa pagkakaroon ng seksuwal na intimasiya sa labas ng kasal. Maiiwasan din natin ang emosyonal at pisikal na mga problemang madalas na kaakibat ng gayong mga relasyon. Lalakas ang ating pagtitiwala sa harapan ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45). Magiging mas bukas tayo sa impluwensya ng Espiritu Santo. Magiging mas handa tayong gumawa ng mga sagradong tipan sa templo na magbibigkis sa ating pamilya sa walang-hanggan.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Sundin ang Batas ng Ikapu

Ang isang malaking pribilehiyo ng pagiging miyembro ng Simbahan ay ang oportunidad na makapagbayad ng ikapu. Sa pagbabayad natin ng ikapu, tumutulong tayo na maisulong ang gawain ng Diyos at pagpalain ang Kanyang mga anak.

Ang batas ng ikapu ay nagmula pa sa panahon ng Lumang Tipan. Halimbawa, ang propetang si Abraham ay nagbayad ng ikapu para sa lahat ng kayang ari-arian (tingnan sa Alma 13:15; Genesis 14:18–20).

Ang ibig sabihin ng salitang ikapu ay ikasampung bahagi. Kapag nagbabayad tayo ng ikapu, ibinibigay natin sa Simbahan ang ikasampung bahagi ng ating kita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 119:3–4; ang kahulugan ng salitang tinubo ay kita). Ang lahat ng mayroon tayo ay kaloob mula sa Diyos. Kapag nagbabayad tayo ng ikapu, ipinapakita natin ang ating pasasalamat sa Kanya sa pamamagitan ng pagbabalik sa Kanya ng isang bahagi ng Kanyang ibinigay sa atin.

Ang pagbabayad ng ikapu ay pagpapakita ng pananampalataya. Isang paraan din ito ng paggalang sa Diyos. Itinuro ni Jesus na dapat nating “hanapin muna … ang kaharian [ng Diyos]” (Mateo 6:33), at ang ikapu ay isang paraan para magawa iyan.

Widow’s Mite [Kusing ng Balo], ni Sandra Rast

Paggamit sa mga Pondo ng Ikapu

Ang mga pondo ng ikapu ito ay sagrado. Ibinibigay natin ang ating ikapu sa isang miyembro ng bishopric, o sa maraming lugar ay maaari natin itong bayaran online. Kapag natanggap ng bishopric ang ikapu, ipinapadala nila ito sa headquarters ng Simbahan.

Ang isang konseho na binubuo ng Unang Panguluhan, Korum ng Labindalawang Apostol, at Presiding Bishopric ang tumutukoy kung paano gagamitin ang mga pondo ng ikapu sa gawain ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 120:1). Kabilang dito ang:

  • Pagpapatayo at pagpapanatiling maayos ng mga templo at mga meetinghouse.

  • Pagsasalin at paglalathala ng mga banal na kasulatan.

  • Pagsuporta sa mga aktibidad at operasyon ng mga lokal na kongregasyon ng Simbahan.

  • Pagsuporta sa gawaing misyonero sa buong mundo.

  • Pagsuporta sa gawain sa family history.

  • Pagpopondo sa mga paaralan at edukasyon.

Ang ikapu ay hindi ginagamit para bayaran ang mga lokal na lider ng Simbahan. Sila ay boluntaryong naglilingkod nang walang anumang bayad.

Mga Pagpapala

Kapag nagbayad tayo ng ikapu, nangako ang Diyos ng mga pagpapalang higit pa sa ating ibinigay. Nangako Siya na “bubuksan … ang mga bintana ng langit, at ibubuhos … ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan” (Malakias 3:10; tingnan sa talata 7–12). Ang mga pagpapalang ito ay maaaring kapwa espirituwal at temporal.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

  • Gabay sa mga Banal na Kasulatan: “Ikapu

  • Mga Paksa ng Ebanghelyo: “Ikapu

Sundin ang Word of Wisdom

Ang Batas ng Panginoon Ukol sa Kalusugan

Ang ating katawan ay sagradong kaloob mula sa Diyos. Kailangan nating lahat ng pisikal na katawan para maging higit na katulad Niya. Ganoon na lamang kahalaga ang ating katawan kaya inihambing ito sa isang templo sa mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Corinto 6:19–20).

Nais ng Panginoon na igalang natin ang ating katawan. Para matulungan tayong magawa ito, inihayag Niya ang batas ukol sa kalusugan na tinatawag ng Word of Wisdom. Itinuturo sa atin ng paghahayag na ito ang tungkol sa pagkain ng masusustansyang pagkain at hindi paggamit ng mga sangkap na makasasama sa ating katawan—partikular na ang alak, tabako, at maiinit na inumin (ibig sabihin ay tsaa at kape).

Sa diwa ng Word of Wisdom, ang mga makabagong propeta ay nagbabala laban sa paggamit ng iba pang mga sangkap na nakasasama, ilegal, o nakalululong. Nagbabala rin ang mga propeta laban sa pag-abuso sa mga inireresetang gamot. (Masasagot ng inyong mission president ang mga tanong tungkol sa kung may iba pang mga sangkap na hindi dapat gamitin sa inyong lugar.)

Mga Pagpapala

Ibinigay ng Diyos ang Word of Wisdom para sa ating pisikal at espirituwal na kapakanan. Nangako Siya ng mga dakilang pagpapala kapag sinunod natin ang kautusang ito. Kabilang sa mga pagpapalang ito ang kalusugan, karunungan, kayamanan ng kaalaman, at proteksyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21).

Ang pagsunod sa Word of Wisdom ay tutulong sa atin na maging mas sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Bagama’t lahat tayo ay nakararanas ng mga hamon sa kalusugan, ang pagsunod sa batas na ito ay tutulong sa atin na magkaroon ng mas malusog na pangangatawan, isipan, at espiritu.

Dapat sinusunod ng mga taong bibinyagan ang Word of Wisdom.

Para sa patnubay sa pagtulong sa mga taong may pinaglalabanang adiksiyon, tingnan ang kabanata 10.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Panatilihing Banal ang Araw ng Sabbath

Isang Araw para Magpahinga at Sumamba

Ang Sabbath ay isang banal na araw na itinalaga ng Diyos para sa atin bawat linggo upang tayo ay makapagpahinga mula sa ating pang-araw-araw na mga gawain at sambahin Siya. Ang isa sa Sampung Utos na ibinigay kay Moises ay “alalahanin … ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal” (Exodo 20:8; tingnan din sa talata 9–11).

Sa isang makabagong paghahayag, muling pinagtibay ng Panginoon na ang Sabbath “ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan” (Doktrina at mga Tipan 59:10). Sinabi rin Niya na ang Sabbath ay dapat isang araw ng kagalakan, pananalangin, at pasasalamat (tingnan sa talata 14–15).

Bilang bahagi ng ating pagsamba sa Sabbath, tayo ay dumadalo sa sacrament meeting linggu-linggo. Sa pagpupulong na ito, sinasamba natin ang Diyos at tinatanggap natin ang sakramento para alalahanin si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, pinaninibago natin ang ating mga tipan sa Diyos at ipinapakita natin na handa tayong pagsisihan ang ating mga kasalanan. Ang ordenansa ng sakramento ang sentro ng ating pagpapanatiling banal ng Sabbath.

Sa simbahan, nakikibahagi rin tayo sa mga klase kung saan natututo pa tayo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ating pananampalataya ay mapalalakas kapag sama-sama nating pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan. Lumalalim ang ating pagmamahal habang pinaglilingkuran at pinalalakas natin ang isa’t isa.

Bukod pa sa pagpapahinga mula sa ating mga gawain sa araw ng Sabbath, dapat din nating iwasan ang pamimili at iba pang mga aktibidad na magiging dahilan para magmukha itong isang karaniwang araw. Iniiwan natin ang mga aktibidad ng mundo at itinutuon natin ang ating isipan at kilos sa mga espirituwal na bagay.

Isang Araw para Gumawa ng Mabuti

Ang paggawa ng mabuti sa araw ng Sabbath ay kasing halaga rin ng mga hindi natin ginagawa para panatilihin itong banal. Tayo ay nag-aaral ng ebanghelyo, nagpapalakas ng pananampalataya, bumubuo ng mga ugnayan, naglilingkod, at nakikibahagi sa mga makabuluhang aktibidad kasama ng ating pamilya at mga kaibigan.

mag-asawang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Mga Pagpapala

Ang pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath ay pagpapahayag ng ating katapatan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag ang ating mga aktibidad sa araw ng Sabbath ay nakaayon sa layunin ng Diyos para sa araw na iyon, tayo ay makadarama ng kagalakan at kapayapaan. Mapangangalagaan ang ating espiritu at sisigla ang ating katawan. Mas mapalalapit din tayo sa Diyos at mas lalalim ang ating ugnayan sa ating Tagapagligtas. Mapananatili natin ang ating sarili na “walang bahid-dungis mula sa sanlibutan” (Doktrina at mga Tipan 59:9). Ang Sabbath ay magiging “isang kasiyahan” (Isaias 58:13; tingnan din sa talata 14).

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Sundin at Igalang ang Batas

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa pagsunod sa batas at pagiging mabubuting mamamayan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 134; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12). Ang mga miyembro ng Simbahan ay hinihikayat na maglingkod para mapabuti ang kanilang mga komunidad at bansa. Hinihikayat din sila na maging impluwensya para sa mabuting moralidad sa komunidad at pamahalaan.

Ang mga miyembro ng Simbahan ay inaanyayahang makibahagi sa pamahalaan at sa prosesong pampulitika ayon sa batas. Ang mga miyembrong may posisyon sa pamahalaan ay kumikilos sa tungkuling iyon bilang mga nagmamalasakit na mamamayan, at hindi bilang mga kinatawan ng Simbahan.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

The Greatest in the Kingdom [Ang Pinakadakila sa Kaharian], ni J. Kirk Richards

Ang Ating Tipan na Paglingkuran ang Diyos at ang Ibang Tao

Paglilingkod

Kapag nabinyagan tayo, nakikipagtipan tayo na maglilingkod tayo sa Diyos at sa iba. Ang paglilingkod sa iba ay isa sa mga pangunahing paraan na mapaglilingkuran natin ang Diyos (tingnan sa Mosias 2:17). Itinuro ng propetang si Alma na ang mga nagnanais na mabinyagan ay dapat “handang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati … , at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).

Pagkatapos mabinyagan, ang mga miyembro ay karaniwang tatanggap ng isang calling para maglingkod sa Simbahan. Ang mga calling na ito ay boluntaryo at walang bayad. Kapag tinanggap natin ang mga ito at masigasig na naglingkod, lalakas ang ating pananampalataya, malilinang natin ang ating mga talento, at mapagpapala natin ang iba.

Ang isa pang bahagi ng ating paglilingkod sa Simbahan ay ang pagiging isang “ministering brother” o “ministering sister.” Sa responsibilidad na ito, tayo ay inaatasang maglingkod sa partikular na mga tao at pamilya.

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, naghahanap tayo ng mga oportunidad na makapaglingkod araw-araw. Tulad niya, tayo ay “[naglilibot] … na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Naglilingkod tayo sa ating mga kapitbahay at sa iba pang mga miyembro ng ating komunidad. Maaari tayong makibahagi sa mga oportunidad na maglingkod sa pamamagitan ng JustServe, kung saan mayroon nito. Maaari nating suportahan ang humanitarian efforts ng Simbahan at makibahagi sa pagtugon sa mga sakuna.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

mga taong nag-uusap

Pagbabahagi ng Ebanghelyo

Bilang bahagi ng ating tipan sa binyag, nangangako tayo na “tumayo bilang mga saksi ng Diyos” (Mosias 18:9). Ang isang paraan na tumatayo tayo bilang mga saksi ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pagtulong sa iba na matanggap ang ebanghelyo ay isa sa pinakamasasayang uri ng paglilingkod na magagawa natin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:15–16). Ito ay isang napakagandang pagpapakita ng ating pagmamahal.

Kapag nararanasan natin ang mga pagpapala ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo, kusa nating nanaising ibahagi ang mga pagpapalang iyon. Ang mga kapamilya, kaibigan, at kakilala natin ay kadalasang nagiging interesado kapag nagpapakita tayo ng halimbawa at nakikita nila kung paano napagpapala ng ebanghelyo ang ating buhay. Maaari nating ibahagi ang ebanghelyo sa normal at natural na mga paraan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, kabanata 23).

Inaanyayahan natin ang iba na samahan tayo sa ating mga aktibidad sa paglilingkod, sa komunidad, sa paglilibang, at sa Simbahan. Maaari din natin silang anyayahan sa isang pulong sa Simbahan o sa isang serbisyo sa binyag. Maaari natin silang anyayahan na manood ng mga online video na nagpapaliwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo, magbasa ng Aklat ni Mormon, o bumisita sa isang open house ng templo. Daan-daang paanyaya ang maaari nating ibigay. Kadalasan, ang ibig sabihin ng pag-anyaya ay ang pagsali sa ating mga kapamilya, kaibigan, at kapitbahay sa mga bagay na ginagawa na natin.

Kapag humiling tayo, tutulungan tayo ng Diyos na matukoy ang mga oportunidad na maibahagi ang ebanghelyo at maikwento sa iba kung paano nito napagpala ang ating buhay.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagsasabuhay ng mga alituntunin ng “pagmamahal, pagbabahagi, at pag-aanyaya” tingnan ang “Makiisa sa mga Miyembro” sa kabanata 9.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Pag-aayuno at mga Handog-ayuno

Itinatag ng Diyos ang batas ng ayuno bilang paraan para matulungan tayong magkaroon ng espirituwal na lakas at matulungan ang iba na nangangailangan.

Ibig sabihin ng pag-aayuno ay hindi pagkain o pag-inom sa loob ng isang partikular na panahon. Karaniwang itinatalaga ng Simbahan ang unang araw ng Linggo ng bawat buwan bilang araw ng pag-aayuno. Ang karaniwang araw ng pag-aayuno ay kinabibilangan ng hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras kung kaya ng ating katawan. Ang iba pang mahahalagang bahagi ng Linggo ng pag-aayuno ay ang pananalangin at pagbabahagi ng patotoo. Hinihikayat din tayong mag-ayuno sa iba pang panahon kapag nadama natin na kailagan natin ito.

Pagkakaroon ng Espirituwal na Lakas

Ang pag-aayuno ay makatutulong sa atin na maging mapagkumbaba, mapalapit sa Diyos, at makadama ng pagpapanibago ng ating espiritu. Bago sinimulan ni Jesucristo ang Kanyang ministeryo, Siya ay nag-ayuno (tingnan sa Mateo 4:1–2). Ang mga banal na kasulatan ay mayroong maraming tala tungkol sa mga propeta at iba pang tao na nag-ayuno upang magkaroon sila ng dagdag na espirituwal na lakas at para humiling ng espesyal na mga pagpapala para sa kanila o sa ibang tao.

Magkasama ang pag-aayuno at panalangin. Kapag tayo ay nag-ayuno at nanalangin nang may pananampalataya, magiging mas bukas tayo sa pagtanggap ng personal na paghahayag. Magkakaroon din tayo ng higit na kakayahang mabatid ang katotohanan at maunawaan ang kalooban ng Diyos.

Pagtulong sa mga Nangangailangan

Kapag tayo ay nag-ayuno, nagbibigay tayo ng pera sa Simbahan para makatulong sa pangangalaga sa mga taong nangangailangan. Ito ay tinatawag na handog-ayuno. Inaanyayahan tayong magbigay ng handog na kahit katumbas ng halaga ng pagkaing hindi natin kinain. Hinihikayat tayo na maging bukas-palad at magbigay nang higit pa sa halaga ng mga pagkaing ito kung kaya natin. Ang pagbibigay ng handog-ayuno ay isang paraan para mapaglingkuran natin ang iba.

Ang mga handog-ayuno ay ginagamit para maglaan ng pagkain at iba pang mga pangangailangan sa mga taong nangangailangan, dito sa atin at sa iba’t ibang panig ng mundo. Para sa impormasyon kung paano magbigay ng handog-ayuno, tingnan ang “Pagbibigay ng Ikapu at Iba Pang mga Handog” sa lesson na ito.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Pag-aayuno

Pangangalaga sa mga Nangangailangan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

  • Gabay sa mga Banal na Kasulatan: “Ayuno, Pag-aayuno

  • Pangkalahatang Hanbuk: 22.2.2

  • Mga Paksa ng Ebanghelyo: “Pag-aayuno at mga Handog-ayuno

pamilya sa labas ng templo

Ang Ating Tipan na Magtiis Hanggang Wakas

Kapag tayo ay nabinyagan, nakikipagtipan tayo sa Diyos na tayo ay “magtitiis hanggang wakas” sa pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo (2 Nephi 31:20; tingnan din sa Mosias 18:13). Sinisikap nating maging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay.

Inilarawan ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi ang binyag bilang pasukan tungo sa landas ng ebanghelyo (tingnan sa 2 Nephi 31:17). Pagkatapos ng binyag, tayo ay “mag[pa]patuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20).

Habang tayo ay “[patuloy] sa paglakad” sa landas ng pagkadisipulo, naghahanda tayong pumasok sa templo. Gagawa rin tayo ng mga tipan sa Diyos kapag tinanggap natin ang mga ordenansa sa templo. Sa loob ng templo, tayo ay pagkakalooban ng kapangyarihan at maibubuklod sa ating pamilya sa kawalang-hanggan. Ang pagtupad natin sa mga tipan na ginawa natin sa templo ay magbubukas ng pintuan sa bawat espirituwal na pribilehiyo at pagpapala na inihanda ng Diyos para sa atin.

Kapag patuloy tayong naging matapat sa ating paglalakbay sa landas ng ebanghelyo, matatanggap natin kalaunan ang pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang kaloob na buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:20; Doktrina at mga Tipan 14:7).

Ipinaliliwanag ng sumusunod na mga bahagi ang ilang mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos para tulungan tayong makapagtiis hanggang sa wakas ng ating mortal na paglalakbay—at magkaroon ng kagalakan dito.

Ang Priesthood at mga Organisasyon ng Simbahan

Ang priesthood ay ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood, isinasakatuparan ng Ama sa Langit ang Kanyang gawain na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” ng Kanyang mga anak (Moises 1:39). Binibigyan ng Diyos ang Kanyang mga anak na lalaki at babae dito sa lupa ng awtoridad at kapangyarihan upang makatulong sa pagsasakatuparan ng gawaing ito.

Pinagpapala tayong lahat ng priesthood. Ang mga ordenansang tulad ng binyag at sakramento ay natatanggap sa pamamagitan ng mga mayhawak ng mga katungkulan sa priesthood. Nakatatanggap din tayo ng mga basbas para mapagaling, mapanatag, at mapatnubayan.

Ang Priesthood at Pamumuno at mga Calling sa Simbahan

Ang Simbahan ay pinamumunuan ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga propeta at apostol. Ang mga lider na ito ay tinawag ng Diyos, inordenan, at pinagkalooban ng awtoridad ng priesthood para kumilos sa pangalan ng Tagapagligtas.

Noong unang panahon, ipinagkaloob ni Cristo sa Kanyang mga Apostol ang parehong awtoridad ng priesthood, na nagbigay sa kanila ng kakayahang pamunuan ang Kanyang Simbahan pagkatapos Niyang umakyat sa langit. Ang awtoridad na ito ay nawala kalaunan nang tinanggihan ng mga tao ang ebanghelyo at namatay ang mga Apostol.

Ipinanumbalik ng mga sugo ng langit ang priesthood noong 1829 sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, at muling itinatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan na may mga apostol at propeta. (Tingnan sa lesson 1.)

Sa lokal na antas, ang mga bishop at stake president ang may awtoridad ng priesthood para pamunuan ang mga kongregasyon ng Simbahan.

Kapag ang mga kalalakihan at kababaihan ay sine-set apart para maglingkod sa Simbahan, sila ay binibigyan ng awtoridad mula sa Diyos na kumilos sa calling na iyon. Ang awtoridad na ito ay ibinibigay sa mga misyonero, lider, guro, at iba pa hanggang sa sila ay i-release mula sa kanilang mga calling. Ito ay itinatalaga sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood.

Ang awtoridad ng priesthood ay magagamit lamang sa kabutihan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:34–46). Ang awtoridad na ito ay isang sagradong pagtitiwala na kumatawan sa Tagapagligtas at kumilos sa Kanyang pangalan. Ang layunin nito ay para pagpalain at paglingkuran ang iba.

mga kabataang lalaki sa sunday school

Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood

Sa Simbahan, ang priesthood ay kinabibilangan ng Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood. Sa ilalim ng pamamahala ng mga maytaglay ng mga susi ng priesthood, ang Aaronic at Melchizedek Priesthood ay iginagawad sa karapat-dapat na mga lalaking miyembro ng Simbahan. Matapos igawad ang angkop na priesthood, ang tao ay inoorden sa isang katungkulan sa priesthood na iyon, tulad ng deacon o elder. Siya ay dapat iorden ng isang taong mayroon ng kinakailangang awtoridad.

Kapag tinanggap ng isang lalaki o kabataang lalaki ang priesthood, siya ay nakikipagtipan sa Diyos na tutupad siya ng mga sagradong tungkulin, maglilingkod sa iba, at tutulong na palakasin ang Simbahan.

Ang mga kabataang lalaki ay maaaring tanggapin ang Aaronic Priesthood at maordenan bilang deacon simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 12 taong gulang. Sila ay maaaring maordenan bilang teacher simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 14 na taong gulang at priest simula sa Enero ng taon na sila ay magiging 16 na taong gulang. Ang mga lalaking convert na nasa tamang edad ay maaaring tanggapin ang Aaronic Priesthood pagkatapos ng kanilang binyag at kumpirmasyon. Ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood ang nangangasiwa sa mga ordenansang tulad ng sakramento at binyag.

Pagkatapos maglingkod sa loob ng ilang panahon bilang priest sa Aaronic Priesthood, ang isang karapat-dapat na lalaki na edad 18 pataas ay maaaring tanggapin ang Melchizedek Priesthood at maordenan bilang elder. Ang mga kalalakihang tumanggap ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magsagawa ng mga ordenansa ng priesthood tulad ng pagbibigay ng mga basbas ng pagpapagaling at kapanatagan sa mga kapamilya at ibang tao.

Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 38.2.9.1, para sa impormasyon tungkol sa pagtanggap ng priesthood ng mga bagong miyembro.

Mga Korum at Organisasyon ng Simbahan

Mga Korum ng Priesthood. Ang korum ay isang organisadong grupo ng mga mayhawak ng priesthood. Ang bawat ward ay mayroong isang elders quorum para sa mga adult na lalaki. Ang deacons, teachers, at priests quorum ay para sa mga kabataang lalaki.

Relief Society. Kabilang sa Relief Society ang mga kababaihang edad 18 pataas. Ang mga miyembro ng Relief Society ay tumutulong sa pagpapalakas ng mga pamilya, indibiduwal, at ng komunidad.

Young Women. Ang mga kabataang babae ay lumalahok sa organisasyon ng Young Women simula sa Enero ng taon na magiging 12 taong gulang sila.

babaeng nagtuturo sa klase

Primary. Ang lahat ng bata na edad 3 hanggang 11 ay bahagi ng organisasyon ng Primary.

Sunday School. Lahat ng adult at kabataan ay dumadalo sa Sunday School, kung saan magkakasama nilang pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa priesthood, tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, kabanata 3.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga korum ng priesthood at mga organisasyon ng Simbahan, tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, kabanata 8–13.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Kasal at Pamilya

Kasal

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos. Ito ay sentro sa Kanyang plano para sa walang-hanggang pag-unlad ng Kanyang mga anak.

Dapat ituring ng mga mag-asawa ang kanilang kasal bilang pinakamahalagang ugnayan nila sa mundo. Mayroon silang sagradong responsibilidad na maging tapat sa isa’t isa at sa kanilang tipan sa kasal.

Ang mag-asawa ay pantay sa paningin ng Diyos. Hindi dapat mangibabaw ang isa sa isa pa. Ang kanilang mga desisyon ay dapat gawin nang may pagkakaisa at pagmamahal, na may buong pakikibahagi ng kapwa mag-asawa.

Habang ang mag-asawa ay nagmamahalan at nagtutulungan, ang kanilang kasal ay ang pagmumulan ng kanilang pinakamalaking kaligayahan. Matutulungan nila ang isa’t isa at ang kanilang mga anak na sumulong tungo sa buhay na walang hanggan.

Ang Pamilya

Tulad ng kasal, ang pamilya ay inorden ng Diyos at nasa sentro ng Kanyang plano para sa ating walang-hanggang kaligayahan. Ang ating pamilya ay mas malamang na maging masaya kapag namumuhay tayo ayon sa mga turo ni Jesucristo. Ituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang ebanghelyo ni Jesucristo at sila ay nagpapakita ng halimbawa kung paano ito isabuhay. Ang pamilya ay nagbibigay ng mga oportunidad para mahalin at mapaglingkuran natin ang iba.

Dapat ituring ng mga magulang ang kanilang pamilya bilang kanilang pinakamataas na prayoridad. Isang sagradong pribilehiyo at responsibilidad para sa mga magulang na alagaan ang mga anak na isinilang sa kanila o inampon nila.

Ang lahat ng pamilya ay may mga hamon. Kapag humingi tayo ng suporta sa Diyos at sinunod natin ang Kanyang mga kautusan, ang mga hamon ng ating pamilya ay makatutulong sa atin na matuto at umunlad. Kung minsan, ang mga hamong ito ay tutulungan tayong matutong magsisi at magpatawad.

ama na nagtuturo sa pamilya

Hinihikayat ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro na magdaos ng lingguhang home evening. Ginagamit ng mga magulang ang oras na ito para ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak, pagtibayin ang ugnayan ng kanilang pamilya, at sama-samang magsaya. Ang mga lider ng Simbahan ay naglabas din ng isang pagpapahayag na nagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa pamilya (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org).

Ang iba pang mga paraan para patatagin ang pamilya ay kinabibilangan ng sama-samang pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsamba sa simbahan. Maaari din nating saliksikin ang kasaysayan ng ating pamilya, mangalap ng mga kwento ng pamilya, at maglingkod sa ibang tao.

Maraming tao ang may limitadong oportunidad na makapag-asawa o magkaroon ng mapagmahal na relasyon sa pamilya. Marami ang nakaranas ng diborsiyo at iba pang mabibigat na pagsubok sa pamilya. Gayunman, personal tayong pagpapalain ng ebanghelyo anuman ang sitwasyon ng ating pamilya. Kapag tayo ay naging matapat, maglalaan ang Diyos ng paraan para matanggap natin ang pagpapala ng mapagmahal na pamilya, sa buhay man na ito o sa buhay na darating.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Kasal

Pamilya

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Gawain sa Templo at Family History para sa mga Yumaong Ninuno

Mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak at hinahangad Niya ang kanilang kaligtasan at kadakilaan. Gayunman, bilyun-bilyong tao ang namatay nang hindi narinig ang ebanghelyo ni Jesucristo o nakatanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo. Kabilang sa mga ordenansang ito ang binyag, kumpirmasyon, ordinasyon sa priesthood para sa kalalakihan, endowment sa templo, at ang walang-hanggang kasal.

Sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at awa, naglaan ang Panginoon ng isa pang paraan para matanggap ng mga taong ito ang ebanghelyo at ang mga ordenansa nito. Sa daigdig ng mga espiritu, ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa mga namatay na hindi ito natanggap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138). Sa mga templo ay maaari tayong magsagawa ng mga ordenansa para sa mga yumao nating ninuno at iba pang tao. Sa daigdig ng mga espiritu, maaaring tanggapin o tanggihan ng mga taong yumao na ang ebanghelyo at ang mga ordenansang isinagawa para sa kanila.

pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Bago natin maisagawa ang mga ordenansang ito, kailangan nating matukoy ang ating mga ninuno na hindi pa nakatanggap ng mga ordenansa. Ang pagtukoy sa ating mga kapamilya para matanggap nila ang mga ordenansa ay sentro sa layunin ng gawain natin sa family history. Kapag nakahanap tayo ng impormasyon tungkol sa kanila, idinaragdag natin ito sa database ng Simbahan sa FamilySearch.org. Pagkatapos ay maaari nating isagawa (o ng ibang tao) ang mga proxy na ordenansa para sa kanila sa loob ng templo.

Kapag natukoy natin ang ating mga ninuno at nagsagawa ng mga ordenansa para sa kanila, ang ating pamilya ay maaaring magkaisa sa walang hanggan.

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito

Mga Templo, ang Endowment, Walang-Hanggang Kasal, at Walang-Hanggang Pamilya

Mga Templo

Ang templo ang bahay ng Panginoon. Ito ay isang sagradong lugar kung saan tayo gumagawa ng mga tipan sa Diyos habang tinatanggap natin ang Kanyang mga banal na ordenansa. Kapag tinupad natin ang mga tipang ito, makikita natin ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22; 109:22–23).

Ang Endowment

Ang isa sa mga ordenansang tinatanggap natin sa templo ay tinatawag na endowment. Ang salitang endowment ay nangangahulugang “isang kaloob.” Ang kaloob na kaalaman at kapangyarihan na ito ay nagmumula sa Diyos. Sa endowment, tayo ay gumagawa ng mga tipan sa Diyos na nagbibigkis sa atin sa Kanya at sa Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa kabanata 1).

Ang mga adult ay maaaring tanggapin ang kanilang sariling endowment sa templo kapag isang taon na silang miyembro ng Simbahan o higit pa. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa endowment, tingnan ang Pangkalahatang Hanbuk, 27.2.

Walang-Hanggang Kasal at Walang-Hanggang Pamilya

Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay nagbigay ng paraan para ang relasyon ng pamilya ay makapagpatuloy hanggang sa kabilang buhay. Sa templo ay maaari tayong ikasal para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Ginagawa nitong posible na magkasama-sama ang mga pamilya magpakailanman.

Pagkatapos matanggap ng mag-asawa ang kanilang endowment sa templo, sila ay maaaring ibuklod o ikasal para sa kawalang-hanggan. Ang kanilang mga anak ay maaari ding ibuklod sa kanila.

Ang mag-asawang naibuklod sa templo ay dapat tuparin ang mga tipan na ginawa nila para matanggap ang mga pagpapala ng walang hanggang kasal.

mag-asawang naglalakad sa labas

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alamin Pa ang tungkol sa Alituntuning Ito